Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Katangiang Dapat Nating Itaguyod

Mga Katangiang Dapat Nating Itaguyod

Mga Katangiang Dapat Nating Itaguyod

“Itaguyod mo ang katuwiran, makadiyos na debosyon, pananampalataya, pag-ibig, pagbabata, [at] kahinahunan ng kalooban.”​—1 TIM. 6:11.

1. Anu-anong bagay ang itinataguyod ng mga tao?

 ANU-ANONG bagay ang itinataguyod ng mga tao sa sanlibutan sa ngayon? Gaya ng ipinakikita ng Bibliya, sinisikap ng marami na abutin ang walang-saysay na mga tunguhin. Ang ilan ay nagtataguyod ng “mga bagay na walang kabuluhan,” anupat naniniwalang nagdudulot ng kaligayahan ang materyal na mga bagay. (Kaw. 28:19) Ang iba naman ay “nagtataguyod ng mahalay na paggawi” at ginagawang pangunahin sa kanilang buhay ang kaluguran at paglilibang. (Awit 119:150) Ang totoo, bagaman lubhang nagsusumikap ang mga tao para itaguyod ang mga bagay na ito, ‘naghahabol sila sa hangin.’​—Ecles. 1:14.

2. (a) Anong gantimpala ang hinihimok ng Diyos na abutin ng ilang Kristiyano? (b) Anong pag-asa ang iniaalok ni Jehova sa karamihan ng mga Kristiyano sa ngayon?

2 Sa kabaligtaran, isaalang-alang ang positibong saloobin ni apostol Pablo: “Ako ay nagsusumikap patungo sa tunguhin ukol sa gantimpala ng paitaas na pagtawag ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Fil. 3:14) Ipinakikita ng Bibliya na 144,000 pinahirang Kristiyano, kasama na rito si Pablo, ang tatanggap ng gantimpala ng buhay sa langit. Mamamahala silang kasama ni Jesu-Kristo sa kaniyang Milenyong Paghahari sa buong lupa. Hinihimok ng Diyos ang mga Kristiyanong iyon na abutin ang napakainam na tunguhing ito. Pero para sa karamihan ng mga tunay na Kristiyano sa ngayon, may naiiba silang pag-asa, o tunguhin. Maibiging iniaalok sa kanila ni Jehova ang pag-asang naiwala nina Adan at Eva, ang mabuhay nang walang hanggan sa paraisong lupa taglay ang sakdal na kalusugan.​—Apoc. 7:4, 9; 21:1-4.

3. Paano natin maipapakita ang ating pagpapahalaga sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos?

3 Palibhasa’y di-sakdal ang mga tao, kahit na anong pagsisikap nilang gawin ang tama, hindi nila makakamit ang buhay na walang hanggan. (Isa. 64:6) Makakamit lamang nila ito kung mananampalataya sila sa maibiging paglalaan ng Diyos ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Paano natin maipapakita ang ating pagpapahalaga sa di-sana-nararapat na kabaitang ito ng Diyos? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pagsunod sa utos na ito: “Itaguyod mo ang katuwiran, makadiyos na debosyon, pananampalataya, pag-ibig, pagbabata, [at] kahinahunan ng kalooban.” (1 Tim. 6:11) Ang pagsasaalang-alang sa mga katangiang ito ay makatutulong sa bawat isa sa atin na maging higit na determinadong itaguyod ang mga ito nang “lubus-lubusan.”​—1 Tes. 4:1.

‘Itaguyod ang Katuwiran’

4. Bakit tayo makatitiyak na mahalagang itaguyod ang “katuwiran,” at anu-anong bagay ang kailangan munang gawin ng isang tao upang maitaguyod ito?

4 Sa dalawang liham ni apostol Pablo kay Timoteo, itinala ng apostol ang mga katangiang dapat itaguyod, at sa mga liham na ito, pareho niyang unang binanggit ang “katuwiran.” (1 Tim. 6:11; 2 Tim. 2:22) Bukod diyan, paulit-ulit na pinasisigla tayo ng iba pang mga teksto sa Bibliya na itaguyod ang katuwiran. (Kaw. 15:9; 21:21; Isa. 51:1) Upang magawa ito, kailangan muna nating ‘kumuha ng kaalaman tungkol sa tanging tunay na Diyos, at sa isa na isinugo niya, si Jesu-Kristo.’ (Juan 17:3) Kapag itinaguyod ng isa ang katuwiran, mapapakilos siya na magsisi sa kaniyang nagawang mga kasalanan at “manumbalik” upang gawin ang kalooban ng Diyos.​—Gawa 3:19.

5. Ano ang dapat nating gawin para makamit at mapanatili natin ang isang matuwid na katayuan sa harap ng Diyos?

5 Milyun-milyon sa ngayon ang talagang nagtataguyod ng katuwiran. Inialay nila ang kanilang buhay kay Jehova, at sinagisagan nila ito sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig. Kung isa ka nang bautisadong Kristiyano, napag-isip-isip mo na ba na dapat patuloy na makita sa iyong paraan ng pamumuhay na itinataguyod mo ang katuwiran? Malamang na gayon nga ang ginagawa mo. Buweno, ang isang aspekto ng pagtataguyod ng katuwiran ay ang pag-alam mula sa Bibliya kung ano ang ‘tama at mali’ kapag gumagawa ng mahahalagang pasiya sa buhay. (Basahin ang Hebreo 5:14.) Halimbawa, kung isa kang binata o dalagang Kristiyano at nasa edad na para mag-asawa, lubusan ka bang determinado na hindi magkagusto sa isang di-bautisadong Kristiyano? Kung oo ang iyong sagot, itinataguyod mo ang katuwiran.​—1 Cor. 7:39.

6. Ano ang nasasangkot kung talagang itinataguyod ng isang tao ang katuwiran?

6 Ang pagiging matuwid ay naiiba sa pagmamatuwid sa sarili o ‘lubhang pagpapakamatuwid.’ (Ecles. 7:16) Nagbabala si Jesus laban sa gayong pagmamatuwid na may layuning magmukhang mas matuwid ang sarili kaysa sa iba. (Mat. 6:1) Kung talagang itinataguyod ng isa ang katuwiran, dapat na isangkot niya ang kaniyang puso​—ang pagtutuwid sa maling kaisipan, saloobin, motibo, at hangarin. Kung patuloy tayong magsisikap na gawin ito, malamang na hindi tayo makagagawa ng malulubhang kasalanan. (Basahin ang Kawikaan 4:23; ihambing ang Santiago 1:14, 15.) Bukod diyan, pagpapalain tayo ni Jehova at tutulungan niya tayong itaguyod ang iba pang mahahalagang Kristiyanong katangian.

‘Itaguyod ang Makadiyos na Debosyon’

7. Ano ang “makadiyos na debosyon”?

7 Kasama sa pagpapakita ng debosyon ang pagiging buong-pusong nakaalay at pagiging matapat sa isang indibiduwal o layunin. Ayon sa isang diksyunaryo sa Bibliya, ang Griegong salitang isinalin na “makadiyos na debosyon” ay nagpapahiwatig ng isang “mainam na saloobing hindi nagpapahintulot sa anumang bagay na maging dahilan upang mabawasan ang pagkatakot sa Diyos.” Maraming pagkakataon na hindi naipakita ng mga Israelita ang gayong debosyon, gaya ng makikita sa kanilang paulit-ulit na pagsuway sa Diyos, kahit noong pagkatapos niya silang palayain mula sa Ehipto.

8. (a) Anong tanong ang bumangon nang magkasala si Adan? (b) Paano isiniwalat ang sagot sa “sagradong lihim” na ito?

8 Sa loob ng libu-libong taon matapos magkasala ang sakdal na taong si Adan, hindi pa rin nasasagot ang tanong, “May tao bang makapagpapakita ng sakdal na makadiyos na debosyon?” Sa maraming siglong nagdaan, walang makasalanang tao ang nakapagpakita ng sakdal na makadiyos na debosyon. Pero sa takdang panahon ni Jehova, isiniwalat niya ang sagot sa “sagradong lihim” na ito. Inilipat niya ang buhay ng kaniyang bugtong na Anak sa langit tungo sa sinapupunan ni Maria upang maisilang bilang isang sakdal na tao. Sa buong buhay niya sa lupa hanggang sa kaniyang kahiya-hiyang kamatayan, ipinakita ni Jesus ang pagiging buong-pusong nakaalay at pagiging ganap na matapat sa tunay na Diyos. Ipinakita ng kaniyang mga panalangin ang kaniyang pagpipitagan sa kaniyang maibiging Ama sa langit. (Mat. 11:25; Juan 12:27, 28) Kaya kinasihan ni Jehova si Pablo na banggitin ang “makadiyos na debosyon” sa paglalarawan sa buhay ni Jesus, na nagsisilbing huwaran para sa atin.​—Basahin ang 1 Timoteo 3:16.

9. Paano natin maitataguyod ang makadiyos na debosyon?

9 Dahil makasalanan tayo, hindi natin maipapakita ang sakdal na makadiyos na debosyon. Pero maaari nating itaguyod ang makadiyos na debosyon. Posible ito kung maingat nating susundan ang halimbawa ni Kristo sa abot ng ating makakaya. (1 Ped. 2:21) Sa gayon, hindi tayo magiging gaya ng mga mapagpaimbabaw na “may anyo ng makadiyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito.” (2 Tim. 3:5) Hindi ito nangangahulugan na walang kaugnayan ang tunay na makadiyos na debosyon sa ating panlabas na hitsura. Tiyak na may kaugnayan ito. Halimbawa, kapag pumipili tayo ng damit pangkasal o ng damit na isusuot kapag mamimili, ang ating hitsura ay dapat kaayon ng ating pag-aangkin na ‘nagpipitagan tayo sa Diyos.’ (1 Tim. 2:9, 10) Oo, para maitaguyod natin ang makadiyos na debosyon, dapat nating isaalang-alang sa ating pang-araw-araw na pamumuhay ang matuwid na mga pamantayan ng Diyos.

‘Itaguyod ang Pananampalataya’

10. Ano ang dapat nating gawin para mapanatiling matibay ang ating pananampalataya?

10 Basahin ang Roma 10:17. Upang magkaroon ng matibay na pananampalataya at mapanatili ito, dapat patuloy na bulay-bulayin ng isang Kristiyano ang mahahalagang katotohanan na masusumpungan sa Salita ng Diyos. Ang “tapat at maingat na alipin” ay naglalaan ng maraming maiinam na publikasyon. Ang mga aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman, Matuto Mula sa Dakilang Guro, at “Halika Maging Tagasunod Kita” ay partikular na dinisenyo upang tulungan tayo na higit na makilala si Kristo at sa gayo’y matularan siya. (Mat. 24:45-47) Ang uring alipin ay nagsasaayos din ng mga pagpupulong, asamblea, at kombensiyon, kung saan itinatampok ng marami sa mga ito ang “salita tungkol kay Kristo.” May naiisip ka bang mga paraan upang higit kang makinabang sa mga ito habang ‘nagbibigay ka ng higit kaysa sa karaniwang pansin’ sa mga paglalaan ng Diyos?​—Heb. 2:1.

11. Sa pagtataguyod natin ng pananampalataya, anong papel ang ginagampanan ng panalangin at pagsunod?

11 Ang panalangin ay isa pang tulong para magkaroon ng matibay na pananampalataya. Minsan ay nakiusap kay Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Bigyan mo kami ng higit pang pananampalataya.” Maaari din tayong mapagpakumbabang lumapit sa Diyos at hilingin ito. (Luc. 17:5) Upang magkaroon ng higit na pananampalataya, dapat nating ipanalangin na tulungan tayo ng banal na espiritu ng Diyos; ang pananampalataya ay isa sa mga “bunga ng espiritu.” (Gal. 5:22) Karagdagan pa, ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay nagpapatibay rin ng ating pananampalataya. Halimbawa, maaari tayong gumawa nang higit pa sa ating gawaing pangangaral. Malamang na magdudulot ito sa atin ng malaking kagalakan. At habang binubulay-bulay natin ang mga pagpapalang nagmumula sa ‘paghanap muna sa kaharian at sa katuwiran ng Diyos,’ ang ating pananampalataya ay titibay.​—Mat. 6:33.

‘Itaguyod ang Pag-ibig’

12, 13. (a) Ano ang bagong utos ni Jesus? (b) Sa anong mahahalagang paraan dapat nating itaguyod ang tulad-Kristong pag-ibig?

12 Basahin ang 1 Timoteo 5:1, 2. Nagbigay si Pablo ng praktikal na payo kung paano maipapakita ng mga Kristiyano ang pag-ibig sa isa’t isa. Dapat na kasama sa ating makadiyos na debosyon ang pagsunod sa bagong utos ni Jesus na ‘ibigin ang isa’t isa’ kung paanong inibig niya tayo. (Juan 13:34) Sinabi ni apostol Juan: “Ang sinuman na may panustos-buhay ng sanlibutang ito at nakikitang nangangailangan ang kaniyang kapatid at gayunma’y pinagsasarhan siya ng pinto ng kaniyang magiliw na pagkamahabagin, sa anong paraan nananatili sa kaniya ang pag-ibig sa Diyos?” (1 Juan 3:17) May naiisip ka bang mga pagkakataon kung kailan nagpakita ka ng pag-ibig sa praktikal na paraan?

13 Ang isa pang paraan upang maitaguyod natin ang pag-ibig ay ang pagiging mapagpatawad at hindi pagtatanim ng sama ng loob sa ating mga kapatid. (Basahin ang 1 Juan 4:20.) Nais nating sundin ang kinasihang payong ito: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.” (Col. 3:13) Mayroon ka bang nakasamaan ng loob sa kongregasyon? Maikakapit mo kaya ang payong ito? Mapapatawad mo ba siya?

‘Itaguyod ang Pagbabata’

14. Ano ang matututuhan natin mula sa kongregasyon sa Filadelfia?

14 Karaniwan nang nagsisikap tayo nang husto para sa mga tunguhing madaling maabot pero iba nang usapan kapag ang tunguhin ay mahirap abutin o mas matagal pang makamit kaysa sa ating inaasahan. Maliwanag na para maabot natin ang tunguhin na buhay na walang hanggan, kailangan natin ng pagbabata. “Sapagkat iningatan mo ang aking sinabi tungkol sa pagbabata, iingatan din kita mula sa oras ng pagsubok,” ang sabi ng Panginoong Jesus sa kongregasyon sa Filadelfia. (Apoc. 3:10; tlb. sa Rbi8) Oo, itinuro ni Jesus na kailangan natin ng pagbabata​—isang katangian na tutulong sa atin na hindi sumuko kapag napaharap sa mga pagsubok at tukso. Ang mga kapatid sa unang-siglong kongregasyon sa Filadelfia ay nagpakita ng magandang halimbawa ng pagbabata sa maraming pagsubok sa kanilang pananampalataya. Kaya tiniyak sa kanila ni Jesus na higit niya silang tutulungan sa dumarating na mas matinding pagsubok.​—Luc. 16:10.

15. Ano ang itinuro ni Jesus hinggil sa pagbabata?

15 Alam ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay kapopootan ng di-sumasampalatayang mga kamag-anak at ng sanlibutan sa pangkalahatan. Kaya sa di-kukulangin sa dalawang pagkakataon, pinasigla niya sila: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” (Mat. 10:22; 24:13) Ipinakita rin ni Jesus kung paano makakakuha ng kinakailangang lakas ang kaniyang mga alagad upang makapagbata sila sa panahong iyon. Sa isang ilustrasyon, itinulad niya sa mabatong lupa ang mga indibiduwal na “tumatanggap sa salita [ng Diyos] nang may kagalakan” subalit hindi nagpatuloy nang mapaharap sa mga pagsubok sa kanilang pananampalataya. Gayunman, itinulad niya ang kaniyang tapat na mga tagasunod sa mainam na lupa dahil ‘napanatili’ nila sa kanilang sarili ang salita ng Diyos at “nagbubunga nang may pagbabata.”​—Luc. 8:13, 15.

16. Anong maibiging paglalaan ang tumutulong sa milyun-milyon upang makapagbata?

16 Napansin mo ba kung ano ang sekreto para makapagbata? Dapat nating ‘panatilihin’ ang salita ng Diyos, anupat pinananatili itong buháy sa ating puso at isip. Naging posible at mas madali para sa atin na gawin ito dahil ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan​—isang tumpak at madaling-basahing salin ng Bibliya​—ay mababasa na sa mas maraming wika. Ang ating pagbubulay-bulay sa isang bahagi ng Salita ng Diyos araw-araw ay magbibigay sa atin ng kinakailangang lakas para patuloy na mamunga “nang may pagbabata.”​—Awit 1:1, 2.

‘Itaguyod ang Kahinahunan ng Kalooban’ at Kapayapaan

17. (a) Bakit napakahalaga ng “kahinahunan ng kalooban”? (b) Paano ipinakita ni Jesus na siya ay mahinahong-loob?

17 Walang sinuman ang natutuwang paratangan ng isang bagay na hindi naman niya sinabi o ginawa. Karaniwan nang nagagalit ang mga tao kapag pinagbibintangan sila. Tiyak ngang mas mainam kung magpapakita tayo ng “kahinahunan ng kalooban”! (Basahin ang Kawikaan 15:1.) Kailangan ng matinding pagtitimpi upang maging mahinahon kapag siniraan tayo. Nagpakita ng sakdal na halimbawa si Jesu-Kristo hinggil sa bagay na ito. “Nang siya ay laitin, hindi siya nanlait bilang ganti. Nang siya ay magdusa, hindi siya nagbanta, kundi patuloy na ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa na humahatol nang matuwid.” (1 Ped. 2:23) Bagaman hindi natin eksaktong matutularan ang ginawa ni Jesus, may magagawa ba tayo para higit na maipakita ang kahinahunan ng kalooban?

18. (a) Anong kapakinabangan ang naidudulot ng kahinahunan ng kalooban? (b) Anong iba pang katangian ang hinihimok na itaguyod natin?

18 Nawa’y ‘lagi tayong handa na ipagtanggol’ ang ating mga paniniwala, anupat “ginagawa iyon taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang” bilang pagtulad kay Jesus. (1 Ped. 3:15) Oo, ang kahinahunan ng kalooban ay makatutulong para maiwasan natin ang mainitang pakikipagtalo sa mga taong nakakausap natin sa ministeryo at sa ating mga kapananampalataya kapag naiiba ang kanilang opinyon sa ating pananaw. (2 Tim. 2:24, 25) Nakakatulong ang kahinahunan para magkaroon tayo ng kapayapaan. Iyan marahil ang dahilan kung bakit sa kaniyang ikalawang liham kay Timoteo, isinama ni Pablo ang “kapayapaan” bilang isa sa mga katangiang dapat itaguyod. (2 Tim. 2:22; ihambing ang 1 Timoteo 6:11.) Oo, pinasisigla tayo ng Kasulatan na itaguyod din ang “kapayapaan.”​—Awit 34:14; Heb. 12:14.

19. Pagkatapos nating talakayin ang pitong katangiang Kristiyano, ano ang determinado mong itaguyod, at bakit?

19 Tinalakay natin ang pitong katangiang Kristiyano na pinasisigla tayong itaguyod​—katuwiran, makadiyos na debosyon, pananampalataya, pag-ibig, pagbabata, kahinahunan ng kalooban, at kapayapaan. Napakainam nga kung sa bawat kongregasyon, magsisikap ang lahat na ipakita ang mahahalagang katangiang ito nang lubus-lubusan! Kapag ginagawa natin ito, pinararangalan natin si Jehova at hinahayaan siya na hubugin tayo para sa kaniyang kapurihan.

Mga Puntong Magandang Bulay-bulayin

• Ano ang nasasangkot sa pagtataguyod ng katuwiran at makadiyos na debosyon?

• Ano ang makakatulong sa atin na itaguyod ang pananampalataya at pagbabata?

• Ano ang dapat maging epekto ng pag-ibig sa ating pakikitungo sa isa’t isa?

• Bakit kailangan nating itaguyod ang kahinahunan at kapayapaan?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 12]

Nagbabala si Jesus laban sa pagmamatuwid sa sarili upang pahangain ang mga tao

[Larawan sa pahina 13]

Maitataguyod natin ang pananampalataya sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa mga katotohanan sa Salita ng Diyos

[Larawan sa pahina 15]

Maitataguyod natin ang pag-ibig at kahinahunan ng kalooban