Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Lumago sa Tumpak na Kaalaman Nang May “Pananabik ng Kaisipan”

Lumago sa Tumpak na Kaalaman Nang May “Pananabik ng Kaisipan”

Lumago sa Tumpak na Kaalaman Nang May “Pananabik ng Kaisipan”

NAIS ng lahat ng lingkod ni Jehova na matamo ang kaniyang pagsang-ayon. Dahil dito, gustung-gusto nating patibayin ang ating pananampalataya at maging masigasig sa ating sagradong paglilingkod. Gayunman, binanggit ni apostol Pablo ang isang panganib na nakaapekto sa ilang Judio noong panahon niya: “May sigasig sila sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman.” (Roma 10:2) Maliwanag, ang ating pananampalataya at pagsamba kay Jehova ay hindi dapat nakasalig lamang sa emosyon. Dapat na may tumpak na kaalaman tayo hinggil sa ating Maylalang at sa kaniyang kalooban.

Sa iba pang mga isinulat ni Pablo, binanggit niya na magkaugnay ang paggawing sinasang-ayunan ng Diyos at ang ating pananabik na magkaroon ng tumpak na kaalaman. Idinalangin niya na ang mga tagasunod ni Kristo ay ‘mapuspos nawa ng tumpak na kaalaman’ hinggil sa kalooban ng Diyos “sa layuning lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang palugdan siya nang lubos” habang “patuloy [silang] namumunga sa bawat mabuting gawa at lumalago sa tumpak na kaalaman sa Diyos.” (Col. 1:9, 10) Bakit napakahalaga na magkaroon tayo ng “tumpak na kaalaman”? At bakit tayo dapat lumago sa gayong kaalaman?

Napakahalaga sa Ating Pananampalataya

Ang tumpak na kaalaman hinggil sa Diyos at sa kaniyang kalooban na isinisiwalat sa Bibliya ay napakahalaga sa ating pananampalataya. Kung wala ang gayong mapananaligang kaalaman, ang ating pananampalataya kay Jehova ay magiging gaya ng isang kastilyong buhangin na madaling gumuho sa sandaling masagi ito. Pinasisigla tayo ni Pablo na mag-ukol ng sagradong paglilingkod sa Diyos gamit ang ating “kakayahan sa pangangatuwiran.” Pinasisigla rin niya tayo na ‘baguhin ang ating pag-iisip.’ (Roma 12:1, 2) Ang regular na pag-aaral ng Bibliya ay makatutulong sa atin na gawin ito.

Inamin ni Ewa, isang regular pioneer sa Poland: “Kung hindi ako regular na mag-aaral ng Salita ng Diyos, malamang na hindi ako lalago sa tumpak na kaalaman hinggil kay Jehova. Unti-unting mawawala ang aking pagka-Kristiyano, at hihina ang pananampalataya ko sa Diyos​—tiyak na masisira ang aking kaugnayan sa Kaniya.” Huwag sanang mangyari iyan sa atin! Isaalang-alang ang halimbawa ng isang taong lumago sa tumpak na kaalaman hinggil kay Jehova at bilang resulta ay nakamit ang Kaniyang pagsang-ayon.

“Gayon na Lamang ang Pag-ibig Ko sa Iyong Kautusan!”

Ipinahahayag sa Awit 119, isang matulaing awit sa Bibliya, ang damdamin ng salmista hinggil sa kautusan, paalaala, batas, at hudisyal na pasiya ni Jehova. Sumulat ang salmista: “Ang iyong mga batas ay kagigiliwan ko. . . . Ang iyong mga paalaala ang aking kinagigiliwan.” Isinulat din niya: “Gayon na lamang ang pag-ibig ko sa iyong kautusan! Buong araw ko itong pinag-iisipan.”​—Awit 119:16, 24, 47, 48, 77, 97.

Ang mga pananalitang “kinagigiliwan” at “pinag-iisipan” ay nagpapahiwatig na hindi lamang basta binubulay-bulay ng salmista ang Salita ng Diyos kundi nalulugod din siya sa gayong pagbubulay-bulay. Kitang-kita sa mga pananalitang ito na talagang gustung-gusto ng salmista na pag-aralan ang kautusan ng Diyos at na iniibig niya ito. Ang pag-ibig na ito ay hindi lamang bugso ng damdamin. Sa halip, ito ay dahil sa kaniyang marubdob na pagnanais na ‘pag-isipan’ ang kautusan nang sa gayo’y maunawaan ang mga salita ni Jehova. Makikita natin sa kaniyang saloobin na gusto niyang magkaroon ng tumpak na kaalaman hinggil sa Diyos at sa Kaniyang kalooban.

Maliwanag na ang pag-ibig ng salmista sa Salita ng Diyos ay nagmula sa kaibuturan ng kaniyang puso. Maaari nating tanungin ang ating sarili: ‘Ganiyan din ba ako? Nalulugod ba akong magbasa at mag-aral ng isang bahagi ng Bibliya araw-araw? Pinagsisikapan ko bang basahin ang Salita ng Diyos? Nananalangin ba ako kay Jehova bago ko gawin ito?’ Kung oo ang sagot natin sa mga tanong na ito, malamang na tayo’y ‘lumalago sa tumpak na kaalaman sa Diyos.’

Ganito ang komento ni Ewa: “Palagi kong sinisikap na pasulungin ang aking personal na pag-aaral. Mula nang matanggap ko ang brosyur na ‘Tingnan Mo ang Mabuting Lupain,’ napakadalas ko itong gamitin sa aking pag-aaral. Nagsisikap akong gamitin ang Insight on the Scriptures at iba pang kinakailangang reperensiya sa aking pagsasaliksik.”

Isaalang-alang din ang halimbawa nina Wojciech at Małgorzata, na maraming pananagutan sa pamilya. Paano kaya nila naisama sa kanilang iskedyul ang personal na pag-aaral ng Bibliya? “Bilang indibiduwal, pinagsisikapan namin talagang maglaan ng panahon sa pag-aaral ng Salita ng Diyos. Pagkatapos, sa aming mga pampamilyang pag-aaral at sa araw-araw naming kuwentuhan, pinag-uusapan namin ang mga puntong nakita naming kawili-wili o nakapagpapatibay sa amin.” Ang masusing personal na pag-aaral ay nagdulot sa kanila ng labis na kagalakan at natulungan sila nito na ‘lumago sa tumpak na kaalaman.’

Mag-aral Nang May Bukas na Isipan

Bilang mga Kristiyano, naniniwala tayo na kalooban ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:3, 4) Idiniriin ng katotohanang ito ang kahalagahan ng pagbabasa ng Bibliya at pagsisikap na “kunin ang diwa nito.” (Mat. 15:10) Ang isang tulong upang magawa ito ay sa pamamagitan ng pag-aaral nang may bukas na isipan. Ito ang saloobin na ipinakita ng sinaunang mga taga-Berea nang ipangaral sa kanila ni Pablo ang mabuting balita: “Tinanggap nila ang salita nang may buong pananabik ng kaisipan, na maingat na sinusuri ang Kasulatan sa araw-araw kung totoo nga ang mga bagay na ito.”​—Gawa 17:11.

Tinutularan mo ba ang halimbawa ng mga taga-Berea na may pananabik ng kaisipan sa pagsusuri sa Kasulatan? Kapag nag-aaral ng Bibliya, itinutuon mo bang mabuti ang iyong pansin sa iyong pinag-aaralan anupat hindi hinahayaan ang di-mahahalagang bagay na makagambala sa iyong isipan? Maaaring pagsikapan ng isang Kristiyano na tularan ang mga taga-Berea, kahit na dati ay nakababagot sa kaniya ang pag-aaral. Bukod diyan, habang nagkakaedad ang ilang tao, nawawalan na sila ng ganang magbasa at mag-aral, pero hindi dapat maging ganiyan ang isang Kristiyano. Anuman ang edad ng isa, maaari siyang magsikap na maiwasan ang mga panggambala sa pag-aaral. At habang nagbabasa ka, maaari kang maging masikap sa paghahanap ng impormasyon na maaari mong ikuwento sa iba. Halimbawa, puwede mo bang ikuwento sa iyong asawa o kaibigang Kristiyano ang mga bagay na nabasa mo o natutuhan sa iyong pag-aaral? Sa paggawa nito, maikikintal mo sa iyong isip at puso ang mga bagay na iyong napag-aralan at kasabay nito, magdudulot ito ng positibong epekto sa iba.

Kapag nag-aaral ka, tularan ang halimbawa ni Ezra, ang sinaunang lingkod ng Diyos na ‘inihanda ang kaniyang puso upang sumangguni sa kautusan ni Jehova.’ (Ezra 7:10) Paano mo magagawa ito? Maghanap ng isang lugar kung saan hindi ka magagambala sa iyong pag-aaral. Pagkatapos, maupo at manalangin kay Jehova para sa patnubay at karunungan. (Sant. 1:5) Tanungin ang sarili, ‘Ano kaya ang matututuhan ko sa pag-aaral kong ito?’ Habang nagbabasa ka, hanapin ang mga pangunahing ideya. Baka nais mong isulat ang mga ito o markahan ang mga bahagi na gusto mong tandaan. Pag-isipan kung paano mo magagamit ang materyal na ito kapag nagpapatibay sa mga kapananampalataya, nangangaral, o nagpapasiya. Sa pagtatapos ng iyong pag-aaral, sandaling repasuhin ang iyong napag-aralan. Ito ang tutulong sa iyo na matandaan ang iyong natutuhan.

Ganito inilarawan ni Ewa ang kaniyang pag-aaral: “Habang binabasa ko ang Bibliya, ginagamit ko ang mga cross-reference, ang Watch Tower Publications Index, at ang Watchtower Library sa CD-ROM. Nagsusulat ako ng mga nota upang matandaan ko ang aking napag-aralan at magamit ito sa aking ministeryo.”

Ang ilan ay maraming taon nang nasisiyahan sa masusing pag-aaral ng espirituwal na mga bagay. (Kaw. 2:1-5) Subalit dahil dumami ang kanilang pananagutan, nahihirapan na silang magtakda ng panahon sa personal na pag-aaral. Kung ganiyan ang kalagayan mo, anong mga pagbabago ang maaari mong gawin sa iyong iskedyul?

Paano Ako Makapaglalaan ng Panahon?

Siguradong sasang-ayon ka na mas madaling maglaan ng panahon sa mga bagay na nasisiyahan kang gawin. Natuklasan ng marami na ang nakatulong sa kanila na maging determinado sa personal na pag-aaral ay ang pagtatakda ng makatotohanang tunguhin, gaya ng pagbabasa ng buong Bibliya. Sabihin pa, tila napakahirap magbasa ng mahahabang talaangkanan, detalyadong mga paglalarawan ng sinaunang templo, o mga hula na waring walang kaugnayan sa araw-araw na buhay. Sikaping gumawa ng praktikal na mga hakbang upang maabot ang iyong tunguhin. Halimbawa, bago suriin ang isang bahagi ng Bibliya na waring mahirap unawain, baka makabubuting alamin mo muna kung ano ang kasaysayan nito o kung paano mo ito maikakapit sa iyong buhay. Ang gayong impormasyon ay makikita sa aklat na “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang,” na mababasa sa halos 50 wika.

Makabubuti rin kung gagamitin mo ang iyong imahinasyon habang nagbabasa ka ng Bibliya. Makatutulong ito na mailarawan sa iyong isipan ang mga tauhan at mga pangyayaring inilalahad. Kung ikakapit mo ang ilan sa mga mungkahing ito, malamang na mas masisiyahan ka at makikinabang sa iyong pag-aaral. Bukod diyan, mas magiging determinado kang maglaan ng panahon para dito. Magiging mas madali rin sa iyo na gawing kaugalian ang magbasa ng Bibliya araw-araw.

Samantalang makatutulong sa atin bilang indibiduwal ang mga mungkahing nabanggit, ano naman ang magagawa ng isang abalang pamilya? Bakit hindi maupo nang sama-sama at pag-usapan ang mga kapakinabangan ng pampamilyang pag-aaral? Baka makaisip kayo ng ilang praktikal na mungkahi, gaya ng paggising nang mas maaga araw-araw o sa ilang partikular na araw upang isaalang-alang ang isang bahagi ng Bibliya. O marahil ay mapag-usapan ninyo na kailangang gumawa ng pagbabago sa iskedyul ng pamilya. Halimbawa, nasumpungan ng ilang pamilya na praktikal na pag-usapan ang pang-araw-araw na teksto o basahin ang isang bahagi ng Bibliya matapos kumain. Bago magligpit ng kinainan o maghiwa-hiwalay para gawin ang ibang bagay, maaaring gumugol ang pamilya nang 10 o 15 minuto para talakayin ang Kasulatan o basahin ang nakaiskedyul na pagbabasa ng Bibliya sa linggong iyon. Sa una, baka mahirap itong gawin, pero di-magtatagal, malamang na makakasanayan na ito ng pamilya at magiging lubhang kasiya-siya ito para sa kanila.

Ipinaliwanag nina Wojciech at Małgorzata kung ano ang nakatulong sa kanilang pamilya: “Noong una, abala kami sa di-mahalaga at walang-saysay na mga gawain. Nagpasiya kami na bawasan ang panahon namin sa pagpapadala ng mga e-mail. Binawasan din namin ang panahong ginugugol namin sa libangan at naglaan kami ng espesipikong araw at oras para sa masusing pag-aaral.” Tiyak na hindi pinagsisihan ng pamilyang ito na ginawa nila ang gayong mga pagbabago, at siguradong magagawa rin ninyo ito bilang pamilya.

Talagang Sulit Kapag Tayo ay Lumago sa Tumpak na Kaalaman!

Ang masusing pag-aaral sa Salita ng Diyos ay maaaring ‘mamunga sa bawat mabuting gawa.’ (Col. 1:10) Habang nakikita iyan sa iyong buhay, mapapansin ng lahat ang iyong pagsulong. Ikaw ay magiging isang taong palaisip sa espirituwal na mga bagay at may malawak na kaunawaan sa mga katotohanan sa Bibliya. Mas magiging timbang ang iyong mga pasiya at tutulungan ka nito na maiwasan ang pagpapakalabis sa mga bagay-bagay na kadalasan nang nangyayari sa mga taong walang tumpak na kaalaman. Higit sa lahat, magiging mas malapít ka kay Jehova. Magkakaroon ka ng mas malalim na kaunawaan hinggil sa kaniyang mga katangian, at siguradong makikita sa iyo ang kaunawaang ito habang ibinabahagi mo sa iba ang natutuhan mo tungkol sa Kaniya.​—1 Tim. 4:15; Sant. 4:8.

Anuman ang iyong edad o karanasan sa buhay, gawin mo ang lahat ng pagsisikap na malugod sa pagbabasa ng Salita ng Diyos at masusing pag-aralan ito nang may bukas na isipan. Makatitiyak ka na hindi kalilimutan ni Jehova ang iyong pagsisikap. (Heb. 6:10) Siguradong pagpapalain ka niya nang sagana.

[Kahon sa pahina 13]

KAPAG TAYO AY ‘LUMAGO SA TUMPAK NA KAALAMAN’ . . .

Mapapatibay natin ang ating pananampalataya sa Diyos at magiging karapat-dapat tayo na lumakad kasama ni Jehova.​—Col. 1:9, 10

Magkakaroon tayo ng kaunawaan at makagagawa ng wastong mga desisyon.​—Awit 119:99

Lalo tayong malulugod na tumulong sa iba na maging malapít kay Jehova.​—Mat. 28:19, 20

[Mga larawan sa pahina 14]

Baka mahirap maghanap ng lugar kung saan hindi ka magagambala sa iyong pag-aaral pero sulit naman ito

[Larawan sa pahina 15]

Ang ilang pamilya ay nagbabasa ng isang bahagi ng Bibliya pagkatapos kumain