“Salansangin Ninyo ang Diyablo” Gaya ng Ginawa ni Jesus
“Salansangin Ninyo ang Diyablo” Gaya ng Ginawa ni Jesus
“Salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.”—SANT. 4:7.
1. Ano ang alam ni Jesus hinggil sa daranasin niyang pagsalansang sa lupa?
ALAM ni Jesu-Kristo na daranas siya ng pagsalansang mula sa Diyablo. Ito ay malinaw na ipinahiwatig sa sinabi ng Diyos sa masamang rebeldeng espiritu na nagsalita sa pamamagitan ng serpiyente: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae [ang makalangit na bahagi ng organisasyon ni Jehova] at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya [si Jesu-Kristo] ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.” (Gen. 3:14, 15; Apoc. 12:9) Ang pagsugat kay Jesus sa sakong ay nangangahulugan na pansamantala lamang siyang daranas ng kamatayan habang nasa lupa dahil bubuhayin siyang muli ni Jehova tungo sa makalangit na kaluwalhatian. Pero ang pagsugat naman sa ulo ng serpiyente ay nangangahulugan na lubusang pupuksain ang Diyablo.—Basahin ang Gawa 2:31, 32; Hebreo 2:14.
2. Bakit tiwala si Jehova na matagumpay na mapaglalabanan ni Jesus ang Diyablo?
2 Tiwala si Jehova na magtatagumpay si Jesus sa pagtupad sa kaniyang atas at sa pagsalansang sa Diyablo habang nasa lupa siya. Bakit lubusang nakatitiyak dito si Jehova? Dahil siya ang lumalang kay Jesus, matagal na niyang napagmasdan ang Kaniyang Anak sa langit, at alam niyang masunurin at tapat ang “dalubhasang manggagawa” na ito at “panganay sa lahat ng nilalang.” (Kaw. 8:22-31; Col. 1:15) Kaya nang isugo si Jesus sa lupa at hayaang subukin ng Diyablo hanggang sa punto ng kamatayan, nakatitiyak ang Diyos na ang Kaniyang bugtong na Anak ay magtatagumpay.—Juan 3:16.
Iniingatan ni Jehova ang Kaniyang mga Lingkod
3. Ano ang nadarama ng Diyablo sa mga lingkod ni Jehova?
3 Tinukoy ni Jesus ang Diyablo bilang “ang tagapamahala ng sanlibutang ito” at binabalaan ang Kaniyang mga alagad na pag-uusigin din silang gaya niya. (Juan 12:31; 15:20) Napopoot sa mga tunay na Kristiyano ang sanlibutan, na nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas na Diyablo, dahil naglilingkod sila kay Jehova at sila ay mga mángangarál ng katuwiran. (Mat. 24:9; 1 Juan 5:19) Pangunahin nang pinupuntirya ng Diyablo ang nalabi ng mga pinahiran na malapit nang mamahala na kasama ni Kristo sa kaniyang makalangit na Kaharian. Pinupuntirya rin ni Satanas ang maraming Saksi ni Jehova na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa. Nagbabala ang Salita ng Diyos: “Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.”—1 Ped. 5:8.
4. Ano ang nagpapatunay na matagumpay na nasalansang ng bayan ng Diyos sa ating panahon ang Diyablo?
4 Bilang isang organisasyon na may suporta ng Diyos na Jehova, matagumpay nating nasasalansang ang Diyablo. Pag-isipan ito: Sa nakalipas na 100 taon, sinikap lipulin ng ilan sa pinakamalulupit na diktador sa kasaysayan ang mga Saksi ni Jehova. Pero patuloy na dumarami ang mga Saksi at halos 7,000,000 na ang kanilang bilang ngayon sa 100,000 kongregasyon sa buong mundo. Ang malulupit na diktador na umusig sa bayan ni Jehova ang siyang nalipol!
5. Paano natupad sa mga lingkod ni Jehova ang binabanggit sa Isaias 54:17?
5 Sa kongregasyon ng sinaunang Israel na tinukoy bilang kaniyang ‘babae,’ nangako ang Diyos: “Anumang sandata na aanyuan laban sa iyo ay hindi magtatagumpay, at alinmang dila na gagalaw laban sa iyo sa paghatol ay hahatulan mo. Ito ang minanang pag-aari ng mga lingkod ni Jehova, at ang kanilang katuwiran ay mula sa akin.” (Isa. 54:11, 17) Natutupad ang pangakong iyan sa bayan ni Jehova sa buong lupa sa panahong ito ng “mga huling araw.” (2 Tim. 3:1-5, 13) Patuloy nating sinasalansang ang Diyablo, at walang sandata na gagamitin niya para lipulin ang bayan ng Diyos ang magtatagumpay dahil nasa panig natin si Jehova.—Awit 118:6, 7.
6. Ano ang sinasabi ng hula ni Daniel tungkol sa kahihinatnan ng pamamahala ng Diyablo?
6 Sa mabilis na dumarating na katapusan ng masamang sistemang ito ng mga bagay, ang lahat ng bahagi ng pamamahala ni Satanas ay dudurugin. Inihula ni propeta Daniel sa ilalim ng patnubay ng Diyos: “Sa mga araw ng mga haring iyon [na umiiral sa ngayon] ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian [sa langit] na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng [kasalukuyang] mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” (Dan. 2:44) Kapag nangyari iyan, mawawala na ang pamamahala ni Satanas at ng di-sakdal na mga tao. Mawawala na magpakailanman ang lahat ng bahagi ng sistema ng mga bagay ng Diyablo, at mamamahala na ang Kaharian ng Diyos sa buong lupa nang walang sumasalansang.—Basahin ang 2 Pedro 3:7, 13.
7. Paano natin nalaman na maaaring magtagumpay ang indibiduwal na mga lingkod ni Jehova sa pagsalansang sa Diyablo?
7 Tiyak na maiingatan at mananagana sa espirituwal ang organisasyon ni Jehova. (Basahin ang Awit 125:1, 2.) Kumusta naman tayo? Sinasabi ng Bibliya na maaari tayong magtagumpay sa pagsalansang sa Diyablo gaya ng ginawa ni Jesus. Sa katunayan, ang hula na ibinigay ni Kristo kay apostol Juan ay nagpapakitang sa kabila ng pagsalansang ni Satanas, “isang malaking pulutong” na may makalupang pag-asa ang makaliligtas sa wakas ng sistemang ito. Ayon sa Kasulatan, sumisigaw sila: “Ang kaligtasan ay utang namin sa ating Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero [si Jesu-Kristo].” (Apoc. 7:9-14) Inilalarawan din nito na dinaraig ng mga pinahiran si Satanas, at matagumpay rin siyang sinasalansang ng kanilang mga kasamahan, ang “ibang mga tupa.” (Juan 10:16; Apoc. 12:10, 11) Pero ang matagumpay na pagsalansang sa Diyablo ay nangangailangan ng puspusang pagsisikap at marubdob na pananalangin na ‘makaligtas sa isa na balakyot.’—Mat. 6:13.
Ang Sakdal na Halimbawa sa Pagsalansang sa Diyablo
8. Ano ang unang naiulat na tukso na ginamit ng Diyablo kay Jesus sa ilang, at paano tumugon si Kristo?
8 Tinangka ng Diyablo na sirain ang katapatan ni Jesus. Sa ilang, tinukso ni Satanas si Jesus para sumuway kay Jehova. Gayunman, naglaan si Jesus ng sakdal na halimbawa sa pagsalansang kay Satanas. Pagkatapos mag-ayuno ng 40 araw at 40 gabi, malamang na gustung-gusto nang kumain ni Jesus. Sinabi ni Satanas: “Kung ikaw ay anak ng Diyos, sabihin mo sa mga batong ito na maging mga tinapay.” Pero tumanggi si Jesus na gamitin ang kaniyang bigay-Diyos na kapangyarihan para sa personal na kapakinabangan. Sa halip, sinabi ni Jesus: “Nasusulat, ‘Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.’”—Mat. 4:1-4; Deut. 8:3.
9. Bakit dapat nating labanan ang mga pagtatangka ng Diyablo na samantalahin ang ating likas na mga pagnanasa?
9 Sa ngayon, sinasamantala ng Diyablo ang likas na mga pagnanasa ng mga lingkod ni Jehova. Kung gayon, dapat tayong maging determinado na labanan ang mga seksuwal na tukso na karaniwan na lamang sa imoral na sanlibutang ito. Mariing sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ano! Hindi ba ninyo alam na ang mga taong di-matuwid ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong palíligaw. Hindi ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa idolo, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking iniingatan ukol sa di-likas na mga layunin, ni ang mga lalaking sumisiping sa mga lalaki . . . ang magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Cor. 6:9, 10) Maliwanag kung gayon na ang mga taong namumuhay nang imoral at tumatangging magbago ay hindi pahihintulutang mabuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos.
10. Ayon sa Mateo 4:5, 6, ano ang isa pang tukso na ginamit ni Satanas upang sirain ang katapatan ni Jesus?
10 May kinalaman sa isa sa mga tuksong hinarap ni Jesus sa ilang, sinasabi ng Kasulatan: “Dinala siya ng Diyablo sa banal na lunsod, at inilagay niya siya sa ibabaw ng moog ng templo at sinabi sa kaniya: ‘Kung ikaw ay anak ng Diyos, magpatihulog ka; sapagkat nasusulat, “Magbibigay siya ng utos sa kaniyang mga anghel may kinalaman sa iyo, at bubuhatin ka nila sa kanilang mga kamay, upang hindi mo kailanman maihampas sa bato ang iyong paa.”’” (Mat. 4:5, 6) Ipinahiwatig ni Satanas na maaaring makapagpasikat si Jesus sa kaniyang pagiging Mesiyas. Pero ang totoo, ito ay mali at isang paghahambog na hindi sasang-ayunan ng Diyos. Muling ipinakita ni Jesus ang kaniyang katapatan kay Jehova at tumugon siya sa pamamagitan ng pagsipi ng isang teksto. Sinabi niya: “Muli ay nasusulat, ‘Huwag mong ilalagay sa pagsubok si Jehova na iyong Diyos.’”—Mat. 4:7; Deut. 6:16.
11. Paano tayo maaaring tuksuhin ni Satanas, at ano ang puwedeng maging resulta?
11 Maaari tayong tuksuhin ni Satanas na maghangad ng kaluwalhatian sa iba’t ibang paraan. Baka udyukan niya tayong gayahin ang mga usong pananamit at pag-aayos sa sanlibutan o tangkilikin ang kuwestiyunableng paglilibang. Pero kung ipagwawalang-bahala natin ang payo ng Bibliya at gagayahin ang mga tagasanlibutan, maaasahan ba natin na ipagsasanggalang tayo ng mga anghel mula sa masasamang resulta ng gayong landasin? Bagaman pinagsisihan ni Haring David ang kaniyang kasalanan may kinalaman kay Bat-sheba, hindi siya ipinagsanggalang sa mga resulta ng kaniyang ginawa. (2 Sam. 12:9-12) Huwag nawa nating ilalagay sa pagsubok si Jehova sa maling mga paraan, marahil sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan sa sanlibutan.—Basahin ang Santiago 4:4; 1 Juan 2:15-17.
12. Anong tukso ang binanggit sa Mateo 4:8, 9, at paano tumugon ang Anak ng Diyos?
12 Ang isa pang tukso na ginamit ng Diyablo sa ilang ay ang pag-aalok kay Jesus ng pulitikal na kapangyarihan. Ipinakita ni Satanas kay Jesus ang lahat ng kaharian ng sanlibutan at ang kaluwalhatian ng mga ito at sinabi: “Lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo kung susubsob ka at gagawa ng isang gawang pagsamba sa akin.” (Mat. 4:8, 9) Isa ngang tusong pagtatangka na agawin ang pagsambang nauukol kay Jehova at udyukan si Jesus na talikuran ang Diyos! Dahil hindi niya inalis sa isipan ang pagnanasa na siya ay sambahin, ang dating tapat na anghel na ito ay naging makasalanan, mapag-imbot, at naging ang napakasamang manunukso, si Satanas na Diyablo. (Sant. 1:14, 15) Gayunman, ibang-iba si Jesus na determinadong manatiling tapat sa kaniyang makalangit na Ama anupat kaniyang sinabi: “Lumayas ka, Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.’” Sa gayon, muling sinalansang ni Jesus ang Diyablo. Tahasang ipinakita ng Anak ng Diyos na ayaw niyang maging bahagi ng sanlibutan ni Satanas at na hinding-hindi niya sasambahin ang balakyot na iyon!—Mat. 4:10; Deut. 6:13; 10:20.
“Salansangin Ninyo ang Diyablo, at Tatakas Siya Mula sa Inyo”
13, 14. (a) Ano ang inialok ng Diyablo kay Jesus nang ipakita niya ang lahat ng kaharian ng sanlibutan? (b) Paano sinisikap ni Satanas na maimpluwensiyahan tayo?
13 Nang ipakita ng Diyablo kay Jesus ang lahat ng kaharian ng sanlibutan, inialok ng Diyablo sa kaniya ang kapangyarihan na hindi pa kailanman natamo ng isang tao. Gusto ni Satanas na mahikayat at makumbinsi si Jesus na maaari siyang maging ang pinakamakapangyarihang pulitikal na lider sa lupa. Sa ngayon, hindi naman tayo inaalukan ng Diyablo ng mga kaharian, pero sinisikap niyang impluwensiyahan ang ating puso sa pamamagitan ng ating mata, tainga, at isip.
14 Ang Diyablo ang may kontrol sa sanlibutang ito. Kaya kontrolado rin niya ang media nito. Kung gayon, hindi nga kataka-taka na lipos ng imoralidad at karahasan ang mga napapanood, napapakinggan, at nababasa sa sanlibutang ito. Sinisikap ng mga tagapag-anunsiyo ng sanlibutang ito na magkaroon tayo ng pagnanasang bumili ng napakaraming bagay na hindi naman natin kailangan. Sa pamamagitan ng mga anunsiyo, patuloy na inaakit ng Diyablo ang ating mata, tainga, at isip upang tayo’y maging materyalistiko. Pero kung tatanggi tayong panoorin, pakinggan, at basahin ang mga materyal o impormasyon na labag sa mga simulain ng Bibliya, sa diwa ay sinasabi natin: “Lumayas ka, Satanas!” Kaya tinutularan natin si Jesus kung matatag at determinado nating tinatanggihan ang maruming sanlibutan ni Satanas. Mapatutunayan din natin na hindi tayo bahagi ng sanlibutan ni Satanas kung lakas-loob nating ipinakikilala ang ating sarili na tayo’y Saksi ni Jehova at tagasunod ni Kristo sa ating lugar ng trabaho, sa paaralan, sa pamayanan, at sa ating mga kamag-anak.—Basahin ang Marcos 8:38.
15. Bakit kailangan na laging maging alisto sa pagsalansang kay Satanas?
15 Nang hindi magtagumpay ang Diyablo sa ikatlong pagkakataon sa pagsisikap na maikompromiso ni Jesus ang kaniyang katapatan sa Diyos, “iniwan siya ng Diyablo.” (Mat. 4:11) Gayunman, hindi tumigil si Satanas sa pagtukso kay Jesus dahil ganito ang sinasabi sa atin ng ulat: “Kaya ang Diyablo, nang matapos ang lahat ng panunukso [sa ilang], ay humiwalay sa kaniya hanggang sa iba pang kumbinyenteng panahon.” (Luc. 4:13) Kapag nagtagumpay tayo sa pagsalansang sa Diyablo, dapat tayong magpasalamat kay Jehova. Pero dapat na patuloy pa rin tayong humingi ng tulong sa Diyos dahil babalik ang Diyablo upang tuksuhin tayong muli sa iba pang panahon na kumbinyente sa kaniya—at maaaring sa panahong hindi natin inaasahan. Kaya dapat tayong manatiling alisto sa lahat ng panahon at handang magbata sa pag-uukol ng sagradong paglilingkod kay Jehova anumang pagsubok ang mapaharap sa atin.
16. Anong malakas na puwersa ang ibinibigay sa atin ni Jehova, at bakit dapat natin itong ipanalangin?
16 Para matulungan tayo sa ating pagsisikap na salansangin ang Diyablo, dapat tayong manalangin para tanggapin ang pinakamakapangyarihang puwersa sa sansinukob—ang banal na espiritu ng Diyos. Tutulungan tayo nitong gawin ang mga bagay na imposible nating magawa sa ating sariling lakas. Tiniyak ni Jesus sa kaniyang mga alagad na makatatanggap sila ng espiritu ng Diyos. Sinabi niya: “Kung kayo, bagaman [di-sakdal at sa gayo’y masasabing] balakyot, ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya!” (Luc. 11:13) Patuloy nawa tayong manalangin kay Jehova para sa kaniyang banal na espiritu. Sa pamamagitan ng tulong ng pinakamakapangyarihang puwersang ito, magtatagumpay tayo sa ating determinasyon na salansangin ang Diyablo. Bukod sa regular at marubdob na pananalangin, kailangan din nating isuot ang kumpletong espirituwal na kagayakang pandigma mula sa Diyos upang ‘makatayo tayong matatag laban sa mga tusong pakana ng Diyablo.’—Efe. 6:11-18.
17. Anong kagalakan ang nakatulong kay Jesus na labanan ang Diyablo?
17 May isa pang bagay na nakatulong kay Jesus sa pagsalansang sa Diyablo, at makatutulong din ito sa atin. Sinasabi ng Bibliya: “Dahil sa kagalakang inilagay sa harap [ni Jesus] ay nagbata siya ng pahirapang tulos, na hinahamak ang kahihiyan, at umupo sa kanan ng trono ng Diyos.” (Heb. 12:2) Maaari din nating taglayin ang gayunding kagalakan kung itataguyod natin ang soberanya ni Jehova, pararangalan ang kaniyang banal na pangalan, at patuloy na isasaisip ang gantimpalang buhay na walang hanggan. Kaylaki ngang kagalakan ang ating mararanasan kapag nilipol na si Satanas at pinawi na ang lahat ng kaniyang mga gawa magpakailanman at kapag ‘ang maaamo na ang nagmamay-ari ng lupa at nakasusumpong ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan’! (Awit 37:11) Kung gayon, patuloy na salansangin ang Diyablo, gaya ng ginawa ni Jesus.—Basahin ang Santiago 4:7, 8.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang katibayan na iniingatan ni Jehova ang kaniyang bayan?
• Paano nagpakita ng halimbawa si Jesus sa pagsalansang kay Satanas?
• Sa anu-anong paraan mo masasalansang ang Diyablo?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 29]
Ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-alit sa Diyos
[Larawan sa pahina 31]
Tinanggihan ni Jesus ang lahat ng kaharian ng sanlibutan na inialok ni Satanas