Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Itaguyod Natin ang mga Bagay na Nagdudulot ng Kapayapaan”

“Itaguyod Natin ang mga Bagay na Nagdudulot ng Kapayapaan”

“Itaguyod Natin ang mga Bagay na Nagdudulot ng Kapayapaan”

MUKHANG matibay at hindi masisira ang isang kasisementong daan. Pero sa paglipas ng panahon, maaari itong magbitak-bitak at magkaroon ng mga lubak. Kailangan itong mantinihin para manatiling maayos at matiyak na ligtas itong daanan.

Sa katulad na paraan, baka magkaproblema kung minsan at masira pa nga ang ating kaugnayan sa iba. Alam ni apostol Pablo na may pagkakaiba sa pananaw ang mga Kristiyano sa Roma. Pinayuhan niya ang mga kapuwa Kristiyano: “Itaguyod natin ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan at ang mga bagay na nakapagpapatibay sa isa’t isa.” (Roma 14:13, 19) Bakit kailangan nating ‘itaguyod ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan’? Paano natin lakas-loob na maitataguyod ang kapayapaan, at paano natin matagumpay na magagawa ito?

Bakit Dapat Nating Itaguyod ang Kapayapaan?

Maaaring magdulot ng pinsala ang maliliit na bitak sa isang sementadong daan kapag hinayaan itong lumaki. Sa katulad na paraan, maaari ding magdulot ng pinsala ang mga di-pagkakasundo kapag hindi ito inayos. Isinulat ni apostol Juan: “Kung sasabihin ng sinuman: ‘Iniibig ko ang Diyos,’ at gayunma’y napopoot sa kaniyang kapatid, siya ay sinungaling. Sapagkat siya na hindi umiibig sa kaniyang kapatid, na nakita niya, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakita.” (1 Juan 4:20) Kapag hindi inayos ang di-pagkakasundo, maaaring mapoot ang isang Kristiyano sa kaniyang kapatid sa kalaunan.

Ipinakita ni Jesu-Kristo na hindi katanggap-tanggap kay Jehova ang ating pagsamba kung hindi tayo nakikipagpayapaan sa iba. Tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Kung gayon, kapag dinadala mo sa altar ang iyong kaloob at doon ay naalaala mo na ang iyong kapatid ay may isang bagay na laban sa iyo, iwan mo roon sa harap ng altar ang iyong kaloob, at umalis ka; makipagpayapaan ka muna sa iyong kapatid, at kung magkagayon, sa pagbalik mo, ihandog mo ang iyong kaloob.” (Mat. 5:23, 24) Oo, ang pangunahing dahilan sa pagtataguyod natin ng kapayapaan ay sapagkat gusto nating palugdan ang Diyos na Jehova. *

Itinampok ng isang pangyayari sa kongregasyon ng Filipos ang isa pang dahilan sa pagtataguyod ng kapayapaan. Nagkaroon ng di-pagkakasundo ang dalawang Kristiyanong kapatid na babae, sina Euodias at Sintique. Hindi binanggit ang dahilan pero lumilitaw na nakaapekto ito sa kapayapaan ng kongregasyon. (Fil. 4:2, 3) Kapag hindi inayos ang mga di-pagkakasundo, madali itong malalaman ng iba. Ang ating kagustuhan na mapanatili ang pag-ibig at pagkakaisa sa loob ng kongregasyon ang magpapakilos sa atin na itaguyod ang kapayapaan sa mga kapananampalataya.

“Maligaya ang mga mapagpayapa,” ang sabi ni Jesus. (Mat. 5:9) Nagdudulot ng kasiyahan ang pagtataguyod ng kapayapaan. Nagdudulot din ito ng mabuting kalusugan, dahil “ang pusong mahinahon ay buhay ng katawan.” (Kaw. 14:30) Sa kabilang panig naman, ang isa na nagkikimkim ng sama ng loob ay maaaring madaling magkasakit.

Bagaman sang-ayon ang karamihan sa mga Kristiyano na kailangang itaguyod ang kapayapaan, marahil iniisip mo kung paano aayusin ang isang di-pagkakasundo. Suriin natin ang mga simulain sa Bibliya na makatutulong sa atin.

Naisasauli ang Kapayapaan ng Mahinahong Usapan

Kadalasan nang tinatapalan o tinatakpan ang maliliit na bitak sa daan para maayos ito. Posible ba na magpatawad tayo at takpan, wika nga, ang maliliit na pagkakamali ng ating mga kapatid? Malamang na angkop din ang ganitong paraan sa pag-aayos sa halos lahat ng di-pagkakasundo, yamang isinulat ni apostol Pedro na “ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.”​—1 Ped. 4:8.

Gayunman, kung minsan, tila malubha ang problema at hindi natin kayang basta na lamang palampasin ito. Isaalang-alang ang nangyari sa mga Israelita pagkatapos nilang ariin ang Lupang Pangako. Bago tumawid sa Ilog Jordan “ang mga anak ni Ruben at ang mga anak ni Gad at ang kalahati ng tribo ni Manases,” nagtayo sila ng “isang altar na lubhang kapansin-pansin.” Inakala ng ibang mga tribo ng Israel na ang altar ay gagamitin sa idolatrosong pagsamba. Hindi nila kayang ipagwalang-bahala na lamang ang problema, kaya’t naghanda sila para makipagdigma.​—Jos. 22:9-12.

Baka naisip ng ilang Israelita na sapat na ang kanilang ebidensiya laban sa mga tribong iyon at na mas kakaunti ang mamamatay sa kanila kung biglaan ang gagawin nilang pagsalakay. Pero sa halip na magpadalus-dalos sa pagkilos, nagsugo ang mga tribo sa kanluran ng Jordan para ipakipag-usap ang problema sa kanilang mga kapatid. Nagtanong sila: “Ano itong gawang kawalang-katapatan na isinagawa ninyo laban sa Diyos ng Israel sa pagtalikod ngayon mula sa pagsunod kay Jehova?” Ang totoo, hindi naman gumawi nang di-tapat ang mga tribong nagtayo ng altar. Pero paano sila tumugon sa gayong paratang? Nagsalita ba sila ng masama o tumangging makipag-usap sa mga nagpaparatang sa kanila? Ang mga pinaratangang tribo ay sumagot nang mahinahon at ipinaliwanag na ang kanilang ginawa ay talagang udyok ng kagustuhan nilang paglingkuran si Jehova. Dahil dito, napanatili nila ang kanilang kaugnayan sa Diyos at naligtas ang buhay ng marami. Nalutas ang problema ng mahinahong pag-uusap at naisauli ang kapayapaan.​—Jos. 22:13-34.

Bago gumawa ng mabigat na hakbang, may-katalinuhang ipinakipag-usap ng ibang Israelita ang kanilang problema sa mga tribo ni Ruben at Gad at sa kalahati ng tribo ni Manases. “Huwag kang magmadaling maghinanakit sa iyong espiritu, sapagkat hinanakit ang nagpapahinga sa dibdib ng mga hangal,” ang sabi ng Salita ng Diyos. (Ecles. 7:9) Ang maka-Kasulatang paraan ng pag-ayos ng mga malubhang di-pagkakasundo ay sa pamamagitan ng mahinahon at tapatang pag-uusap. Maaasahan kaya natin ang pagpapala ni Jehova kung magkikimkim tayo ng sama ng loob at hindi lalapitan ang tao na sa tingin natin ay nagkamali sa atin?

Sa kabilang panig naman, paano tayo tutugon kung kausapin tayo ng isang kapuwa Kristiyano tungkol sa isang problema at marahil ay paratangan pa nga tayo? “Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit,” ang sabi ng Bibliya. (Kaw. 15:1) Ang dalawa at kalahating tribo ng Israel ay mahinahong nakipag-usap sa kanilang mga kapuwa Israelita at malinaw na ipinaliwanag ang kanilang panig. Dahil diyan, naayos ang napakaigting na pakikipagharap nila sa kanilang mga kapatid. Tayo man ang unang lumapit sa ating kapatid o tayo ang kausapin tungkol sa problema, makabubuting tanungin natin ang ating sarili, ‘Anong mga salita, tono ng boses, at saloobin ang malamang na magtataguyod ng kapayapaan?’

Gamitin ang Dila Nang May Katalinuhan

Alam ni Jehova na kailangan nating mailabas ang ating niloloob. Kaya kapag nabigo tayong ayusin ang di-pagkakasundo, malamang na matukso tayong sabihin ang problema sa iba. Madali tayong makapagsalita ng masama kapag may kinikimkim tayong sama ng loob sa isang kapuwa Kristiyano. May kinalaman sa maling paggamit ng dila, ganito ang sinasabi ng Kawikaan 11:11: “Dahil sa bibig ng mga balakyot ay nagigiba [ang bayan].” Sa katulad na paraan, ang di-maingat na pagsasalita tungkol sa isang kapuwa Kristiyano ay maaaring makasira sa kapayapaan ng kongregasyon.

Gayunman, ang pagtataguyod ng kapayapaan ay hindi naman nangangahulugang iiwasan na natin ang lahat ng uri ng usapan tungkol sa ating mga kapatid. Pinayuhan ni apostol Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya: “Huwag kayong gumamit ng masamang pananalita.” Pero idinagdag niya: “Sikaping lagi na ang pangungusap ninyo’y yaong makabubuti at angkop sa pagkakataon upang pakinabangan ng makaririnig. . . . Maging mabait kayo at maawain sa isa’t isa, at magpatawaran.” (Efe. 4:29-32, Magandang Balita Biblia) Kung ikaw ay lapitan ng isang kapatid na nasaktan dahil sa iyong pagsasalita o paggawi, hindi ba mas madaling humingi ng tawad at makipagpayapaan kung alam mong hindi ka niya pinipintasan sa iba? Gayundin naman, mas magiging madali para sa atin na maisauli ang kapayapaan kapag may bumangong problema kung kilala tayo sa paggamit ng nakapagpapatibay na pananalita kapag nagkukuwento tayo tungkol sa ating mga kapuwa Kristiyano.​—Luc. 6:31.

Paglingkuran ang Diyos “Nang Balikatan”

Dahil sa ating di-kasakdalan, may tendensiya tayo na iwasan ang taong nakasakit sa atin anupat ibinubukod ang ating sarili. Ngunit hindi isang karunungan ang gayong landasin. (Kaw. 18:1) Bilang nagkakaisang bayan na tumatawag sa pangalan ni Jehova, determinado tayong “paglingkuran siya nang balikatan.”​—Zef. 3:9.

Hindi kailanman dapat maapektuhan ng maling pananalita o paggawi ng iba ang ating sigasig sa dalisay na pagsamba. Mga ilang araw bago halinhan ng hain ni Jesus ang mga paghahandog sa templo at di-katagalan matapos na tahasang kondenahin ni Jesus ang mga eskriba, napansin niya na iniabuloy ng isang mahirap na babaing balo sa kabang-yaman ng templo ang “lahat ng kabuhayang taglay niya.” Pinigilan ba siya ni Jesus na gawin iyon? Sa kabaligtaran, pinapurihan siya ni Jesus sa kaniyang tapat na pagsuporta sa kongregasyon ni Jehova noong panahong iyon. (Luc. 21:1-4) Ang di-matuwid na paggawi ng iba ay hindi nakaapekto sa kaniya para tuparin ang kaniyang obligasyong suportahan ang pagsamba kay Jehova.

Kapag naramdaman nating may ginawang mali o kumilos nang di-makatarungan ang isang kapatid na Kristiyano, paano tayo tutugon? Hahayaan ba natin na makaapekto ito sa ating buong-kaluluwang paglilingkod kay Jehova? O lakas-loob nating aayusin ang mga di-pagkakasundo para mapanatili ang mahalagang kapayapaan sa kongregasyon ng Diyos sa ngayon?

“Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao,” ang payo sa atin ng Kasulatan. (Roma 12:18) Maging determinado nawa tayo na itaguyod ang kapayapaan at sa gayo’y manatili sa daan ng buhay.

[Talababa]

^ May kinalaman sa payo ni Jesus na nakaulat sa Mateo 18:15-17, tingnan ang isyu ng Ang Bantayan, Oktubre 15, 1999, pahina 17-22.

[Larawan sa pahina 17]

Kinailangang itaguyod nina Euodias at Sintique ang kapayapaan

[Larawan sa pahina 18]

Anong mga salita, tono ng boses, at saloobin ang malamang na magtataguyod ng kapayapaan?