Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Panatilihin ang “Pag-ibig na Taglay Mo Noong Una”

Panatilihin ang “Pag-ibig na Taglay Mo Noong Una”

Panatilihin ang “Pag-ibig na Taglay Mo Noong Una”

“Patuloy mong panghawakang mahigpit ang iyong taglay.”​—APOC. 3:11.

1, 2. Ano ang iyong nadama nang makumbinsi kang katotohanan ang natututuhan mo tungkol kay Jehova?

 NATATANDAAN mo ba noong una mong malaman ang tungkol sa kamangha-manghang pag-asa na iniaalok ni Jehova sa masunuring sangkatauhan? Kung dati kang miyembro ng ibang relihiyon, ano ang naramdaman mo nang ipaliwanag sa iyo sa tulong ng Bibliya ang layunin ng Diyos o nang maging malinaw sa iyo ang mga turong dating hindi mo maintindihan? Marahil ay napag-isip-isip mong mali pala ang itinuro sa iyo hinggil sa Diyos. Pero napakasaya mo nang matagpuan mo ang katotohanan! Kung lumaki ka sa isang Kristiyanong sambahayan, natatandaan mo ba ang iyong nadama nang makumbinsi kang katotohanan ang natututuhan mo tungkol kay Jehova at nang ipasiya mong mamuhay kaayon nito?​—Roma 12:2.

2 Marami sa iyong mga kapatid na Kristiyano ang magsasabi sa iyo na napakasaya nila at nagpapasalamat sila na inilapit sila ni Jehova sa kaniyang kongregasyon. (Juan 6:44) Ito ang nagpakilos sa kanila na makibahagi sa mga Kristiyanong gawain. Nag-uumapaw ang kanilang kagalakan anupat gusto nilang sabihin sa lahat ang kanilang nadarama. Ganito rin ba ang iyong naranasan?

3. Ano ang situwasyon sa kongregasyon ng Efeso nang padalhan sila ni Jesus ng mensahe?

3 Sa unang-siglong kongregasyong Kristiyano sa Efeso ipinatungkol ni Jesus ang sinabi niya hinggil sa “pag-ibig na taglay mo noong una.” Maraming magagandang katangian ang mga taga-Efeso. Gayunman, nanlamig ang kanilang pag-ibig kay Jehova. Kaya sinabi sa kanila ni Jesus: “Alam ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pagpapagal at pagbabata, at na hindi mo matiis ang masasamang tao, at na inilagay mo sa pagsubok yaong mga nagsasabi na sila ay mga apostol, ngunit hindi sila gayon, at nasumpungan mong sila ay mga sinungaling. Nagpapakita ka rin ng pagbabata, at nagtiis ka alang-alang sa aking pangalan at hindi nanghimagod. Gayunpaman, mayroon akong laban sa iyo, na iniwan mo ang pag-ibig na taglay mo noong una.”​—Apoc. 2:2-4.

4. Bakit kapaki-pakinabang sa atin sa ngayon ang mensahe ni Jesus sa mga taga-Efeso?

4 Ang payo ni Jesus sa kongregasyon sa Efeso at sa iba pang kongregasyong binanggit niya sa aklat ng Apocalipsis ay kapaki-pakinabang para sa mga pinahirang Kristiyano dahil sa mga kalagayang napapaharap sa kanila sa loob ng isang yugto ng panahon mula noong 1914 patuloy. (Apoc. 1:10) Ngunit posibleng maiwala maging ng ilang Kristiyano sa ngayon ang “pag-ibig na taglay [nila] noong una” para kay Jehova at sa katotohanan. Dahil dito, suriin natin kung paano mo mapananatili, mapanunumbalik, at mapasisidhi ang pag-ibig at sigasig na taglay mo noong una para sa Diyos at sa katotohanan sa pamamagitan ng pag-alaala at pagbubulay-bulay sa iyong naging mga karanasan.

Ano ang Nakakumbinsi sa Iyo na Ito ang Katotohanan?

5, 6. (a) Sa anong bagay dapat kumbinsido ang bawat Kristiyano? (b) Ano ang nakakumbinsi sa iyo na itinuturo ng mga Saksi ni Jehova ang katotohanan? (c) Ano ang makatutulong sa isang tao na muling mapaningas ang pag-ibig na taglay niya noong una?

5 Bago mag-alay ang isang indibiduwal kay Jehova, kailangan muna niyang “mapatunayan” sa kaniyang sarili kung ano ang “mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:1, 2) Ang isang hakbang para magawa iyan ay ang matuto hinggil sa katotohanan sa Bibliya. Maaaring iba-iba ang dahilan kung bakit nakumbinsi ang mga indibiduwal na itinuturo ng mga Saksi ni Jehova ang katotohanan. Naaalaala ng ilan na nagbago ang kanilang saloobin nang mabasa nila sa Bibliya ang pangalan ng Diyos o nang maunawaan nila ang totoong kalagayan ng mga patay. (Awit 83:18; Ecles. 9:5, 10) Napakilos ang iba ng pag-ibig na umiiral sa gitna ng bayan ni Jehova. (Juan 13:34, 35) Ang iba naman ay napakilos nang malaman nila kung ano ang kahulugan ng pagiging hindi bahagi ng sanlibutan. Naunawaan nila na ang mga tunay na Kristiyano ay hindi nakikisangkot sa mga alitan sa pulitika o sa digmaan ng anumang bansa.​—Isa. 2:4; Juan 6:15; 17:14-16.

6 Para sa marami, ang mga kaalamang ito at iba pa ang nagpaningas ng kanilang unang pag-ibig sa Diyos. Maglaan ng panahon para alalahanin kung ano ang nakakumbinsi sa iyo na ito ang katotohanan. Yamang iba-iba ang kalagayan at personalidad ng bawat indibiduwal, posibleng ang mga pangunahing dahilan na nag-udyok sa iyo para ibigin si Jehova at maniwala sa kaniyang mga pangako ay hindi katulad ng sa iba. At malamang na iyan pa rin ang nag-uudyok sa iyo na ibigin si Jehova gaya noong una kang mag-aral ng Bibliya. Hindi nagbabago ang katotohanan. Kaya kung aalalahanin mo ang mga bagay na iyon, muli nitong mapaniningas ang pag-ibig sa katotohanan na taglay mo noong una.​—Basahin ang Awit 119:151, 152; 143:5.

Pasidhiin ang Pag-ibig na Taglay Mo Noong Una

7. Bakit kailangan nating pasidhiin ang pag-ibig sa katotohanan na taglay natin noong una, at paano natin ito magagawa?

7 Marahil marami nang nagbago sa iyong buhay mula nang mag-alay ka kay Jehova. Malaki ang naitulong sa iyo ng pagkakaroon mo ng pag-ibig sa katotohanan na taglay mo noong una, pero sa paglipas ng panahon, kinailangan mong palalimin ang pag-ibig na iyan para maharap mo ang mga bagong hamon na susubok sa iyong pananampalataya. Gayunman, tinulungan ka ni Jehova na mabata ang mga pagsubok na ito. (1 Cor. 10:13) Kaya mahalaga ring gunitain mo ang iyong mga karanasan sa nakalipas na mga taon upang matulungan ka nito na mapasidhi ang pag-ibig na taglay mo noong una. Sa pamamagitan din ng mga karanasang ito, mapatutunayan mo sa iyong sarili ang mabuti at kaayaayang kalooban ng Diyos.​—Jos. 23:14; Awit 34:8.

8. Paano ipinakilala ni Jehova ang kaniyang sarili kay Moises, at paano naman higit na nakilala ng mga Israelita ang Diyos?

8 Bilang paglalarawan, isaalang-alang ang situwasyon ng mga Israelita nang ipahayag ni Jehova ang kaniyang layunin na palayain sila mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Ipinakilala ng Diyos ang kaniyang sarili kay Moises, na sinasabi: “Ako ay magiging gayon sa anumang ako ay magiging gayon.” (Ex. 3:7, 8, 13, 14) Sa diwa, sinasabi ni Jehova na handa niyang gampanan ang anumang papel na kailangan niyang gampanan para mapalaya niya ang kaniyang bayan. Batay sa sumunod na mga pangyayari, nabatid ng mga Israelita ang iba’t ibang katangian ni Jehova nang ipakita niya sa kanila na siya ang Makapangyarihan-sa-lahat, na isa siyang Hukom, Lider, Tagapagligtas, Mandirigma, at Tagapaglaan, depende sa kalagayan.​—Ex. 12:12; 13:21; 14:24-31; 16:4; Neh. 9:9-15.

9, 10. Anong situwasyon ang makatutulong sa isa na higit na makilala ang Diyos, at bakit mabuting gunitain ang gayong mga karanasan?

9 Sabihin pa, naiiba ang situwasyon mo sa kalagayan ng sinaunang mga Israelita. Magkagayunman, malamang na mayroon kang personal na karanasan na nakakumbinsi sa iyo na nagmamalasakit sa iyo ang Diyos anupat napatibay ang iyong pananampalataya. Marahil sa paanuman ay pinatunayan sa iyo ni Jehova na isa siyang Tagapaglaan, Mang-aaliw, o Guro. (Basahin ang Isaias 30:20b, 21.) O maaaring natanto mo na sinagot niya ang iyong panalangin. Baka nang magkaproblema ka, isang kapuwa Kristiyano ang tumulong sa iyo. O maaaring sa pamamagitan ng personal mong pag-aaral ay nasumpungan mo ang isang teksto na kapaki-pakinabang sa iyo.

10 Kung ikukuwento mo sa iba ang iyong mga karanasan, baka maliit na bagay lamang ito sa kanila. Tutal, hindi naman himala ang nangyari. Pero para sa iyo, napakalaking bagay nito. Oo, ginawa ni Jehova ang nararapat niyang gawin alang-alang sa iyo. Gaano ka na katagal sa katotohanan? Natatandaan mo ba ang mga pagkakataon sa iyong buhay na nadama mong hindi ka pinabayaan ni Jehova? Kung gayon, ang paggunita mo sa iyong mga karanasan at kung ano ang nadama mo noon ay muling makapagpapaningas ng iyong pag-ibig kay Jehova na taglay mo noong una. Pahalagahan mo ang mga karanasang iyon. Bulay-bulayin mo ang mga ito. Ang mga karanasan mo ay nagpapatunay na personal na interesado sa iyo si Jehova, at walang sinumang makapipigil sa iyo na paniwalaan iyan.

Suriin ang Iyong Sarili

11, 12. Kung nanlamig ang pag-ibig ng isang Kristiyano sa katotohanan, ano kaya ang maaaring dahilan nito, at anong payo ang ibinigay ni Jesus?

11 Kung hindi mo na nadarama ang gayong pag-ibig sa Diyos at sa katotohanan, tandaan na hindi ito dahil sa nagbago ang damdamin ng Diyos sa iyo. Hindi nagbabago si Jehova. (Mal. 3:6; Sant. 1:17) Nagmamalasakit siya sa iyo noon, at interesado pa rin siya sa iyo ngayon. Kung gayon, ano kaya ang dahilan at nagbago ang iyong kaugnayan kay Jehova? Dahil kaya nadarama mong mas matindi ang nararanasan mo ngayong panggigipit at kabalisahan sa buhay? Marahil noon ay mas marubdob kang manalangin, mas masikap mag-aral, at mas madalas magbulay-bulay. Mas masigasig ka ba noon sa ministeryo at regular kang dumadalo sa mga pagpupulong ng kongregasyon kumpara sa ngayon?​—2 Cor. 13:5.

12 Baka hindi mo napapansin na may pagbabago sa iyo, pero kung batid mo ito, bakit ka kaya nagbago? Makatuwiran kaya ang mga dahilan, gaya ng paglalaan ng sapat na pangangailangan sa iyong pamilya, pangangalaga sa iyong kalusugan, o iba pang gaya nito, kung kaya hindi mo na nadaramang malapit na ang araw ni Jehova? Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang na ang araw na iyon ay kagyat na mapasainyo na gaya ng silo. Sapagkat darating ito sa lahat ng mga nananahanan sa ibabaw ng buong lupa. Manatiling gising, kung gayon, na nagsusumamo sa lahat ng panahon na magtagumpay kayo sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na nakatalagang maganap.”​—Luc. 21:34-36.

13. Sa ano itinulad ni Santiago ang Salita ng Diyos?

13 Hinimok ng kinasihang manunulat ng Bibliya na si Santiago ang kaniyang mga kapananampalataya na matapat na suriin ang kanilang sarili sa pamamagitan ng Salita ng Diyos. Sumulat si Santiago: “Maging mga tagatupad kayo ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang, na nililinlang ang inyong sarili sa pamamagitan ng maling pangangatuwiran. Sapagkat kung ang sinuman ay tagapakinig ng salita, at hindi tagatupad, ang isang ito ay tulad ng isang tao na tumitingin sa kaniyang likas na mukha sa salamin. Sapagkat tinitingnan niya ang kaniyang sarili, at siya ay umaalis at kaagad na nalilimutan kung anong uri siya ng tao. Ngunit siya na nagmamasid sa sakdal na kautusan na nauukol sa kalayaan at nananatili rito, ang taong ito, sa dahilang siya ay hindi isang tagapakinig na malilimutin kundi isang tagatupad ng gawain, ay magiging maligaya sa paggawa niya nito.”​—Sant. 1:22-25.

14, 15. (a) Paano makatutulong ang Bibliya sa iyong espirituwalidad? (b) Anong mga tanong ang maaari mong bulay-bulayin?

14 Tumitingin ang isang tao sa salamin para malaman niya kung kaayaaya ang kaniyang hitsura. Halimbawa, kung makita ng isang lalaki na paling ang kaniyang kurbata, itutuwid niya ito. Kung makita ng isang babae na magulo ang kaniyang buhok, aayusin niya ito. Sa katulad na paraan, tinutulungan tayo ng Kasulatan na suriin ang totoo nating kalagayan. Kapag sinusuri natin ang ating sarili batay sa sinasabi ng Bibliya hinggil sa kung ano ang dapat nating maging paggawi, ginagamit natin ito gaya ng isang salamin. Pero ano pa ang saysay ng pagtingin sa salamin kung hindi naman natin iwawasto ang nakita nating mali sa ating sarili? Matalino tayo kung kumikilos tayo ayon sa nakikita natin sa “sakdal na kautusan” ng Diyos, anupat nagiging “tagatupad” nito. Kaya kung napag-unawa ng isa na nanlamig ang kaniyang pag-ibig kay Jehova at sa katotohanan, makabubuting pag-isipan niya ang mga tanong na ito: ‘Ano bang mga panggigipit ang dinaranas ko sa aking buhay, at paano ko ba hinaharap ang mga ito? Paano ko ba ito hinarap noon? May nagbago ba sa akin?’ Kung makita mo na mayroon kang pagkukulang, huwag mo itong bale-walain. Kung may kailangang baguhin, huwag itong ipagpaliban.​—Heb. 12:12, 13.

15 Ang gayong pagbubulay-bulay ay makatutulong sa iyo na magtakda ng makatuwirang mga tunguhin para sa iyong espirituwal na pagsulong. Nagbigay si apostol Pablo ng kinasihang payo sa kaniyang kamanggagawang si Timoteo para mapasulong nito ang kaniyang ministeryo. Hinimok ni Pablo ang kaniyang nakababatang kamanggagawa: “Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito; magbuhos ka ng pansin sa mga iyon, upang ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao.” Makikinabang din tayo kung bubulay-bulayin natin sa tulong ng Salita ng Diyos ang mga pagsulong na maaari nating gawin.​—1 Tim. 4:15.

16. Kapag sinusuri mo ang iyong sarili sa tulong ng Kasulatan, anong maling kaisipan ang dapat mong iwasan?

16 Kapag matapat mong sinuri ang iyong sarili, malamang na may makikita kang kahinaan. Maaari kang masiraan ng loob, pero huwag mong hayaang mangyari ito. Kung sa bagay, ang layunin mo naman talaga sa pagsusuri sa iyong sarili ay makita kung ano ang dapat mo pang pasulungin. Siyempre pa, gusto ni Satanas na madama ng isang Kristiyano na wala siyang halaga dahil sa kaniyang mga kahinaan. Sa katunayan, nagparatang siya na bale-wala sa Diyos ang lahat ng pagsisikap ng isa na paglingkuran ang Diyos. (Job 15:15, 16; 22:3) Isa itong kasinungalingan na mariing pinabulaanan ni Jesus; ang bawat isa sa atin ay mahalaga sa paningin ng Diyos. (Basahin ang Mateo 10:29-31.) Kaya kapag may nakita kang mga kahinaan sa iyong sarili, dapat na magpakilos ito sa iyo na maging mapagpakumbaba at determinado na ituwid ang mga ito sa tulong ni Jehova sa halip na masiraan ng loob. (2 Cor. 12:7-10) Kung dahil sa katandaan o pagkakasakit ay nalilimitahan ang kaya mong gawin, magtakda ka ng makatuwirang mga tunguhin, pero huwag kang susuko ni hayaan mang lumamig ang iyong pag-ibig.

Marami Kang Dapat Ipagpasalamat

17, 18. Anong mga kapakinabangan ang makakamit mo kung pasisidhiin mo ang pag-ibig na taglay mo noong una?

17 Marami kang pagpapalang makakamit kung patuloy mong pasisidhiin ang pag-ibig na taglay mo noong una. Mapalalalim mo ang iyong kaalaman sa Diyos at ang iyong pagpapahalaga sa kaniyang maibiging patnubay. (Basahin ang Kawikaan 2:1-9; 3:5, 6.) “Sa pag-iingat ng [mga hudisyal na pasiya ni Jehova] ay may malaking gantimpala,” ang sabi ng salmista. “Ang paalaala ni Jehova ay mapagkakatiwalaan, na nagpaparunong sa walang-karanasan.” Karagdagan pa, “maligaya ang mga walang pagkukulang sa kanilang lakad, ang mga lumalakad sa kautusan ni Jehova.”​—Awit 19:7, 11; 119:1.

18 Tiyak na sasang-ayon ka na marami kang dapat ipagpasalamat. Nauunawaan mo kung bakit ganito ang kalagayan ng daigdig sa ngayon. Nakikinabang ka sa espirituwal na pangangalaga at atensiyon na ibinibigay ng Diyos sa kaniyang bayan sa ngayon. Walang alinlangan na pinahahalagahan mo rin ang pagtulong sa iyo ni Jehova na mapabilang ka sa kaniyang pandaigdig na kongregasyon at ang pagbibigay niya sa iyo ng pribilehiyo na maging isa sa kaniyang mga Saksi. Ipagpasalamat ang iyong mga pagpapala! Kung gagawa ka ng listahan ng mga pagpapalang tinanggap mo, malamang na magiging mahaba ito. Ang regular na pagbubulay-bulay sa mga pagpapalang ito ay tiyak na makatutulong sa iyo na ikapit ang paalaala: “Patuloy mong panghawakang mahigpit ang iyong taglay.”​—Apoc. 3:11.

19. Bukod sa pagbubulay-bulay hinggil sa iyong kaugnayan sa Diyos, ano pa ang kailangan upang mapanatili mo ang malakas na espirituwalidad?

19 Ang pagbubulay-bulay kung paano napatibay ang iyong pananampalataya sa paglipas ng mga taon ay isa lamang sa mga hakbang na makatutulong sa iyo na makapanghawakang mahigpit sa iyong taglay. Paulit-ulit na nagbibigay-pansin ang magasing ito sa iba pang mahahalagang bagay upang mapanatili nating malakas ang ating espirituwalidad. Kasama rito ang pananalangin, pagdalo at pakikibahagi sa mga Kristiyanong pagpupulong, at masigasig na pangangaral. Makatutulong ang mga ito sa iyo na patuloy na mapaningas, mapanumbalik, at mapasidhi ang pag-ibig na taglay mo noong una.​—Efe. 5:10; 1 Ped. 3:15; Jud. 20, 21.

Paano Mo Sasagutin?

• Paano makapagpapatibay sa iyo ngayon ang naging mga dahilan mo noon para ibigin si Jehova?

• Kapag binulay-bulay mo ang iyong mga karanasan sa nagdaang mga taon, sa ano ka makukumbinsi?

• Bakit dapat mong suriin ang iyong pag-ibig sa Diyos?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 23]

Ano ang nakaakit at nakakumbinsi sa iyo na ito ang katotohanan?

[Larawan sa pahina 25]

May nakikita ka ba sa iyong sarili na dapat mong baguhin?