Hindi Kami Natakot—Kasama Namin si Jehova
Hindi Kami Natakot—Kasama Namin si Jehova
Ayon sa salaysay ni Egyptia Petridou
Noong 1972, ang mga Saksi sa buong Ciprus ay nagkatipon sa Nicosia para pakinggan ang pantanging pahayag ni Nathan H. Knorr, na malaon nang nangunguna sa gawain ng mga Saksi ni Jehova. Nakilala niya agad ako, at bago pa man ako makapagsalita, nagtanong siya: “Ano’ng balita sa Ehipto?” Dalawampung taon na ang nakalilipas nang magkakilala kami ni Brother Knorr sa aming bayan sa Alexandria, Ehipto.
ISINILANG ako sa Alexandria noong Enero 23, 1914, at ako ang panganay sa apat na magkakapatid. Lumaki kami malapit sa dagat. Ang Alexandria noon ay isang magandang lunsod na maraming banyaga, at kilala ito sa arkitektura at kasaysayan. Dahil kasalamuha ng mga Europeo ang mga Arabe, kaming mga bata ay natutong magsalita ng wikang Arabe, Ingles, Pranses, at Italyano, pati na rin ng Griego na wika ng aming pamilya.
Nang makatapos ako sa pag-aaral, nakapagtrabaho ako sa isang patahian ng damit, kung saan ako ang nagdidisenyo at nananahi ng mga eleganteng trahe para sa mayayaman. Napakarelihiyosa ko rin at gustung-gusto kong basahin ang Bibliya, kahit na hindi ko iyon gaanong naiintindihan.
Noong panahong iyon—nang kalagitnaan ng dekada ng 1930—nakilala ko ang isang mabait na binatang taga-Ciprus. Si Theodotos ay isang magaling na wrestler, pero marunong din siyang gumawa ng mga kendi at pastel at nagtatrabaho siya sa isang kilalang tindahan ng pastel. Nahulog ang loob ni Theodotos sa akin na isang maliit na babaing kulay-kape ang buhok. Madalas niya akong haranahin ng romantikong mga awiting Griego. Ikinasal kami noong Hunyo 30, 1940. Napakasaya namin noon. Nakatira kami sa isang apartment sa ibaba ng tinutuluyang apartment ni Inay. Isinilang ang aming panganay na si John noong 1941.
Natututo ng Katotohanan sa Bibliya
Matagal-tagal na ring hindi kontento si Theodotos sa aming relihiyon, at may mga tanong siya tungkol sa Bibliya. Wala akong kamalay-malay na nakikipag-aral na pala siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Isang araw, habang nasa bahay ako at ang aming sanggol, may isang babaing kumatok sa aming pinto at inabután ako ng isang kard na may nakasulat na mensahe tungkol sa Bibliya. Bilang kagandahang-asal, binasa ko ito. Pagkatapos ay inalok niya ako ng ilang literatura sa Bibliya. Aba, ganitung-ganito ang mga aklat na iniuwi noon ni Theodotos!
“Oo, mayroon na ako nito,” ang sabi ko. “Halika, tuloy ka.” Sinunud-sunod ko na agad ang mga tanong sa Saksing si Eleni Nicolaou. Matiyaga naman niya akong sinagot gamit ang Bibliya. Nagustuhan
ko iyon. Agad kong naintindihan ang mensahe ng Bibliya. Nang saglit na mahinto ang aming pag-uusap, napatingin si Eleni sa litrato ng aking asawa at nakilala niya ito. “Kilala ko siya!” ang sabi niya. Nabunyag ang lihim ni Theodotos. Nagulat ako. Dumadalo na pala siya sa mga pulong nang hindi ako kasama—at ni hindi man lamang sinasabi sa akin! Nang umuwi si Theodotos, sinabi ko sa kaniya: “Doon sa lugar na pinuntahan mo noong nakaraang Linggo—sasama ako sa linggong ito!”Sa una kong pagdalo, ang aklat ng Bibliya na Mikas ang pinag-uusapan ng isang grupong binubuo ng mga sampu. Pinakinggan kong mabuti ang lahat ng kanilang sinasabi! Mula noon, pinupuntahan na kami nina George at Katerini Petraki tuwing Biyernes para mag-aral ng Bibliya. Hindi nagustuhan ni Itay at ng aking mga kapatid ang aming pakikipag-aral sa mga Saksi, pero hindi naman tutol dito ang aking kapatid na babae, bagaman hindi siya kailanman naging Saksi. Gayunman, tinanggap ni Inay ang katotohanan sa Bibliya. Noong 1942, ako, si Theodotos, at si Inay, ay nabautismuhan sa dagat ng Alexandria bilang sagisag ng aming pag-aalay kay Jehova.
Nagbago ang Takbo ng Aming Buhay
Noong 1939, nagsimula ang Digmaang Pandaigdig II, at di-nagtagal ay lalo pa itong tumindi. Nang unang mga taon ng dekada ng 1940, ang Alemang heneral na si Erwin Rommel at ang kaniyang mga sundalo ay nasa El Alamein na malapit lamang sa aming lugar, at nagkalat naman ang mga Britanong tauhan ng militar sa Alexandria. Nag-imbak kami ng maraming pagkain. Pagkaraan, si Theodotos ang pinagkatiwalaan ng kaniyang amo na mangasiwa sa bagong tindahan nito ng kendi at pastel sa Port Taufiq, malapit sa Suez, kaya lumipat kami roon. Hinanap kami roon ng mag-asawang Saksi na nagsasalita ng wikang Griego. Yamang hindi nila alam ang aming adres, nangaral sila sa bahay-bahay hanggang sa matagpuan nila kami.
Habang nasa Port Taufiq, pinagdausan namin ng pag-aaral sa Bibliya sina Stavros at Giula Kypraios at ang kanilang mga anak na sina Totos at Georgia, at naging matalik namin silang mga kaibigan. Gustung-gusto ni Stavros ang pag-aaral ng Bibliya kung kaya iniaatras niya nang isang oras ang lahat ng orasan nila sa kanilang bahay para maiwan kami ng huling biyahe ng tren pauwi sa amin at sa gayon ay magtagal pa kami sa kanila. Inaabot nang hatinggabi ang aming pag-uusap.
Labing-walong buwan kaming namalagi sa Port Taufiq, at pagkaraan nito ay umuwi na kami sa Alexandria nang magkasakit si Inay. Noong 1947, namatay siyang tapat kay Jehova. Muli naming nadama ang pagpapalakas ni Jehova sa pamamagitan ng nakapagpapatibay na pakikisama namin sa aming mga may-gulang na kaibigang Kristiyano. Sumasalubong din kami kapag dumadaong sandali sa Alexandria ang mga barkong sinasakyan ng mga misyonerong papunta sa kanilang atas sa ibang bansa.
Sayá at Lungkot
Noong 1952, isinilang ko ang aming pangalawang anak na si James. Bilang mga magulang, alam namin na mahalagang mapalaki namin ang aming mga anak sa dalisay na pagsamba, kaya inilaan namin ang aming bahay para gamitin sa regular na mga pulong sa pag-aaral ng Bibliya at palagi kaming nagpapatulóy ng mga nasa buong-panahong paglilingkod. Dahil dito, napamahal kay John, panganay namin, ang katotohanan sa Bibliya, at siya ay nagpayunir habang tin-edyer pa siya. Kasabay nito, nag-aral din siya sa gabi para makatapos sa kaniyang sekular na edukasyon.
Di-nagtagal, natuklasan ng mga doktor na may malubhang sakit sa puso si Theodotos at pinayuhan siyang ihinto na ang uri ng trabahong ginagawa niya. Apat na taóng gulang pa lamang noon ang aming anak na si James. Paano na kami ngayon? Hindi ba’t nangako si Jehova: “Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo”? (Isa. 41:10) Noong 1956, gayon na lamang ang aming tuwa nang anyayahan kaming maglingkod bilang mga payunir sa Ismailia, malapit sa Kanal ng Suez! Nang sumunod na mga taon, naging magulo ang kalagayan sa Ehipto kung kaya kailangan ng aming mga kapatid na Kristiyano ng pampatibay-loob.
Noong 1960, kinailangan naming umalis sa Ehipto bitbit ang tig-isang maleta. Lumipat kami sa Ciprus, ang isla kung saan isinilang ang aking asawa. Malubha na noon ang sakit ni Theodotos at hindi na siya makapagtrabaho. Pero pinatuloy kami ng mabait na mag-asawang Kristiyano sa isang bahay na pag-aari nila. Nakalulungkot, pagkalipas ng dalawang taon, namatay ang aking asawa at naiwan kami ni James. Si John na lumipat din sa Ciprus ay mayroon na ring sariling pamilya na dapat pangalagaan.
Pinangalagaan sa Mahihirap na Panahon
Pagkaraan, kinupkop naman kami ng mag-asawang Stavros at Dora Kairis sa kanilang bahay. Lumuhod ako at nagpasalamat kay Jehova dahil minsan pa niyang pinangalagaan ang aming mga pangangailangan. (Awit 145:16) Nang ipagbili nina Stavros at Dora ang kanilang bahay at magpatayo ng bago na may Kingdom Hall sa ibaba, nagpadugtong sila ng isang maliit na tirahan na may dalawang kuwarto para sa amin ni James.
Nang maglaon, nag-asawa si James, at nagpayunir silang mag-asawa hanggang sa isilang ang panganay sa kanilang apat na anak. Noong 1974, dalawang taon makalipas ang di-malilimot na * Maraming tagaroon, pati na mga Saksi, ang umalis sa kanilang tahanan at kinailangang lumipat sa ibang lugar upang makapagsimulang muli. Kabilang dito ang aming anak na si John. Lumipat silang mag-asawa sa Canada kasama ang kanilang tatlong anak. Pero sa kabila nito, masaya pa rin kami dahil sa patuloy na pagdami ng mga mamamahayag ng Kaharian sa Ciprus.
pagdalaw ni Brother Knorr, naging magulo ang pulitika sa Ciprus.Nang tumatanggap na ako ng pensiyon, natulungan ako nito na lubusang makibahagi sa ministeryo. Pero pagkalipas ng ilang taon, nagkaroon ako ng bahagyang istrok kung kaya nakipisan ako sa aking anak na si James at sa kaniyang pamilya. Nang maglaon, lumubha ang aking karamdaman, naospital ako nang ilang linggo at pagkatapos ay inilipat ako sa nursing home. Sa kabila ng patuloy na pananakit ng katawan, nagpapatotoo pa rin ako sa mga nars, pasyente, at mga bisita. Gumugugol din ako ng maraming oras sa pag-aaral at, sa tulong ng aking mga Kristiyanong kapatid, nakadadalo ako sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat na malapit lang sa nursing home.
Kaaliwan sa Panahon ng Katandaan
Naaaliw ako kapag nakakabalita ako tungkol sa mga natulungan namin noon ni Theodotos. Marami sa kanilang anak at apo ang nasa buong-panahong ministeryo—ang ilan ay naglilingkod sa Australia, Canada, Inglatera, Gresya, at Switzerland. Sa kasalukuyan, ang aking anak na si John at ang kaniyang asawa ay naninirahan sa Canada kasama ang kanilang anak na lalaki. Ang kanilang anak na babae at ang asawa nito ay parehong payunir. Ang kanilang bunsong anak na si Linda at ang asawa nitong si Joshua Snape ay inanyayahang mag-aral sa ika-124 na klase sa Paaralang Gilead.
Ang aking anak na si James at ang kaniyang asawa ay naninirahan ngayon sa Alemanya. Dalawa sa kanilang anak ang naglilingkod sa Bethel—isa sa Atenas, Gresya, at isa sa Selters, Alemanya. Ang kanilang bunsong anak na lalaki, ang kanilang anak na babae, at ang asawa nito ay mga payunir sa Alemanya.
Napakarami naming ikukuwento kay Inay at sa mahal kong si Theodotos kapag binuhay na silang muli! Matutuwa silang makita ang napakagandang pamanang iniwan nila sa kanilang pamilya. *
[Mga talababa]
^ Tingnan ang Awake! Oktubre 22, 1974, pahina 12-15.
^ Habang inihahanda ang artikulong ito para ilathala, si Sister Petridou ay namatay sa edad na 93.
[Blurb sa pahina 24]
Muli naming nadama ang pagpapalakas ni Jehova sa pamamagitan ng nakapagpapatibay na pakikisama namin sa aming mga may-gulang na kaibigang Kristiyano
[Mapa sa pahina 24]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
CIPRUS
NICOSIA
DAGAT MEDITERANEO
EHIPTO
CAIRO
El Alamein
Alexandria
Ismailia
Suez
Port Taufiq
Kanal ng Suez
[Credit Line]
Based on NASA/Visible Earth imagery
[Larawan sa pahina 23]
Kasama si Theodotos noong 1938
[Larawan sa pahina 25]
Si James at ang kaniyang asawa
[Larawan sa pahina 25]
Si John at ang kaniyang asawa