Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagpapatotoo sa Pamilihan

Pagpapatotoo sa Pamilihan

Pagpapatotoo sa Pamilihan

NOONG nasa lunsod ng Atenas si apostol Pablo, pumupunta siya araw-araw sa pamilihan para ipangaral ang mabuting balita tungkol kay Jesus. (Gawa 17:17) Pinili ni Pablo ang pamilihan sapagkat dito gumugugol ng maraming panahon ang mga nakatira sa Atenas.

Pagkalipas ng halos 2,000 taon, patuloy pa ring nangangaral ang bayan ni Jehova sa mga pamilihan upang ibahagi sa iba ang mensahe ng Kaharian ng Diyos. Bakit? Sapagkat maraming tao ang matatagpuan doon. Sa ngayon, nangangaral sila sa mga shopping mall yamang maraming tao ang namimili rito. Pagkatapos makakuha ng permiso mula sa manedyer o may-ari ng pamilihan, ang ilang Saksi ay naglalagay ng isang mesa para magdispley ng mga literatura sa Bibliya.

Halimbawa, sa isang shopping mall sa New Jersey sa E.U.A., isang nakatatawag-pansing displey ng mga publikasyong tumatalakay sa pagtataguyod ng mga pamantayang nagpapatibay sa ugnayan ng pamilya ang isinaayos ng mga kapatid. Ano ang naging resulta? Sa loob lamang ng isang araw, 153 aklat sa anim na wika ang naipasakamay.

Isang babae ang lumapit sa mesa at nakinig nang mabuti sa paliwanag ng isa sa mga Saksi. Sumang-ayon ang babae na mahalagang isaalang-alang natin ang kalooban ng Diyos sa ating buhay at sa ating pamilya. Kinuha niya ang sumusunod na mga publikasyon: Matuto Mula sa Dakilang Guro, Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, at Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas.

Noong bandang hapon, isang lalaki ang napadaan sa displey ng mga literatura nang siya ay papasok sa isang tindahang katabi nito. Hindi niya maalis ang kaniyang tingin sa aklat na Tanong ng mga Kabataan. Napansin ng isang sister na nakatayo sa tabi ng displey na interesado ang lalaki sa aklat. Tinanong ng sister ang lalaki, “Mayroon po ba kayong nagustuhang aklat?” Tumango ang lalaki at itinuro ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan. Nang kukunin na ito ng lalaki, agad na iniabot ito sa kaniya ng sister. Sinabi ng lalaki na mayroon siyang tatlong anak. Sinabi rin niya na nag-uusap silang mag-aama minsan sa isang linggo. Binata na ang kaniyang dalawang anak. At habang tinitingnan-tingnan niya ang aklat, sinabi niya na tiyak na magagamit niya ito sa kanilang pag-uusap bilang pamilya. Ipinakita rin ng sister sa kaniya ang aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya. Tiniyak sa kaniya ng sister na siya at ang kaniyang asawa ay makakakuha ng ilang kapaki-pakinabang na payo na makatutulong sa kanila sa paggawa ng mga desisyon para sa kanilang pamilya. Nagpasalamat ang lalaki sa mungkahi, nagbigay ng donasyon, at pumayag na dalawin sila ng isang Saksi sa kanilang tahanan.

Ano ang nadama ng mga Saksi hinggil sa kanilang pagpapatotoo sa loob ng shopping mall? “Talagang nasiyahan ako sa ganitong pitak ng pangangaral,” ang sabi ng isang sister. “Hinding-hindi ko ito malilimutan!” Sinabi naman ng isa pang sister: “Sinabi ni Jehova na ang mabuting balita ay maipangangaral hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa. Ngayon, dito sa Paramus sa New Jersey, naantig sa mabuting balitang ito ang mga taong nagsasalita ng iba’t ibang wika. Natutuwa ako at nakapagpatotoo ako sa shopping mall. Masaya ang lahat ng nakibahagi rito. Ayaw na sana naming matapos ang araw na iyon.”

Maaari mo bang palawakin ang iyong ministeryo? Ang pangunahing pamamaraan natin ay ang pagbabahay-bahay. (Gawa 20:20) Subalit, gusto mo bang subukang magpatotoo sa pamilihan o sa shopping mall?