Nakita Ko ang Pagsulong sa Korea
Nakita Ko ang Pagsulong sa Korea
Ayon sa salaysay ni Milton Hamilton
“Ikinalulungkot naming ipaalam sa inyo na kinansela ng pamahalaan ng Republika ng Korea ang lahat ng visa ninyong mga misyonero at ipinahiwatig na ayaw nila kayong papasukin sa kanilang bansa. . . . Dahil dito, pansamantala kayong inaatasan sa Hapon.”
NOONG huling bahagi ng 1954, natanggap naming mag-asawa ang mensaheng binanggit sa itaas mula sa Brooklyn, New York, E.U.A. Noong unang bahagi ng taóng iyon, nagtapos kami sa ika-23 klase ng Paaralang Gilead sa hilagang bahagi ng estado ng New York. Nang matanggap namin ang liham, pansamantala kaming naglilingkod sa Indianapolis, Indiana.
Ako at ang aking asawang si Liz (dati’y Liz Semock) ay magkaklase noong haiskul. Nang maglaon, noong 1948, nagpakasal kami. Mahal niya ang buong-panahong ministeryo pero nag-aatubili siyang umalis sa Estados Unidos para maglingkod sa banyagang lupain. Bakit nagbago ang kaniyang isip?
Pumayag si Liz na sumama sa akin sa isang pulong para sa mga nagnanais mag-aral sa Gilead. Ang pulong na iyon ay ginanap noong internasyonal na kombensiyon sa Yankee Stadium, New York, noong tag-init ng 1953. Pagkatapos ng nakapagpapasiglang pulong na iyon, ipinasa namin ang aming mga aplikasyon para sa Gilead. Laking gulat namin nang anyayahan kaming mag-aral sa susunod na klase, na nagsimula noong Pebrero 1954.
Inatasan kami sa Korea, bagaman noong tag-araw ng 1953 lamang natapos ang digmaan doon na tumagal nang tatlong taon. Halos nawasak ang buong bansa. Gaya ng itinagubilin sa liham na sinipi sa itaas, nagpunta muna kami sa Hapon. Pagkatapos ng 20-araw na paglalakbay sa dagat, nakarating kami sa Hapon noong Enero 1955 kasama ang iba pang anim na kapuwa misyonero na inatasan ding maglingkod sa Korea. Si Lloyd Barry, tagapangasiwa ng sangay sa Hapon noong panahong iyon, ang sumalubong sa amin sa piyer noong 6:00 n.u. Di-nagtagal, nakarating kami sa tahanan ng mga misyonero sa Yokohama. Nang araw ding iyon, lumabas kami sa larangan.
Sa Wakas, Nakarating Kami sa Korea
Nang maglaon, nakakuha kami ng visa para makapasok sa Republika ng Korea. Noong Marso 7, 1955, tatlong oras na bumiyahe ang aming eroplano mula sa Haneda International Airport sa Tokyo patungo sa Yoido Airport sa Seoul. Mahigit 200 Saksing Koreano ang sumalubong sa amin at napaluha kami dahil sa kagalakan. Noong panahong iyon, 1,000 lamang ang Saksi sa buong Korea. Gaya ng maraming iba pang taga-Kanluran, inakala namin na saanmang bansa nanggaling ang mga taga-Silangan, pare-pareho lang ang kanilang mga hitsura at pagkilos. Di-nagtagal, napansin namin na hindi ito totoo. Hindi lamang may sariling wika at alpabeto ang mga Koreano kundi mayroon din silang sariling paraan ng pagluluto, hitsura, at tradisyonal na pananamit,
gayundin ang iba pang bagay na sa kanila lamang maiuugnay, tulad ng disenyo ng kanilang mga gusali.Ang unang naging hamon sa amin ay ang pagsasalita ng wika. Walang mga aklat na tutulong sa amin para pag-aralan ang wikang Koreano. Di-nagtagal, nakita naming imposibleng magaya ang eksaktong bigkas ng mga salitang Koreano kung ang gagamitin lamang namin ay ang bigkas ng alpabetong Ingles. Matututuhan lamang ng isang tao ang tamang pagbigkas ng mga salitang Koreano kung pag-aaralan niya ang kanilang alpabeto.
Oo, nagkakamali kami sa pagbigkas ng mga salita. Halimbawa, minsa’y tinanong ni Liz ang isang may-bahay kung mayroon siyang Bibliya. Nagtaka ang may-bahay. Umalis siya at bumalik na may dalang kahon ng posporo. Ang naitanong pala ni Liz ay kung mayroong sungnyang (posporo) ang may-bahay sa halip na kung mayroon siyang sungkyung, ang salita para sa “Bibliya.”
Pagkatapos ng ilang buwan, inatasan kami sa Pusan, isang daungang lunsod sa timog, para magtatag ng isang tahanan ng mga misyonero. Umupa kami ng tatlong maliliit na kuwarto para sa aming mag-asawa at sa dalawang sister na kasama namin. Walang mga gripo at inodorong may flush. Sa gabi lamang lumalakas ang tubig at nakaaakyat sa ikalawang palapag sa pamamagitan ng isang hose. Kaya nagsasalit-salitan kaming gumising sa madaling-araw para umigib ng tubig. Kailangan naming pakuluan ang tubig o haluan ito ng chlorine para ligtas itong inumin.
May iba pang mga hamon. Mahina ang kuryente anupat hindi kami makagamit ng washing machine o kaya’y plantsa. Sa pasilyo kami nagluluto gamit lamang ang isang kalang de-gas. Di-nagtagal, natutuhan ng bawat isa sa amin na maghanda ng pagkain sa araw na nakaatas sa amin. Tatlong taon pagkarating namin sa Korea, nagkasakit kami ni Liz ng hepatitis. Noong mga taóng iyon, nagka-hepatitis ang karamihan sa mga misyonero. Mga ilang buwan ang lumipas bago kami gumaling, at nagkaroon din kami ng iba pang karamdaman.
Tinulungang Mapagtagumpayan ang mga Balakid
Sa nakalipas na 55 taon, naging napakagulo ng pulitikal na situwasyon sa peninsula ng Korea. Ang DMZ (demilitarized zone), isang sona na hindi hawak ng militar, ang naghahati sa peninsula. Masusumpungan ito 55 kilometro sa hilaga ng Seoul, ang kabisera ng Republika ng Korea. Noong 1971, dinalaw kami ni Frederick Franz, isang kinatawan ng punong-tanggapan sa Brooklyn. Sinamahan ko siya sa DMZ, ang pinakaguwardiyadong hangganan sa buong lupa. Sa loob ng maraming taon, madalas na sa lugar na iyon nag-uusap ang mga opisyal ng United Nations at ang mga kinatawan ng dalawang gobyerno ng Korea.
Sabihin pa, nananatili kaming neutral pagdating sa pulitika ng sanlibutang ito, kasama na rito Juan 17:14) Dahil sa pagtangging makipagdigma, mahigit 13,000 Saksing Koreano ang nabilanggo nang may kabuuang 26,000 taon. (2 Cor. 10:3, 4) Alam ng lahat ng kabataang brother sa lupaing iyon na haharapin nila ang isyung ito, pero hindi sila natatakot. Nakalulungkot na tinatawag sila ng pamahalaan na mga “kriminal” na ministrong Kristiyano na ang tanging “krimen” ay ang pagtangging ikompromiso ang kanilang Kristiyanong neutralidad.
ang tungkol sa kalagayan ng peninsula ng Korea. (Noong 1944, sa panahon ng Digmaang Pandaigdig II, tumanggi rin akong magsundalo kung kaya dalawa at kalahating taon akong nabilanggo sa Lewisburg, Pennsylvania, E.U.A. Kaya bagaman mas mahirap ang dinaranas ng ating mga Koreanong kapatid sa bilangguan, alam ko kung ano ang pinagdaraanan ng mga kabataang Saksing ito. Marami ang napatibay nang malaman nila na ang ilan sa amin na mga misyonero sa Korea ay nakaranas din ng gayong pagsubok.—Isa. 2:4.
Napaharap sa Matinding Pagsubok
Nasubok ang amin mismong neutralidad noong 1977. Inisip ng mga opisyal na iniimpluwensiyahan namin ang mga kabataang Koreano na tumangging magsundalo at humawak ng mga armas. Kaya nagpasiya ang pamahalaan na huwag bigyan ng permit na bumalik sa Korea ang mga misyonerong lumabas ng bansa sa anumang dahilan. Nagtagal ang restriksiyong ito mula 1977 hanggang 1987. Kung umalis kami sa Korea noong panahong iyon, tiyak na hindi na kami pinayagang makabalik. Kaya gusto man naming magbakasyon sa Amerika, hindi kami makauwi noong mga taóng iyon.
Maraming beses kaming nakipag-usap sa mga opisyal ng pamahalaan upang ipaliwanag ang ating pagiging neutral bilang mga tagasunod ni Kristo. Nang dakong huli, natanto nila na hindi kami natatakot, kaya sa wakas ay inalis ang restriksiyon—pagkatapos ng sampung taon. Noong mga taóng iyon, iilang misyonero lamang ang kinailangang umalis sa bansa sa ilang kadahilanang gaya ng karamdaman, pero ang karamihan sa amin ay nanatili sa Korea, at natutuwa kaming gayon ang ginawa namin.
Noong kalagitnaan ng dekada ng 1980, pinaratangan ng mga sumasalansang sa ating ministeryo na tinuturuan daw ng mga direktor ng ating legal na korporasyon sa Korea ang mga kabataang lalaki na tumangging magsundalo. Dahil dito, kaming mga direktor ay ipinatawag ng gobyerno para pagtatanungin. Noong Enero 22, 1987, nasumpungan ng tanggapan ng abogado ng pamahalaan na walang basehan ang mga paratang. Nakatulong ito upang maituwid ang anumang maling palagay na maaaring bumangon sa hinaharap.
Pinagpapala ng Diyos ang Aming Gawain
Sa paglipas ng mga taon, tumindi ang pagsalansang sa ating gawaing pangangaral sa Korea dahil sa ating neutralidad. Kaya naging mas mahirap maghanap ng angkop na mga lugar para sa ating malalaking asamblea. Kaya ang mga Saksi ay nagtayo ng isang Assembly Hall sa Pusan, ang unang Assembly Hall na itinayo sa Silangan. Nagkaroon ako ng pribilehiyo na magbigay ng pahayag sa pag-aalay ng Assembly Hall noong Abril 5, 1976 sa harap ng 1,300 tagapakinig.
Mula noong 1950, sampu-sampung libong sundalo mula sa Estados Unidos ang ipinadala sa Korea. Nang makabalik sila sa Estados Unidos, marami sa kanila ang naging aktibong mga Saksi. Madalas na nakatatanggap
kami ng mga liham mula sa kanila, at itinuturing naming pagpapala na natulungan namin sila na makilala si Jehova.Nakalulungkot, namatay ang minamahal kong asawa, si Liz, noong Setyembre 26, 2006. Talagang hinahanap-hanap ko siya. Sa 51 taon niyang paglilingkod dito sa Korea, malugod niyang tinanggap ang kahit na anong atas at hinding-hindi siya nagreklamo. Kahit kailan, hindi niya iminungkahi ni ipinahiwatig man na gusto niyang bumalik sa Estados Unidos, ang lupaing sinabi niya na ayaw niyang iwanan noon!
Patuloy akong naglilingkod bilang miyembro ng pamilyang Bethel sa Korea. Lumaki ang pamilya mula sa iilang miyembro noong unang mga taon ko rito hanggang sa mga 250 na ngayon. Pribilehiyo kong maglingkod bilang bahagi ng Komite ng Sangay na binubuo ng pitong miyembro at siyang nangangasiwa sa gawain sa bansang ito.
Napakahirap na bansa ang Korea nang dumating kami rito subalit ngayon, isa na ito sa pinakamaunlad na bansa sa daigdig. Mahigit 95,000 na ngayon ang mga Saksi sa Korea, at halos 40 porsiyento sa kanila ang naglilingkod bilang regular o auxiliary pioneer. Ang lahat ng ito ay nakadaragdag sa mga dahilan kung bakit pinahahalagahan kong maglingkod sa Diyos sa bansang ito at makita ang pagsulong ng Kaniyang kawan.
[Larawan sa pahina 24]
Nang dumating kami sa Korea kasama ang mga kapuwa misyonero
[Larawan sa pahina 24, 25]
Paglilingkod sa Pusan
[Larawan sa pahina 25]
Kasama si Brother Franz sa DMZ, noong 1971
[Larawan sa pahina 26]
Kasama si Liz mga ilang panahon bago siya namatay
[Larawan sa pahina 26]
Sangay sa Korea kung saan patuloy akong naglilingkod bilang miyembro ng pamilyang Bethel