Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Sa Nehemias 8:10, ang mga Judio ay inutusan na “kainin . . . ang matatabang bagay,” samantalang sinabi sa Kautusan sa Levitico 3:17: “Huwag kayong kakain ng anumang taba.” Paano mapagtutugma ang mga pananalitang ito?

Sa orihinal na wika, magkaiba ang pananalitang isinaling “matatabang bagay” sa Nehemias 8:10 at “taba” sa Levitico 3:17. Ang salitang Hebreong cheʹlev, na isinaling “taba” sa Levitico 3:17, ay tumutukoy sa taba ng mga hayop o ng mga tao. (Lev. 3:3; Huk. 3:22) Ipinakikita ng konteksto ng talata 17 na hindi dapat kainin ng mga Israelita ang taba sa mga bituka at bato ng mga haing hayop ni ang taba na nasa mga balakang sapagkat “ang lahat ng taba ay kay Jehova.” (Lev. 3:14-16) Kaya ang taba na nasa katawan ng mga hayop na ihahandog kay Jehova ay hindi dapat kainin.

Sa kabilang dako naman, ang salitang isinaling “matatabang bagay” sa Nehemias 8:10 ay mash·man·nimʹ, at dito lamang lumitaw ang salitang ito sa Hebreong Kasulatan. Nagmula ito sa pandiwang sha·men’, na nangangahulugang “maging mataba, magpataba.” Ang pangunahing ideya ng grupo ng mga salitang may kaugnayan sa pandiwang ito ay waring nagpapahiwatig ng kasaganaan at kalusugan. (Ihambing ang Isaias 25:6.) Ang pangngalang sheʹmen, na nagmula sa pandiwang ito ay kadalasan nang isinasaling ‘langis,’ pati na ang pariralang “langis ng olibo.” (Deut. 8:8; Lev. 24:2) Gaya ng pagkakagamit sa Nehemias 8:10, ang mash·man·nimʹ  ay waring tumutukoy sa pagkaing malangis at marahil ay may kasamang karne na may kaunting taba pero hindi purong taba ng hayop.

Bagaman pinagbabawalan ang mga Israelita na kumain ng taba ng hayop, maaari naman silang kumain ng masustansiya at malinamnam na pagkain. Ang gayong mga pagkain, gaya ng mga tinapay na gawa sa mga butil, ay niluto, hindi sa taba ng hayop, kundi sa langis na mula sa pananim, kadalasan nang langis ng olibo. (Lev. 2:7) Kaya ipinaliliwanag ng Insight on the Scriptures na ang “matatabang bagay” na binanggit dito ay “tumutukoy sa masusustansiyang bahagi, mga bagay na hindi payat o tuyot, kundi makatas, kabilang na ang malinamnam na putahe na niluto sa langis mula sa pananim.”

Sabihin pa, batid ng mga Kristiyano na ang pagbabawal sa pagkain ng taba ay bahagi ng Kautusan. Wala sila sa ilalim ng Kautusan, pati na sa mga kahilingan nito may kaugnayan sa mga haing hayop.​—Roma 3:20; 7:4, 6; 10:4; Col. 2:16, 17.