Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magiliw na Nagmamalasakit si Jehova sa Kaniyang May-edad Nang mga Lingkod

Magiliw na Nagmamalasakit si Jehova sa Kaniyang May-edad Nang mga Lingkod

Magiliw na Nagmamalasakit si Jehova sa Kaniyang May-edad Nang mga Lingkod

“Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan.”​—HEB. 6:10.

1, 2. (a) Kapag nakakakita ka ng isang taong maputi na ang buhok, ano ang naaalaala mo? (b) Ano ang pangmalas ni Jehova sa may-edad nang mga Kristiyano?

 KAPAG nakakakita ka sa kongregasyon ng mga may-edad at mapuputi na ang buhok, naaalaala mo ba ang isang ulat sa aklat ng Bibliya na Daniel? Sa pangitaing ibinigay Niya kay Daniel, inilarawan ng Diyos na Jehova ang kaniyang sarili bilang Isa na may puting buhok. Sumulat si Daniel: “Patuloy akong nagmasid hanggang sa may inilagay na mga trono at ang Sinauna sa mga Araw ay umupo. Ang kaniyang pananamit ay puti na parang niyebe, at ang buhok ng kaniyang ulo ay gaya ng malinis na lana.”​—Dan. 7:9.

2 Ang likas na kulay ng lana ay puti. Kaya ang puting buhok at ang titulong “Sinauna sa mga Araw” ay nagdiriin sa walang-pasimula at walang-katapusang pag-iral ng Diyos at sa kaniyang dakilang karunungan na karapat-dapat sa ating matinding paggalang. Kung gayon, ano ang pangmalas ng Sinauna sa mga Araw, si Jehova, sa tapat na mga lalaki at babaing may-edad? Sinasabi ng Salita ng Diyos na “ang ulong may uban ay korona ng kagandahan kapag ito ay nasusumpungan sa daan ng katuwiran.” (Kaw. 16:31) Oo, kapag nagkaroon na ng uban o puting buhok ang isang tapat na Kristiyano, iyon ay maganda sa paningin ng Diyos. Ganoon din ba ang tingin mo sa may-edad nang mga kapatid?

Bakit Napakahalaga Nila?

3. Bakit napakahalaga sa atin ang may-edad nang mga kapananampalataya?

3 Kabilang sa gayong minamahal na mga lingkod ng Diyos ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang kasalukuyan at dating naglalakbay na mga tagapangasiwa, masisigasig na payunir, at mga may-gulang na mamamahayag ng Kaharian​—mga kapatid na tapat na naglilingkod sa mga kongregasyon. Marahil ay may kilala kang ilang kapatid na masigasig na nangaral ng mabuting balita sa loob ng maraming taon at nakapagpakita ng mga halimbawang nagpasigla at humubog sa mga kabataan. Ang ilang may-edad nang mga kapananampalataya ay bumalikat ng mabibigat na responsibilidad at nagbata ng mga pag-uusig dahil sa mabuting balita. Lubos na pinahahalagahan ni Jehova at ng “tapat at maingat na alipin” ang lahat ng kanilang nagawa at kasalukuyang ginagawa para sa Kaharian.​—Mat. 24:45.

4. Bakit natin dapat igalang at ipanalangin ang may-edad nang mga Kristiyano?

4 Ang gayong tapat na mga may-edad ay karapat-dapat sa pasasalamat at paggalang ng ibang mga lingkod ng Diyos na Jehova. Sa katunayan, ayon sa Kautusan ng Diyos na ibinigay sa pamamagitan ni Moises, ang konsiderasyon at paggalang sa mga may-edad ay may kaugnayan sa pagkatakot kay Jehova. (Lev. 19:32) Dapat nating regular na ipanalangin ang mga tapat na ito at pasalamatan ang Diyos sa kanilang mga pagpapagal dahil sa pag-ibig. Ipinanalangin ni apostol Pablo ang kaniyang mahal na mga kamanggagawa, bata man o matanda.​—Basahin ang 1 Tesalonica 1:2, 3.

5. Paano tayo makikinabang sa pakikisama sa may-edad nang mga mananamba ni Jehova?

5 Isa pa, ang lahat sa kongregasyon ay maaaring makinabang sa pakikisama sa may-edad nang mga Kristiyano. Dahil sa pag-aaral, pagmamasid, at karanasan, ang tapat at may-edad nang mga mananamba ni Jehova ay nakaipon na ng mga kaalamang di-kayang tumbasan ng salapi. Natuto silang magtiis at magpakita ng empatiya, at kapag itinuturo nila sa kasunod na henerasyon ang kanilang mga natutuhan, nagdudulot ito sa kanila ng malaking kagalakan at kasiyahan. (Awit 71:18) Kayong mga kabataan, magpakarunong kayo at sumalok sa bukal na ito ng kaalaman gaya ng pagsalok ng tubig sa balon.​—Kaw. 20:5.

6. Paano mo maipakikita sa mga may-edad na talagang pinahahalagahan mo sila?

6 Ipinaaalam mo ba sa mga may-edad na pinahahalagahan mo silang gaya ng pagpapahalaga ni Jehova sa kanila? Ang isang paraan para magawa ito ay sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanila kung gaano mo sila kamahal dahil sa kanilang katapatan at kung gaano kahalaga sa iyo ang kanilang mga opinyon. Bukod diyan, kapag sinusunod mo ang kanilang payo, ipinakikita mong talagang iginagalang mo sila. Naaalaala pa ng maraming may-edad nang Kristiyano ang matalinong payo na tinanggap nila mula sa tapat na mga may-edad at kung paanong dahil sa pagsunod doon ay nakinabang sila sa buong buhay nila. *

Ipakita ang Magiliw na Pagmamahal sa Praktikal na Paraan

7. Kanino ibinigay ni Jehova ang pangunahing responsibilidad na pagmalasakitan ang mga may-edad?

7 Ang pangunahing responsibilidad na paglaanan ang mga may-edad ay ibinigay ng Diyos sa kanilang mga pamilya. (Basahin ang 1 Timoteo 5:4, 8.) Natutuwa si Jehova kapag tinutupad nila ang kanilang obligasyon sa mga may-edad nilang kapamilya anupat ipinakikita nilang nagmamalasakit sila sa mga may-edad gaya ng pagmamalasakit Niya mismo. Sinusuportahan ng Diyos at pinagpapala ang mga pamilyang ito dahil sa kanilang mga pagsisikap at sa lahat ng kanilang mga pagsasakripisyo. *

8. Bakit dapat ipakita ng mga kongregasyon na may malasakit sila sa nagkakaedad nang mga Kristiyano?

8 Sa katulad na paraan, natutuwa si Jehova kapag tinutulungan ng lokal na kongregasyon ang tapat na mga may-edad na nangangailangan pero walang kapamilyang Saksi o kapamilyang handang magmalasakit sa kanila. (1 Tim. 5:3, 5, 9, 10) Sa gayon ay ipinakikita ng mga kongregasyon na sila’y may ‘pakikipagkapuwa-tao, pagmamahal na pangkapatid, at magiliw na pagkamahabagin’ sa mga may-edad. (1 Ped. 3:8) Napakaganda ng pagkakalarawan ni Pablo sa kanilang pagmamalasakit sa mga may-edad nilang miyembro ng kongregasyon nang sabihin niyang kung nagdurusa ang isang sangkap ng katawan ng tao, “ang lahat ng iba pang sangkap ay nagdurusang kasama nito.” (1 Cor. 12:26) Ang praktikal at mahabaging pagkilos alang-alang sa mga may-edad ay nagpapakita ng simulaing nakapaloob sa payo ni Pablo: “Patuloy ninyong dalhin ang mga pasanin ng isa’t isa, at sa gayon ay tuparin ninyo ang kautusan ng Kristo.”​—Gal. 6:2.

9. Ano ang maaaring maging pasanin ng mga may-edad?

9 Anong pasanin ang dinadala ng mga may-edad? Marami ang madali nang mapagod. Baka iniisip nilang ang paggawa ng mga simpleng bagay​—pagpapadoktor, pag-aasikaso ng mga papeles, paglilinis ng bahay, paghahanda ng pagkain​—ay hindi na nila kayang gawin. Dahil hindi na sila gaanong nakakaramdam ng gutom at uhaw, baka isipin nilang hindi na nila kailangang kumain at uminom na sindami ng talagang dapat nilang kainin at inumin. Katulad din iyan ng espirituwal na pagkain. Baka nahihirapan na silang magbasa at makinig sa mga pulong sa kongregasyon dahil sa panlalabo ng mata at panghihina ng tainga, at baka kahit ang paghahanda lamang para makadalo sa Kristiyanong pagpupulong ay hirap na hirap na sila. Kung gayon, ano kaya ang maitutulong ng iba sa gayong mga may-edad?

Kung Paano Ka Makatutulong

10. Ano ang magagawa ng mga elder para matiyak na nabibigyan ng praktikal na tulong ang mga may-edad?

10 Sa maraming kongregasyon, kapuri-puri ang kanilang pag-aasikaso sa mga may-edad. Tinutulungan sila ng maibiging mga kapatid sa pamimili, pagluluto, at paglilinis. Tinutulungan nila ang mga may-edad sa pag-aaral, paghahanda para makadalo sa mga pulong, at pananatiling regular sa ministeryo. Sinasamahan sila ng mga kabataang Saksi at pinaglalaanan ng masasakyan. Kapag hindi na kayang umalis ng bahay ang mga may-edad, nakakapakinig sila ng mga pulong sa tulong ng telepono o rekording. Hangga’t maaari, tinitiyak ng mga elder na naisasagawa ang praktikal na mga kaayusan para mailaan ang mga pangangailangan ng mga may-edad sa kongregasyon. *

11. Ikuwento kung paano tinulungan ng isang pamilya ang isang may-edad nang brother.

11 Ang indibiduwal na mga Kristiyano ay puwede ring maging mapagpatuloy at bukas-palad. Nang mamatay ang asawa ng isang may-edad nang brother, hindi na niya kayang bayaran ang upa sa bahay dahil putol na ang pensiyon ng kaniyang asawa. Noong buhay pa ang kaniyang asawa, nakapagdaos sila ng pag-aaral sa Bibliya sa isang pamilya​—tatay, nanay, at dalawang anak na babaing tin-edyer​—na may malaking bahay. Kinupkop siya ng mga ito. Sa loob ng 15 taon, nagsasalo sila sa pagkain, nagtatawanan at nagpapakita ng pag-ibig na pangkapatid. Nakinabang nang husto ang mga kabataan sa kaniyang pananampalataya at sa napakarami niyang karanasan, at nakinabang din siya sa maligaya nilang pagsasamahan. Ang brother na ito ay kinupkop nila hanggang sa mamatay siya sa edad na 89. Hanggang sa ngayon, patuloy pa ring nagpapasalamat sa Diyos ang pamilyang ito dahil sa maraming pagpapalang natamo nila sa pakikisama sa kaniya. Hindi sila ‘nawalan ng kanilang gantimpala’ sa pagtulong nila sa isang kapuwa alagad ni Jesu-Kristo.​—Mat. 10:42. *

12. Ano ang puwede mong gawin para ipakita ang iyong magiliw na pagmamalasakit sa may-edad nang mga kapatid?

12 Marahil ay wala ka sa posisyon para tumulong sa isang may-edad na kapatid na gaya ng ginawa ng pamilyang iyon, pero baka naman makatulong ka sa mga may-edad sa pagdalo sa mga pulong at paglabas sa ministeryo sa larangan. Puwede mo rin silang anyayahan sa inyong bahay at isama sa inyong pamamasyal. Puwede mo silang dalawin, lalo na kung may sakit sila o nasa ospital. Bukod diyan, maaari at dapat mo silang pakitunguhan bilang mga may-gulang na adulto. Hangga’t malinaw pa ang isip ng mga may-edad na Kristiyano, dapat silang isali sa paggawa ng mga desisyong may kaugnayan sa kanila. Kahit hindi na gaanong malinaw ang kanilang pag-iisip, nahahalata pa rin nila kung iginagalang ang kanilang dignidad.

Hindi Lilimutin ni Jehova ang Iyong mga Gawa

13. Bakit mahalaga ang pagpapakita ng konsiderasyon sa damdamin ng may-edad nang mga Kristiyano?

13 Mahalaga ang pagpapakita ng konsiderasyon sa damdamin ng mga may-edad. Normal lamang sa mga may-edad na manlumo dahil hindi na nila magawa ngayon ang lahat ng nagagawa nila noong sila’y bata pa at malusog. Halimbawa, isang sister na buong-siglang naglingkod kay Jehova sa loob ng mga 50 taon at dating regular pioneer ang unti-unting iginugupo ng isang uri ng sakit kung kaya hirap na hirap siyang makadalo sa mga pulong. Nang paghambingin niya ang nagagawa niya noon sa ministeryo at ang kalagayan niya ngayon, napaiyak siya. Nápatungó siya at sinabi niya habang umiiyak, “Wala na akong silbi.”

14. Anong pampatibay-loob ang makukuha ng may-edad nang mga lingkod ni Jehova mula sa mga awit?

14 Kung may-edad ka na ngayon, nakadama ka na rin ba ng ganitong kalungkutan? O may mga panahon bang pakiramdam mo’y parang pinabayaan ka na ni Jehova? Posibleng ganito rin ang naramdaman ng salmista nang tumanda na siya, dahil nagsumamo siya kay Jehova: “Huwag mo akong itakwil sa panahon ng katandaan; kapag nanghihina na ang aking kalakasan ay huwag mo akong iwan. . . . Maging hanggang sa katandaan at pagiging may-uban, O Diyos, huwag mo akong iwan.” (Awit 71:9, 18) Mangyari pa, hinding-hindi pababayaan ni Jehova ang kumatha ng awit na iyon, at hindi ka rin Niya pababayaan. Sa isa pang awit, ipinahayag naman ni David ang kaniyang pagtitiwala sa suporta ng Diyos. (Basahin ang Awit 68:19.) Makapagtitiwala ka na kung isa kang tapat na Kristiyanong may-edad, si Jehova ay sasaiyo at patuloy na aalalay sa iyo sa araw-araw.

15. Ano ang makatutulong sa mga may-edad na manatiling positibo?

15 Kayong may-edad nang mga Saksi ni Jehova, ang lahat ng inyong nagawa noon at ginagawa ngayon sa ikaluluwalhati ng Diyos ay hinding-hindi niya lilimutin. “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan,” ang sabi ng Bibliya. (Heb. 6:10) Kung gayon, huwag kayong maging negatibo, anupat iniisip na dahil may-edad na kayo ay wala na kayong silbi kay Jehova. Sikaping palitan ng positibong pangmalas ang malulungkot at negatibong kaisipan. Magsaya kayo sa inyong mga pagpapala at pag-asa sa hinaharap! Taglay natin ang “kinabukasan at pag-asa”​—ang pinakamaganda sa lahat​—at ginagarantiyahan ito ng ating Maylalang. (Jer. 29:11, 12; Gawa 17:31; 1 Tim. 6:19) Laging pag-isipan ang inyong pag-asa, sikapin ninyong maging laging positibo, at huwag na huwag ninyong mamaliitin ang halaga ninyo sa kongregasyon! *

16. Bakit inisip ng isang may-edad nang kapatid na huminto na sa paglilingkod bilang elder, pero paano siya pinasigla ng lupon ng matatanda?

16 Tingnan natin si Johan, na sa edad na 80 ay buong-panahong nag-alaga sa kaniyang tapat na asawang si Sannie na ngayo’y baldado na. * Nagsasalitan ang mga sister sa pagbabantay kay Sannie para makadalo at makapaglingkod si Johan. Pero nang bandang huli, nadama ni Johan na parang hindi na niya ito kaya at inisip niyang hindi na siya karapat-dapat manatiling elder sa kongregasyon. “Para ano pa ang pagiging elder ko?” ang tanong niya habang umiiyak. “Wala na akong naitutulong sa kongregasyon.” Tiniyak sa kaniya ng mga kasamahan niyang elder na mahalaga ang kaniyang mga karanasan at opinyon. Pinasigla nila siya na ipagpatuloy ang paglilingkod bilang elder, kahit limitado na lamang ang kaniyang nagagawa. Palibhasa’y napasigla, nagpatuloy si Johan sa kaniyang pagiging elder, sa kapakinabangan ng kongregasyon.

Talagang Nagmamalasakit si Jehova

17. Anong katiyakan ang ibinibigay ng Bibliya sa mga may-edad na Kristiyano?

17 Nililiwanag sa Kasulatan na ang mga may-edad ay may kakayahan pa ring makapanatiling mabunga sa espirituwal sa kabila ng mga problemang kaakibat ng pagtanda. Ipinahayag ng salmista: ‘Yaong mga nakatanim sa bahay ni Jehova ay uunlad pa rin sa panahon ng kanilang pagiging may-uban, mananatili silang mataba at sariwa.’ (Awit 92:13, 14) Si apostol Pablo, na marahil ay may iniinda ring sakit, ay ‘hindi nanghimagod, kahit ang pagkatao niya sa labas ay nanghihina.’​—Basahin ang 2 Corinto 4:16-18.

18. Bakit kailangan ng may-edad nang mga kapananampalataya at mga nag-aalaga sa kanila ang tulong mula sa iba?

18 Pinatutunayan ng maraming halimbawa sa ngayon na talagang ang mga may-edad ay puwede pa ring ‘umunlad.’ Pero sadyang nakapanghihina ng loob ang mga hamon ng karamdaman at pagtanda, kahit sa mga may-edad na may pamilyang nagmamalasakit at handang tumulong sa kanila. Maaari ding mapagod ang mga tagapag-alaga. May pribilehiyo at responsibilidad ang kongregasyon na ipakita sa pamamagitan ng gawa na talagang mahal nila ang mga may-edad at ang mga nag-aalaga sa mga ito. (Gal. 6:10) Ipinakikita ng gayong mga tulong na sa diwa, hindi lamang natin sinasabi sa kanilang yumaon kayo at “magpainit . . . at magpakabusog” nang hindi naman sila tinutulungan sa praktikal na paraan.​—Sant. 2:15-17.

19. Bakit makapagtitiwala ang tapat na mga may-edad nang Kristiyano sa kanilang kinabukasan?

19 Maaari ngang maapektuhan ng pagtanda ang dating nagagawa ng isang Kristiyano, pero ang pag-ibig ni Jehova sa kaniyang tapat at may-edad nang mga lingkod ay hindi pinakukupas ng panahon. Sa kabaligtaran, ang lahat ng tapat na mga Kristiyanong ito ay napakahalaga sa kaniyang paningin, at hinding-hindi niya sila iiwan. (Awit 37:28; Isa. 46:4) Aalalayan sila at papatnubayan ni Jehova sa buong panahon ng kanilang katandaan.​—Awit 48:14.

[Mga talababa]

^ Sa ilang lupain, maaaring kasali rito ang pagtulong sa mga may-edad na makakuha ng sustento mula sa gobyerno. Tingnan ang artikulong “Nagmamalasakit ang Diyos sa mga May-edad Na,” sa Hunyo 1, 2006, isyu ng Ang Bantayan.

^ Tingnan ang artikulong “Ang Karilagan ng Ulong May Uban,” sa Ang Bantayan ng Marso 15, 1993.

^ Binago ang mga pangalan.

Paano Mo Sasagutin?

• Bakit itinuturing mong napakahalaga ng tapat at may-edad nang mga Kristiyano?

• Paano natin maipakikita ang magiliw na pagmamalasakit sa nagkakaedad nang mga kapananampalataya?

• Ano ang tutulong sa may-edad nang mga lingkod ni Jehova na magkaroon ng positibong pangmalas?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 18]

Mataas ang pagtingin ng mga miyembro ng kongregasyon sa mga may-edad