Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Bagay na Dapat Nating Takasan

Mga Bagay na Dapat Nating Takasan

Mga Bagay na Dapat Nating Takasan

“Kayong supling ng mga ulupong, sino ang nagbigay-alam sa inyo upang tumakas mula sa dumarating na poot?”​—MAT. 3:7.

1. Ano ang ilang halimbawa sa Bibliya hinggil sa pagtakas?

 ANO ang naiisip mo kapag narinig mo ang salitang “tumakas”? Baka natatandaan ng ilan ang magandang lalaking si Jose na tumakas sa pang-aakit ng asawa ni Potipar. (Gen. 39:7-12) Baka iniisip naman ng iba ang mga Kristiyanong tumakas mula sa Jerusalem noong 66 C.E. bilang pagsunod sa babala ni Jesus: “Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napaliligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon . . . yaong mga nasa Judea ay magsimula nang tumakas patungo sa mga bundok, at yaong mga nasa loob niya ay umalis.”​—Luc. 21:20, 21.

2, 3. (a) Ano ang tunay na kahulugan ng sinabi ni Juan Bautista sa pagbatikos niya sa mga lider ng relihiyon? (b) Paano idiniin ni Jesus ang babalang ibinigay ni Juan?

2 Ang mga halimbawang binanggit sa itaas ay nagsasangkot sa pagtakas sa literal na paraan. Sa ngayon, para sa mga tunay na Kristiyano sa buong daigdig, may apurahang pangangailangan na tumakas sa makasagisag na paraan. Sa diwang ito ginamit ni Juan Bautista ang salitang “tumakas.” Lumapit noon kay Juan ang mapagmatuwid-sa-sariling mga Judiong lider ng relihiyon na naniniwalang hindi nila kailangang magsisi. Minamata nila ang mga karaniwang tao na nagpapabautismo bilang sagisag ng kanilang pagsisisi. Walang-takot na ibinunyag ni Juan ang mga mapagpaimbabaw na mga lider na iyon: “Kayong supling ng mga ulupong, sino ang nagbigay-alam sa inyo upang tumakas mula sa dumarating na poot? Kaya nga magluwal kayo ng bunga na angkop sa pagsisisi.”​—Mat. 3:7, 8.

3 Hindi literal na pagtakas ang tinutukoy rito ni Juan. Nagbabala siya hinggil sa dumarating na paghatol, isang araw ng poot; at sinabi niya sa mga lider na iyon ng relihiyon na para makaligtas sila sa araw na iyon, kailangan nilang magluwal ng bunga na magpapatunay ng kanilang pagsisisi. Nang maglaon, walang-takot na hinatulan ni Jesus ang mga lider ng relihiyon. Yamang may hangarin silang pumatay, ang tunay nilang ama ay ang Diyablo. (Juan 8:44) Bilang pagdiriin sa naunang babala ni Juan Bautista, tinawag din ni Jesus ang mga lider ng relihiyon na “supling ng mga ulupong” at tinanong niya sila: “Paano kayo makatatakas mula sa kahatulan ng Gehenna?” (Mat. 23:33) Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang banggitin niya ang salitang “Gehenna”?

4. Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang banggitin niya ang salitang “Gehenna”?

4 Ang Gehenna ay isang libis sa labas ng pader ng Jerusalem kung saan sinusunog ang mga basura at mga patay na hayop. Ginamit ni Jesus ang Gehenna bilang simbolo ng walang-hanggang kamatayan. (Tingnan ang pahina 27.) Ang kaniyang tanong hinggil sa pagtakas sa Gehenna ay nagpapakita na ang mga lider na iyon ng relihiyon bilang isang grupo ay nararapat sa walang-hanggang pagkapuksa.​—Mat. 5:22, 29.

5. Paano nagkatotoo ang babala nina Juan at Jesus?

5 Nadagdagan pa ang kasalanan ng mga lider na Judio nang usigin nila si Jesus at ang kaniyang mga tagasunod. Nang maglaon, gaya ng ibinabala nina Juan at Jesus, dumating nga ang araw ng poot ng Diyos. Sa pagkakataong iyon, ang “dumarating na poot” ay nakaapekto lamang sa isang partikular na lugar, ang Jerusalem at Judea, kaya naging posible na tumakas sa literal na paraan. Dumating ang poot na ito nang wasakin ng mga hukbong Romano noong 70 C.E. ang Jerusalem at ang templo nito. Ang “kapighatian” na iyon ay nakahihigit sa lahat ng kapighatiang naranasan ng Jerusalem. Marami ang pinaslang at ang iba naman ay kinuhang bihag. Subalit isang mas matinding pagkapuksa ang naghihintay sa maraming nag-aangking Kristiyano at sa mga kabilang sa iba pang relihiyon.​—Mat. 24:21.

Isang Dumarating na Poot na Dapat Takasan

6. Ano ang nagsimulang lumitaw sa sinaunang kongregasyong Kristiyano?

6 Ang ilan sa mga unang Kristiyano ay naging apostata at nagkaroon ng mga tagasunod. (Gawa 20:29, 30) Noong nabubuhay pa ang mga apostol ni Jesus, sila ay nagsilbing “pamigil” laban sa gayong apostasya, pero nang mamatay na sila, maraming huwad na Kristiyanong sekta ang lumitaw. Sa ngayon, napakaraming nag-aalitang mga relihiyon na kabilang sa Sangkakristiyanuhan. Inihula ng Bibliya ang hinggil sa pagbangon ng klero ng Sangkakristiyanuhan, at bilang isang grupo, tinukoy sila na “taong tampalasan” at “anak ng pagkapuksa . . . na siyang lilipulin ng Panginoong Jesus . . . at papawiin sa pamamagitan ng pagkakahayag ng kaniyang pagkanaririto.”​—2 Tes. 2:3, 6-8.

7. Bakit ang katagang “taong tampalasan” ay naaangkop sa klero ng Sangkakristiyanuhan?

7 Ang mga klero ng Sangkakristiyanuhan ay tampalasan sa diwa na nilinlang nila ang milyun-milyong tao sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mga turo, kapistahan, at paggawing salungat sa sinasabi ng Bibliya. Gaya ng mga lider ng relihiyon na hinatulan ni Jesus, ang makabagong uring klero na bahagi ng “anak ng pagkapuksa” ay lilipulin at wala silang pag-asa ng pagkabuhay-muli. (2 Tes. 1:6-9) Subalit ano naman ang magiging kahihinatnan ng mga nalinlang ng klero ng Sangkakristiyanuhan at ng mga lider ng iba pang huwad na relihiyon? Para masagot ang tanong na ito, isaalang-alang natin ang sumunod na mga pangyayari matapos ang unang pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E.

“Tumakas Kayo Mula sa Gitna ng Babilonya”

8, 9. (a) Anong makahulang mensahe ang ibinigay ni Jeremias sa mga Judiong naging bihag sa Babilonya? (b) Pagkatapos lupigin ng mga Medo at Persiano ang Babilonya, anong pagtakas ang naging posible?

8 Inihula ni propeta Jeremias ang pagkawasak ng Jerusalem na naganap noong 607 B.C.E. Sinabi niya na ang bayan ng Diyos ay dadalhing bihag pero muli silang babalik sa kanilang sariling lupain pagkatapos ng “pitumpung taon.” (Jer. 29:4, 10) May mahalagang mensahe si Jeremias para sa mga Judiong naging bihag sa Babilonya; dapat silang manatiling walang dungis mula sa huwad na relihiyong isinasagawa sa Babilonya. Sa gayon, magiging handa sila na bumalik sa Jerusalem at isauli ang dalisay na pagsamba kapag dumating na ang takdang panahon. Naganap ito di-nagtagal pagkatapos lupigin ng mga Medo at Persiano ang Babilonya noong 539 B.C.E. Naglabas ng isang utos ang hari ng Persia na si Ciro II sa mga Judio na bumalik sila sa Jerusalem at muling itayo roon ang templo ni Jehova.​—Ezra 1:1-4.

9 Sinamantala ng libu-libong Judio ang pagkakataong ito at bumalik sila sa Jerusalem. (Ezra 2:64-67) Sa paggawa nito, tinupad nila ang makahulang utos ni Jeremias na tumakas, sa diwa na literal silang lumikas patungo sa ibang lugar. (Basahin ang Jeremias 51:6, 45, 50.) Hindi lahat ng Judio ay nasa kalagayan na maglakbay nang malayo pabalik sa Jerusalem at Juda. Ang mga nanatili sa Babilonya, gaya ng may-edad nang propeta na si Daniel, ay pagpapalain ng Diyos, hangga’t taos-puso nilang sinusuportahan ang dalisay na pagsambang nakasentro sa Jerusalem at nananatili silang hiwalay sa huwad na pagsamba ng Babilonya.

10. Ang “Babilonyang Dakila” ay may pananagutan sa anong “mga kasuklam-suklam na bagay”?

10 Sa ngayon, bilyun-bilyong tao ang nakikibahagi sa iba’t ibang uri ng huwad na relihiyon na nagmula sa sinaunang Babilonya. (Gen. 11:6-9) Bilang isang grupo, ang mga relihiyong iyon ay tinatawag na “Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng mga kasuklam-suklam na bagay sa lupa.” (Apoc. 17:5) Matagal nang sinusuportahan ng huwad na relihiyon ang pulitikal na mga tagapamahala ng sanlibutang ito. Ang Babilonyang Dakila ay may pananagutan sa maraming “mga kasuklam-suklam na bagay.” Kabilang dito ang maraming digmaan, na siyang dahilan kung bakit daan-daang milyon ang “pinatay sa lupa.” (Apoc. 18:24) Kasama rin sa “mga kasuklam-suklam na bagay” na ito ang pedopilya at iba pang seksuwal na imoralidad na ginawa ng mga klerigo at kinukunsinti ng mga pinuno ng simbahan. Hindi nga kataka-takang malapit nang lipulin ng Diyos na Jehova ang huwad na relihiyon sa lupa!​—Apoc. 18:8.

11. Hangga’t hindi pa nawawasak ang Babilonyang Dakila, ano ang obligasyon ng mga tunay na Kristiyano?

11 Alam ito ng mga tunay na Kristiyano at may obligasyon sila na babalaan ang mga miyembro ng Babilonyang Dakila. Ang isang paraan upang magawa nila ito ay sa pamamagitan ng kanilang pamamahagi ng mga Bibliya at salig-Bibliyang mga literaturang inilathala ng “tapat at maingat na alipin,” na inatasan ni Jesus na maglaan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.” (Mat. 24:45) Kapag nagpakita ng interes ang mga indibiduwal sa mensahe ng Bibliya, tinutulungan sila ng mga tunay na Kristiyano sa pamamagitan ng pagdaraos sa kanila ng pag-aaral sa Bibliya. Umaasa ang mga Kristiyano na makikita ng mga interesadong ito ang pangangailangan na ‘tumakas mula sa gitna ng Babilonya’ bago maging huli ang lahat.​—Apoc. 18:4.

Tumakas Mula sa Idolatriya

12. Ano ang pananaw ng Diyos sa pagsamba sa mga imahen at idolo?

12 Ang isa pang kasuklam-suklam na bagay na karaniwang ginagawa ng mga kabilang sa Babilonyang Dakila ay ang pagsamba sa mga imahen at idolo. Tinatawag ng Diyos ang mga ito bilang “mga kasuklam-suklam na bagay” at “mga karumal-dumal na idolo.” (Deut. 29:17) Dapat umiwas sa idolatriya ang lahat ng nagnanais na paluguran ang Diyos kasuwato ng sinabi niya: “Ako ay si Jehova. Iyan ang pangalan ko; at sa kaninuman ay hindi ko ibibigay ang aking kaluwalhatian, ni ang aking kapurihan man sa mga nililok na imahen.”​—Isa. 42:8.

13. Anong iba pang mga uri ng idolatriya ang dapat nating takasan?

13 Inilalantad din ng Salita ng Diyos ang iba pang mga uri ng idolatriya na hindi inaakala ng iba na idolatriya. Halimbawa, itinuturing ng Bibliya ang kaimbutan bilang “idolatriya.” (Col. 3:5) Ang pag-iimbot ay ang paghahangad sa isang bagay na ipinagbabawal, gaya ng pag-aari ng ibang tao. (Ex. 20:17) Inimbot ng anghel na naging Satanas na Diyablo ang posisyon ng Kataas-taasan at naghangad na siya ang sambahin. (Luc. 4:5-7) Ito ang nagpakilos sa kaniya na maghimagsik laban kay Jehova at tuksuhin si Eva na mag-imbot ng isang bagay na ipinagbabawal ng Diyos. Sa diwa ay nakagawa rin ng idolatriya si Adan. Palibhasa’y iniisip ang sarili niyang kapakanan, naging mas mahalaga sa kaniya ang makasama ang kaniyang asawa kaysa sa kaniyang pagsunod sa kaniyang maibiging Ama sa langit. Sa kabaligtaran, lahat ng nagnanais na makatakas sa araw ng poot ng Diyos ay dapat mag-ukol sa kaniya ng bukod-tanging debosyon at labanan ang anumang uri ng gayong kaimbutan.

‘Tumakas Mula sa Pakikiapid’

14-16. (a) Bakit magandang halimbawa si Jose sa pagtataguyod ng malinis na moral? (b) Ano ang dapat nating gawin kapag nakadarama tayo ng maruming seksuwal na pagnanasa? (c) Paano tayo magtatagumpay sa pagtakas mula sa pakikiapid?

14 Basahin ang 1 Corinto 6:18. Nang tuksuhin ng asawa ni Potipar si Jose, literal siyang tumakas mula rito. Napakainam na halimbawa nga para sa mga Kristiyano, may asawa man o wala! Maliwanag na nasanay ang budhi ni Jose sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay niya sa nakalipas na mga pangyayaring nagpapahiwatig ng pananaw ng Diyos hinggil sa imoralidad. Kung nais nating sundin ang utos na ‘tumakas mula sa pakikiapid,’ iiwasan natin ang mga bagay na maaaring pumukaw ng seksuwal na pagnanasa sa hindi natin asawa. Sinasabihan tayo: “Patayin ninyo . . . ang mga sangkap ng inyong katawan . . . may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso, nakasasakit na pagnanasa, at kaimbutan, na siyang idolatriya. Dahil sa mga bagay na iyon ay dumarating ang poot ng Diyos.”​—Col. 3:5, 6.

15 Pansinin na “dumarating ang poot ng Diyos.” Maraming tao sa sanlibutan ang may di-wastong seksuwal na pagnanasa at nagpapadala sila sa mga ito. Kaya tayong mga Kristiyano ay dapat manalangin ukol sa tulong at banal na espiritu ng Diyos upang hindi tayo madaig ng maruruming seksuwal na pagnanasa. Bukod diyan, ang pag-aaral ng Bibliya, pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, at pangangaral ng mabuting balita sa ating kapuwa ay tutulong sa atin na “patuloy na lumakad ayon sa espiritu.” Sa gayon, “hindi [tayo] kailanman magsasagawa ng makalamang pagnanasa.”​—Gal. 5:16.

16 Tiyak na kung manonood tayo ng pornograpya, hindi tayo ‘makalalakad ayon sa espiritu.’ Gayundin, ang bawat Kristiyano ay dapat mag-ingat laban sa pagbabasa, panonood, o pakikinig sa materyal na nakapupukaw ng seksuwal na pagnanasa. Alinsunod dito, hindi wasto para sa “banal” na bayan ng Diyos na masiyahan sa pagbibiro ng gayong mga bagay ni matuwa man na pag-usapan ito. (Efe. 5:3, 4) Sa ganitong paraan, ipinakikita natin sa ating maibiging Ama na talagang nais nating makaligtas mula sa kaniyang dumarating na poot at mabuhay sa matuwid na bagong sanlibutan.

Tumakas Mula sa “Pag-ibig sa Salapi”

17, 18. Bakit tayo dapat tumakas mula sa “pag-ibig sa salapi”?

17 Sa kaniyang unang liham kay Timoteo, itinampok ni Pablo ang mga simulaing dapat itaguyod ng mga aliping Kristiyano, kasama na rito ang ilan na umaasang magkakaroon sila ng materyal na pakinabang dahil Kristiyano ang mga amo nila. Sinasamantala naman ng iba ang kanilang kaugnayan sa mga kapatid sa kongregasyon para sa sarili nilang pakinabang. Nagbabala si Pablo laban sa ‘pag-iisip na ang makadiyos na debosyon ay isang paraan ng pakinabang’ sa materyal na paraan. Baka ang ugat ng lahat ng ito ay “pag-ibig sa salapi,” na may masamang epekto sa kahit kanino, mayaman man o mahirap.​—1 Tim. 6:1, 2, 5, 9, 10.

18 May maiisip ka bang mga halimbawa sa Bibliya na nasira ang kaugnayan sa Diyos dahil sa “pag-ibig sa salapi” o sa pag-ibig sa di-kinakailangang mga bagay na mabibili ng pera? (Jos. 7:11, 21; 2 Hari 5:20, 25-27) Hinimok ni Pablo si Timoteo: “Ikaw, O tao ng Diyos, tumakas ka mula sa mga bagay na ito. Ngunit itaguyod mo ang katuwiran, makadiyos na debosyon, pananampalataya, pag-ibig, pagbabata, kahinahunan ng kalooban.” (1 Tim. 6:11) Napakahalagang sundin ng lahat ng nagnanais makaligtas sa dumarating na araw ng poot ang payong iyan.

‘Tumakas Mula sa mga Pagnanasa na Kaakibat ng Kabataan’

19. Ano ang kailangan ng lahat ng kabataan?

19 Basahin ang Kawikaan 22:15. Maaaring madaling mapariwara ang isang kabataan dahil sa kamangmangan sa kaniyang puso. Ang salig-Bibliyang disiplina ang makatutulong sa kaniya na mapaglabanan ito. Maraming kabataang Kristiyano na may mga magulang na hindi nila kapananampalataya ang naghahanap at nagkakapit ng mga simulaing isinasaad sa Bibliya. Ang iba naman ay nakikinabang sa matalinong payo ng mga may-gulang sa espirituwal sa kongregasyon. Saanman manggaling ang payong salig sa Bibliya, ang pagsunod dito ay magdudulot ng kaligayahan ngayon at sa hinaharap.​—Heb. 12:8-11.

20. Paano matutulungan ang mga kabataan na tumakas mula sa maling mga pagnanasa?

20 Basahin ang 2 Timoteo 2:20-22. Maraming kabataang walang wastong disiplina ang nabibitag sa mga gawain at saloobing maituturing na kamangmangan, gaya ng espiritu ng pakikipagkompetensiya, kaimbutan, pakikiapid, pag-ibig sa salapi, at paghahangad ng kaluguran. Makikita sa mga ito ang “mga pagnanasa na kaakibat ng kabataan,” kung saan hinihimok tayo ng Bibliya na tumakas. Kasama sa pagtakas ang pag-iingat ng isang Kristiyano laban sa masasamang impluwensiya, saanman ito manggaling. Lalo nang makatutulong ang payo ng Diyos na itaguyod ang makadiyos na mga katangian “kasama niyaong mga tumatawag sa Panginoon mula sa isang malinis na puso.”

21. Anong napakagandang pangako ang ibinigay ni Jesu-Kristo sa kaniyang tulad-tupang mga tagasunod?

21 Bata man tayo o matanda, ang hindi pakikinig sa mga taong gustong manlinlang sa atin ay nagpapakitang gusto nating mapabilang sa tulad-tupang mga tagasunod ni Jesus na ‘tumatakas sa tinig ng ibang mga tao.’ (Juan 10:5) Pero hindi lamang ang pagtakas sa nakapipinsalang mga bagay ang kailangan upang makaligtas tayo sa araw ng poot ng Diyos. Dapat din nating itaguyod ang positibong mga katangian. Tatalakayin ng susunod na artikulo ang pito sa mga ito. May mabuti tayong dahilan na suriin ito, yamang napakaganda ng ipinangako ni Jesus: “Binibigyan ko [ang aking mga tupa] ng buhay na walang hanggan, at hindi nga sila mapupuksa kailanman, at walang sinumang aagaw sa kanila mula sa aking kamay.”​—Juan 10:28.

Paano Mo Sasagutin?

• Anong babala ang ibinigay ni Jesus sa mga relihiyosong lider?

• Anong mapanganib na situwasyon ang napapaharap sa milyun-milyong tao sa ngayon?

• Ano ang iba pang mga uri ng idolatriya na dapat nating takasan?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 8, 9]

Ano ang naiisip mo kapag narinig mo ang salitang “tumakas”?