Manatiling Tapat Taglay ang Pinagkaisang Puso
Manatiling Tapat Taglay ang Pinagkaisang Puso
“Lalakad ako sa iyong katotohanan. Pagkaisahin mo ang aking puso na matakot sa iyong pangalan.”—AWIT 86:11.
1, 2. (a) Ayon sa Awit 86:2, 11, ano ang tutulong sa atin para makapanatiling tapat kay Jehova sa harap ng mga pagsubok o tukso? (b) Kailan dapat linangin ang taos-pusong katapatan?
BAKIT ang ilang Kristiyano na nakapanatiling tapat nang maraming taon sa kabila ng pagkabilanggo o pag-uusig ay nahuhulog pa rin sa silo ng materyalismo sa bandang huli? Ang sagot ay nakasalalay sa ating makasagisag na puso—ang ating tunay na pagkatao. Pinag-uugnay ng ika-86 na Awit ang katapatan at ang pinagkaisang puso; samakatuwid nga, isang sakdal na puso, isa na hindi nababahagi. “O bantayan mo ang aking kaluluwa, sapagkat ako ay matapat,” ang panalangin ng salmistang si David. “Iligtas mo ang iyong lingkod—ikaw ang aking Diyos—na nagtitiwala sa iyo.” Sinabi rin ni David sa panalangin: “Turuan mo ako, O Jehova, ng tungkol sa iyong daan. Lalakad ako sa iyong katotohanan. Pagkaisahin mo ang aking puso na matakot sa iyong pangalan.”—Awit 86:2, 11.
2 Kung hindi tayo magtitiwala kay Jehova nang ating buong puso, madaling masisira ng anumang bagay na kinagigiliwan natin ang ating katapatan sa tunay na Diyos. Ang makasariling mga pagnanasa ay parang mga nakatanim na bomba sa ating nilalakaran. Kahit nakapanatili na tayong tapat kay Jehova sa ilalim ng mahihirap na kalagayan, maaari pa rin tayong maging biktima ng mga patibong o silo ni Satanas. Napakahalaga nga na ngayon pa lamang ay linangin na natin ang taos-pusong katapatan kay Jehova bago pa man dumating ang mga pagsubok o tukso sa atin! Sinasabi ng Bibliya: “Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso.” (Kaw. 4:23) Matututuhan natin ang mahahalagang aral sa bagay na ito mula sa karanasan ng isang propetang nagmula sa Juda na isinugo ni Jehova kay Haring Jeroboam ng Israel.
“Bibigyan Kita ng Isang Kaloob”
3. Ano ang naging reaksiyon ni Jeroboam sa mensahe ng paghatol na ipinahayag ng propeta ng Diyos?
3 Tingnan natin ang mga pangyayari. Katatapos pa lamang ipahayag ng lingkod ng Diyos ang isang matinding mensahe kay Haring Jeroboam na nagtatag ng pagsamba sa guya sa sampung-tribong kaharian sa hilaga ng Israel. Galit na galit ang hari. Inutusan niya ang kaniyang mga tauhan na hulihin ang mensahero. Pero si Jehova ay sumasakaniyang lingkod. Kaya sa isang iglap, makahimalang natuyot ang kamay ng hari na iniunat niya dahil sa galit at nabaak ang altar na ginagamit sa huwad na pagsamba. Biglang nagbago si Jeroboam. Nagsumamo siya sa lingkod ng Diyos: “Palambutin mo, pakisuyo, ang mukha ni Jehova na iyong Diyos at manalangin ka alang-alang sa akin upang ang aking kamay ay manauli sa akin.” Nanalangin nga ang propeta, at ang kamay ng hari ay gumaling.—1 Hari 13:1-6.
4. (a) Bakit isa talagang pagsubok sa katapatan ng propeta ang alok ng hari? (b) Ano ang naging tugon ng propeta?
4 Pagkatapos ay sinabi ni Jeroboam sa lingkod ng tunay na Diyos: “Sumama ka sa akin sa bahay at kumain ka, at bibigyan kita ng isang kaloob.” (1 Hari 13:7) Ano na ngayon ang gagawin ng propeta? Tatanggapin kaya niya ang paanyaya ng hari matapos niyang ipahayag ang mensahe ng kahatulan sa kaniya? (Awit 119:113) O tatanggihan niya ang paanyaya ng hari kahit na mukhang nagsisisi naman ito? Kayang-kaya ni Jeroboam na bigyan ng mamahaling mga kaloob ang kaniyang mga kaibigan. Kung ang propeta ng Diyos ay lihim na naghahangad ng materyal na mga bagay, malamang na magiging isang malaking tukso ang alok ng hari sa kaniya. Gayunman, ito ang utos ni Jehova sa propeta: “Huwag kang kumain ng tinapay o uminom ng tubig, at huwag kang bumalik sa daan na pinanggalingan mo.” Kaya matatag na sumagot ang propeta: “Kung ibigay mo man sa akin ang kalahati ng iyong bahay ay hindi ako sasama sa iyo at kakain ng tinapay o iinom ng tubig sa dakong ito.” At ang propeta ay lumisan sa Bethel sa pamamagitan ng ibang daan. (1 Hari 13:8-10) Anong aral ang itinuturo sa atin ng desisyon ng propeta may kinalaman sa taos-pusong katapatan?—Roma 15:4.
‘Maging Kontento’
5. Paano naging isyu ng katapatan ang materyalismo?
5 Baka isipin natin na walang kinalaman ang materyalismo sa isyu ng katapatan pero ang totoo, mayroon. Nagtitiwala ba tayo sa pangako ni Jehova na ilalaan niya kung ano talaga ang ating pangangailangan? (Mat. 6:33; Heb. 13:5) Sa halip na pilitin nating magkaroon ng “mas magagandang” bagay, anuman ang maging kapalit nito, na hindi naman natin kayang bilhin sa ngayon, puwede ba tayong mamuhay nang wala nito? (Basahin ang Filipos 4:11-13.) Natutukso ba tayong isakripisyo ang mga teokratikong pribilehiyo para lamang makuha ang ating gusto sa ngayon? Inuuna ba natin sa ating buhay ang tapat na paglilingkod kay Jehova? Ang ating sagot ay nakadepende nang malaki kung ang ating paglilingkod sa Diyos ay buong puso o hindi. “Ito ay isang paraan ng malaking pakinabang,” ang isinulat ni apostol Pablo, “itong makadiyos na debosyon kalakip ang kasiyahan sa sarili. Sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong anumang mailalabas. Kaya, sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito.”—1 Tim. 6:6-8.
6. Anong mga “kaloob” ang maaaring ialok sa atin, at ano ang makatutulong sa atin na magpasiya kung tatanggapin natin ito?
6 Halimbawa, baka alukin tayo ng ating amo ng isang promosyon na may malaking suweldo at iba pang mga benepisyo. O baka maisip nating mas malaki ang ating kikitain kung mangingibang-bansa tayo para maghanap ng trabaho. Sa una, tila pagpapala mula kay Jehova ang gayong mga oportunidad. Pero bago gumawa ng desisyon, hindi ba’t dapat muna nating suriin ang ating motibo? Ang pangunahin nating dapat isaalang-alang ay, “Paano kaya makaaapekto ang aking desisyon sa kaugnayan ko kay Jehova?”
7. Bakit mahalagang alisin natin ang ating materyalistikong mga hangarin?
7 Walang tigil sa pagtataguyod ng materyalismo ang sistema ni Satanas. (Basahin ang 1 Juan 2:15, 16.) Tunguhin ng Diyablo na parumihin ang ating puso. Kung gayon, kailangan nating maging alisto na matukoy ang materyalistikong mga hangarin sa ating puso at alisin ito. (Apoc. 3:15-17) Hindi naging mahirap kay Jesus na tanggihan ang lahat ng kaharian sa sanlibutan na iniaalok ni Satanas. (Mat. 4:8-10) Nagbabala siya: “Maging mapagmasid kayo at magbantay kayo laban sa bawat uri ng kaimbutan, sapagkat kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” (Luc. 12:15) Katapatan ang tutulong sa atin na umasa kay Jehova sa halip na sa ating sarili.
‘Nilinlang Siya’ ng Isang Matandang Propeta
8. Paano nasubok ang katapatan ng propeta ng Diyos?
8 Hindi na sana magkakaroon ng problema kung nagpatuloy lamang ang propeta ng Diyos sa kaniyang paglalakbay pauwi. Pero agad siyang napaharap sa isa na namang pagsubok. “May isang matandang propeta na tumatahan sa Bethel,” ang sabi ng Bibliya, “at ang kaniyang mga anak ay pumasok ngayon at isinaysay sa kaniya” ang lahat ng nangyari noong araw na iyon. Nang marinig ang ulat, iniutos sa kanila ng matandang lalaki na lagyan ng síya ang asno para sa kaniya upang mahabol niya ang propeta ng Diyos. Hindi pa natatagalan, nakita niya ang propeta na nagpapahinga sa ilalim ng malaking punungkahoy at sinabi niya: “Sumama ka sa akin sa bahay at kumain ka ng tinapay.” Nang tanggihan ng lingkod ng tunay na Diyos ang paanyaya, sumagot ang matandang lalaki: “Ako rin ay isang propeta na tulad mo, at isang anghel ang nagsalita sa akin sa pamamagitan ng salita ni Jehova, na sinasabi, ‘Pabalikin mo siyang kasama mo sa iyong bahay upang siya ay makakain ng tinapay at makainom ng tubig.’” Ngunit sinasabi ng Kasulatan: “Nilinlang niya siya.”—1 Hari 13:11-18.
9. Ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa mga mapanlinlang, at sino ang kanilang pinipinsala?
9 Anuman ang motibo ng matandang propeta, nagsinungaling pa rin siya. Marahil ang matandang lalaki ay naging isang tapat din namang propeta ni Jehova noon. Pero naging mapanlinlang na siya ngayon. Labis na kinokondena ng Kasulatan ang gayong paggawi. (Basahin ang Kawikaan 3:32.) Hindi lamang ang kanilang kaugnayan kay Jehova ang pinipinsala ng mga mapanlinlang kundi kadalasan nang pati ang sa ibang tao.
“Bumalik Siyang Kasama” ng Matandang Lalaki
10. Paano tumugon ang propeta ng Diyos sa paanyaya ng matandang lalaki, at ano ang naging resulta?
10 Dapat sana’y nahalata ng propetang nagmula sa Juda ang panlilinlang ng matandang propeta. Tinanong niya sana ang kaniyang sarili, ‘Bakit sa ibang tao magpapadala si Jehova ng isang anghel para magbigay ng bagong mga tagubilin para sa akin?’ Hiniling sana ng propeta kay Jehova na linawin ang tagubilin, pero walang ipinahihiwatig ang Kasulatan na ginawa niya iyon. Sa halip, “bumalik siyang kasama [ng matandang lalaki] upang siya ay makakain ng tinapay sa kaniyang bahay at makainom ng tubig.” Hindi nalugod si Jehova. Nang sa wakas ay pabalik na sa Juda ang nalinlang na propeta, nasalubong niya ang isang leon at pinatay siya. Isa ngang kalunus-lunos na wakas ng kaniyang pagiging propeta!—1 Hari 13:19-25. *
11. Anong magandang halimbawa ang ipinakita ni Ahias?
11 Sa kabilang panig naman, si propeta Ahias, na siyang isinugo para pahiran si Jeroboam bilang hari, ay nanatiling tapat hanggang sa kaniyang katandaan. Nang si Ahias ay matanda na at hindi na makakita, isinugo ni Jeroboam ang kaniyang asawa para magtanong kay Ahias tungkol sa kalagayan ng kanilang anak na lalaki. Buong-tapang na inihula ni Ahias na mamamatay ang anak na lalaki ni Jeroboam. (1 Hari 14:1-18) Isa sa mga pagpapalang tinanggap ni Ahias ay ang pribilehiyong magkaroon ng bahagi sa kinasihang Salita ng Diyos. Paano? Noong bandang huli, ginamit ni Ezra na saserdote ang kaniyang mga akda bilang reperensiya.—2 Cro. 9:29.
12-14. (a) Anong aral ang matututuhan natin mula sa nangyari sa nakababatang propeta? (b) Ilarawan kung bakit kailangang isaalang-alang nang maingat at may-pananalangin ang payo ng Bibliya na ibinigay ng mga elder?
12 Walang binabanggit ang Bibliya kung bakit hindi sumangguni kay Jehova ang nakababatang propeta bago bumalik at kumain at uminom na kasama ng matandang lalaki. Hindi kaya dahil sa ang sinabi ng nakatatandang lalaki ang gusto niyang marinig? Anong aral ang matututuhan natin dito? Kailangan tayong maging lubusang kumbinsido na matuwid ang mga kahilingan ni Jehova. At dapat na maging determinado tayong sumunod sa mga iyon, anuman ang mangyari.
13 Kapag pinapayuhan, pinakikinggan lamang ng ilan kung ano ang gusto nilang marinig. Halimbawa, baka ang isang mamamahayag ay alukin ng trabaho na kukuha ng oras na nakalaan para sa kaniyang pamilya at sa teokratikong mga gawain. Baka humingi siya ng payo sa isang elder. Maaaring simulan ng elder ang kaniyang payo sa pagsasabing wala siya sa kalagayan na sabihin sa brother kung paano niya susuportahan ang kaniyang pamilya. Pagkatapos ay maaaring repasuhin ng elder sa brother ang espirituwal na mga panganib kung tatanggapin niya ang iniaalok na trabaho sa kaniya. Ang unang sinabi lamang ba ng elder ang tatandaan ng brother, o bibigyan niya ng matamang pansin ang iba pang mga komento nito? Maliwanag na kailangang alamin ng brother kung ano ang pinakamabuti para sa kaniya sa espirituwal na paraan.
14 Isaalang-alang ang isa pang posibleng situwasyon. Maaaring itanong ng isang sister sa elder kung dapat ba niyang hiwalayan ang kaniyang di-sumasampalatayang asawa. Tiyak na ipaliliwanag ng elder na ang sister lamang ang makapagpapasiya kung makikipaghiwalay siya o hindi. Pagkatapos ay maaaring talakayin sa kaniya ng elder ang payo ng Bibliya hinggil sa paksang ito. (1 Cor. 7:10-16) Isasaalang-alang kaya ng sister ang sinasabi ng elder? O talagang desidido na siyang hiwalayan ang kaniyang asawa? Sa paggawa niya ng desisyon, isang katalinuhan na may-pananalangin niyang isaalang-alang ang payo ng Bibliya.
Maging Mahinhin
15. Ano ang matututuhan natin sa naging pagkakamali ng propeta ng Diyos?
15 Ano pa ang matututuhan natin sa pagkakamali ng propetang nagmula sa Juda? Sinasabi ng Kawikaan 3:5: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa.” Sa halip na patuloy na umasa kay Jehova gaya ng ginawa niya noong una, sa pagkakataong ito, nagtiwala sa kaniyang sariling pagpapasiya ang propetang nagmula sa Juda. Naiwala niya ang kaniyang buhay at mabuting pangalan sa harap ng Diyos dahil sa kaniyang pagkakamali. Binibigyang-diin ng kaniyang karanasan ang kahalagahan ng mahinhin at tapat na paglilingkod kay Jehova!
16, 17. Ano ang tutulong sa atin para makapanatiling tapat kay Jehova?
16 Malamang na mailigaw tayo ng makasariling hilig ng ating puso. “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib.” (Jer. 17:9) Para manatiling tapat kay Jehova, dapat tayong patuluyang magsikap na alisin ang lumang personalidad pati na ang tendensiya nito na maging pangahas at mapagtiwala sa sarili. At dapat tayong magbihis ng bagong personalidad, “na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.”—Basahin ang Efeso 4:22-24.
17 “Ang karunungan ay nasa mga mahinhin,” ang sabi ng Kawikaan 11:2. Ang pananalig kay Jehova nang may kahinhinan ay nakatutulong para maiwasan ang malulubhang pagkakamali. Halimbawa, madaling mapilipit ng panghihina ng loob ang ating kaisipan. (Kaw. 24:10) Baka tayo ay pagod na sa ilang bahagi ng ating sagradong paglilingkod at nakadaramang sapat na ang ating mga nagawa sa lumipas na mga taon, anupat iniisip na marahil ito na ang panahon para ipasa naman sa iba ang pananagutan. O baka gusto nating magkaroon ng “normal” na buhay. Gayunman, ang ‘pagpupunyagi natin nang buong-lakas’ at ang ‘laging paggawa nang marami sa gawain ng Panginoon’ ay magbabantay sa ating puso.—Luc. 13:24; 1 Cor. 15:58.
18. Ano ang dapat nating gawin kung hindi tayo makapagdesisyon?
18 Kung minsan, kailangan nating gumawa ng mabibigat na desisyon pero hindi natin agad maisip kung ano ang dapat gawin. Matutukso kaya tayong manalig sa sarili nating kaisipan? Kapag nasa gayong kalagayan, isang katalinuhan na humingi ng tulong kay Jehova. Sinasabi ng Santiago 1:5: “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, patuloy siyang humingi sa Diyos, sapagkat siya ay saganang nagbibigay sa lahat.” Bibigyan tayo ng ating makalangit na Ama ng banal na espiritu para makagawa tayo ng mga tamang desisyon.—Basahin ang Lucas 11:9, 13.
Maging Determinado na Manatiling Tapat
19, 20. Ano ang dapat na determinado nating gawin?
19 Noong maliligalig na panahon matapos lumihis si Solomon mula sa tunay na pagsamba, matindi ang naging mga pagsubok sa katapatan ng mga lingkod ng Diyos. Totoong marami ang nakipagkompromiso sa paanuman. Gayunman, ang ilan ay nakapanatiling tapat kay Jehova.
20 Araw-araw tayong napapaharap sa mga pagpili at pagpapasiya na sumusubok sa ating katapatan. Kaya rin nating patunayang tapat tayo. Sana’y manatili tayong tapat kay Jehova habang pinagkakaisa ang ating puso, anupat lubusang nagtitiwala na patuloy niyang pagpapalain ang kaniyang mga matapat.—2 Sam. 22:26.
[Talababa]
^ Hindi sinasabi ng Bibliya kung si Jehova ang nagpasapit ng kamatayan ng matandang propeta.
Paano Mo Sasagutin?
• Bakit dapat nating alisin ang materyalistikong mga hangarin sa ating puso?
• Ano ang tutulong sa atin para makapanatiling tapat kay Jehova?
• Paano makatutulong ang kahinhinan para manatili tayong tapat sa Diyos?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 9]
Nahihirapan ka bang labanan ang mga tukso?
[Mga larawan sa pahina 10]
Maisasaalang-alang mo ba nang may-pananalangin ang payo ng Bibliya?