Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Binabantayan Tayo ni Jehova Para sa Ating Ikabubuti

Binabantayan Tayo ni Jehova Para sa Ating Ikabubuti

Binabantayan Tayo ni Jehova Para sa Ating Ikabubuti

‘Ang mga mata ni Jehova ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.’​—2 CRO. 16:9.

1. Bakit tayo sinusuri ni Jehova?

 SI Jehova ang pinakamahusay na Ama. Kilalang-kilala niya tayo anupat alam niya pati ang “hilig ng [ating] mga kaisipan.” (1 Cro. 28:9) Gayunman, hindi niya tayo sinusuri para hanapan tayo ng pagkakamali. (Awit 11:4; 130:3) Sa halip, dahil iniibig niya tayo, gusto niya tayong ingatan mula sa anumang bagay na makapipinsala sa ating kaugnayan sa kaniya o makaaapekto sa ating pag-asang makamit ang buhay na walang hanggan.​—Awit 25:8-10, 12, 13.

2. Alang-alang kanino ipinakikita ni Jehova ang kaniyang lakas?

2 Si Jehova ang makapangyarihan sa lahat at nakikita niya ang lahat ng bagay. Dahil dito, maaari niyang tulungan ang mga tapat sa kaniya kailanma’t humingi sila ng tulong, at maaari niya silang alalayan sa panahon ng pagsubok. ‘Ang mga mata ni Jehova ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya,’ ang sabi sa 2 Cronica 16:9. Pansinin na ginagamit ni Jehova ang kaniyang lakas alang-alang sa mga naglilingkod sa kaniya nang may sakdal na puso, isang pusong dalisay at may mabuting motibo. Hindi siya nagpapakita ng gayong pagmamalasakit sa mga mapanlinlang o mapagpaimbabaw.​—Jos. 7:1, 20, 21, 25; Kaw. 1:23-33.

Lumakad na Kasama ng Diyos

3, 4. Ano ang ibig sabihin ng ‘lumakad na kasama ng Diyos,’ at anu-anong halimbawa sa Bibliya ang makatutulong sa atin na maunawaan ito?

3 Para sa marami, malayong mangyari na pahintulutan ng Maylalang ng ating napakalawak na uniberso na lumakad na kasama niya ang mga tao sa makasagisag na paraan. Pero iyan mismo ang nais ni Jehova na gawin natin. Noong panahon ng Bibliya, sina Enoc at Noe ay ‘lumakad na kasama ng Diyos.’ (Gen. 5:24; 6:9) Si Moises ay ‘nagpatuloy na matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita.’ (Heb. 11:27) Si Haring David ay mapagpakumbabang lumakad na kasama ng kaniyang makalangit na Ama. Sinabi niya: “Sa dahilang [si Jehova] ay nasa aking kanan, hindi ako makikilos.”​—Awit 16:8.

4 Sabihin pa, hindi naman tayo maaaring literal na humawak sa kamay ni Jehova at lumakad na kasama niya. Pero magagawa natin iyan sa makasagisag na paraan. Paano? Sumulat ang salmistang si Asap: “Ako ay palagi mong kasama; tinanganan mo ang aking kanang kamay. Papatnubayan mo ako ng iyong payo.” (Awit 73:23, 24) Sa simpleng pananalita, lumalakad tayong kasama ni Jehova kapag sinusunod nating mabuti ang kaniyang payo, na tinatanggap natin pangunahin na sa pamamagitan ng kaniyang nasusulat na Salita at ng “tapat at maingat na alipin.”​—Mat. 24:45; 2 Tim. 3:16.

5. Paano binabantayan ni Jehova ang mga tapat sa kaniya gaya ng pagbabantay ng isang maibiging ama, at ano ang dapat nating madama sa kaniya?

5 Dahil mahal ni Jehova ang mga lumalakad na kasama niya, binabantayan niya sila gaya ng pagbabantay ng isang maibiging ama, anupat pinangangalagaan, pinoprotektahan, at tinuturuan sila. “Pagkakalooban kita ng kaunawaan at tuturuan kita hinggil sa daan na dapat mong lakaran,” ang sabi ng Diyos. “Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.” (Awit 32:8) Tanungin ang sarili: ‘Nakikita ko ba ang aking sarili na nakahawak sa kamay ni Jehova at lumalakad na kasama niya, wika nga, habang nakikinig sa kaniyang matalinong payo anupat nababatid na maibigin niya akong binabantayan? Yamang alam kong binabantayan niya ako, nag-iisip ba ako, nagsasalita, at kumikilos sa paraang nakalulugod sa kaniya? At kapag nagkakamali ako, itinuturing ko ba si Jehova, hindi bilang isang walang-malasakit at malupit na Diyos, kundi bilang isang magiliw at maawaing Ama na nagnanais na tulungan ang mga nagsisisi na muling magkaroon ng malapít na kaugnayan sa kaniya?’​—Awit 51:17.

6. Paano nakahihigit si Jehova sa ating mga magulang?

6 Kung minsan, maaaring tulungan tayo ni Jehova bago pa tayo makagawa ng pagkakamali. Halimbawa, baka makita niyang ang ating puso, na may tendensiyang maging mapandaya, ay nagsisimulang magkaroon ng maling mga pagnanasa. (Jer. 17:9) Sa gayong situwasyon, maaari siyang kumilos nang mas maagap kaysa sa mga magulang natin dahil nakikita at nasusuri ng kaniyang “nagniningning na mga mata” kung ano ang niloloob natin, ang mismong kaibuturan ng ating puso. (Awit 11:4; 139:4; Jer. 17:10) Isaalang-alang kung paano tinulungan ng Diyos si Baruc, ang personal na kalihim at malapít na kaibigan ni propeta Jeremias.

Isang Tunay na Ama kay Baruc

7, 8. (a) Sino si Baruc, at anong di-kaayaayang mga hangarin ang malamang na nagsimulang tumubo sa kaniyang puso? (b) Paano ipinakita ni Jehova kay Baruc ang Kaniyang pagmamalasakit bilang ama?

7 Si Baruc ay isang eskriba na tapat na naglingkod kasama ni Jeremias sa pagtupad ng isang mahirap na atas​—paghahayag ng mga kahatulan ni Jehova sa Juda. (Jer. 1:18, 19) Si Baruc ay malamang na nagmula sa isang prominenteng pamilya, at may pagkakataon sa kaniyang buhay na nagsimula siyang maghangad ng “mga dakilang bagay” para sa kaniyang sarili. Marahil ay nagsimula siyang magkaroon ng makasariling mga ambisyon o ng hangaring yumaman. Anuman ang kalagayan, nakita ni Jehova na nagsisimulang tumubo sa puso ni Baruc ang mapanganib na kaisipang ito. Sa pamamagitan ni Jeremias, maagap na kumilos si Jehova, at sinabi kay Baruc: “Sinabi mo: ‘Sa aba ko ngayon, sapagkat dinagdagan ni Jehova ng pamimighati ang aking kirot! Nanghimagod ako dahil sa aking pagbubuntunghininga, at wala akong nasumpungang pahingahang-dako.’” Pagkatapos ay sinabi ng Diyos: “Patuloy kang humahanap ng mga dakilang bagay para sa iyong sarili. Huwag ka nang maghanap.”​—Jer. 45:1-5.

8 Bagaman tahasang pinayuhan ni Jehova si Baruc, hindi Niya ito ginawa dahil sa galit kundi bilang isang nagmamalasakit na ama. Maliwanag na nakita ng Diyos na bagaman gayon ang naging hangarin ni Baruc, hindi naman balakyot o tuso ang puso nito. Alam din ni Jehova na huling mga araw na ng Jerusalem at Juda, at hindi niya gustong malihis ng landas si Baruc sa mapanganib na panahong iyon. Kaya para matauhan ang kaniyang lingkod, pinaalalahanan ng Diyos si Baruc na Siya ay “magpapasapit . . . ng kapahamakan sa lahat ng laman,” at sinabi Niya na kung kikilos si Baruc nang may katalinuhan, siya ay mabubuhay. (Jer. 45:5) Sa diwa ay sinabi ng Diyos: ‘Maging makatotohanan ka, Baruc. Tandaan mo kung ano ang malapit nang mangyari sa makasalanang Juda at Jerusalem. Manatili ka lamang tapat at mabubuhay ka! Iingatan kita.’ Lumilitaw na naabot ni Jehova ang puso ni Baruc yamang positibo ang naging tugon nito sa payo at nakaligtas ito sa pagkawasak ng Jerusalem, na naganap pagkalipas ng 17 taon.

9. Paano mo sasagutin ang mga tanong na binanggit sa parapo?

9 Habang pinag-iisipan mo ang ulat tungkol kay Baruc, isaalang-alang ang sumusunod na mga tanong at teksto: Batay sa pakikitungo ni Jehova kay Baruc, ano ang matututuhan natin tungkol sa Diyos at sa nadarama niya sa kaniyang mga lingkod? (Basahin ang Hebreo 12:9.) Yamang nabubuhay na tayo sa mapanganib na mga panahong ito, ano naman ang matututuhan natin sa payo ng Diyos kay Baruc at sa naging tugon ni Baruc dito? (Basahin ang Lucas 21:34-36.) Paano matutularan ng Kristiyanong matatanda ang pagmamalasakit ni Jehova sa Kaniyang mga lingkod gaya ng ginawa ni Jeremias?​—Basahin ang Galacia 6:1.

Tinutularan ng Anak ang Pag-ibig ng Ama

10. Bakit natin masasabing kayang-kayang gampanan ni Jesus ang kaniyang papel bilang Ulo ng kongregasyong Kristiyano?

10 Bago ang panahong Kristiyano, makikita ang pag-ibig ni Jehova sa kaniyang bayan sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta at iba pang tapat na mga lingkod. Sa ngayon, nakikita ito, pangunahin na sa pamamagitan ng Ulo ng kongregasyong Kristiyano, si Jesu-Kristo. (Efe. 1:22, 23) Kaya sa aklat ng Apocalipsis, si Jesus ay inilarawan bilang isang kordero na may “pitong mata, na ang mga mata ay nangangahulugang pitong espiritu ng Diyos na isinugo sa buong lupa.” (Apoc. 5:6) Oo, palibhasa’y lubusang pinagkalooban ng banal na espiritu ng Diyos, ganap na nauunawaan ni Jesus ang mga bagay-bagay. Nakikita rin niya kung ano ang pagkatao natin, at walang nakalalampas sa kaniyang paningin.

11. Anong papel ang ginagampanan ni Kristo, at paano niya tinutularan ang kaniyang Ama sa pakikitungo sa atin?

11 Gayunman, gaya ni Jehova, hindi tayo pinupulis ni Jesus mula sa langit. Sinusuri niya tayo sa maibiging paraan. Idiniriin ng isa sa mga titulo ni Jesus, na “Walang-Hanggang Ama,” ang papel na gagampanan niya sa pagkakaloob ng buhay na walang hanggan sa lahat ng nananampalataya sa kaniya. (Isa. 9:6) Bukod diyan, bilang Ulo ng kongregasyong Kristiyano, maaaring pakilusin ni Kristo ang matulungin at makaranasang mga Kristiyano, partikular na ang matatanda, na magbigay ng kaaliwan o payo sa mga nangangailangan nito.​—1 Tes. 5:14; 2 Tim. 4:1, 2.

12. (a) Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jesus sa mga liham sa pitong kongregasyon sa Asia Minor? (b) Paano tinutularan ng matatanda ang saloobin ni Kristo sa kawan ng Diyos?

12 Ang masidhing interes ni Kristo sa kawan ay makikita sa kaniyang mga liham sa matatanda sa pitong kongregasyon sa Asia Minor. (Apoc. 2:1–3:22) Sa mga liham na iyon, ipinahiwatig ni Jesus na alam niya kung ano ang nangyayari sa bawat kongregasyon at na talagang nagmamalasakit siya sa kaniyang mga tagasunod. Mas totoo ito sa atin sa ngayon yamang ang pangitain sa Apocalipsis ay natutupad sa “Araw ng Panginoon.” * (Apoc. 1:10) Madalas na ipinahahayag ang pag-ibig ni Kristo sa pamamagitan ng matatanda, na naglilingkod bilang mga pastol ng kongregasyon. Maaari niyang pakilusin ang “mga kaloob na mga tao” na ito para magbigay ng kaaliwan, pampatibay-loob, o payo kung kinakailangan. (Efe. 4:8; Gawa 20:28; basahin ang Isaias 32:1, 2.) Itinuturing mo ba ang kanilang pagsisikap bilang kapahayagan ng personal na pagmamalasakit ni Kristo sa iyo?

Tulong sa Tamang Panahon

13-15. Paano maaaring sagutin ng Diyos ang ating mga panalangin? Magbigay ng mga halimbawa.

13 Nasubukan mo na bang marubdob na manalangin upang humingi ng tulong at pagkatapos ay sinagot ito sa pamamagitan ng isang nakapagpapatibay na pagdalaw ng isang makaranasang Kristiyano? (Sant. 5:14-16) O marahil ay dumating ang tulong sa pamamagitan ng isang pahayag sa isang Kristiyanong pagpupulong o ng impormasyong mula sa isa sa ating mga publikasyon. Madalas na sinasagot ni Jehova ang mga panalangin sa ganitong mga paraan. Halimbawa, pagkatapos magbigay ng pahayag ang isang elder, nilapitan siya ng isang sister na naging biktima ng labis na kawalang-katarungan mga ilang linggo bago ang pahayag. Sa halip na magreklamo sa kaniyang problema, ipinahayag ng sister ang matinding pagpapahalaga niya sa ilan sa mga makakasulatang punto na binanggit sa pahayag. Kapit ang mga ito sa kaniyang kalagayan at talagang naaliw siya rito. Kaylaki ng pasasalamat niya na dumalo siya sa pagpupulong na iyon!

14 May kaugnayan sa tulong na tinatanggap sa pamamagitan ng panalangin, isaalang-alang ang halimbawa ng tatlong bilanggo na nakaalam ng katotohanan sa Bibliya at naging di-bautisadong mga mamamahayag sa loob ng bilangguan. Dahil may naganap na marahas na insidente sa bilangguan, dinagdagan ng restriksiyon ang lahat ng bilanggo. Bilang resulta, naghimagsik ang mga preso. Ipinasiya ng mga ito na pagkatapos nilang mag-almusal kinabukasan, hindi nila isasauli ang kanilang mga plato bilang paglaban nila sa mga nasa awtoridad. Nalagay ngayon sa gipit na kalagayan ang tatlong di-bautisadong mamamahayag. Kung sasama sila sa paghihimagsik, susuwayin nila ang payo ni Jehova na mababasa sa Roma 13:1. Pero kung hindi naman sila sasama rito, tiyak na pag-iinitan sila ng galít na mga preso.

15 Yamang hindi nila makausap noon ang isa’t isa, nanalangin ang tatlong lalaki na bigyan sila ng karunungan. Kinabukasan, natuklasan ng tatlong lalaking ito na iisa ang kanilang naisip na solusyon​—tatanggihan na lamang nila ang almusal na ibibigay sa kanila. Kaya nang kukunin na ng mga guwardiya ang mga plato, walang maisasauling plato ang tatlong lalaking ito yamang hindi sila nag-almusal. Kaylaki ng kanilang pasasalamat na malapit sa kanila ang “Dumirinig ng panalangin”!​—Awit 65:2.

Magtiwalang Hindi Ka Pababayaan ni Jehova

16. Paanong ang gawaing pangangaral ay patotoo ng pagmamalasakit ni Jehova sa tulad-tupang mga tao?

16 Ang pandaigdig na gawaing pangangaral ay isa pang patotoo ng pagmamalasakit ni Jehova sa tapat-pusong mga indibiduwal, saanman sila nakatira. (Gen. 18:25) Madalas na sa pamamagitan ng mga anghel, ginagabayan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod upang matagpuan ang tulad-tupang mga tao​—kahit pa nakatira ang mga ito sa mga lugar na hindi pa napaaabutan ng mabuting balita. (Apoc. 14:6, 7) Halimbawa, sa pamamagitan ng isang anghel, inakay ng Diyos si Felipe, isang ebanghelisador noong unang siglo, upang makita ang isang Etiopeng opisyal at ipaliwanag dito ang Kasulatan. Ano ang naging resulta? Tinanggap ng Etiope ang mabuting balita at naging bautisadong tagasunod ni Jesus. *​—Juan 10:14; Gawa 8:26-39.

17. Bakit hindi tayo dapat na labis na mabalisa hinggil sa hinaharap?

17 Habang lumalapit tayo sa kawakasan ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay, magpapatuloy ang “mga hapdi ng kabagabagan.” (Mat. 24:8) Halimbawa, maaaring tumaas nang husto ang presyo ng pagkain dahil sa pagdami ng populasyon, napakasamang lagay ng panahon, o mabuway na ekonomiya. Baka lalong maging mahirap ang paghahanap ng trabaho, at maaaring higit na gipitin ang mga empleado na magtrabaho nang mas mahabang oras. Anuman ang mangyari, hindi tayo dapat na labis na mabalisa kung patuloy nating inuuna ang espirituwal na mga bagay at pinananatiling ‘simple ang ating mata.’ Alam natin na iniibig tayo ng Diyos at na pangangalagaan niya tayo. (Mat. 6:22-34) Halimbawa, isaalang-alang kung paano pinaglaanan ni Jehova si Jeremias sa maligalig na panahon nang mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E.

18. Paano pinatunayan ni Jehova ang kaniyang pag-ibig kay Jeremias sa panahon ng pagkubkob sa Jerusalem?

18 Noong huling mga taon ng pagkubkob ng Babilonya sa Jerusalem, ikinulong si Jeremias sa Looban ng Bantay. Paano kaya siya makakakuha ng pagkain? Kung malaya siya, malamang na maghahanap siya ng pagkain. Pero dahil sa kalagayan niya, nakadepende siya sa mga taong nakapalibot sa kaniya na ang karamihan ay galít sa kaniya! Gayunpaman, nagtiwala si Jeremias, hindi sa tao, kundi sa Diyos na nangakong tutustos sa kaniya. Tinupad ba ni Jehova ang kaniyang ipinangako? Oo! Tiniyak niya na araw-araw ay may matatanggap si Jeremias na “isang bilog na tinapay . . . hanggang sa maubos ang lahat ng tinapay sa lunsod.” (Jer. 37:21) Si Jeremias, gayundin sina Baruc, Ebed-melec, at iba pa, ay nakaligtas sa panahong iyon ng taggutom, sakit, at kamatayan.​—Jer. 38:2; 39:15-18.

19. Anuman ang mangyari sa hinaharap, ano dapat ang maging determinasyon natin?

19 Oo, “ang mga mata ni Jehova ay nasa mga matuwid, at ang kaniyang mga tainga ay nakatuon sa kanilang pagsusumamo.” (1 Ped. 3:12) Nalulugod ka ba na binabantayan ka ng iyong makalangit na Ama? Nakadarama ka ba ng kapanatagan sa pagkaalam na pinagmamasdan ka niya para sa iyong ikabubuti? Kung gayon, maging determinado na lumakad na kasama ng Diyos​—anuman ang mangyari sa hinaharap. Makatitiyak tayo na gaya ng isang maibiging ama, palaging babantayan ni Jehova ang mga tapat sa kaniya.​—Awit 32:8; basahin ang Isaias 41:13.

[Mga talababa]

^ Bagaman ang mga liham na ito ay pangunahin nang kumakapit sa mga pinahirang tagasunod ni Kristo, ang mga simulaing masusumpungan dito ay kapit sa lahat ng lingkod ng Diyos.

^ Ang isa pang halimbawa ng paggabay ng Diyos sa gawaing pangangaral ay masusumpungan sa Gawa 16:6-10. Mababasa natin dito na si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay ‘pinagbawalan ng banal na espiritu’ na mangaral sa Asia at Bitinia. Sa halip, sila ay inatasang mangaral sa Macedonia, kung saan maraming maaamong tao ang tumugon sa kanilang pag-eebanghelyo.

Maipaliliwanag Mo Ba?

• Paano natin maipapakita na ‘lumalakad tayo kasama ng Diyos’?

• Paano ipinakita ni Jehova ang kaniyang pag-ibig kay Baruc?

• Bilang Ulo ng kongregasyong Kristiyano, paano tinularan ni Jesus ang mga katangian ng kaniyang Ama?

• Sa anu-anong paraan maipapakita natin na nagtitiwala tayo sa Diyos sa mapanganib na mga panahong ito?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 9]

Gaya ng pakikitungo ni Jeremias kay Baruc, tinutularan ng Kristiyanong matatanda sa ngayon ang pagmamalasakit ni Jehova

[Larawan sa pahina 10]

Paano tayo maaaring tulungan ni Jehova sa tamang panahon?