Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tularan si Jesus—Sambahin ang Diyos sa Paraang Kalugud-lugod sa Kaniya

Tularan si Jesus—Sambahin ang Diyos sa Paraang Kalugud-lugod sa Kaniya

Tularan si Jesus​—Sambahin ang Diyos sa Paraang Kalugud-lugod sa Kaniya

Maibiging inaanyayahan ng Diyos ang mga tao “mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika” para sambahin siya. (Apoc. 7:9, 10; 15:3, 4) Maaaring “mamasdan” ng mga tumanggap sa paanyayang ito “ang kaigayahan ni Jehova.” (Awit 27:4; 90:17) Tulad ng salmista, inilalakas nila ang kanilang tinig sa pagpuri sa Diyos na sinasabi: “Sumamba tayo at yumukod; lumuhod tayo sa harap ni Jehova na ating Maylikha.”​—Awit 95:6.

Pagsamba na Talagang Pinahahalagahan ni Jehova

Bilang bugtong na Anak ng Diyos, may sapat na pagkakataon si Jesus para malaman ang pag-iisip, mga simulain, at mga pamantayan ng kaniyang Ama. Kaya may kumpiyansa si Jesus na ituro sa iba ang tamang paraan ng pagsamba kay Jehova. Sinabi niya: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”​—Juan 1:14; 14:6.

Naglaan si Jesus ng sakdal na halimbawa ng pagpapakumbaba at pagpapasakop sa kaniyang Ama. Sinabi niya: “Wala akong ginagawang anuman sa sarili kong pagkukusa; kundi kung ano ang itinuro sa akin ng Ama, ito ang mga bagay na sinasalita ko.” Idinagdag pa niya: “Lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniya.” (Juan 8:28, 29) Paano napaluguran ni Jesus ang kaniyang Ama?

Una sa lahat, mahal na mahal ni Jesus ang kaniyang Ama, at ito ang dapat na pangunahing gawin ng mga sumasamba sa Diyos. Ipinakita ni Jesus ang kaniyang matalik na kaugnayan sa kaniyang Ama sa pamamagitan ng pagsunod sa Kaniya, na ginagawa ang Kaniyang kalooban, kahit mangahulugan ito ng malaking pagsasakripisyo. (Fil. 2:7, 8) Ang isang mahalagang bahagi ng pagsamba ni Jesus ay ang kaniyang pagtuturo sa mga tao para gawin silang mga alagad. Napakadalas niyang gawin ito anupat Guro ang naging tawag sa kaniya ng mga mananampalataya at di-sumasampalataya. (Mat. 22:23, 24; Juan 3:2) Bukod diyan, nagsakripisyo si Jesus at ginugol ang kaniyang panahon at lakas para tulungan ang iba. Halos wala na siyang panahon para sa kaniyang sarili. Gayunpaman, maligaya siyang naglingkod sa iba. (Mat. 14:13, 14; 20:28) Sa kabila ng pagiging abala, laging naglalaan si Jesus ng panahon upang makausap ang kaniyang makalangit na Ama sa panalangin. (Luc. 6:12) Tiyak ngang pinahalagahan ng Diyos ang pagsamba ni Jesus!

Pagsisikap na Palugdan ang Diyos Nang Lubos

Nakita ni Jehova ang paggawi ng kaniyang Anak at inihayag niya ang kaniyang pagsang-ayon sa kaniya. (Mat. 17:5) Gayunpaman, napansin din ni Satanas na Diyablo ang tapat na pamumuhay ni Jesus. Kaya pantanging pinuntirya ni Satanas si Jesus. Bakit? Sapagkat wala pang tao na lubusang nakasunod sa Diyos sa paraang kalugud-lugod sa kaniya. At nais ng Diyablo na huminto si Jesus sa pagsamba na karapat-dapat lamang para kay Jehova.​—Apoc. 4:11.

Para magkasala si Jesus, iniharap sa kaniya ni Satanas ang isang nakatutuksong alok. Dinala siya ni Satanas sa “isang bundok na lubhang mataas, at ipinakita sa kaniya ang lahat ng mga kaharian ng sanlibutan at ang kanilang kaluwalhatian.” Pagkatapos ay sinabi sa kaniya: “Lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo kung susubsob ka at gagawa ng isang gawang pagsamba sa akin.” Paano tumugon si Jesus? Sinabi niya sa kaniya: “Lumayas ka, Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.’” (Mat. 4:8-10) Oo, alam ni Jesus na anuman ang maidulot na kapakinabangan ng pagyukod kay Satanas, isa pa rin itong idolatrosong gawain. Ayaw ni Jesus na mag-ukol ng kahit isang gawa ng pagsamba sa kaninuman maliban kay Jehova.

Sabihin pa, maaaring hindi ialok sa atin ni Satanas ang lahat ng kaharian ng sanlibutan at ang kanilang kaluwalhatian kapalit ng ating pagsamba sa Diyos. Subalit sinisikap pa rin niyang sirain ang pagsamba na iniuukol sa Diyos ng taimtim na mga Kristiyano. Nais ng Diyablo na sumamba tayo sa iba, persona man ito o bagay.​—2 Cor. 4:4.

Pinatunayan ni Kristo Jesus ang kaniyang pagiging tapat hanggang sa kamatayan. Dahil napanatili ni Jesus ang katapatan sa Diyos, naluwalhati niya nang lubusan si Jehova, isang bagay na hindi nagawa ng sinumang tao. Sa ngayon, sinisikap natin bilang mga tunay na Kristiyano na tularan ang tapat na pamumuhay ni Jesus sa pamamagitan ng pag-una sa ating pagsamba sa Maylalang. Oo, ang mabuting kaugnayan sa Diyos ang siyang pinakamahalaga sa atin.

Mga Pagpapala Dahil sa Kalugud-lugod na Pagsamba

Ang pagtataguyod ng “anyo ng pagsamba na malinis at walang dungis” sa pangmalas ng Diyos ay nagdudulot ng maraming pagpapala. (Sant. 1:27) Halimbawa, nabubuhay tayo sa panahon na parami nang parami ang mga taong nagiging “mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili,” at “mga walang pag-ibig sa kabutihan.” (2 Tim. 3:1-5) Subalit sa loob ng sambahayan o kongregasyon ng Diyos, may pribilehiyo tayong makasama ang malinis at mabuting mga tao na nagsisikap na itaguyod ang mga pamantayan ng Diyos sa pagsamba sa kaniya. Talaga ngang pinagmumulan ito ng kaginhawahan!

Kapag nananatili tayong walang dungis sa sanlibutang ito, nagkakaroon din tayo ng isang malinis na budhi. Nais nating panatilihin ang isang malinis na budhi sa pamamagitan ng pagpapasakop sa matuwid na mga simulain ng Diyos at pagsunod sa mga batas ni Cesar kung hindi ito lumalabag sa mga batas ng Diyos.​—Mar. 12:17; Gawa 5:27-29.

Nagdudulot ng iba pang pagpapala ang buong-kaluluwang pagsamba. Kapag nakatuon ang ating pansin sa paggawa ng kalooban ng Diyos sa halip ng sa atin, ang ating buhay ay nagiging makabuluhan at kasiya-siya. Sa halip na sabihin: “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas ay mamamatay tayo,” mayroon tayong mapananaligang pag-asa na buhay na walang hanggan sa paraisong lupa.​—1 Cor. 15:32.

Ipinahihiwatig ng aklat ng Apocalipsis na ang mga nananatiling may malinis na katayuan sa harap ni Jehova ay “[lalabas] mula sa malaking kapighatian.” Sinabi ng ulat na “ang Isa na nakaupo sa trono ay maglulukob ng kaniyang tolda sa kanila.” (Apoc. 7:13-15) Ang isang iyon na nakaupo sa trono ay walang iba kundi ang Diyos na Jehova, ang pinakamaluwalhating Persona sa buong uniberso. Isip-isipin na lamang ang kagalakang madarama natin kapag tinanggap niya tayo bilang panauhin sa kaniyang tolda, anupat iingatan niya tayo para hindi tayo mapahamak! Sa katunayan, sa paanuman ay natatamasa na natin ngayon ang kaniyang proteksiyon at pangangalaga.

Higit pa riyan, binabanggit ng Bibliya na lahat ng sumasamba sa paraang kalugud-lugod sa Diyos ay aakayin tungo sa “mga bukal ng mga tubig ng buhay.” Ang nakarerepreskong mga bukal na ito ay tumutukoy sa lahat ng paglalaan na ginawa ni Jehova para makamit natin ang buhay na walang hanggan. Oo, sa pamamagitan ng pantubos ni Kristo, “papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.” (Apoc. 7:17) Magiging sakdal ang sangkatauhan, at walang-kahulilip na kagalakan ang idudulot nito sa mga may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa. Ngayon pa lamang, ang maliligayang mananamba ng Diyos ay humihiyaw sa kagalakan, na ipinapahayag ang kanilang taos-pusong pagpapahalaga kay Jehova at sumasamba sa kaniya kasama yaong mga nasa langit na umaawit: “Dakila at kamangha-mangha ang iyong mga gawa, Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat. Matuwid at totoo ang iyong mga daan, Haring walang hanggan. Sino nga talaga ang hindi matatakot sa iyo, Jehova, at luluwalhati sa iyong pangalan, sapagkat ikaw lamang ang matapat? Sapagkat ang lahat ng mga bansa ay lalapit at sasamba sa harap mo, sapagkat ang iyong mga matuwid na batas ay nahayag na.”​—Apoc. 15:3, 4.

[Larawan sa pahina 27]

Ano ang iniaalok sa atin ni Satanas kapalit ng ating pagsamba sa Diyos?