Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ministeryo sa Bahay-bahay—Bakit Mahalaga sa Ngayon?

Ministeryo sa Bahay-bahay—Bakit Mahalaga sa Ngayon?

Ministeryo sa Bahay-bahay—Bakit Mahalaga sa Ngayon?

“Bawat araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.”​—GAWA 5:42.

1, 2. (a) Sa anong paraan ng pangangaral kilala ang mga Saksi ni Jehova? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

 KARANIWAN na itong nakikita sa lahat ng panig ng daigdig. Dalawang indibiduwal na may maayos na pananamit ang lumalapit sa isang bahay at nagsisikap ibahagi sa may-bahay ang isang maikling mensahe mula sa Bibliya may kinalaman sa Kaharian ng Diyos. Kapag nagpakita ng interes ang may-bahay, nag-aalok sila ng mga literaturang salig sa Bibliya at ng walang-bayad na pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Pagkatapos nito, pupunta naman sila sa susunod na bahay. Kung nakikibahagi ka sa gawaing ito, malamang na kilala ka na agad ng mga tao bilang Saksi ni Jehova kahit wala ka pang sinasabi. Oo, naging tatak na natin ang ministeryo sa bahay-bahay.

2 Gumagamit tayo ng iba’t ibang paraan para maisagawa ang atas ni Jesus na mangaral at gumawa ng mga alagad. (Mat. 28:19, 20) Nagpapatotoo tayo sa mga pamilihan, sa mga lansangan, at sa iba pang mga pampublikong lugar. (Gawa 17:17) Nakikipag-usap tayo sa maraming tao sa pamamagitan ng telepono at liham. Ibinabahagi natin ang mga katotohanan ng Bibliya sa mga nakakasalamuha natin sa araw-araw. Mayroon pa nga tayong opisyal na Web site na naglalaan ng salig-Bibliyang impormasyon sa mahigit 300 wika. * Ang lahat ng paraang ito ay nagbubunga ng magagandang resulta. Pero sa halos lahat ng lugar, ang ating pangunahing paraan ng pagpapalaganap ng mabuting balita ay sa pamamagitan ng pangangaral sa bahay-bahay. Ano ang saligan ng paraang ito ng pangangaral? Bakit gayon na lamang kalawak ang paggamit dito ng bayan ng Diyos sa panahong ito? At bakit ito mahalaga sa ngayon?

Ang Paraan ng mga Apostol

3. Anong mga tagubilin tungkol sa pangangaral ang ibinigay ni Jesus sa mga apostol, at ano ang ipinahihiwatig nito tungkol sa kung paano sila dapat mangaral?

3 Ang paraan ng pangangaral sa bahay-bahay ay salig sa Kasulatan. Nang isugo ni Jesus ang mga apostol upang mangaral, tinagubilinan niya sila: “Sa anumang lunsod o nayon kayo pumasok, hanapin ninyo kung sino roon ang karapat-dapat.” Paano nila hahanapin ang mga karapat-dapat? Tinagubilinan sila ni Jesus na pumunta sa mga bahay ng mga tao, na sinasabi: “Kapag kayo ay pumapasok sa bahay, batiin ninyo ang sambahayan; at kung ang bahay ay karapat-dapat, hayaang ang kapayapaan na ninanais ninyo ay dumoon.” Dapat ba silang pumunta kahit hindi inaanyayahan? Pansinin ang sinabi pa ni Jesus: “Saanman na ang sinuman ay hindi tumatanggap sa inyo o nakikinig sa inyong mga salita, sa paglabas sa bahay na iyon o sa lunsod na iyon ay ipagpag ninyo ang alabok mula sa inyong mga paa.” (Mat. 10:11-14) Nililiwanag sa mga tagubiling ito na kapag ‘dumaraan ang mga apostol sa teritoryo sa bawat nayon, na ipinahahayag ang mabuting balita,’ sila ang magkukusang dumalaw sa mga tao sa kani-kanilang bahay.​—Luc. 9:6.

4. Saan sa Bibliya partikular na binanggit ang pangangaral sa bahay-bahay?

4 Partikular na binanggit sa Bibliya na ang mga apostol ay nangaral sa bahay-bahay. Halimbawa, ganito ang sinasabi sa Gawa 5:42 tungkol sa kanila: “Bawat araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.” Pagkalipas ng mga 20 taon, ipinaalaala ni apostol Pablo sa matatandang lalaki ng kongregasyon sa Efeso: “Hindi ko ipinagkait ang pagsasabi sa inyo ng alinman sa mga bagay na kapaki-pakinabang ni ang pagtuturo sa inyo nang hayagan at sa bahay-bahay.” Dinalaw ba ni Pablo ang matatandang lalaking iyon bago pa man sila naging mga mananampalataya? Maliwanag na gayon nga, dahil bukod sa iba pang mga bagay, itinuro niya sa kanila ang “tungkol sa pagsisisi sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesus.” (Gawa 20:20, 21) Sa pagkokomento sa Gawa 20:20, ganito ang sinabi ng Word Pictures in the New Testament ni Robertson: “Mahalagang pansinin na ang dakilang mga mángangarál na ito ay nangaral sa bahay-bahay.”

Hukbo ng mga Balang sa Ngayon

5. Paano inilarawan ang gawaing pangangaral sa hula ni Joel?

5 Ang pagpapatotoong ginawa noong unang siglo ay pasimula lamang ng dakilang gawaing isasagawa sa ating panahon. Ang pangangaral ng mga pinahirang Kristiyano ay itinulad ni propeta Joel sa mapanlipol na salot ng mga insekto, kasama na ang mga balang. (Joel 1:4) Habang sumusugod ang mga ito na parang isang hukbo, nilalampasan nito ang mga hadlang, pinapasok ang mga bahay, at inuubos ang lahat ng madaanan nito. (Basahin ang Joel 2:2, 7-9.) Isa ngang malinaw na paglalarawan ng tiyaga at pagiging puspusan ng bayan ng Diyos sa pagsasagawa ng gawaing pagpapatotoo sa ngayon! Ang pangunahin sa mga paraang ginamit ng mga pinahirang Kristiyano at ng kanilang kasamahang “ibang mga tupa” sa pagganap ng makahulang larawang ito ay ang ministeryo sa bahay-bahay. (Juan 10:16) Bilang mga Saksi ni Jehova, paano natin natutularan ang paraang ito ng pangangaral ng mga apostol?

6. Noong 1922, anong pampatibay-loob ang ibinigay upang magpatotoo sa bahay-bahay, pero ano ang naging reaksiyon ng ilan?

6 Mula 1919 patuloy, idiniin ang pananagutan ng bawat Kristiyano na personal na makibahagi sa pagpapatotoo. Halimbawa, sa isang artikulo sa Watch Tower ng Agosto 15, 1922 na pinamagatang “Service Essential” (Kailangan ang Paglilingkod), ipinaalaala sa mga pinahirang Kristiyano ang kahalagahan ng “masiglang pagdadala sa mga tao ng inilimbag na mensahe at pakikipag-usap sa kanila sa kani-kanilang bahay, anupat nagpapatotoong malapit na ang kaharian ng langit.” Naglagay ng detalyadong mga presentasyon sa Bulletin (ngayo’y Ating Ministeryo sa Kaharian). Pero sa pasimula, kakaunti pa rin ang aktuwal na nangangaral sa bahay-bahay. Ayaw itong gawin ng ilan. Marami silang dahilan, pero ang talagang problema ay dahil itinuturing nilang isang mababang gawain ang pangangaral sa bahay-bahay at hindi ito nababagay sa kanila. Habang patuloy na binibigyang-diin ang kahalagahan ng paglilingkod sa larangan, marami sa kanila ang unti-unting humiwalay sa organisasyon ni Jehova.

7. Noong dekada ng 1950, anong pangangailangan ang nakita?

7 Nang sumunod na mga dekada, parami nang parami ang nakikibahagi sa pangangaral. Pero nakitang kailangan ng higit pang personal na pagsasanay sa ministeryo sa bahay-bahay. Kuning halimbawa ang situwasyon sa Estados Unidos. Noong unang mga taon ng dekada ng 1950, 28 porsiyento ng mga Saksi sa bansang ito ang nangangaral sa pamamagitan lamang ng pamamahagi ng mga handbill o ng pagtayo sa mga lansangan habang hawak ang mga magasin. Mahigit 40 porsiyento ang di-palagian sa pangangaral, anupat lumilipas ang mga buwan nang hindi man lamang nakapagpapatotoo. Ano kaya ang dapat gawin para matulungan ang lahat ng nakaalay na Kristiyano na mangaral sa bahay-bahay?

8, 9. Anong programa ng pagsasanay ang pinasimulan noong 1953, at ano ang naging resulta?

8 Sa internasyonal na kombensiyong ginanap sa New York City noong 1953, binigyan ng pantanging atensiyon ang ministeryo sa bahay-bahay. Ipinahayag ni Brother Nathan H. Knorr na ang pangunahing gawain ng lahat ng tagapangasiwang Kristiyano ay ang tulungan ang bawat Saksi na maging regular na ministro sa bahay-bahay. “Bawat isa,” ang sabi niya, “ay nararapat na may kakayahang ipangaral ang mabuting balita sa bahay-bahay.” Pinasimulan sa buong daigdig ang programa ng pagsasanay para maabot ang tunguhing ito. Yaong mga hindi pa nangangaral sa bahay-bahay ay sinanay sa paglapit sa mga tao sa kani-kanilang bahay, anupat nagpapaliwanag sa kanila mula sa Bibliya, at sumasagot sa kanilang mga tanong.

9 Napakaganda ng naging resulta ng programang ito ng pagsasanay. Sa loob ng isang dekada, ang bilang ng mga mamamahayag sa buong daigdig ay tumaas nang 100 porsiyento, ang bilang ng mga pagdalaw-muli ay 126 na porsiyento, at ang bilang ng mga pag-aaral sa Bibliya ay 150 porsiyento. Sa ngayon, halos pitong milyong mamamahayag ng Kaharian ang nangangaral ng mabuting balita sa buong daigdig. Ang kapansin-pansing paglagong ito ay isang katibayan ng pagpapala ni Jehova sa mga pagsisikap ng kaniyang bayan sa ministeryo sa bahay-bahay.​—Isa. 60:22.

Pagmamarka sa mga Tao Para sa Kaligtasan

10, 11. (a) Anong pangitain ang ibinigay kay Ezekiel, gaya ng nakaulat sa Ezekiel kabanata 9? (b) Paano natutupad ang pangitaing iyon sa ating panahon?

10 Ang kahalagahan ng ministeryo sa bahay-bahay ay makikita sa pangitaing ibinigay kay propeta Ezekiel. Sa pangitaing iyon, nakita ni Ezekiel ang anim na lalaking may hawak na sandata at ang ikapitong lalaki na nadaramtan ng lino na may tintero ng kalihim sa kaniyang balakang. Ang ikapitong lalaki ay sinabihan na ‘dumaan sa gitna ng lunsod’ at ‘maglagay ng marka sa mga noo ng mga taong nagbubuntunghininga at dumaraing dahil sa lahat ng karima-rimarim na bagay na ginagawa sa gitna nito.’ Pagkatapos ng pagmamarkang iyon, inutusan ang anim na lalaking may hawak na sandata na patayin ang lahat niyaong mga walang marka.​—Basahin ang Ezekiel 9:1-6.

11 Naunawaan natin na sa katuparan ng hulang ito, ang lalaking “nadaramtan ng lino” ay lumalarawan sa nalabi ng pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano. Sa pamamagitan ng gawaing pangangaral at paggawa ng alagad, ang uring pinahiran ay naglalagay ng makasagisag na marka sa mga kabilang sa “ibang mga tupa” ni Kristo. (Juan 10:16) Ano ba ang tinutukoy na marka? Iyon ay katibayan, na para bang nakadispley sa kanilang nakalantad na noo, na ang mga tupang ito ay nakaalay at bautisadong mga alagad ni Jesu-Kristo at nakapagsuot na ng tulad-Kristong bagong personalidad. (Efe. 4:20-24) Ang mga tulad-tupang ito ay naging isang kawan kasama ng mga pinahirang Kristiyano at tumutulong ang mga ito sa kanilang mahalagang gawain ng pagmamarka sa iba.​—Apoc. 22:17.

12. Paano idiniriin ng pangitain ni Ezekiel tungkol sa pagmamarka sa noo ang kahalagahan ng ating ginagawang paghahanap sa mga tulad-tupa?

12 Idiniriin ng pangitain ni Ezekiel ang isang dahilan kung bakit lubhang apurahan ang ating ginagawang paghahanap sa mga taong “nagbubuntunghininga at dumaraing.” Buhay ang nasasangkot. Ang mga taong walang makasagisag na marka ay malapit nang puksain ng mga puwersang pamuksa ni Jehova mula sa langit na kinakatawanan ng anim na lalaking may hawak na sandata. Tungkol sa nalalapit na paghatol na iyan, isinulat ni apostol Pablo na ang Panginoong Jesus, kasama ang “kaniyang makapangyarihang mga anghel,” ay magpapasapit ng “paghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.” (2 Tes. 1:7, 8) Pansinin na hahatulan ang mga tao ayon sa kanilang pagtugon sa mabuting balita. Kaya naman ang paghahayag ng mensahe ng Diyos ay dapat magpatuloy hanggang wakas. (Apoc. 14:6, 7) Nakaatang sa balikat ng lahat ng nakaalay na lingkod ni Jehova ang mabigat na pananagutang ito.​—Basahin ang Ezekiel 3:17-19.

13. (a) Anong pananagutan ang nadama ni apostol Pablo, at bakit? (b) Anong pananagutan ang nadarama mo sa mga tao sa inyong teritoryo?

13 Nakadama si apostol Pablo ng personal na pananagutang ibahagi ang mabuting balita sa iba. Sumulat siya: “Kapuwa sa mga Griego at sa mga Barbaro, kapuwa sa marurunong at sa mga hangal ay may utang ako: kaya may pananabik sa ganang akin na ipahayag din ang mabuting balita sa inyo riyan sa Roma.” (Roma 1:14, 15) Bilang pasasalamat sa awa na ipinakita sa kaniya, nadama ni Pablo na dapat niyang tulungan ang iba na makinabang din naman sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos. (1 Tim. 1:12-16) Para bang may utang siya sa bawat taong nakakasalamuha niya, utang na mababayaran lamang kung ibabahagi niya ang mabuting balita sa taong iyon. Nadarama mo rin ba ang gayong pagkakautang sa mga tao sa inyong teritoryo?​—Basahin ang Gawa 20:26, 27.

14. Ano ang ating pangunahing dahilan sa pangangaral nang hayagan at sa bahay-bahay?

14 Bagaman mahalagang ingatan ang buhay ng tao, may mas mahalaga pang dahilan kung bakit tayo nangangaral sa bahay-bahay. Sa hulang nakaulat sa Malakias 1:11, sinabi ni Jehova: “Mula sa sikatan ng araw hanggang sa lubugan nito ay magiging dakila ang aking pangalan sa gitna ng mga bansa, at . . . isang paghahandog ang isasagawa ukol sa aking pangalan, isa ngang malinis na kaloob; sapagkat ang aking pangalan ay magiging dakila sa gitna ng mga bansa.” Bilang katuparan ng hulang ito, ang mga nakaalay na lingkod ni Jehova sa buong daigdig ay hayagang pumupuri sa kaniyang pangalan habang buong-pagpapakumbaba nilang isinasagawa ang kanilang ministeryo. (Awit 109:30; Mat. 24:14) Ang paghahandog ng “hain ng papuri” kay Jehova ang pangunahing dahilan kung bakit tayo nangangaral nang hayagan at sa bahay-bahay.​—Heb. 13:15.

Napakahalagang mga Pangyayari sa Hinaharap

15. (a) Paano higit pang pinag-ibayo ng mga Israelita ang kanilang gawain habang lumilibot sila sa Jerico sa ikapitong araw? (b) Ano ang ipinahihiwatig nito tungkol sa pangangaral?

15 Ano pang mga kaganapan ang hinihintay natin may kinalaman sa pangangaral? Ang pagkubkob sa Jerico na nakaulat sa aklat ng Josue ay nagbibigay ng isang ilustrasyon. Tandaan na bago wasakin ng Diyos ang Jerico, ang mga Israelita ay tinagubilinang humayo sa palibot ng lunsod minsan sa isang araw sa loob ng anim na araw. Pero sa ikapitong araw, kailangan nilang higit pang pag-ibayuhin ang kanilang gawain. Sinabi ni Jehova kay Josue: “Hahayo kayo sa palibot ng lunsod nang pitong ulit at hihipan ng mga saserdote ang mga tambuli. At mangyayari nga na kapag pinatunog nila ang tambuling sungay ng barakong tupa, . . . ang buong bayan ay sisigaw ng isang malakas na hiyaw ng digmaan; at ang pader ng lunsod ay babagsak nang latág.” (Jos. 6:2-5) Posibleng magkaroon ng gayunding pagpapalawak sa ating gawaing pangangaral. Pero magkaroon man ng pagpapalawak o hindi, tiyak na sa panahon ng kawakasan ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay, makikita natin ang pinakadakilang pagpapatotoo sa pangalan ng Diyos at sa kaniyang Kaharian sa kasaysayan ng sanlibutang ito.

16, 17. (a) Ano ang matutupad bago matapos ang “malaking kapighatian”? (b) Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?

16 Maaaring dumating ang panahon na magiging gaya ng isang “malakas na hiyaw ng digmaan” ang mensaheng inihahayag natin. Sa aklat ng Apocalipsis, ang matitinding mensahe ng paghatol ay inilalarawan bilang “makapal na graniso na ang bawat bato ay mga kasimbigat ng isang talento.” * At sinasabi sa Apocalipsis 16:21: “Ang salot nito ay lubhang matindi.” Hindi pa natin alam kung ano ang magiging papel ng ministeryo sa bahay-bahay sa pangwakas na paghahayag ng mga mensahe ng paghatol na iyon. Pero makatitiyak tayo na bago matapos ang “malaking kapighatian,” makikilala ang pangalan ni Jehova nang higit kailanman sa buong kasaysayan ng tao.​—Apoc. 7:14; Ezek. 38:23.

17 Habang hinihintay natin ang napakahalagang pangyayaring ito, patuloy sana tayong maging masigasig sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian. Sa pagsasagawa ng atas na ito, anu-anong hamon ang napapaharap sa atin sa ministeryo sa bahay-bahay, at paano natin haharapin ang mga hamong iyon? Tatalakayin natin ang mga tanong na ito sa susunod na artikulo.

[Mga talababa]

^ Ang adres ng Web site ay www.watchtower.org.

^ Kung ang tinutukoy nito ay ang talento ng mga Griego, ang bawat graniso ay tumitimbang nang mga 20 kilo.

Paano Mo Sasagutin?

• Ano ang maka-Kasulatang saligan ng pangangaral sa bahay-bahay?

• Paano binigyang-diin ang ministeryo sa bahay-bahay sa ngayon?

• Bakit may pananagutang mangaral ang mga nakaalay na lingkod ni Jehova?

• Anong napakahalagang mga pangyayari ang magaganap sa hinaharap?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 4]

Gaya ni apostol Pablo, nakadarama ka rin ba ng pananagutang mangaral sa iba?

[Larawan sa pahina 5]

Brother Knorr, 1953