Sinaunang Cuneiform at ang Bibliya
Sinaunang Cuneiform at ang Bibliya
MATAPOS lituhin ang wika ng mga tao sa Babel, nagkaroon ng iba’t ibang sistema ng pagsulat. Cuneiform ang sistemang ginamit ng mga taong nanirahan sa Mesopotamia, gaya ng mga Sumeriano at Babilonyo. Ang terminong cuneiform ay galing sa salitang Latin na nangangahulugang “hugis-tatsulok” at tumutukoy ito sa markang naiiwan ng panulat na ginagamit sa basang luwad.
Nahukay ng mga arkeologo ang mga tekstong cuneiform na bumabanggit sa mga tao at pangyayaring binanggit din sa Kasulatan. Ano nga ba ang nalalaman natin hinggil sa sinaunang sistemang ito ng pagsulat? At paano nagpapatotoo ang tekstong ito sa pagiging mapananaligan ng Bibliya?
Naingatang mga Rekord
Naniniwala ang mga iskolar na noong una, ang sistema ng pagsulat na ginamit sa Mesopotamia ay pictographic, isang sistema na gumagamit ng simbolo o larawan para kumatawan sa isang salita o ideya. Halimbawa, ang orihinal na simbolo sa barakong baka ay kagaya ng ulo ng barakong baka. Habang lumalaki ang pangangailangan sa pag-iingat ng mga rekord, nagsimula ang sistema ng pagsulat na cuneiform. “Ang mga simbolo ay maaari nang kumatawan hindi lamang sa mga salita kundi sa mga pantig din naman, anupat ang ilan sa mga ito ay maaaring pagsama-samahin upang kumatawan sa mga pantig ng isang salita,” ang paliwanag ng NIV Archaeological Study Bible. Nang maglaon, mga 200 simbolong cuneiform ang nabuo “na kumatawan sa mga pananalita [ng isang wika], pati na sa masasalimuot na bokabularyo at balarila.”
Pagsapit ng mga 2,000 B.C.E., noong panahon ni Abraham, napasulong na nang husto ang cuneiform. Nang sumunod na 20 siglo, mga 15 wika ang gumamit ng sistema ng pagsulat na ito. Mahigit sa 99 na porsiyento ng mga tekstong cuneiform na natuklasan ay nakasulat sa mga tapyas na luwad. Sa nakalipas na mahigit 150 taon, napakaraming tapyas ang nasumpungan sa Ur, Uruk, Babilonya, Nimrud, Nippur, Ashur, Nineve, Mari, Ebla, Ugarit, at Amarna. Ganito ang sinasabi ng Archaeology Odyssey: “Tinataya ng mga eksperto na mga isa hanggang dalawang milyong tapyas na cuneiform ang nahukay na, at mga 25,000 pa ang natutuklasan taun-taon.”
Sa buong daigdig, ang mga iskolar na nag-aaral ng cuneiform ay may napakalaking trabaho ng pagsasalin. Ayon sa isang pagtaya, “mga 1/10 lamang ng umiiral na tekstong cuneiform ang nabasa kahit minsan sa makabagong panahon.”
Ang pagkatuklas ng mga tekstong cuneiform na isinulat sa dalawa o tatlong wika ang naging daan para mabasa ang cuneiform. Natanto ng mga iskolar na ang mga dokumentong ito ay naglalaman ng pare-parehong impormasyon sa iba’t ibang wika na isinulat sa cuneiform. Napansin din nila na madalas na inuulit sa mga dokumentong ito ang mga pangalan, titulo, talaangkanan ng mga tagapamahala, at maging ang mga kapahayagan ng pagpuri sa sarili. Nakatulong ito sa pag-unawa sa mga tekstong cuneiform.
Pagsapit ng dekada ng 1850, nababasa na ng mga iskolar ang cuneiform ng karaniwang wika ng sinaunang Gitnang Silangan, Akkadiano, o Asiro-Babilonyo. Ganito ang paliwanag ng Encyclopædia Britannica: “Nang maunawaan na ang Akkadiano, naunawaan na rin ang mismong sistema [ng cuneiform], at [dahil dito ay] nagkaroon ng parisan para sa pagbasa sa iba pang wika na isinulat gamit ang sistema ng cuneiform.” Ano ang kaugnayan ng mga akdang ito sa Kasulatan?
Ulat na Kasuwato ng Bibliya
Sinasabi ng Bibliya na ang Jerusalem ay pinamahalaan ng mga hari ng Canaan hanggang sa malupig ito ni David noong mga 1070 B.C.E. (Jos. 10:1; 2 Sam. 5:4-9) Pero pinagdudahan ito ng ilang iskolar. Gayunman, noong 1887, isang babaing magbubukid ang nakatuklas ng isang tapyas na luwad sa Amarna, Ehipto. Nang maglaon, lumilitaw na mga 380 teksto na nasumpungan doon ay mga liham sa pagitan ng mga tagapamahala ng Ehipto (Amenhotep III at Akhenaton) at ng mga kaharian ng Canaan. Ang anim na liham ay nagmula kay ‘Abdi-Heba, ang tagapamahala ng Jerusalem.
Ganito ang sinasabi ng Biblical Archaeology Review: “Ang mga tapyas sa Amarna, na malinaw na naglalarawan sa Jerusalem bilang isang bayan at hindi bilang asyenda, at sa posisyon ni ‘Abdi-Heba bilang . . . gobernador na may tahanan sa Jerusalem at nagtalaga ng 50 sundalong Ehipsiyo roon, ay nagpapahiwatig na ang Jerusalem ay isang maliit at maburol na kaharian.” Nang maglaon, sinabi rin ng babasahing ito: “Batay sa mga liham sa Amarna, makapagtitiwala tayo na ang lunsod [ng Jerusalem], gaya ng iba pang kilalang lunsod, ay umiral noong panahong iyon.”
Mga Pangalan sa mga Rekord ng Asirya at Babilonya
Isinulat ng mga Asiryano, at nang maglaon, ng mga Babilonyo, ang kanilang kasaysayan sa mga tapyas na luwad, silinder, prisma, at monumento. Kaya nang mabasa ng mga iskolar ang cuneiform na Akkadiano, nasumpungan nilang binabanggit ng mga tekstong cuneiform ang pangalan ng mga taong binabanggit din sa Bibliya.
Ganito ang sinabi sa aklat na The Bible in the British Museum: “Sa kaniyang talumpati noong 1870 sa bagong tatag na Society of Biblical Archaeology, natukoy ni Dr Samuel Birch [sa tekstong cuneiform ang mga pangalan ng] mga Hebreong hari na sina Omri, Ahab, Jehu, Azarias . . . , Menahem, Peka, Hosea, Hezekias at Manases, mga hari ng Asirya na sina Tiglat-Pileser . . . [III], Sargon, Senakerib, Esarhaddon at Ashurbanipal, . . . at mga Siryano na si Benhadad, Hazael at Rezin.”
Pinaghambing ng aklat na The Bible and Radiocarbon Dating ang iniulat ng Bibliya na kasaysayan ng Israel at Juda at ang sinaunang mga tekstong cuneiform. Ano ang resulta? “Lahat-lahat, ang 15 o 16 na hari ng Juda at Israel na lumilitaw sa mga rekord mula sa ibang mga bansa noong panahong iyon ay kasuwatung-kasuwato ng mga pangalan at petsa sa [mga aklat ng Bibliya na] Mga Hari. Ang lahat ng binanggit sa mga rekord ng ibang mga bansa ay binanggit na sa Mga Hari.”
Ang isang kilalang inskripsiyong cuneiform na nasumpungan noong 1879, ang Cyrus Cylinder (Silinder ni Ciro), ay nag-ulat na pagkatapos malupig ang Babilonya noong 539 B.C.E., ipinatupad ni Ciro ang kaniyang patakaran na pauwiin ang mga bihag sa kani-kanilang lupain. Kasama sa mga nakinabang dito ay mga Judio. (Ezra 1:1-4) Maraming iskolar noong ika-19 na siglo ang kumuwestiyon sa pagiging totoo ng utos na ito ng hari na iniulat sa Bibliya. Pero ang mga dokumentong cuneiform mula sa panahon ng Persia, kasama na ang Cyrus Cylinder, ay nagbibigay ng nakakukumbinsing patotoo na tumpak ang ulat ng Bibliya.
Noong 1883, isang artsibo ng mahigit 700 tekstong cuneiform ang nasumpungan sa Nippur, malapit sa Babilonya. Kasama sa 2,500 pangalang binanggit doon ang mga 70 pangalang Judio. Ayon sa istoryador na si Edwin Yamauchi, lumilitaw na ang mga ito ay pangalan ng “mga partidong nasa kontrata, mga ahente, saksi, nangongolekta ng buwis, at maharlikang mga opisyal.” Mahalaga ang ebidensiya na patuloy na nagsasagawa ng gayong mga gawain ang mga Judio malapit sa Babilonya noong malupig ang Babilonya. Bakit? Dahil sinusuhayan nito ang hula ng Bibliya na isang “nalabi” lamang ng mga Israelita ang babalik sa Judea mula sa pagkatapon sa Asirya at Babilonya, at marami ang hindi makababalik sa Judea.—Isa. 10:21, 22.
Noong unang milenyo B.C.E., kasabay na umiral ng cuneiform ang sistema ng alpabeto. Pero nang dakong huli, alpabeto na ang ginamit ng mga Asiryano at Babilonyo sa pagsulat at hindi na ang cuneiform.
Daan-daang libong tapyas sa mga museo ang kailangan pang pag-aralan. Ang mga nabasa na ng mga eksperto ay nagbibigay ng nakakukumbinsing patotoo sa pagiging mapananaligan ng Bibliya. Malamang na may makukuha pang karagdagang patotoo sa pagiging maaasahan ng Bibliya sa iba pang tapyas na hindi pa napag-aaralan.
[Picture Credit Line sa pahina 21]
Photograph taken by courtesy of the British Museum