Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Sinabi ni apostol Pablo na “maliligtas ang buong Israel.” (Roma 11:26) Ibig ba niyang sabihin na lahat ng Judio ay makukumberte sa Kristiyanismo?

Hindi, hindi iyon ang ibig sabihin ni Pablo. Bilang isang bansa, itinakwil ng likas na mga inapo ni Abraham si Jesus bilang ang Mesiyas. At nang sumunod na mga taon matapos mamatay si Jesus, naging malinaw na ang mga Judio sa kabuuan ay hindi makukumberte sa Kristiyanismo. Gayunman, totoo ang sinabi ni Pablo na “maliligtas ang buong Israel.” Sa anong paraan?

Sinabi ni Jesus sa mga Judiong lider ng relihiyon noong kaniyang panahon: “Ang kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa isang bansang nagluluwal ng mga bunga nito.” (Mat. 21:43) Dahil itinakwil si Jesus ng bansang Israel sa kabuuan, itinuon ni Jehova ang kaniyang pansin sa isang bagong bansa, isang bansa na binubuo ng mga pinahiran ng espiritu ng Diyos. Tinawag ito ni Pablo na “Israel ng Diyos.”​—Gal. 6:16.

Pinatutunayan ng ibang teksto sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na ang “Israel ng Diyos” ay binubuo ng 144,000 pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano. (Roma 8:15-17; Apoc. 7:4) Tiniyak ng Apocalipsis 5:9, 10 na makakasama sa grupong ito ang mga di-Judio, anupat ipinakitang ang mga pinahirang Kristiyanong ito ay “mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa.” Ang mga miyembro ng espirituwal na Israel ay pantanging pinili para maging “isang kaharian at mga saserdote . . . , at mamamahala sila bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.” Bagaman itinakwil ni Jehova ang Israel bilang piniling bansa, maaaring magkaroon ng sinang-ayunang katayuan sa harap niya ang mga indibiduwal na Israelita. Ganiyan ang kalagayan ng mga apostol at marami sa iba pang unang mga Kristiyano. Siyempre pa, ang mga Judiong iyon, gaya ng lahat ng iba pang tao, ay kailangang tubusin sa pamamagitan ng dugo ni Jesu-Kristo.​—1 Tim. 2:5, 6; Heb. 2:9; 1 Ped. 1:17-19.

Bagaman naiwala ng maraming likas na Judio noong unang siglo ang kanilang pagkakataon na maging kasamang tagapamahala ni Jesus, natupad pa rin ang layunin ng Diyos. Tiyak na matutupad ito sapagkat sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propeta: “Magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa aking bibig. Hindi ito babalik sa akin nang walang resulta, kundi gagawin nga nito yaong kinalulugdan ko, at ito ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan ko nito.”​—Isa. 55:11.

Totoo ito may kaugnayan sa layunin ng Diyos na magluklok ng 144,000 tagapamahalang kasama ng kaniyang Anak sa langit. Nilinaw ng Bibliya na isang kumpletong bilang ng 144,000 tagapamahala ang papahiran ng Diyos. Walang labis, walang kulang!​—Apoc. 14:1-5.

Kaya nang isulat ni Pablo na “maliligtas ang buong Israel,” hindi siya humula hinggil sa pangkalahatang pagkakumberte ng mga Judio sa Kristiyanismo. Sa halip, ang ibig niyang sabihin ay matutupad ang layunin ng Diyos na magkaroon ng 144,000 espirituwal na Israelita na mamamahalang kasama ng Kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, sa langit. Sa takdang panahon ng Diyos, ang kumpletong bilang​—“ang buong Israel”​—ay maliligtas, anupat magiging mga hari at saserdote sa Mesiyanikong Kaharian.​—Efe. 2:8.

[Mga larawan sa pahina 28]

Ang mga pinahiran ay “mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa”