Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Panatilihin ang “Panali na Tatlong-Ikid” sa Pag-aasawa

Panatilihin ang “Panali na Tatlong-Ikid” sa Pag-aasawa

Panatilihin ang “Panali na Tatlong-Ikid” sa Pag-aasawa

“Ang panali na tatlong-ikid ay hindi madaling mapatid.”​—ECLES. 4:12.

1. Sino ang nagkasal sa unang mag-asawa?

 PAGKATAPOS lalangin ang mga halaman at hayop, nilikha ng Diyos na Jehova ang unang tao, si Adan. Nang maglaon, mahimbing na pinatulog ng Diyos si Adan, at kinuha Niya ang isa sa mga tadyang nito para gawan siya ng isang sakdal na katulong. Nang makita ni Adan si Eva, sinabi niya: “Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman.” (Gen. 1:27; 2:18, 21-23) Nalugod si Jehova sa paglalang niya sa unang babae. Ikinasal at pinagpala niya sina Adan at Eva.​—Gen. 1:28; 2:24.

2. Paano sinira ni Satanas ang ugnayan nina Adan at Eva?

2 Nakalulungkot, di-nagtagal matapos maitatag ng Diyos ang kaayusan sa pag-aasawa, tinangka itong sirain. Paano ito nangyari? Isang napakasamang espiritu, na nang maglaon ay tinawag na Satanas, ang nanlinlang kay Eva kung kaya’t kinain nito ang bunga ng tanging punungkahoy na ipinagbawal sa mag-asawa na kainin. Sumama rin si Adan sa pagsuway ng kaniyang asawa. Sa paggawa nito, pareho silang naghimagsik sa Diyos. Sa diwa ay kinuwestiyon nila ang kaniyang karapatang mamahala at tinanggihan ang kaniyang mainam na patnubay. (Gen. 3:1-7) Nang tanungin ni Jehova ang mag-asawa kung ano ang ginawa nila, halatang may lamat na ang kanilang ugnayan. Sinisi ni Adan ang kaniyang asawa, sa pagsasabi: “Ang babae na ibinigay mo upang maging kasama ko, siya ang nagbigay sa akin ng bunga mula sa punungkahoy kung kaya ako kumain.”​—Gen. 3:11-13.

3. Nagkaroon ng anong maling pananaw ang ilang Judio?

3 Mula noon, marami nang ginamit si Satanas na mga tusong paraan upang sirain ang ugnayan ng mga mag-asawa. Halimbawa, kung minsan ay ginagamit niya ang mga lider ng relihiyon para itaguyod ang di-makakasulatang pananaw hinggil sa pag-aasawa. Binabale-wala ng ilang Judiong lider ang mga pamantayan ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga asawang lalaki na diborsiyuhin ang kanilang asawa kahit sa mabababaw na dahilan. Halimbawa, puwede nilang diborsiyuhin ang kanilang asawa kapag napaalat ang timpla nito sa pagkain. Pero sinabi ni Jesus: “Ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban sa saligan ng pakikiapid, at mag-asawa ng iba ay nangangalunya.”​—Mat. 19:9.

4. Paano sinisikap ngayon ni Satanas na sirain ang kaayusan sa pag-aasawa?

4 Abalang-abala pa rin si Satanas sa pagsisikap na sirain ang buklod ng pag-aasawa. Ang pagkakasal sa mga homoseksuwal, pagsasama nang di-kasal, at mga pagdidiborsiyo kahit sa mabababaw na dahilan ay nagpapatunay na talagang nagtatagumpay siya sa pagsira sa kaayusan sa pag-aasawa. (Basahin ang Hebreo 13:4.) Bilang mga Kristiyano, ano ang magagawa natin upang hindi maimpluwensiyahan ng lumalaganap na maling pananaw hinggil sa pag-aasawa? Isaalang-alang natin ang ilang katangian ng isang maligaya at matagumpay na pag-aasawa.

Panatilihin si Jehova sa Inyong Pag-aasawa

5. Ano ang kahulugan ng pananalitang “panali na tatlong-ikid” kapag ikinapit sa pag-aasawa?

5 Para magtagumpay ang pag-aasawa, kailangang isama ng mga mag-asawa si Jehova sa kanilang pagsasama. Sinasabi ng kaniyang Salita: “Ang panali na tatlong-ikid ay hindi madaling mapatid.” (Ecles. 4:12) Makasagisag ang pananalitang “panali na tatlong-ikid.” Kapag ikinapit ito sa pag-aasawa, ang unang dalawang ikid ay tumutukoy sa mag-asawa at ang ikatlong ikid na nagbubuklod sa dalawa ay ang Diyos na Jehova. Kapag isinama ng mag-asawa ang Diyos sa kanilang pagsasama, magkakaroon sila ng lakas na harapin ang mga problema, at ito ang susi para sila ay maging tunay na maligaya sa kanilang pag-aasawa.

6, 7. (a) Ano ang maaaring gawin ng mga Kristiyano upang matiyak na kasama nila ang Diyos sa kanilang pag-aasawa? (b) Ano ang pinahahalagahan ng isang sister sa kaniyang asawa?

6 Pero ano ang maaaring gawin ng mag-asawa upang matiyak na ang kanilang pag-aasawa ay maging gaya ng isang panali na tatlong-ikid? Umawit ang salmistang si David: “Ang gawin ang iyong kalooban, O Diyos ko, ay kinalulugdan ko, at ang iyong kautusan ay nasa aking mga panloob na bahagi.” (Awit 40:8) Sa katulad na paraan, ang ating pag-ibig sa Diyos ang nagpapakilos sa atin na paglingkuran siya nang buong puso. Kaya dapat linangin ng mag-asawa ang isang malapít na kaugnayan kay Jehova at malugod sa paggawa ng kaniyang kalooban. Dapat ding pagsikapan ng mga may asawa na patibayin ang pag-ibig ng kanilang kabiyak sa Diyos.​—Kaw. 27:17.

7 Kung talagang nasa puso natin ang kautusan ng Diyos, makikita sa atin ang mga katangiang gaya ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig. Makatutulong ang mga katangiang ito na patibayin ang buklod ng pag-aasawa. (1 Cor. 13:13) Isang Kristiyanong nagngangalang Sandra, na 50 taon nang kasal, ang nagsabi: “Ang talagang pinahahalagahan ko sa aking asawa ay ang pagbibigay niya sa akin ng patnubay at payo mula sa Bibliya at ang kaniyang pag-ibig kay Jehova, na mas masidhi pa kaysa sa pag-ibig niya para sa akin.” Mga asawang lalaki, ganiyan din ba ang masasabi sa inyo ng inyong asawa?

8. Ano ang kailangang gawin ng mag-asawa upang makamit nila ang “mabuting gantimpala” sa kanilang pagsasama?

8 Bilang mag-asawa, inuuna ba ninyo sa inyong buhay ang espirituwal na mga bagay at ang kapakanan ng Kaharian? Bukod diyan, talaga bang itinuturing ninyong katuwang sa paglilingkod kay Jehova ang inyong asawa? (Gen. 2:24) Sumulat ang matalinong hari na si Solomon: “Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa, sapagkat sila ay may mabuting gantimpala dahil sa kanilang pagpapagal.” (Ecles. 4:9) Oo, dapat na magpagal ang mag-asawa upang makamit nila ang “mabuting gantimpala,” samakatuwid nga, isang buklod na kaibig-ibig, nagtatagal, at pinagpapala ng Diyos.

9. (a) Anu-ano ang pananagutan ng mga asawang lalaki? (b) Ayon sa Colosas 3:19, paano dapat pakitunguhan ng asawang lalaki ang kaniyang kabiyak?

9 Kapag sinisikap ng mag-asawa na maabot ang mga kahilingan ni Jehova, isa itong palatandaan na isinasama nila ang Diyos sa kanilang pag-aasawa. Ang mga asawang lalaki ang may pangunahing pananagutan na maglaan ng materyal at espirituwal na mga pangangailangan sa kanilang sambahayan. (1 Tim. 5:8) Pinasisigla rin sila na maging makonsiderasyon sa emosyonal na mga pangangailangan ng kanilang asawa. Ganito ang mababasa natin sa Colosas 3:19: “Kayong mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae at huwag kayong magalit sa kanila nang may kapaitan.” Ipinaliwanag ng isang iskolar ng Bibliya na ang pananalitang ‘magalit nang may kapaitan’ ay tumutukoy sa “pambubulyaw, o pambubugbog [sa mga asawang babae], at pagkakait sa kanila ng pagmamahal, kalinga, sustento, proteksiyon, at tulong.” Maliwanag na hindi angkop na makita ang gayong paggawi sa isang Kristiyanong sambahayan. Kapag ginampanan ng asawang lalaki ang kaniyang pagkaulo sa maibiging paraan, tiyak na mauudyukang magpasakop ang kaniyang asawa.

10. Anong saloobin ang dapat ipakita ng mga Kristiyanong asawang babae?

10 Kung nais ng mga Kristiyanong asawang babae na manatili si Jehova sa kanilang pag-aasawa, dapat din silang gumawi ayon sa mga kahilingan ng Diyos. Sumulat si apostol Pablo: “Ang mga asawang babae ay magpasakop sa kani-kanilang asawang lalaki gaya ng sa Panginoon, sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae kung paanong ang Kristo rin ay ulo ng kongregasyon.” (Efe. 5:22, 23) Nilinlang ni Satanas si Eva, na ipinahihiwatig na magiging tunay siyang maligaya kung hindi siya magpapasakop sa Diyos. Kitang-kita ngayon sa maraming pag-aasawa ang espiritu ng hindi pagpapasakop sa awtoridad. Subalit para sa makadiyos na mga babae, kalugud-lugod ang magpasakop sa asawa nila bilang kanilang maibiging ulo. Batid nila na inatasan ni Jehova si Eva na maging “kapupunan” ng kaniyang asawa, na tiyak na itinuturing ng Diyos na isang marangal na papel para sa mga babae. (Gen. 2:18) Ang isang Kristiyanong asawang babae na handang makipagtulungan sa kaayusang iyan ay tunay na isang “korona” sa kaniyang asawa.​—Kaw. 12:4.

11. Ano ang tinukoy ng isang brother na nakatulong sa kaniyang pag-aasawa?

11 Para mapanatili ang Diyos sa pag-aasawa, makatutulong din kung magkasamang mag-aaral ng Salita ng Diyos ang mag-asawa. Si Gerald na 55 taon nang kasal at maligaya sa kaniyang pag-aasawa ay nagsabi, “Ang pinakamahalagang tulong sa matagumpay na pag-aasawa ay ang pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya nang magkasama.” Sinabi pa niya, “Kapag ang mag-asawa ay magkasama sa paggawa ng mga bagay-bagay, lalo na may kaugnayan sa pagsamba sa Diyos, mas napapalapít sila sa isa’t isa at kay Jehova.” Ang pag-aaral ng Bibliya nang magkasama ay nakatutulong sa pamilya na panatilihing malinaw sa kanilang isipan ang mga pamantayan ni Jehova, nagpapatibay sa kanilang espirituwalidad, at nakatutulong sa kanila na sumulong sa pagkamaygulang.

12, 13. (a) Bakit napakahalaga na manalanging magkasama ang mag-asawa? (b) Anong iba pang mga Kristiyanong gawain ang nagpapatibay sa pag-aasawa?

12 Nananalangin din nang magkasama ang maligayang mag-asawa. Siguradong mapapatibay ang buklod ng pag-aasawa kapag ‘ibinuhos ng asawang lalaki ang kaniyang puso’ anupat binabanggit ang espesipikong mga kahilingan hinggil sa kalagayan nilang mag-asawa. (Awit 62:8) Halimbawa, tiyak na mas madali ninyong malilimutan ang anumang di-pagkakasundo pagkatapos ninyo itong idalangin nang magkasama at hingin ang patnubay ng Makapangyarihan-sa-lahat! (Mat. 6:14, 15) Alinsunod sa panalanging iyan, siguradong makabubuti kung magiging determinado ang mag-asawa na magtulungan at ‘patuloy na pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa.’ (Col. 3:13) Tandaan na kapag kayo’y nananalangin, ipinakikita nito na kayo’y nananalig sa Diyos. Sinabi ni Haring David: “Sa iyo nakatingin nang may pag-asam ang mga mata ng lahat.” (Awit 145:15) Kapag umaasa tayo sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin, mababawasan ang ating mga kabalisahan yamang alam natin na ‘nagmamalasakit siya sa atin.’​—1 Ped. 5:7.

13 Ang isa pang mahalagang paraan para mapanatili si Jehova sa pag-aasawa ay sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon at paggawa nang magkasama sa ministeryo. Sa ating mga pulong, natututuhan ng mga mag-asawa kung paano lalabanan ang “tusong mga gawa” na ginagamit ni Satanas para wasakin ang pamilya. (Efe. 6:11, tlb. sa Rbi8) At ang mag-asawa na regular na gumagawang magkasama sa ministeryo ay natututong ‘maging matatag, di-natitinag.’​—1 Cor. 15:58.

Kapag Bumangon ang mga Problema

14. Anong mga bagay ang maaaring magdulot ng kaigtingan sa pagsasama ng mag-asawa?

14 Totoo, hindi naman bago ang mga mungkahing nabanggit, pero bakit hindi ninyo ito pag-usapang mag-asawa? Alamin kung anong mga bagay ang dapat ninyong pasulungin o bigyang-pansin sa inyong pagsasama. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na hindi na magkakaproblema kapag isinama ang Diyos sa pag-aasawa. Sinasabi ng Bibliya na maging ang gayong mga pag-aasawa ay “magkakaroon ng kapighatian sa . . . laman.” (1 Cor. 7:28) Dahil sa di-kasakdalan, masamang impluwensiya ng likong sanlibutang ito, at mga silo ng Diyablo, maaaring maging maigting ang pagsasama kahit ng mag-asawang tapat na naglilingkod sa Diyos. (2 Cor. 2:11) Pero tinutulungan tayo ni Jehova na maharap ang gayong kaigtingan. Oo, kaya nating harapin ang gayong kaigtingan. Sa katunayan, ang tapat na lalaking si Job ay nawalan ng mga hayupan, lingkod, at mga anak, pero sinasabi ng Bibliya: “Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job ni nagpatungkol man sa Diyos ng anumang di-wasto.”​—Job 1:13-22.

15. Ano ang maaaring magawa ng mga tao dahil sa kaigtingan, at ano ang pinakamabuting gawin ng mga mag-asawa sa gayong mga situwasyon?

15 Sa kabilang banda, ito naman ang sinabi ng asawa ni Job: “Nanghahawakan ka pa bang mahigpit sa iyong katapatan? Sumpain mo ang Diyos at mamatay ka!” (Job 2:9) Oo, kapag may nangyaring mga trahedya o iba pang mahihirap na kalagayan, maaaring gumawi nang padalus-dalos ang isang kabiyak dahil sa matinding kaigtingan. “Dahil sa paniniil ay napakikilos na parang baliw ang marunong,” ang sabi ng taong marunong. (Ecles. 7:7) Kung galit na galit ang iyong asawa at makapagbitiw ng masasakit na salita dahil sa mga problema o “paniniil,” sikaping maging mahinahon. Ang pagganti ay maaaring magpakilos sa iyo o sa inyong dalawa na magbitiw ng mga salitang magpapalala lamang sa situwasyon. (Basahin ang Awit 37:8.) Kaya palampasin ang anumang “padalus-dalos na pananalita” na maaaring dulot ng pagkasiphayo o pagkasira ng loob.​—Job 6:3.

16. (a) Paano maikakapit ng mag-asawa ang mga salita ni Jesus sa Mateo 7:1-5? (b) Bakit napakahalaga ng pagiging timbang sa pakikitungo sa iyong asawa?

16 Dapat maging makatotohanan ang mga may asawa sa inaasahan nila sa kanilang kabiyak. Posibleng may makitang mga kapintasan ang isang asawa sa kaniyang kabiyak at isipin, ‘Mababago ko siya.’ Sa pamamagitan ng pag-ibig at pagtitiis, baka matulungan mo ang iyong asawa na unti-unting magbago. Subalit huwag mong kalilimutan na ang isang taong mapamuna ay itinulad ni Jesus sa isa na nakakakita sa “dayami” sa mata ng kaniyang kapatid pero hindi nakikita ang “tahilan” sa kaniya mismong mata. Hinimok tayo ni Jesus: “Huwag na kayong humatol upang hindi kayo mahatulan.” (Basahin ang Mateo 7:1-5.) Hindi ito nangangahulugan na dapat balewalain ang malulubhang pagkakamali. Si Robert, na halos 40 taon nang kasal, ay nagsabi: “Baka kailangang gumawa ng mga pagbabago ang mag-asawa para maging tapat at prangka sila sa isa’t isa at handang tumanggap ng makatuwirang mga obserbasyon mula sa kanilang kabiyak.” Kaya maging timbang. Sa halip na mabalisa dahil hindi taglay ng iyong asawa ang mga katangiang nais mong ipakita niya, matutong pahalagahan at masiyahan sa positibong mga katangian na taglay niya ngayon.​—Ecles. 9:9.

17, 18. Kapag waring nagiging gabundok na ang mga problema, kanino tayo makahihingi ng tulong?

17 Maaaring dumating ang mga pagsubok kapag nagbago ang mga kalagayan sa buhay. Baka mapaharap sa mga problema ang mag-asawa kapag nagkaanak sila. Maaaring magkasakit nang malubha ang isa sa kanila o ang kanilang anak. Maaaring mangailangan ng pantanging pangangalaga ang nagkakaedad nang mga magulang. Baka lumipat na sa malayong lugar ang malalaki nang anak. Ang iba pang mga pagbabago ay maaaring resulta ng pagbalikat sa teokratikong mga pribilehiyo at pananagutan. Ang lahat ng pagbabagong ito ay baka magdulot ng kaigtingan at kabalisahan sa pagsasama ng mag-asawa.

18 Kung sa palagay mo ay hindi mo na kaya ang kaigtingan sa inyong pagsasama, ano ang maaari mong gawin? (Kaw. 24:10) Huwag kang susuko! Gusto ni Satanas na iwan ng isang lingkod ng Diyos ang dalisay na pagsamba. Siguradong magiging mas masaya siya kung gayon ang gagawin ng mag-asawa. Samakatuwid, gawin mo ang lahat ng iyong magagawa upang matiyak na ang inyong pag-aasawa ay manatiling isang panali na tatlong-ikid. Marami tayong mababasa sa Bibliya hinggil sa mga nanatiling tapat sa Diyos sa kabila ng matitinding pagsubok. Halimbawa, sa isang okasyon, ibinulalas ni David kay Jehova kung ano ang niloloob niya. Sinabi niya: ‘Pagpakitaan mo ako ng lingap, O Diyos, sapagkat patuloy akong sinisiil ng taong mortal.’ (Awit 56:1) Nasiil ka na ba ng “taong mortal”? Kung ang iyong kaigtingan ay dahil sa isang taong malapít sa iyo o dahil sa ibang tao, tandaan: Nagkaroon ng lakas si David na magbata, at maaari mo ring taglayin ang gayong lakas. “Nagtanong ako kay Jehova, at sinagot niya ako,” ang sabi ni David. “Mula sa lahat ng aking pagkatakot ay iniligtas niya ako.”​—Awit 34:4.

Karagdagang mga Pagpapala

19. Paano natin malalabanan ang mga pagsalakay ni Satanas?

19 Sa panahong ito ng kawakasan, dapat na ‘patuloy na aliwin at patibayin ng mga mag-asawa ang isa’t isa.’ (1 Tes. 5:11) Huwag kalilimutan na iginigiit ni Satanas na nagtatapat tayo kay Jehova dahil lamang sa pansariling mga kapakinabangan. Gagawin ni Satanas ang lahat, pati na ang sirain ang buklod ng pag-aasawa, para talikuran natin ang Diyos. Upang malabanan natin ang pagsalakay ni Satanas, kailangan tayong lubos na magtiwala kay Jehova. (Kaw. 3:5, 6) Sumulat si Pablo: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”​—Fil. 4:13.

20. Anu-anong pagpala ang makakamit kapag pinanatili ang Diyos sa pag-aasawa?

20 Maraming pagpapalang makakamit ang mag-asawa kapag kasama nila ang Diyos sa kanilang pag-aasawa. Napatunayan iyan ni Joel at ng kaniyang asawa na 51 taon nang kasal. Sinabi niya: “Palagi akong nagpapasalamat kay Jehova dahil sa aking misis at sa maligaya naming pagsasama. Napakabait niyang asawa.” Ano ang sekreto ng kanilang maligayang pagsasama? “Palagi naming pinagsisikapang magpakita ng kabaitan, pagtitiis, at pag-ibig sa isa’t isa.” Sabihin pa, walang sinuman sa atin ang sakdal na makagagawa niyan sa sistemang ito ng mga bagay. Gayunman, magsikap nawa tayo na ikapit ang mga simulain ng Bibliya at panatilihin si Jehova sa ating pag-aasawa. Kung gagawin natin ito, ang ating pag-aasawa ay magiging gaya ng “panali na tatlong-ikid [na] hindi madaling mapatid.”​—Ecles. 4:12.

Naaalaala Mo Ba?

• Paano maisasama ng mag-asawa si Jehova sa kanilang pagsasama?

• Ano ang dapat gawin ng mga mag-asawa kapag bumangon ang mga problema?

• Paano natin malalaman kung ang Diyos ay kasama sa pag-aasawa?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 18]

Ang pananalangin nang magkasama ay makatutulong sa mga mag-asawa na harapin ang mga problema