Tulungang Bumalik sa Kawan ang Naliligaw na mga Tupa
Tulungang Bumalik sa Kawan ang Naliligaw na mga Tupa
“Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nasumpungan ko na ang aking tupa na nawala.”—LUC. 15:6.
1. Paano pinatunayan ni Jesus na isa siyang maibiging pastol?
ANG bugtong na Anak ni Jehova, si Jesu-Kristo, ay tinatawag na “dakilang pastol ng mga tupa.” (Heb. 13:20) Inihula ng Kasulatan ang kaniyang pagdating at ipinakita nito na isa siyang kahanga-hangang Pastol na naghanap sa “nawawalang mga tupa” ng Israel. (Mat. 2:1-6; 15:24) Bukod diyan, kung paanong posibleng isakripisyo ng isang literal na pastol ang kaniyang buhay upang maprotektahan ang kaniyang mga tupa, namatay si Jesus bilang haing pantubos para sa tulad-tupang mga indibiduwal na nagnanais makinabang sa haing ito.—Juan 10:11, 15; 1 Juan 2:1, 2.
2. Bakit naging di-aktibo ang ilang Kristiyano?
2 Nakalulungkot, may ilan na waring nagpahalaga sa hain ni Jesus at nag-alay naman sa Diyos ang hindi na nakikisama sa kongregasyong Kristiyano. Pagkasira ng loob, karamdaman, o iba pang salik ang maaaring naging sanhi ng pagkawala ng kanilang sigasig at pagiging di-aktibo. Pero ang tanging paraan para matamasa nila ang katiwasayan at kaligayahang binanggit ni David sa ika-23 Awit ay ang maging bahagi ng kawan ng Diyos. Halimbawa, umawit siya: “Si Jehova ang aking Pastol. Hindi ako kukulangin ng anuman.” (Awit 23:1) Ang mga kabilang sa kawan ng Diyos ay hindi nagkukulang ng anuman sa espirituwal na paraan, subalit hindi ganiyan ang kalagayan ng naliligaw na mga tupa. Sino ang makatutulong sa kanila? Paano sila matutulungan? Anong espesipikong mga bagay ang maaaring gawin upang matulungan silang makabalik sa kawan?
Sino ang Makatutulong?
3. Paano ipinakita ni Jesus kung ano ang kailangang gawin upang matulungan ang nawawalang mga tupa ng pastulan ng Diyos?
3 Kailangan ng marubdob na pagsisikap upang matulungan ang nawawalang mga tupa ng pastulan ng Diyos. (Awit 100:3) Inilarawan ito ni Jesus nang sabihin niya: “Kung ang isang tao ay magkaroon ng isang daang tupa at maligaw ang isa sa kanila, hindi ba niya iiwan ang siyamnapu’t siyam sa mga bundok at hahayo sa paghahanap sa isa na naliligaw? At kung mangyaring masumpungan niya ito, sinasabi ko sa inyo nang may katiyakan, siya ay magsasaya nang higit dahil dito kaysa sa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. Sa gayunding paraan hindi kanais-nais na bagay sa aking Ama na nasa langit na ang isa sa maliliit na ito ay malipol.” (Mat. 18:12-14) Sino ang makatutulong sa naliligaw na tulad-tupang mga indibiduwal?
4, 5. Ano ang dapat maging saloobin ng matatanda may kaugnayan sa kawan ng Diyos?
4 Kung nais ng Kristiyanong matatanda na tulungan ang naliligaw na mga tupa, dapat nilang tandaan na ang kawan ng Diyos ay isang kongregasyong binubuo ng mga taong nakaalay kay Jehova—oo, isang mahalagang ‘kawan ng pastulan ng Diyos.’ (Awit 79:13) Ang gayong minamahal na mga tupa ay nangangailangan ng maibiging kalinga, at nangangahulugan ito na dapat magpakita ng personal na interes sa kanila ang maibiging mga pastol. Maaaring maging napakabisa ng pagpapastol sa kanila sa palakaibigang paraan. Ang maibiging pampatibay-loob na maibibigay sa kanila ng isang pastol ay maaaring magpalakas sa kanilang espirituwalidad at magpasidhi ng kanilang pagnanais na bumalik sa kawan.—1 Cor. 8:1.
5 Ang mga pastol sa kawan ng Diyos ay may pananagutan na hanapin at tulungan ang naliligaw na mga tupa. Ipinaalaala ni apostol Pablo sa Kristiyanong matatanda sa sinaunang Efeso ang kanilang pananagutang magpastol. Ganito ang kaniyang sinabi: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na sa kanila ay inatasan kayo ng banal na espiritu bilang mga tagapangasiwa, upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos, na binili niya ng dugo ng kaniyang sariling Anak.” (Gawa 20:28) Sa katulad na paraan, ganito ang ipinayo ni apostol Pedro sa pinahirang matatandang lalaki: “Pastulan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyong pangangalaga, hindi napipilitan, kundi maluwag sa kalooban; ni hindi dahil sa pag-ibig sa di-tapat na pakinabang, kundi may pananabik; ni hindi namamanginoon sa mga mana ng Diyos, kundi maging mga halimbawa sa kawan.”—1 Ped. 5:1-3.
6. Bakit lalo nang kailangan ng mga tupa ng Diyos sa ngayon ang pangangalaga ng mga pastol?
6 Dapat tularan ng mga Kristiyanong pastol ang “mabuting pastol,” si Jesus. (Juan 10:11) Lubha siyang nagmamalasakit sa mga tupa ng Diyos at idiniin niya ang kahalagahan ng pangangalaga sa kanila nang sabihin niya kay Simon Pedro na ‘pastulan ang Kaniyang maliliit na tupa.’ (Basahin ang Juan 21:15-17.) Lalo nang kailangan ng mga tupa ang gayong pangangalaga sa ngayon, yamang pinatindi ng Diyablo ang kaniyang pagsisikap na sirain ang katapatan ng mga nakaalay sa Diyos. Sinasamantala ni Satanas ang kahinaan ng laman ng tao at ginagamit ang sanlibutan upang ibuyo sa pagkakasala ang mga tupa ni Jehova. (1 Juan 2:15-17; 5:19) Partikular nang mahina sa mga pagsalakay ni Satanas ang mga di-aktibo kung kaya kailangan nila ng tulong upang maikapit ang payong “lumakad ayon sa espiritu.” (Gal. 5:16-21, 25) Para matulungan ang gayong mga tupa, dapat na manalangin ang mga pastol ukol sa patnubay ng Diyos at gabay ng kaniyang espiritu. Kailangan din nilang maging mahusay sa paggamit ng kaniyang Salita.—Kaw. 3:5, 6; Luc. 11:13; Heb. 4:12.
7. Gaano kahalaga para sa matatanda na pastulan ang tulad-tupang mga indibiduwal na nasa pangangalaga nila?
7 Ang isang pastol sa sinaunang Israel ay gumagamit ng mahaba at nakakurbang baston, o tungkod, upang akayin ang kaniyang kawan. Habang pumapasok o lumalabas ang mga tupa sa kural, ang mga ito ay “dumaraan sa ilalim ng tungkod” at sa gayo’y nabibilang ng pastol. (Lev. 27:32; Mik. 2:12; 7:14) Sa katulad na paraan, dapat na kilalang-kilala ng isang Kristiyanong pastol ang kawan ng Diyos na nasa kaniyang pangangalaga at subaybayan ang kalagayan ng mga ito. (Ihambing ang Kawikaan 27:23.) Samakatuwid, ang pagpapastol ay isa sa mahahalagang bagay na dapat pag-usapan ng lupon ng matatanda. Kasama rito ang paggawa ng mga kaayusan upang tulungan ang naliligaw na mga tupa. Sinabi mismo ni Jehova na hahanapin niya ang kaniyang mga tupa at pangangalagaan sila. (Ezek. 34:11) Kaya nalulugod ang Diyos kapag gayundin ang ginagawa ng matatanda upang matulungan ang naliligaw na mga tupa na bumalik sa kawan.
8. Sa anu-anong paraan maaaring magbigay ng personal na atensiyon sa mga tupa ang matatanda?
8 Kapag ang isang kapananampalataya ay may pisikal na karamdaman, maaaring magdulot ng kagalakan at pampatibay-loob sa kaniya ang pagdalaw ng isang pastol ng kawan ng Diyos. Ganiyan din ang kalagayan kapag binibigyan ng personal na atensiyon ang isang tupang may sakit sa espirituwal. Maaaring basahin ng matatanda ang ilang teksto kasama ng di-aktibo. Puwede rin nilang ipakipag-usap ang isang artikulo o mahahalagang punto sa mga pulong, o kaya’y manalangin kasama niya, at iba pa. Maaari nilang banggitin na malulugod ang mga miyembro ng kongregasyon na makita siyang muli sa mga pagpupulong. (2 Cor. 1:3-7; Sant. 5:13-15) Napakalaki nga ng magagawa ng isang pagdalaw, tawag sa telepono, o isang liham! Ang pagbibigay ng personal na tulong sa isang tupang napawalay sa kawan ay maaari ding magdulot ng higit na kagalakan sa mahabaging Kristiyanong pastol.
May Maitutulong Tayong Lahat
9, 10. Bakit natin masasabi na hindi lamang ang matatanda ang dapat na magpakita ng pagmamalasakit sa naliligaw na mga tupa?
9 Nabubuhay tayo sa abala at mapanganib na panahon kaya posibleng hindi natin mapansin na naaanod na palayo mula sa kongregasyon ang isang kapananampalataya. (Heb. 2:1) Pero napakahalaga kay Jehova ng kaniyang mga tupa. Ang bawat isa sa kanila ay may kani-kaniyang mabubuting katangian, gaya ng bawat sangkap, o bahagi, ng katawan ng tao. Kaya tayong lahat ay dapat na magpakita ng interes sa ating mga kapatid at tunay na magmalasakit sa isa’t isa. (1 Cor. 12:25) Ganiyan ba ang iyong saloobin?
10 Bagaman ang matatanda ang may pangunahing pananagutan sa paghanap at pagtulong sa naliligaw na mga tupa, hindi lamang sila ang dapat magpakita ng pagmamalasakit sa mga ito. Ang iba ay maaaring makipagtulungan sa mga pastol. Oo, dapat tayong magbigay ng pampatibay-loob at espirituwal na tulong sa ating mga kapatid na nangangailangan ng tulong na makabalik sa kawan. Paano natin ito magagawa?
11, 12. Paano ka maaaring magkaroon ng pribilehiyo na alalayan ang mga nangangailangan ng espirituwal na tulong?
11 Sa ilang kaso, maaaring isaayos ng matatanda na magdaos ng pag-aaral sa Bibliya ang makaranasang mga mamamahayag ng Kaharian sa mga di-aktibong nagnanais humingi ng tulong. Ang layunin ng gayong mga pagsisikap ay upang muling paningasin ang “pag-ibig na taglay [nila] noong una.” (Apoc. 2:1, 4) Maaaring mapalakas ang espirituwalidad ng mga kapananampalatayang ito sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa materyal na tinalakay sa mga pulong na hindi nila nadaluhan.
12 Kung hilingan ka ng matatanda na magdaos ng pag-aaral sa Bibliya sa isang kapananampalatayang nangangailangan ng tulong sa espirituwal, manalangin kay Jehova na gabayan at pagpalain Niya ang iyong mga pagsisikap. Oo, “igulong mo ang iyong mga gawain kay Jehova at ang iyong mga plano ay matibay na matatatag.” (Kaw. 16:3) Bulay-bulayin ang mga teksto sa Bibliya at nakapagpapatibay-pananampalatayang mga punto na magagamit mo sa pakikipag-usap sa mga nangangailangan ng tulong sa espirituwal. Pag-isipan ang mahusay na halimbawa ni apostol Pablo. (Basahin ang Roma 1:11, 12.) Nanabik si Pablo na makita ang mga Kristiyano sa Roma upang may maibahagi siyang espirituwal na kaloob sa kanila at sa gayo’y mapatatag sila. Inasam-asam din niyang magkakaroon ng pagpapalitan ng pampatibay-loob. Hindi ba dapat na gayundin ang maging saloobin natin kapag tinutulungan natin ang mga tupang napawalay sa kawan ng Diyos?
13. Ano ang maaari mong ipakipag-usap sa isang di-aktibo?
13 Sa panahon ng inyong pag-aaral, maaari mong itanong sa kaniya, “Paano mo ba nalaman ang katotohanan?” Tulungan siyang alalahanin ang masasayang pagkakataon noong aktibo pa siya sa kongregasyon. Pasiglahin siyang ilahad ang kaniyang magagandang karanasan sa mga pagpupulong, sa pangangaral, at sa mga kombensiyon. Banggitin ang maliligayang sandali na maaaring natamasa ninyo noong magkasama kayo sa paglilingkod kay Jehova. Ilahad ang kagalakang nararanasan mo dahil sa iyong pagiging malapít kay Jehova. (Sant. 4:8) Sabihin ang iyong pagpapahalaga sa ginagawa ng Diyos para paglaanan tayo bilang kaniyang bayan—lalo na sa pagbibigay sa atin ng kaaliwan at pag-asa sa ating mga kapighatian.—Roma 15:4; 2 Cor. 1:3, 4.
14, 15. Makabubuting ipaalaala sa mga di-aktibo ang anong mga pagpapalang natatamasa nila noon?
14 Malamang na makabubuting ipaalaala sa di-aktibo ang ilan sa mga pagpapalang natatamasa niya noong aktibo siyang nakikisama sa kongregasyon. Halimbawa, nariyan ang pagpapala ng paglago sa kaalaman hinggil sa Salita ng Diyos at sa kaniyang layunin. (Kaw. 4:18) Noong siya’y ‘lumalakad ayon sa espiritu,’ tiyak na mas madali sa kaniya na labanan ang mga tukso na magkasala. (Gal. 5:22-26) Dahil dito, mayroon siyang malinis na budhi na nakatulong sa kaniya na lumapit kay Jehova sa panalangin at taglayin ang ‘kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan at nagbabantay sa ating mga puso at mga kakayahang pangkaisipan.’ (Fil. 4:6, 7) Isaisip ang mga puntong ito, magpakita ng taimtim na interes, at puspusang magsikap na maibiging patibayin ang iyong Kristiyanong kapatid na bumalik sa kawan.—Basahin ang Filipos 2:4.
15 Kung ikaw naman ay isang matanda na dumadalaw para magpastol sa isang mag-asawang di-aktibo, ano ang puwede mong gawin? Baka maaari mo silang himukin na alalahanin ang panahon nang malaman nila sa kauna-unahang pagkakataon ang katotohanan mula sa Salita ng Diyos. Tunay ngang ang katotohanan ay kamangha-mangha, kasiya-siya, makatuwiran, at nakapagpapalaya sa espirituwal! (Juan 8:32) Tiyak na napakalaki ng kanilang pasasalamat sa natututuhan nila tungkol kay Jehova, sa kaniyang pag-ibig, at sa kaniyang magagandang layunin! (Ihambing ang Lucas 24:32.) Ipaalaala sa kanila na tinatamasa ng nakaalay na mga Kristiyano ang malapít na kaugnayan kay Jehova at ang kahanga-hangang pribilehiyo na manalangin sa kaniya. Marubdob na pasiglahin ang mga di-aktibo na muling tumugon sa “maluwalhating mabuting balita ng maligayang Diyos,” si Jehova.—1 Tim. 1:11.
Patuloy na Magpakita sa Kanila ng Pag-ibig
16. Magbigay ng isang halimbawa na nagpapakitang talagang mabisa ang pagsisikap na magbigay ng espirituwal na tulong.
16 Talaga bang mabisa ang nabanggit na mga mungkahi? Oo. Halimbawa, isang kabataan na nagsimulang maging mamamahayag ng Kaharian noong siya’y 12 anyos ang naging di-aktibo sa edad na 15. Subalit nang maglaon, muli siyang naging aktibo, at ngayo’y mahigit 30 taon na sa buong-panahong paglilingkod. Napakalaki ng naitulong ng isang Kristiyanong matanda para mapanumbalik ang kaniyang espirituwalidad. Kaylaki ng kaniyang pasasalamat sa espirituwal na tulong na ibinigay sa kaniya!
17, 18. Anu-anong katangian ang makatutulong sa iyo upang maalalayan mo ang isang napawalay sa kawan ng Diyos?
17 Pag-ibig ang nag-uudyok sa mga Kristiyano na tulungan ang mga di-aktibo na bumalik sa kongregasyon. Ganito ang sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga tagasunod: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo ay ibigin din ninyo ang isa’t isa. Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35) Oo, ang pag-ibig ay isang pagkakakilanlan ng mga tunay na Kristiyano. Hindi ba dapat ipakita ang pag-ibig na iyan sa mga bautisadong Kristiyano na naging di-aktibo? Tiyak ngang gayon ang dapat nating gawin! Pero ang pagbibigay ng kinakailangang tulong ay maaaring humiling sa atin na magpakita ng iba’t ibang makadiyos na katangian.
18 Kung nais mong matulungan ang isang tupang napawalay sa kawan ng Diyos, anu-anong katangian ang kailangan mong ipakita? Bukod sa pag-ibig, baka kailangan mong magpakita ng habag, kabaitan, kahinahunan, at mahabang pagtitiis. Depende sa mga kalagayan, baka kailangan mo ring maging mapagpatawad. Sumulat si Pablo: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis. Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo. Ngunit, bukod pa sa lahat ng bagay na ito, damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”—Col. 3:12-14.
19. Bakit sulit ang pagsisikap na tulungan ang tulad-tupang mga indibiduwal na bumalik sa kongregasyong Kristiyano?
19 Tatalakayin ng susunod na araling artikulo sa isyung ito ang mga dahilan kung bakit ang ilan ay napawalay sa kawan ng Diyos. Ipakikita rin nito kung bakit maaasahan ng mga bumabalik sa kawan na sila’y muling tatanggapin. Habang pinag-aaralan mo ang artikulong iyan at binubulay-bulay ang artikulong ito, makatitiyak ka na sulit ang anumang pagsisikap na ginagawa mo para matulungan ang tulad-tupang mga indibiduwal na bumalik sa kongregasyong Kristiyano. Sa kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay, iniuukol ng maraming tao ang kanilang buong buhay para magkamal ng salapi, subalit ang buhay ng isang tao ay di-hamak na mas mahalaga kaysa sa lahat ng salapi sa buong daigdig. Idiniin ni Jesus ang puntong ito sa kaniyang ilustrasyon hinggil sa nawawalang tupa. (Mat. 18:12-14) Huwag mo nawang kalilimutan ang puntong iyan habang marubdob at puspusan mong sinisikap na tulungang bumalik sa kawan ang minamahal na mga tupa ni Jehova na naliligaw.
Paano Mo Sasagutin?
• Ano ang pananagutan ng mga Kristiyanong pastol may kaugnayan sa tulad-tupang mga indibiduwal na napawalay sa kawan?
• Paano mo matutulungan ang mga di-aktibong miyembro ng kongregasyon?
• Anu-anong katangian ang makatutulong sa iyo na maalalayan ang mga napawalay sa kawan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 10]
Maibiging nagsisikap ang mga Kristiyanong pastol na tulungan ang mga napawalay sa kawan ng Diyos