Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ito Talaga ang Kabanal-banalan at Dakilang Pangalan ng Diyos”

“Ito Talaga ang Kabanal-banalan at Dakilang Pangalan ng Diyos”

“Ito Talaga ang Kabanal-banalan at Dakilang Pangalan ng Diyos”

Iyan ang sinabi ni Nicholas ng Cusa sa isang sermong ibinigay niya noong taóng 1430. * Isa siyang tao na maraming pinag-aralan, gaya ng wikang Griego at Hebreo, pilosopiya, teolohiya, matematika, at astronomiya. Sa edad na 22, siya ay naging isang kilalang teologo ng Romano Katoliko at bihasa sa batas ng simbahan. Noong 1448, hinirang siya bilang kardinal.

Mga 550 taon na ang nakalilipas, itinatag ni Nicholas ng Cusa ang isang nursing home para sa matatanda sa Kues​—na ngayo’y kilala bilang Bernkastel-Kues​—isang bayan na matatagpuan mga 130 kilometro sa timog ng Bonn, sa Alemanya. Sa ngayon, ang nursing home na ito ay ginawang aklatan ni Cusa na naglalaman ng mahigit 310 manuskrito. Isa sa mga manuskritong ito ang Codex Cusanus 220 kung saan makikita ang sermon ni Cusa noong 1430. Sa sermong iyon na In principio erat verbum (Nang Pasimula ay ang Salita), ginamit ni Nicholas ng Cusa ang Iehoua, ang baybay sa Latin para sa pangalang Jehova. * Makikita sa pahina 56 ang sumusunod na mga pananalita tungkol sa pangalan ng Diyos: “Ito ang pangalan ng Diyos na ibinigay niya sa kaniyang sarili. Ito ang Tetragrammaton, samakatuwid nga, ang pangalang binubuo ng apat na letra. . . . Ito talaga ang kabanal-banalan at dakilang pangalan ng Diyos.” Kaayon ng mga pananalita ni Nicholas ng Cusa ang katotohanan na ang pangalan ng Diyos ay lumilitaw sa orihinal na teksto ng Hebreong Kasulatan.​—Ex. 6:3.

Ang codex na ito na ginawa noong unang mga taon ng ika-15 siglo ang isa sa pinakamatagal na umiiral na dokumento kung saan ang Tetragrammaton ay isinaling “Iehoua.” Ang dokumentong ito ay karagdagang patotoo na ang mga salin ng pangalan ng Diyos na kahawig ng “Jehova” ang siyang pinakakaraniwang anyo ng pangalan ng Diyos na mababasa sa mga literatura sa loob ng maraming siglo.

[Mga talababa]

^ Kilala rin si Nicholas ng Cusa bilang Nikolaus Cryfts (Krebs), Nicolaus Cusanus, at Nikolaus von Kues. Kues ang pangalan ng bayan sa Alemanya kung saan siya isinilang.

^ Ang layunin ng sermong ito ay para suportahan ang turo ng Trinidad.

[Larawan sa pahina 16]

Aklatan ni Cusa