Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagtagumpayan ang mga Hamon sa Ministeryo sa Bahay-bahay

Pagtagumpayan ang mga Hamon sa Ministeryo sa Bahay-bahay

Pagtagumpayan ang mga Hamon sa Ministeryo sa Bahay-bahay

“Nag-ipon kami ng katapangan sa pamamagitan ng ating Diyos upang salitain sa inyo ang mabuting balita ng Diyos nang may labis na pakikipagpunyagi.”​—1 TES. 2:2.

1. Anu-anong hamon ang napaharap kay Jeremias, at paano niya ito napagtagumpayan?

 SI Jeremias ay isang taong may damdaming tulad ng sa atin. Nang sabihin ni Jehova sa kaniya ang tungkol sa kaniyang atas na maging “propeta sa mga bansa,” napabulalas siya: “Ay, O Soberanong Panginoong Jehova! Narito, hindi nga ako marunong magsalita, sapagkat ako ay isang bata lamang.” Pero dahil nagtitiwala siya kay Jehova, tinanggap niya ang atas. (Jer. 1:4-10) Sa loob ng mahigit 40 taon, si Jeremias ay binale-wala, tinanggihan, tinuya, at sinaktan pa nga. (Jer. 20:1, 2) Kung minsan ay parang gusto na niyang sumuko. Pero nagmatiyaga pa rin siya sa paghahayag ng mensaheng hindi gusto ng mga taong walang pagpapahalaga. Sa tulong ng Diyos, nagawa ni Jeremias ang hindi niya kailanman magagawa kung sa ganang sarili lamang niya.​—Basahin ang Jeremias 20:7-9.

2, 3. Paano napapaharap ang mga lingkod ng Diyos sa ngayon sa mga hamon na gaya ng napaharap kay Jeremias?

2 Marami sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon ang nakauunawa sa damdamin ni Jeremias. Kapag binubulay-bulay natin ang tungkol sa pangangaral sa bahay-bahay, ang ilan sa atin ay nakapagsabi, ‘Iyan ang isang bagay na hindi ko kayang gawin.’ Pero nang mapag-isip-isip nating kalooban ni Jehova na ihayag natin ang mabuting balita, nadaig natin ang takot at naging abala tayo sa pangangaral. Magkagayunman, marami sa atin ang napaharap sa mga situwasyong naging dahilan upang mahirapan tayo, bagaman pansamantala lamang, na ipagpatuloy ang pangangaral. Hindi nga maikakaila na talagang isang hamon para sa atin na pasimulan ang pangangaral sa bahay-bahay at patuluyan itong isagawa hanggang sa wakas.​—Mat. 24:13.

3 Paano kung matagal ka nang nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at dumadalo na sa mga pulong sa kongregasyon pero atubili pa ring mangaral sa bahay-bahay? O paano kung isa kang bautisadong Saksi na nahihirapang makibahagi sa pagbabahay-bahay, kahit na kaya naman ng iyong katawan? Napagtatagumpayan ng mga taong may iba’t ibang pinagmulan ang mga hamon sa ministeryo sa bahay-bahay. At sa tulong ni Jehova, umasa kang magtatagumpay ka rin.

Mag-ipon ng Katapangan

4. Ano ang tumulong kay apostol Pablo para masabi niya ang mabuting balita nang may katapangan?

4 Tiyak na alam mong naisasagawa ang pangangaral sa buong daigdig, hindi dahil sa lakas o karunungan ng tao, kundi dahil sa espiritu ng Diyos. (Zac. 4:6) Totoo rin ito sa ministeryo ng indibiduwal na mga Kristiyano. (2 Cor. 4:7) Tingnan natin ang halimbawa ni apostol Pablo. Sa pagbabalik-tanaw sa panahon nang siya at ang kaniyang kasamang misyonero ay minamaltrato ng mga salansang, sumulat siya: “Pagkatapos na maghirap muna kami at mapakitunguhan nang walang pakundangan . . . sa Filipos, nag-ipon kami ng katapangan sa pamamagitan ng ating Diyos upang salitain sa inyo ang mabuting balita ng Diyos nang may labis na pakikipagpunyagi.” (1 Tes. 2:2; Gawa 16:22-24) Marahil hindi natin iisipin na ang isang masigasig na mángangarál na gaya ni Pablo ay nakipagpunyagi rin pala para makapangaral. Pero gaya rin nating lahat, nagtiwala si Pablo kay Jehova para masabi niya ang mabuting balita nang may katapangan. (Basahin ang Efeso 6:18-20.) Paano natin matutularan ang halimbawa ni Pablo?

5. Ano ang isang paraan para makapag-ipon tayo ng katapangang mangaral?

5 Ang isang paraan para makapag-ipon ng katapangang mangaral ay sa pamamagitan ng panalangin. Ang sabi ng isang payunir: “Nananalangin ako na sana’y makapagsalita ako nang may kumpiyansa sa sarili, na sana’y maabot ko ang puso ng mga tao, at makadama ako ng kagalakan sa ministeryo. Tutal ang gawain namang ito ay kay Jehova, at hindi sa atin, kaya wala tayong magagawang anuman kung wala ang tulong niya.” (1 Tes. 5:17) Kailangan nating lahat ang patuloy na pananalangin na sana’y tulungan tayo ng banal na espiritu ng Diyos na makapangaral nang may katapangan.​—Luc. 11:9-13.

6, 7. (a) Anong pangitain ang tinanggap ni Ezekiel, at ano ang kahulugan nito? (b) Anong aral ang makukuha ng mga lingkod ng Diyos sa ngayon sa pangitain ni Ezekiel?

6 Ang aklat ng Ezekiel ay nagsisiwalat ng isa pang bagay na tutulong sa atin upang makapagsalita nang may katapangan. Sa isang pangitain, binigyan ni Jehova si Ezekiel ng isang balumbon na may sulat sa harap at likod na doo’y nakasulat ang “mga panambitan at pagdaing at paghagulhol” at sinabi sa kaniya na kainin ito, na sinasabi: “Anak ng tao, pakainin mo ang iyong tiyan, upang ang iyo mismong mga bituka ay mabusog mo ng balumbong ito na ibinibigay ko sa iyo.” Ano ang kahulugan ng pangitaing ito? Dapat na dibdibing mabuti ni Ezekiel ang mensaheng sasabihin niya. Dapat na maging bahagi ito ng kaniyang buhay, wika nga, anupat apektado nito ang kaniyang damdamin. Nagpatuloy ang propeta sa pagsasalaysay: “Pinasimulan kong kainin iyon, at sa aking bibig ay naging tulad iyon ng pulot-pukyutan sa tamis.” Para kay Ezekiel, ang paghahayag ng mensahe ng Diyos sa mga tao ay napakasarap gawin​—gaya ng pagkain ng pulot-pukyutan. Para sa kaniya, isang dakilang pribilehiyo na maging kinatawan ni Jehova at tuparin ang bigay-Diyos na atas na ito, kahit mangahulugan pa ito ng paghahayag ng isang matinding mensahe sa mga taong walang pagpapahalaga.​—Basahin ang Ezekiel 2:8–3:4, 7-9.

7 Ang pangitaing ito ay may mahalagang aral para sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon. May matinding mensahe rin tayong dapat sabihin sa mga taong hindi lahat ay nagpapahalaga sa ating mga pagsisikap. Para patuloy nating ituring na isang bigay-Diyos na pribilehiyo ang ministeryong Kristiyano, dapat na maging malusog ang ating espirituwalidad. Kung pahapyaw lamang o hindi regular ang ating pag-aaral, hindi ito sapat para lubusang maikapit ang Salita ng Diyos. Mapasusulong mo ba ang kalidad ng iyong personal na pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya at magagawa mo ba ito nang regular? Mas madalas mo bang mabubulay-bulay ang iyong nababasa?​—Awit 1:2, 3.

Kung Paano Pasisimulan ang Pag-uusap Tungkol sa Bibliya

8. Anong paraan ang nakatulong sa ilang mamamahayag ng Kaharian para mapasimulan ang pag-uusap tungkol sa Bibliya sa ministeryo sa bahay-bahay?

8 Para sa maraming mamamahayag, ang pinakamahirap na bahagi ng ministeryo sa bahay-bahay ay kung paano pasisimulan ang pakikipag-usap sa may-bahay. Ang totoo, sa ilang teritoryo, isang hamon kung paano pasisimulan ang pag-uusap. Mas madali para sa ilang mamamahayag na pasimulan ang kanilang pakikipag-usap sa mga tao sa tahanan gamit ang ilang piling salita kasunod ng pag-aabot sa may-bahay ng isang tract, gaya ng makikita sa kalakip na kahon. Maaaring matawag ang pansin ng may-bahay sa pamagat ng tract o sa magandang larawan nito, anupat pagkakataon na ito para masabi sa maikli ang layunin ng ating pagdalaw at makapagtanong. Ang isa pang puwedeng gawin ay ang pagpapakita sa may-bahay ng tatlo o apat na iba’t ibang tract at papiliin kung alin ang gusto niya. Mangyari pa, ang ating tunguhin ay hindi lamang basta magbigay ng tract o gamitin ito sa bawat bahay kundi para mapasimulan ang pag-uusap na aakay sa pag-aaral ng Bibliya.

9. Bakit mahalaga ang mabuting paghahanda?

9 Anumang paraan ang gamitin mo, matutulungan kang magkaroon ng kumpiyansa sa sarili at maging masigla sa ministeryo sa bahay-bahay kung paghahandaan mo itong mabuti. Sinabi ng isang payunir: “Mas masaya ako kapag handang-handa ako. Sabik na sabik akong ipakipag-usap ang aking inihandang presentasyon.” Ang sabi naman ng isa pang payunir, “Kapag nabasa ko ang publikasyong iaalok ko, nasasabik akong gamitin ito.” Bagaman nakatutulong ang tahimik na pagrerepaso ng iyong sasabihin, marami ang nakapagpatunay na mas nakatutulong kung papraktisin ito nang malakas. Ang paggawa nito ay tumutulong sa kanila na ibigay kay Jehova ang pinakamahusay nilang magagawa.​—Col. 3:23; 2 Tim. 2:15.

10. Ano ang puwedeng gawin para maging praktikal at kapaki-pakinabang ang mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan?

10 Ang praktikal na mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan ay nakatutulong sa atin upang maging mabisa at masaya sa ministeryo sa bahay-bahay. Kung ang pang-araw-araw na teksto ay tuwirang tumutukoy sa gawaing pangangaral, maaari itong basahin at pag-usapan sa maikli. Gayunman, ang kapatid na nangangasiwa sa pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan ay dapat maglaan ng sapat na panahon para pag-usapan o itanghal ang isang simpleng presentasyon na angkop sa teritoryo o talakayin ang iba pang praktikal na impormasyong puwedeng gamitin sa ministeryo sa araw na iyon. Makatutulong ito sa mga naroroon na makapagpatotoo sa mabisang paraan. Kung naghandang mabuti, magagampanan ito ng mga elder at iba pang nangangasiwa sa mga pagtitipong ito at matatapos pa rin sila sa takdang oras.​—Roma 12:8.

Ang Nagagawa ng Pakikinig

11, 12. Paano tumutulong sa atin ang pakikinig nang may pagkahabag para maipaabot ang mabuting balita sa mga tao? Magbigay ng mga halimbawa.

11 Matutulungan tayong mapasimulan ang pag-uusap tungkol sa Bibliya at maabot ang puso ng mga tao sa ministeryo kung magpapakita tayo ng personal na interes sa iba bukod pa sa mabuting paghahanda. Ang isang paraan para maipakita ang gayong interes ay sa paraan ng ating pakikinig. Sinabi ng isang naglalakbay na tagapangasiwa: “Kapag matiyaga ka at handang makinig sa mga tao, talagang nakaaakit ito at isa itong napakainam na pagpapakita ng magiliw na personal na interes.” Ang pakikinig nang may pagkahabag ay posibleng maging susi na magbubukas sa puso ng may-bahay, gaya ng ipinakikita ng karanasang ito.

12 Sa isang bukás na liham na inilathala sa pahayagang Le Progrès, sa Saint-Étienne, Pransiya, ikinuwento ng isang babae ang pagdalaw ng dalawang taong kumatok sa kanilang pinto noong kamamatay pa lamang ng kaniyang tatlong-buwang-gulang na anak na babae. “Kaagad ko silang nakilala bilang mga Saksi ni Jehova,” ang isinulat niya. “Magalang ko sana silang paaalisin, subalit napansin ko ang isang brosyur na iniaalok nila. Ito’y tungkol sa kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa. Kaya nagpasiya akong papasukin sila sa intensiyong mapatunayan na mali sila. . . . Ang mga Saksi ay nanatili nang mahigit isang oras. Pinakinggan nila ako nang may matinding pagkahabag, at nang papaalis na sila, gumaan ang aking pakiramdam anupat sumang-ayon akong bumalik sila.” (Roma 12:15) Nang maglaon, tinanggap ng babaing ito ang isang pag-aaral sa Bibliya. Nakita natin na ang naalaala niya sa unang pagdalaw na iyon ay, hindi kung ano ang sinabi ng dalawang Saksi, kundi kung paano sila nakinig.

13. Paano natin maibabagay sa mga indibiduwal na nakakausap natin ang ating presentasyon tungkol sa mabuting balita?

13 Kapag nakikinig tayo nang may pagkahabag, para na rin nating hinahayaan ang mga tao na sabihin sa atin kung bakit nila kailangan ang Kaharian. Nagiging mas madali para sa atin na ibahagi sa kanila ang mabuting balita. Malamang na napapansin mong ang mahuhusay na ebanghelisador ay karaniwan nang mahuhusay ring tagapakinig. (Kaw. 20:5) Nagpapakita sila ng tunay na interes sa mga taong nakakausap nila sa ministeryo. Hindi lamang nila tinatandaan ang kanilang mga pangalan at adres kundi pati na rin ang kanilang mga interes at pangangailangan. Kapag may nagtatanong, nagsasaliksik sila at bumabalik agad para sagutin ang kanilang tanong. Gaya ni apostol Pablo, ibinabagay nila sa mga indibiduwal na nakakausap nila ang kanilang presentasyon tungkol sa mensahe ng Kaharian. (Basahin ang 1 Corinto 9:19-23.) Dahil sa gayong taimtim na interes, ang mga tao ay naaakit sa mabuting balita at lubusan nitong naipaaaninag ang “magiliw na pagkamahabagin ng ating Diyos.”​—Luc. 1:78.

Panatilihin ang Pagiging Positibo

14. Sa pagsasagawa ng ating ministeryo, paano natin maipaaaninag ang mga katangian ni Jehova?

14 Ipinakita ni Jehova ang kaniyang pagpapahalaga sa atin sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng kalayaang magpasiya. Bagaman siya ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, hindi niya pinipilit ang sinuman na paglingkuran siya kundi maibigin siyang nananawagan sa mga tao, anupat pinagpapala niya ang mga nagpapahalaga sa kaniyang mga kahanga-hangang paglalaan. (Roma 2:4) Bilang kaniyang mga ministro, kailangang handa tayong iharap ang mabuting balita sa paraang karapat-dapat sa ating maawaing Diyos sa tuwing magpapatotoo tayo. (2 Cor. 5:20, 21; 6:3-6) Para magawa iyan, kailangan nating palaging maging positibo sa mga tao sa ating teritoryo. Ano ang makatutulong sa atin para mapagtagumpayan ang hamong ito?

15. (a) Ano ang itinagubilin ni Jesus na gawin ng kaniyang mga alagad kapag hindi tinanggap ng mga tao ang mensahe? (b) Ano ang makatutulong sa atin na ituon ang pansin sa paghahanap ng mga karapat-dapat?

15 Tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na huwag masyadong mabahala kung tanggihan man ng ilan ang mensahe kundi sa halip ay ituon ang pansin sa paghahanap ng mga karapat-dapat. (Basahin ang Mateo 10:11-15.) Magagawa natin ito kung magtatakda tayo ng simple at abot-kayang mga tunguhin. Inihalintulad ng isang brother ang kaniyang sarili sa isang taong naghahanap ng ginto. Ang kaniyang prinsipyo sa buhay ay, “Umaasa ako na sa maghapong ito, makahuhukay ako ng ginto.” Ang tunguhin naman ng isang brother ay “makatagpo ng isang interesadong tao linggu-linggo at makabalik pagkalipas lamang ng ilang araw para linangin ang ipinakitang interes.” May ilang mamamahayag na nagsisikap, hangga’t maaari, na makabasa ng kahit isang teksto man lamang sa bawat may-bahay. Anong makatotohanang tunguhin ang puwede mong itakda sa iyong sarili?

16. Anu-ano ang dahilan kung bakit patuloy tayong nangangaral?

16 Ang tagumpay ng ministeryo sa bahay-bahay ay hindi lamang nakadepende sa pagtugon ng mga tao sa teritoryo. Oo, mahalaga ang papel na ginagampanan ng pangangaral sa pagliligtas ng mga tapat-pusong tao, pero may iba pa itong mahalagang layunin. Ang Kristiyanong ministeryo ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong maipakita ang ating pag-ibig kay Jehova. (1 Juan 5:3) Tumutulong ito sa atin na makaiwas sa pagkakasala sa dugo. (Gawa 20:26, 27) Nagbababala ito sa mga taong di-makadiyos na “dumating na ang oras ng paghatol [ng Diyos].” (Apoc. 14:6, 7) Higit sa lahat, dahil sa pangangaral ng mabuting balita, ang pangalan ni Jehova ay pinapupurihan sa buong lupa. (Awit 113:3) Kaya makinig man o hindi ang mga tao, dapat tayong magpatuloy sa paghahayag ng mensahe ng Kaharian. Oo, ang lahat ng ating pagsisikap na ihayag ang mabuting balita ay maganda sa paningin ni Jehova.​—Roma 10:13-15.

17. Ano ang mapipilitang kilalanin ng mga tao sa malapit na hinaharap?

17 Bagaman marami sa ngayon ang hindi nagbibigay-pansin sa ating pangangaral, hindi na magtatagal at magbabago rin ang pangmalas nila rito. (Mat. 24:37-39) Tiniyak ni Jehova kay Ezekiel na kapag natupad na ang mga hatol na ipinahahayag niya, ‘tiyak na malalaman din ng rebelyosong sambahayan ng Israel na nagkaroon nga ng isang propeta sa gitna nila.’ (Ezek. 2:5) Sa katulad na paraan, kapag inilapat na ng Diyos ang kaniyang hatol sa kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay, mapipilitan ang mga tao na kilalaning nanggaling nga sa isang tunay na Diyos, si Jehova, ang mensahe ng mga Saksi ni Jehova na ipinangaral sa mga pampublikong lugar at sa bahay-bahay, at na talagang naglingkod ang mga Saksi bilang kaniyang mga kinatawan. Isa ngang malaking karangalan na taglayin natin ang kaniyang pangalan at ihayag ang kaniyang mensahe sa mahalagang panahong ito! Sa tulong niya, patuloy sana nating mapagtagumpayan ang mga hamon sa ministeryo sa bahay-bahay.

Paano Mo Sasagutin?

• Paano tayo makapag-iipon ng katapangan sa pangangaral?

• Ano ang tutulong sa atin para mapasimulan ang pag-uusap tungkol sa Bibliya sa ministeryo sa bahay-bahay?

• Paano natin maipakikita ang taimtim na interes sa iba?

• Ano ang tutulong para manatiling positibo ang ating saloobin sa mga tao sa ating teritoryo?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon/Larawan sa pahina 9]

Isang Paraan Para Mapasimulan ang Pag-uusap Tungkol sa Bibliya

Para makapagpasimula:

◼ Matapos batiin ang may-bahay, puwede mo siyang bigyan ng isang tract at sabihin, “Gusto ko po sanang ipakipag-usap sa inyo ang tungkol sa mahalagang paksang ito na magbibigay sa atin ng pag-asa.”

◼ O puwede mo ring ialok ang tract at sabihin, “Hindi po ako magtatagal, gusto ko lang po sanang malaman kung ano ang masasabi ninyo sa paksang ito.”

Kapag tinanggap ang tract:

◼ Tanungin agad ang may-bahay kung ano ang masasabi niya tungkol sa pamagat ng tract.

◼ Makinig na mabuti, at sikaping unawain ang pangmalas ng may-bahay. Pasalamatan siya sa kaniyang mga komento at isaalang-alang ito sa inyong pag-uusap.

Para maipagpatuloy ang pag-uusap:

◼ Basahin at pag-usapan ang isa o higit pang mga teksto, at iangkop ang iyong presentasyon sa interes at pangangailangan ng may-bahay.

◼ Kapag nagpakita ng interes, ialok ang literatura at kung maaari, ipakita kung paano isinasagawa ang pag-aaral sa Bibliya. Isaayos na magbalik.