Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang “Awit sa Karagatan”—Isang Manuskritong Nagdurugtong sa Dalawang Yugto sa Kasaysayan

Ang “Awit sa Karagatan”—Isang Manuskritong Nagdurugtong sa Dalawang Yugto sa Kasaysayan

Ang “Awit sa Karagatan”—Isang Manuskritong Nagdurugtong sa Dalawang Yugto sa Kasaysayan

NOONG Mayo 22, 2007, isang piraso ng balumbon sa wikang Hebreo na may petsang ikapito o ikawalong siglo C.E. ang idinispley sa Israel Museum sa Jerusalem. Isang manuskrito ito ng Exodo 13:19–16:1. Kasama rito ang manuskritong tinatawag na “Awit sa Karagatan”​—isang awit ng tagumpay na inawit ng mga Israelita pagkatapos ng makahimalang pagliligtas sa kanila sa Dagat na Pula. Bakit kapansin-pansin ang pagdidispley sa manuskritong ito?

Ang sagot ay may kinalaman sa petsa ng pagkakasulat sa manuskrito. Isinulat ang Dead Sea Scrolls sa pagitan ng ikatlong siglo B.C.E. at unang siglo C.E. Halos 60 taon bago ito matuklasan, ang Aleppo Codex ang itinuturing na pinakamatandang manuskritong Hebreo, na naisulat noong 930 C.E. Maliban sa ilang piraso ng balumbon, walang iba pang natuklasang manuskritong Hebreo sa pagitan ng petsa ng Dead Sea Scrolls at ng Aleppo Codex.

“Ang manuskritong Awit sa Karagatan,” ang sabi ni James S. Snyder, direktor ng Israel Museum, “ang nagdurugtong sa yugto sa pagitan ng kasaysayang isinulat sa Dead Sea Scrolls . . . at sa Aleppo Codex.” Sinabi pa niya na ang manuskritong ito gayundin ang iba pang mga sinaunang teksto sa Bibliya ay “isang natatanging halimbawa na hindi nabago ang nilalaman [ng teksto ng Bibliya].”

Ang pirasong ito ng balumbon ay pinaniniwalaang isa sa maraming manuskrito na natuklasan noong huling mga taon ng ika-19 na siglo sa isang sinagoga sa Cairo, Ehipto. Gayunman, hindi alam ng isang mahilig sa pangongolekta ng manuskritong Hebreo ang kahalagahan nito hanggang sa makausap niya ang isang eksperto noong huling mga taon ng dekada ng 1970. Sinuri noon ang balumbon sa pamamagitan ng carbon-dating, iningatan ito sa artsibo, at idinispley nang maglaon sa Israel Museum.

Tungkol sa kahalagahan ng pirasong iyon ng balumbon, sinabi ni Adolfo Roitman, tagapangasiwa ng Shrine of the Book sa Israel Museum at tagapag-ingat ng Dead Sea Scrolls: “Ang manuskritong Awit sa Karagatan ay nagpapakita na talagang hindi nabago ang Masoretikong bersiyon ng Bibliya sa kabila ng pagkopya rito sa nakalipas na maraming siglo. Talagang hindi kapani-paniwala na ang natatanging istilo ng pagsulat sa Awit sa Karagatan ay katulad na katulad pa rin sa ngayon kung ihahambing noong ika-7 hanggang ika-8 siglo.”

Ang Bibliya ang kinasihang Salita ng Diyos, kaya tinitiyak ni Jehova na naiingatan ito hanggang sa ngayon. Higit pa rito, ang Kasulatan ay buong-ingat na kinopya ng mga eskriba. Kaya talagang mapananaligan ang mga teksto sa Bibliya na ginagamit natin sa ngayon.

[Picture Credit Line sa pahina 32]

Courtesy of Israel Museum, Jerusalem