Pahalagahan ang Natatanging Papel ni Jesus sa Layunin ng Diyos
Pahalagahan ang Natatanging Papel ni Jesus sa Layunin ng Diyos
“Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”—JUAN 14:6.
1, 2. Bakit tayo dapat maging interesado na suriin ang natatanging papel ni Jesus sa layunin ng Diyos?
SA BUONG kasaysayan, marami ang nagsisikap na mamukod-tangi sa ibang tao. Kung mayroon mang nakagawa nito, kakaunti lamang sila at sa ilang paraan lamang. Pero ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay natatangi sa maraming paraan.
2 Bakit tayo dapat maging interesado sa natatanging papel ni Jesus? Dahil nasasangkot ang atin mismong kaugnayan sa ating makalangit na Ama, si Jehova! Sinabi ni Jesus: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6; 17:3) Ating suriin ang ilang paraan ng pagiging natatangi ni Jesus. Ang paggawa nito ay magpapasidhi ng ating pagpapahalaga sa kaniyang papel sa layunin ng Diyos.
“Bugtong na Anak ng Diyos”
3, 4. (a) Bakit natin masasabi na natatangi ang papel ni Jesus bilang bugtong na Anak? (b) Paano natatangi ang papel ni Jesus sa paglalang?
3 Si Jesus ay hindi lamang basta “anak ng Diyos.” Ganiyan tinukoy ni Satanas si Jesus nang tuksuhin niya ito. (Mat. 4:3, 6) Siya ay angkop na tawaging “bugtong na Anak ng Diyos.” (Juan 3:16, 18) Ang salitang Griego na isinaling “bugtong” ay binibigyang-katuturan bilang “kaisa-isa sa uri nito,” “ang tanging miyembro ng isang lahi o uri,” o “natatangi.” Si Jehova ay may daan-daang milyong espiritung anak. Kung gayon, sa anong diwa natatanging “uri” si Jesus?
4 Natatangi si Jesus dahil siya lamang ang tuwirang nilalang ng kaniyang Ama. Siya ang panganay na Anak. Sa katunayan, siya ang “panganay sa lahat ng nilalang.” (Col. 1:15) Siya ang “pasimula ng paglalang ng Diyos.” (Apoc. 3:14) Natatangi rin ang papel ng bugtong na Anak sa paglalang. Hindi siya ang Maylalang, o Tagapagpasimula, ng paglalang. Pero ginamit siya ni Jehova para malalang ang lahat ng bagay. (Basahin ang Juan 1:3.) Isinulat ni apostol Pablo: “Sa atin nga ay may iisang Diyos ang Ama, na pinagmulan ng lahat ng bagay, at tayo ay para sa kaniya; at may iisang Panginoon, si Jesu-Kristo, na ang lahat ng bagay ay sa pamamagitan niya, at tayo ay sa pamamagitan niya.”—1 Cor. 8:6.
5. Paano itinatampok sa Kasulatan ang pagiging natatangi ni Jesus?
5 Gayunman, hindi lamang basta natatangi si Jesus. Binigyan siya ng Kasulatan ng maraming titulo o katawagan na nagtatampok ng kaniyang natatanging papel sa layunin ng Diyos. Ating suriin ngayon ang lima pang titulo o katawagan na ikinapit kay Jesus sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.
“Salita”
6. Bakit angkop na tawagin si Jesus na “Salita”?
6 Basahin ang Juan 1:14. Bakit tinawag si Jesus na “Salita,” o Logos? Ipinakikita ng titulong ito ang papel na ginampanan niya mula nang umiral ang iba pang matatalinong nilalang. Ginamit ni Jehova ang kaniyang Anak para maghatid ng impormasyon at mga tagubilin sa iba pa niyang espiritung mga anak. Ginamit din ng Diyos ang kaniyang Anak para maghatid ng Kaniyang mensahe sa mga tao. Ipinahiwatig ni Kristo na siya nga ang Salita, o Tagapagsalita ng Diyos, nang sabihin niya sa kaniyang mga tagapakinig na Judio: “Ang itinuturo ko ay hindi sa akin, kundi sa kaniya na nagsugo sa akin. Kung ang sinuman ay nagnanais na gawin ang Kaniyang kalooban, makikilala niya tungkol sa turo kung ito ay mula sa Diyos o ako ay nagsasalita nang mula sa aking sarili.” (Juan 7:16, 17) Taglay pa rin ni Jesus ang titulong “Salita ng Diyos” kahit na bumalik na siya sa makalangit na kaluwalhatian.—Apoc. 19:11, 13, 16.
7. Paano natin matutularan ang ipinakitang kapakumbabaan ni Jesus sa kaniyang papel bilang “Salita”?
7 Isip-isipin na lamang kung ano ang ipinahihiwatig ng titulong ito. Bagaman si Jesus ang pinakamarunong sa lahat ng nilalang ni Jehova, hindi siya nananalig sa kaniyang sariling karunungan. Nagsasalita siya ayon sa sinasabi ng kaniyang Ama. Lagi niyang ibinibigay ang papuri kay Jehova sa halip na sa kaniya. (Juan 12:50) Isa ngang napakagandang halimbawa para tularan natin! Tayo rin ay pinagkatiwalaan ng napakahalagang pribilehiyo na ‘ipahayag ang mabuting balita ng mabubuting bagay.’ (Roma 10:15) Ang mainam na halimbawa ni Jesus sa kapakumbabaan ay dapat magpakilos sa atin na iwasang magsalita salig sa sarili nating kaunawaan. May kinalaman sa paghahatid ng nagliligtas-buhay na mensahe sa Kasulatan, ayaw nating “higitan ang mga bagay na nakasulat.”—1 Cor. 4:6.
“Amen”
8, 9. (a) Ano ang kahulugan ng salitang “amen,” at bakit tinawag si Jesus na “Amen”? (b) Paano ginampanan ni Jesus ang kaniyang papel bilang “Amen”?
8 Basahin ang Apocalipsis 3:14. Bakit tinawag si Jesus na “Amen”? Ang salitang isinaling “amen” ay transliterasyon ng isang salitang Hebreo na nangangahulugang “mangyari nawa,” o “tiyak iyon.” Ang Hebreong salitang-ugat kung saan ito hinango ay nangangahulugang “maging tapat” o “maaasahan.” Ang salita ring ito ang ginamit para ilarawan ang pagiging tapat ni Jehova. (Deut. 7:9; Isa. 49:7) Kaya sa anong paraan natatangi si Jesus kapag tinutukoy siya na “Amen”? Pansinin kung paano iyan sinasagot ng 2 Corinto 1:19, 20: “Ang Anak ng Diyos, si Kristo Jesus, na ipinangaral sa inyo . . . , ay hindi naging Oo at gayunma’y Hindi, kundi ang Oo ay naging Oo sa kaniyang kalagayan. Sapagkat gaano man karami ang mga pangako ng Diyos, ang mga iyon ay naging Oo sa pamamagitan niya. Kaya nga sa pamamagitan din niya ay sinasabi sa Diyos ang ‘Amen’ ukol sa kaluwalhatian.”
9 Si Jesus ang nagsisilbing “Amen” sa lahat ng pangako ng Diyos. Dahil namuhay si Jesus nang walang kapintasan sa lupa at dahil sa kaniyang sakripisyong kamatayan, napagtibay at naging posible ang katuparan ng lahat ng pangako ng Diyos na Jehova. Sa pananatiling tapat, pinatunayan din ni Jesus na mali ang pag-aangkin ni Satanas, na nakaulat sa aklat ng Job, na itatatwa ng Kaniyang mga lingkod ang Diyos kapag nasa ilalim ng kahirapan, pagdurusa, at pagsubok. (Job 1:6-12; 2:2-7) Sa lahat ng nilalang ng Diyos, ang panganay na Anak ang pangunahin nang makapagbibigay ng di-matututulang sagot sa paratang na iyon. Karagdagan pa, si Jesus ang pinakamainam na patotoo na may papanig sa kaniyang Ama sa mas malaking isyu ng pagiging nararapat ng pansansinukob na soberanya ni Jehova.
10. Paano natin matutularan si Jesus sa kaniyang natatanging papel bilang “Amen”?
10 Paano natin matutularan si Jesus sa kaniyang natatanging papel bilang “Amen”? Sa pamamagitan ng pananatiling tapat kay Jehova at pagsuporta sa kaniyang pansansinukob na soberanya. Sa paggawa nito, positibo tayong makatutugon sa paghimok na nakaulat sa Kawikaan 27:11: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.”
“Tagapamagitan ng Isang Bagong Tipan”
11, 12. Bakit natatangi ang papel ni Jesus bilang Tagapamagitan?
11 Basahin ang 1 Timoteo 2:5, 6. Si Jesus ay “isang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao.” Siya ay “tagapamagitan ng isang bagong tipan.” (Heb. 9:15; 12:24) Gayunman, si Moises ay tinukoy rin bilang isang tagapamagitan—ang tagapamagitan ng tipang Kautusan. (Gal. 3:19) Kung gayon, sa anong diwa natatangi ang papel ni Jesus bilang Tagapamagitan?
12 Ang orihinal na salitang isinaling “tagapamagitan” ay isang terminong nauugnay sa batas. Tumutukoy ito kay Jesus bilang isang legal na Tagapamagitan (o, sa diwa, isang abogado) ng bagong tipan kaya’t naging posible ang pagsilang sa isang bagong bansa, ang “Israel ng Diyos.” (Gal. 6:16) Ang bansang ito ay tumutukoy sa mga pinahiran-ng-espiritung Kristiyano na bumubuo sa “maharlikang pagkasaserdote” sa langit. (1 Ped. 2:9; Ex. 19:6) Ang tipang Kautusan, kung saan nagsilbing tagapamagitan si Moises, ay hindi nakapagtatag ng gayong bansa.
13. Ano ang nasasangkot sa papel ni Jesus bilang Tagapamagitan?
13 Ano ang nasasangkot sa papel ni Jesus bilang Tagapamagitan? Buweno, ginamit ni Jehova ang halaga ng dugo ni Jesus para maging bahagi ang ilang indibiduwal sa bagong tipan. Sa ganitong paraan, legal silang ipinahahayag ni Jehova na matuwid. (Roma 3:24; Heb. 9:15) Kaya naman, naging karapat-dapat sila sa paningin ng Diyos na maging bahagi ng bagong tipan na may pag-asang maging mga haring-saserdote sa langit. Bilang kanilang Tagapamagitan, tinutulungan sila ni Jesus na mapanatili ang kanilang malinis na katayuan sa harap ng Diyos.—Heb. 2:16.
14. Bakit dapat pahalagahan ng lahat ng Kristiyano, anuman ang kanilang pag-asa, ang papel ni Jesus bilang Tagapamagitan?
14 Kumusta naman ang mga hindi kabilang sa bagong tipan na may pag-asang mabuhay nang walang hanggan hindi sa langit kundi sa lupa? Bagaman hindi makikibahagi sa bagong tipan, makikinabang naman sila rito. Pinatatawad sila sa kanilang mga kasalanan at ipinahahayag na matuwid bilang mga kaibigan ng Diyos. (Sant. 2:23; 1 Juan 2:1, 2) Tayo man ay may makalangit o makalupang pag-asa, ang bawat isa sa atin ay may mabuting dahilan para pahalagahan ang papel ni Jesus bilang Tagapamagitan ng bagong tipan.
“Mataas na Saserdote”
15. Bakit naiiba sa lahat ng lalaking naglingkod noon bilang mataas na saserdote ang papel ni Jesus bilang Mataas na Saserdote?
15 Maraming lalaki noon ang naglingkod bilang mataas na saserdote pero talagang natatangi ang papel ni Jesus bilang Mataas na Saserdote. Paano? Nagpapaliwanag si Pablo: “Hindi niya kailangan sa araw-araw, gaya ng ginagawa ng matataas na saserdoteng iyon, na maghandog ng mga hain, una ay para sa kaniyang sariling mga kasalanan at pagkatapos ay para roon sa bayan: (sapagkat ito ay ginawa niya nang minsanan nang ihandog niya ang kaniyang sarili;) sapagkat ang Kautusan ay nag-aatas ng mga taong may kahinaan bilang matataas na saserdote, ngunit ang salita ng ipinanatang sumpa na dumating kasunod ng Kautusan ay nag-aatas sa isang Anak, na pinasakdal magpakailanman.”—Heb. 7:27, 28. *
16. Bakit talagang natatangi ang hain ni Jesus?
16 Si Jesus ay isang sakdal na tao, ang eksaktong katumbas ni Adan bago ito nagkasala. (1 Cor. 15:45) Kaya si Jesus lamang ang taong makapaghahandog ng sakdal na hain—ang uri ng hain na hindi na kailangan pang ulitin. Sa Kautusang Mosaiko, inihahandog ang mga hain araw-araw. Gayunman, lahat ng gayong hain at paglilingkod bilang saserdote ay anino lamang ng kung ano ang gagawin ni Jesus. (Heb. 8:5; 10:1) Mas malaki ang naisagawa ni Jesus kaysa sa ibang mataas na saserdote at patuluyan ang kaniyang paglilingkod sa papel na ito. Dahil dito, natatangi ang kaniyang pagiging Mataas na Saserdote.
17. Bakit natin dapat pahalagahan ang papel ni Jesus bilang Mataas na Saserdote, at paano natin ito magagawa?
17 Mahalaga ang paglilingkod ni Jesus bilang Mataas na Saserdote yamang sa ganitong paraan ay matutulungan niya tayong magkaroon ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos. Talagang napakabuti ng ating Mataas na Saserdote! Isinulat ni Pablo: “Taglay natin bilang mataas na saserdote, hindi ang isa na hindi magawang makiramay sa ating mga kahinaan, kundi ang isa na sinubok sa lahat ng bagay tulad natin, ngunit walang kasalanan.” (Heb. 4:15) Dapat tayong mapakilos ng ating pagpapahalaga sa bagay na ito na “huwag nang mabuhay pa para sa [ating] sarili, kundi para sa kaniya na namatay para sa [atin].”—2 Cor. 5:14, 15; Luc. 9:23.
Inihulang “Binhi”
18. Anong hula ang binigkas pagkatapos magkasala si Adan, at ano ang isiniwalat nang maglaon tungkol sa hulang ito?
18 Nang maiwala ng sangkatauhan noon sa Eden ang lahat—isang malinis na katayuan sa harap ng Diyos, walang-hanggang buhay, kaligayahan, at Paraiso—inihula ng Diyos na Jehova ang isang Tagapagligtas. Tinukoy ito na “binhi.” (Gen. 3:15) Sa paglipas ng mga panahon, naging paksa ng maraming hula sa Bibliya ang tungkol sa di-pa-natutukoy na Binhing ito. Inilarawan siya bilang inapo ni Abraham, Isaac, at Jacob. Sinabi rin na siya ay magmumula sa linya ni Haring David.—Gen. 21:12; 22:16-18; 28:14; 2 Sam. 7:12-16.
19, 20. (a) Sino ang ipinangakong Binhi? (b) Bakit natin masasabi na hindi lamang si Jesus ang inihulang binhi?
19 Sino ang ipinangakong Binhi? Ang sagot sa tanong na ito ay makikita sa Galacia 3:16. (Basahin.) Gayunman, sa huling bahagi ng kabanata ring iyon, sinabi ni apostol Pablo sa mga pinahirang Kristiyano: “Bukod diyan, kung kayo ay kay Kristo, kayo ay talaga ngang binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa isang pangako.” (Gal. 3:29) Paano nangyaring may iba pang kasama si Kristo gayong siya ang ipinangakong Binhi?
20 Milyun-milyon ang nag-aangking nagmula sila kay Abraham. Sinasabi pa nga ng ilan na sila’y mga propeta. Ipinagmamalaki ng ilang relihiyon na ang kanilang mga propeta ay nagmula kay Abraham. Pero ang lahat ba ng ito na nag-aangking nagmula kay Abraham ay ipinangakong Binhi? Hindi. Gaya ng sinabi ni apostol Pablo sa Bibliya, hindi lahat ng nagmula kay Abraham ay makapag-aangkin na siya ang ipinangakong Binhi. Ang supling ng iba pang mga anak ni Abraham ay hindi gagamitin para pagpalain ang sangkatauhan. Ang binhi ng pagpapala ay sa pamamagitan lamang ni Isaac. (Heb. 11:18) Sa dakong huli, iisang tao lamang, si Jesu-Kristo, na ang talaangkanan ay nakaulat sa Bibliya at nagpapatunay na nagmula siya kay Abraham, ang pangunahing bahagi ng inihulang binhi. * Nang maglaon, lahat ng iba pang naging pangalawahing bahagi ng binhi ni Abraham ay naging gayon dahil sila ay “kay Kristo.” Oo, talagang natatangi ang papel ni Jesus sa katuparan ng hulang ito.
21. Ano ang nagustuhan mo sa paraan ng pagganap ni Jesus sa kaniyang papel sa layunin ni Jehova?
21 Ano ang natutuhan natin mula sa maikling repasong ito ng natatanging papel ni Jesus sa layunin ni Jehova? Mula pa nang siya ay lalangin, talagang natatangi na ang bugtong na Anak ng Diyos, wala siyang katulad. Gayunman, ang natatanging Anak na ito ng Diyos na naging si Jesus ay laging mapagpakumbabang naglilingkod kasuwato ng kalooban ng kaniyang Ama anupat hindi kailanman naghangad na luwalhatiin siya. (Juan 5:41; 8:50) Isa ngang napakahusay na halimbawa para sa atin ngayon! Tulad ni Jesus, maging tunguhin nawa natin na “gawin . . . ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.”—1 Cor. 10:31.
[Mga talababa]
^ Ayon sa isang iskolar sa Bibliya, ang salitang isinaling “nang minsanan” ay nagpapakita ng isang mahalagang konsepto sa Bibliya na “nagpapahiwatig ng pagiging tiyak, o pagiging natatangi, ng kamatayan ni Kristo.”
^ Kahit na iniisip ng mga Judio noong unang siglo C.E. na sila, bilang literal na supling, o inapo ni Abraham, ang magiging sinang-ayunang bayan, naghihintay pa rin sila sa pagdating ng isang tao na magiging Mesiyas, o Kristo.—Juan 1:25; 7:41, 42; 8:39-41.
Natatandaan Mo Ba?
• Ano ang natutuhan mo tungkol sa natatanging papel ni Jesus mula sa kaniyang mga titulo o katawagan? (Tingnan ang kahon.)
• Paano mo matutularan ang halimbawa ng natatanging Anak ni Jehova?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon/Larawan sa pahina 15]
Ilang Titulo na Naglalarawan sa Natatanging Papel ni Jesus sa Layunin ng Diyos
◼ Bugtong na Anak. (Juan 1:3) Si Jesus ang tanging tuwirang nilalang ng kaniyang Ama.
◼ Salita. (Juan 1:14) Ginamit ni Jehova ang kaniyang Anak bilang Tagapagsalita para maghatid ng impormasyon at mga tagubilin sa ibang mga nilalang.
◼ Amen. (Apoc. 3:14) Dahil namuhay si Jesus nang walang kapintasan sa lupa at dahil sa kaniyang sakripisyong kamatayan, napagtibay at naging posible ang katuparan ng lahat ng pangako ng Diyos na Jehova.
◼ Tagapamagitan ng Isang Bagong Tipan. (1 Tim. 2:5, 6) Si Jesus ang legal na Tagapamagitan ng bagong tipan. Dahil dito, naging posible ang pagsilang ng isang bagong bansa, ang “Israel ng Diyos,” na tumutukoy sa mga Kristiyano na bumubuo sa “maharlikang pagkasaserdote” sa langit.—Gal. 6:16; 1 Ped. 2:9.
◼ Mataas na Saserdote. (Heb. 7:27, 28) Si Jesus lamang ang taong makapaghahandog ng sakdal na hain, isa na hindi na kailangan pang ulitin. Kaya niya tayong linisin mula sa ating kasalanan at palayain mula sa kamatayang dulot nito.
◼ Ipinangakong Binhi. (Gen. 3:15) Iisang tao lamang, si Jesu-Kristo, ang pangunahing bahagi ng inihulang binhi. Ang lahat ng iba pang naging pangalawahing bahagi ng binhi ni Abraham ay “kay Kristo.”—Gal. 3:29.