Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Halika Maging Tagasunod Kita”

“Halika Maging Tagasunod Kita”

“Halika Maging Tagasunod Kita”

“Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos sa araw-araw at sundan ako.”​—LUC. 9:23.

1, 2. (a) Anong maibiging paanyaya ang inialok ni Jesus? (b) Ano ang naging tugon mo sa paanyaya ni Jesus?

SA PAGTATAPOS ng kaniyang ministeryo noon, si Jesus ay nagpapatotoo sa Perea, isang rehiyon sa kabila ng Jordan, sa hilagang-silangan ng Judea. Isang lalaki ang lumapit sa kaniya at nagtanong kung ano ang dapat niyang gawin para magmana ng buhay na walang hanggan. Nang matanto ni Jesus na sinusunod naman ng lalaki ang Kautusang Mosaiko, inalok niya ito ng isang pambihirang paanyaya. Sinabi niya: “Humayo ka, ipagbili mo ang anumang bagay na taglay mo at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit, at halika maging tagasunod kita.” (Mar. 10:21) Aba, isang napakalaking karangalan na maanyayahang maging tagasunod ni Jesus, ang bugtong na Anak ng Kataas-taasang Diyos!

2 Tinanggihan ng lalaking iyon ang paanyaya, pero tinanggap ito ng iba. Bago nito, sinabi ni Jesus kay Felipe: “Maging tagasunod kita.” (Juan 1:43) Tinanggap ito ni Felipe at naging apostol siya nang maglaon. Inanyayahan din ni Jesus si Mateo, at tinanggap din niya ito. (Mat. 9:9; 10:2-4) Oo, ito rin ang paanyaya ni Jesus sa lahat ng umiibig sa katuwiran nang sabihin niya: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos sa araw-araw at sundan ako nang patuluyan.” (Luc. 9:23) Samakatuwid, sinuman ay puwedeng maging tagasunod ni Jesus kung talagang gugustuhin niya. Ikaw, gusto mo ba? Tinanggap na ng karamihan sa atin ang maibiging paanyaya ni Jesus, at sa ating paglilingkod sa larangan, ipinaaabot din natin sa iba ang paanyayang iyan.

3. Paano natin maiiwasang maanod papalayo mula sa pagsunod kay Jesus?

3 Pero nakalulungkot, ang ilan na sa simula’y nagpakita ng interes sa katotohanan ng Bibliya ay hindi nagpatuloy. Sila’y nanamlay sa pagsunod kay Jesus hanggang sa tuluyan nang “maanod papalayo.” (Heb. 2:1) Paano kaya natin maiiwasang mahulog sa gayong bitag? Matutulungan tayo kung tatanungin natin ang ating sarili: ‘Bakit ko nga ba piniling sundan si Jesus? Ano ang kahulugan ng pagiging tagasunod niya?’ Kung aalalahanin natin ang sagot sa dalawang tanong na iyan, magiging matibay ang ating pasiya na huwag lumihis sa matalinong landasing pinili natin. Tutulong din ito sa atin na mapasigla ang iba na sundan si Jesus.

Bakit Dapat Sundan si Jesus?

4, 5. Bakit kuwalipikadong maging lider si Jesus?

4 Ganito ang sinabi ni propeta Jeremias: “Nalalaman kong lubos, O Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jer. 10:23) Napatunayan sa kasaysayan na totoo ang mga salita ni Jeremias. Kitang-kita na ngayon na hindi kayang pamahalaan ng di-sakdal na mga tao ang kanilang sarili. Tinanggap natin ang paanyayang maging tagasunod ni Jesus dahil alam nating siya lamang ang kuwalipikadong maging Lider natin at hindi ang sinumang tao. Pag-usapan natin ang ilang kuwalipikasyon ni Jesus.

5 Una, si Jehova mismo ang pumili kay Jesus na maging Mesiyas na Lider. Sino pa nga ba, bukod sa ating Maylalang, ang higit na nakaaalam kung sino ang karapat-dapat na maging Lider natin? Ikalawa, taglay ni Jesus ang kahanga-hangang mga katangian na maaari nating tularan. (Basahin ang Isaias 11:2, 3.) Isa siyang sakdal na huwaran. (1 Ped. 2:21) Ikatlo, mahal na mahal ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod, at ipinakita niya ito nang ibigay niya ang kaniyang buhay alang-alang sa kanila. (Basahin ang Juan 10:14, 15.) At ipinakita niya na isa siyang maalagang pastol dahil ginagabayan niya tayo tungo sa isang maligayang buhay sa ngayon at inaakay tayo tungo sa isang maluwalhati at walang-hanggang kinabukasan. (Juan 10:10, 11; Apoc. 7:16, 17) Dahil dito at sa iba pang mga dahilan, hindi tayo nagkamali sa ating pasiya nang piliin nating sundan siya. Pero ano ba ang nasasangkot sa landasing ito?

6. Ano ang nasasangkot sa pagiging tagasunod ni Jesus?

6 Ang pagiging tagasunod ni Kristo ay hindi lamang basta pagsasabing tayo’y mga Kristiyano. Mga dalawang bilyon katao sa ngayon ang nag-aangking Kristiyano, pero nakikita sa kanilang mga kilos na sila’y “mga manggagawa ng katampalasanan.” (Basahin ang Mateo 7:21-23.) Kapag may mga indibiduwal na nagpapakita ng interes sa paanyayang sundan si Jesus, ipinaliliwanag natin sa kanila na sinisikap ng mga tunay na Kristiyano na iayon ang kanilang buhay sa mga turo at halimbawa ni Jesus​—at ginagawa nila ito araw-araw. Para ilarawan ang kahulugan nito, tingnan natin ang ilang bagay na nalalaman natin tungkol kay Jesus.

Tularan ang Halimbawa ni Jesus ng Karunungan

7, 8. (a) Ano ba ang karunungan, at bakit sagana rito si Jesus? (b) Paano nagpakita si Jesus ng karunungan, at paano natin siya matutularan?

7 Si Jesus ay nagpakita ng maraming namumukod-tanging katangian, pero pagtuunan natin ng pansin ang apat sa mga ito: ang kaniyang karunungan, kapakumbabaan, sigasig, at pag-ibig. Una, pag-usapan natin ang kaniyang karunungan​—ang kakayahan niyang gamitin ang kaalaman at kaunawaan sa praktikal na paraan. Sumulat si apostol Pablo: “Maingat na nakakubli [kay Jesus] ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman.” (Col. 2:3) Saan kaya kinuha ni Jesus ang gayong karunungan? Siya mismo ang nagsabi: “Kung ano ang itinuro sa akin ng Ama, ito ang mga bagay na sinasalita ko.” (Juan 8:28) Nanggaling kay Jehova ang karunungan ni Jesus, kaya hindi na tayo dapat magtaka kung bakit napakahusay niyang magpasiya.

8 Halimbawa, naging matalino si Jesus sa pagpili ng landasin sa buhay. Ipinasiya niyang mamuhay nang simple, na nakatuon ang pansin sa iisang bagay lamang: ang paggawa ng kalooban ng Diyos. Buong-katalinuhan niyang ginugol ang kaniyang panahon at lakas sa mga gawaing pang-Kaharian. Natutularan natin ang halimbawa ni Jesus kung sinisikap nating mapanatiling ‘simple ang ating mata’ at sa gayon ay hindi mapabigatan ng di-kinakailangang mga bagay na uubos ng ating lakas at atensiyon. (Mat. 6:22) Marami nang Kristiyano ang nakapagpasimple ng kanilang buhay upang makagugol ng higit na panahon sa ministeryo. Nakapagpayunir pa nga ang ilan. Kung isa ka sa kanila, napakahusay ng iyong ginawa. Ang ‘paghanap muna sa kaharian’ ay nagdudulot ng napakalaking kagalakan at kasiyahan.​—Mat. 6:33.

Maging Mapagpakumbabang Gaya ni Jesus

9, 10. Paano nagpakita si Jesus ng kapakumbabaan?

9 Ang ikalawang bahagi ng personalidad ni Jesus na pag-uusapan natin ay ang kaniyang kapakumbabaan. Kapag nabibigyan ng awtoridad ang di-sakdal na mga tao, karaniwan nang lumalaki ang kanilang ulo, wika nga. Ibang-iba si Jesus! Bagaman siya ang pangunahing inatasan sa pagsasakatuparan ng layunin ni Jehova, hindi siya kinakitaan ni katiting mang kapalaluan. At pinasisigla tayong tularan siya sa bagay na ito. Sumulat si apostol Pablo: “Panatilihin ninyo sa inyo ang pangkaisipang saloobing ito na nasa kay Kristo Jesus din, na siya, bagaman umiiral sa anyong Diyos, ay hindi nag-isip na mang-agaw, samakatuwid nga, na siya ay maging kapantay ng Diyos. Hindi, kundi hinubad niya ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin at napasawangis ng tao.” (Fil. 2:5-7) Ano ang nasasangkot dito?

10 Isang napakalaking pribilehiyo para kay Jesus na makasama ng kaniyang Ama sa langit, pero kusang-loob niyang “hinubad . . . ang kaniyang sarili.” Ang kaniyang buhay ay inilipat sa sinapupunan ng isang birheng Judio, at dito unti-unting nabuo sa loob ng siyam na buwan hanggang sa isilang bilang isang walang-kalaban-labang sanggol sa sambahayan ng isang hamak na karpintero. Sa bahay ni Jose, si Jesus ay lumaki mula sa pagiging paslit hanggang sa maging tin-edyer. Hindi siya nagmana ng kasalanan. Pero sa buong panahon ng kaniyang kabataan, patuloy siyang nagpasakop sa kaniyang di-sakdal at makasalanang mga magulang. (Luc. 2:51, 52) Isa nga itong namumukod-tanging kapakumbabaan!

11. Sa anong mga paraan natin matutularan ang kapakumbabaan ni Jesus?

11 Tinutularan natin ang kapakumbabaan ni Jesus kapag kusang-loob nating tinatanggap ang mga atas na waring mababa. Halimbawa, tingnan natin ang atas na ipangaral ang mabuting balita. Maaaring nagmumukhang hamak ang gawaing ito, lalo na kung ang mga tao ay walang interes, nanunuya, o salansang. Gayunman, kapag matiyaga tayo sa pangangaral, natutulungan natin ang iba na tumugon sa paanyaya ni Jesus na sundan siya. Sa gayon ay nakatutulong tayo sa pagliligtas ng buhay. (Basahin ang 2 Timoteo 4:1-5.) Ang isa pang halimbawa ay ang pagmamantini ng ating Kingdom Hall. Baka kailangan nating magtapon ng basura, maglampaso ng sahig, at maglinis ng palikuran​—na pawang itinuturing na mababang trabaho! Gayunman, alam nating sagradong paglilingkod ang pagmamantini ng ating Kingdom Hall​—ang sentro ng dalisay na pagsamba sa ating lugar. Kung kusang-loob nating ginagampanan ang mga trabaho na waring mababa, nagpapakita tayo ng kapakumbabaan at sa gayon ay sumusunod sa yapak ni Kristo.

Maging Masigasig na Gaya ni Jesus

12, 13. (a) Paano nagpakita si Jesus ng sigasig, at ano ang nag-udyok sa kaniya na gawin ito? (b) Ano ang mag-uudyok sa atin na maging masigasig sa ministeryo?

12 Pag-usapan naman natin ang sigasig ni Jesus sa ministeryo. Maraming ginawa si Jesus noong naririto siya sa lupa. Noong bata pa siya, malamang na tumulong siya sa kaniyang ama-amahang si Jose sa pagkakarpintero. Sa kaniyang pagmiministeryo, si Jesus ay gumawa ng mga himala, kasama na ang pagpapagaling sa maysakit at pagbuhay ng patay. Pero ang pangunahin niyang gawain ay ang pangangaral ng mabuting balita at pagtuturo sa mga handang makinig. (Mat. 4:23) Bilang mga tagasunod niya, inatasan tayo ng gayunding gawain. Paano natin matutularan ang kaniyang halimbawa? Ang isang paraan ay ang pagkakaroon ng mga motibong gaya ng kay Jesus.

13 Pag-ibig sa Diyos ang pangunahing nag-udyok kay Jesus para mangaral at magturo. Pero mahal din ni Jesus ang katotohanang itinuturo niya. Para sa kaniya, hindi matutumbasan ng salapi ang mga katotohanang iyon, at sabik na sabik siyang maibahagi ang mga ito sa iba. Bilang mga guro, o mga “pangmadlang tagapagturo,” gayundin ang nadarama natin. Isip-isipin na lamang ang ilan sa napakahahalagang katotohanang natutuhan natin mula sa Salita ng Diyos! Nalaman natin ang tungkol sa isyu ng pansansinukob na soberanya at kung paano ito lulutasin. Naunawaan nating mabuti kung ano ang itinuturo ng Kasulatan tungkol sa kalagayan ng mga patay at sa mga pagpapalang darating sa bagong sanlibutan ng Diyos. Kung ang mga katotohanan mang ito ay kamakailan lamang o malaon na nating natutuhan, hinding-hindi nababawasan ang halaga nito. Luma man o bago, ang mga katotohanang ito ay hindi nga matutumbasan ng salapi. (Basahin ang Mateo 13:52.) Kung buong-sigasig tayong nangangaral, naipakikita natin sa iba ang ating pag-ibig sa mga itinuturo sa atin ni Jehova.

14. Paano natin matutularan ang paraan ni Jesus ng pagtuturo?

14 Pansinin din kung paano nagturo si Jesus. Palagi niyang inaakay ang kaniyang mga tagapakinig sa Kasulatan. Madalas niyang pasimulan ang isang mahalagang punto sa pagsasabi: “Nasusulat.” (Mat. 4:4; 21:13) Sa kaniyang nakaulat na mga salita, sumipi siya o kaya’y bumanggit ng mga teksto mula sa mahigit kalahati ng mga aklat sa Hebreong Kasulatan. Gaya ni Jesus, palagi tayong nagtuturo mula sa Bibliya sa ating ministeryo at hangga’t maaari ay sinisikap nating maakay ang pansin ng ating kausap sa Kasulatan. Sa ganiyang paraan, natutulungan natin ang matuwid-pusong mga tao na makita nila mismo na ang itinuturo natin ay ang kaisipan ng Diyos, hindi ang sa atin. Tuwang-tuwa tayo kapag pumapayag ang kausap natin na basahin ang Bibliya at talakayin ang kahalagahan at kahulugan ng Salita ng Diyos! At kapag tinanggap ng isang iyon ang paanyaya na sundan si Jesus, masayang-masaya tayo.

Ang Pagsunod kay Jesus ay Nangangahulugan ng Pag-ibig sa Iba

15. Ano ang isang pambihirang katangian ni Jesus, at ano ang nagiging epekto nito sa atin kapag binubulay-bulay natin ito?

15 Ang bahagi ng personalidad ni Jesus na huling pag-uusapan natin ay tunay na nakaaantig ng puso​—ang kaniyang pag-ibig sa mga tao. Sumulat si apostol Pablo: “Ang pag-ibig na taglay ng Kristo ang nag-uudyok sa amin.” (2 Cor. 5:14) Kapag binubulay-bulay natin ang pag-ibig ni Jesus sa mga tao sa pangkalahatan at sa atin bilang mga indibiduwal, naaantig ang ating puso at nauudyukan tayong tularan ang kaniyang halimbawa.

16, 17. Sa anong mga paraan ipinakita ni Jesus ang kaniyang pag-ibig?

16 Paano ipinakita ni Jesus ang kaniyang pag-ibig sa iba? Wala nang hihigit pa sa ginawa niyang paghahandog ng kaniyang buhay alang-alang sa atin. (Juan 15:13) Pero sa kaniyang ministeryo, ipinakita rin ni Jesus ang kaniyang pag-ibig sa iba pang paraan. Halimbawa, naging madamayin siya sa mga nagdurusa. Nang makita niyang umiiyak si Maria at ang mga kasama nito dahil sa pagkamatay ni Lazaro, damang-dama niya ang kanilang kalungkutan. Bagaman bubuhayin naman niya si Lazaro nang pagkakataong iyon, hindi pa rin napigilan ni Jesus na “lumuha.”​—Juan 11:32-35.

17 Noong nagsisimula pa lamang si Jesus sa kaniyang ministeryo, isang ketongin ang lumapit sa kaniya at nagsabi: “Kung ibig mo lamang, mapalilinis mo ako.” Paano tumugon si Jesus? Ganito ang sabi ng ulat: “Nahabag siya.” Saka siya gumawa ng isang bagay na hindi gagawin ng iba. “Iniunat niya ang kaniyang kamay at hinipo siya, at sinabi sa kaniya: ‘Ibig ko. Luminis ka.’ At kaagad na naglaho sa kaniya ang ketong, at siya ay naging malinis.” Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ang mga ketongin ay itinuturing na marumi, at tiyak naman na kayang pagalingin ni Jesus ang lalaking iyon kahit hindi niya ito hipuin. Pero nang pagalingin ni Jesus ang ketongin, hinayaan niyang madama nito ang dampi ng palad ng ibang tao, na marahil ay ngayon lang nito nadama pagkaraan ng maraming taon. May hihigit pa ba sa ganitong pagpapakita ng habag?​—Mar. 1:40-42.

18. Paano tayo makapagpapakita ng “pakikipagkapuwa-tao”?

18 Bilang mga tagasunod ni Kristo, tayo ay inuutusang magpakita ng pag-ibig sa pamamagitan ng “pakikipagkapuwa-tao.” (1 Ped. 3:8) Mahirap maunawaan ang nadarama ng isang kapananampalatayang dumaranas ng matinding depresyon o ng isang uri ng sakit na hindi gumagaling​—lalo na kung hindi pa natin ito nararanasan mismo. Pero nagpakita si Jesus ng empatiya sa maysakit kahit na siya mismo ay hindi nagkasakit kailanman. Paano kaya tayo magkakaroon ng gayong empatiya? Sa pamamagitan ng matiyagang pakikinig habang dumaraing sa atin ang mga nagdurusa. Puwede rin nating tanungin ang ating sarili, ‘Kung ako ang nasa kalagayan nila, ano kaya ang madarama ko?’ Kung magiging maunawain tayo sa damdamin ng iba, mas madali para sa atin na “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo.” (1 Tes. 5:14) Sa gayon ay nasusundan natin si Jesus.

19. Ano ang epekto sa atin ng halimbawa ni Jesus?

19 Kapana-panabik ngang pag-aralan ang mga salita at gawa ni Jesu-Kristo! Habang patuloy nating pinag-aaralan ang tungkol sa kaniya, lalo tayong nagnanais na maging katulad niya​—at lalo tayong nagnanais na makatulong sa iba na gayundin ang gawin. Kung gayon, anuman ang mangyari, makasumpong nawa tayo ng kaluguran sa pagsunod sa Mesiyanikong Hari​—ngayon at magpakailanman!

Maipaliliwanag Mo Ba?

• Paano tayo makapagpapakita ng karunungan, gaya ni Jesus?

• Paano tayo makapagpapakita ng kapakumbabaan?

• Paano tayo magiging masigasig sa ministeryo?

• Sa anong mga paraan natin matutularan si Jesus sa pagpapakita ng pag-ibig sa iba?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon/Larawan sa pahina 5]

ISANG PUBLIKASYONG TUTULONG SA ATIN NA TULARAN SI KRISTO

Sa programa ng pandistritong kombensiyon noong 2007, inilabas ang 192-pahinang aklat na pinamagatang “Halika Maging Tagasunod Kita.” Dinisenyo ang publikasyong ito para tulungan ang mga Kristiyano na magtuon ng pansin kay Jesus, lalo na sa kaniyang mga katangian at mga ginawa. Pagkatapos ng dalawang pambungad na kabanata, ang unang seksiyon ay may maikling sumaryo ng namumukod-tanging mga katangian ni Jesus​—ang kaniyang kapakumbabaan, lakas ng loob, karunungan, pagkamasunurin, at pagbabata.

Sinusundan ito ng mga seksiyon tungkol sa mga naging gawain ni Jesus bilang guro at tagapangaral ng mabuting balita at tungkol sa ilang paraan kung paano niya ipinakita ang kaniyang dakilang pag-ibig. Sa kabuuan ng aklat, inihaharap ang impormasyong tutulong sa isang Kristiyano na tularan si Jesus.

Umaasa kami na ang publikasyong ito ay mag-uudyok sa ating lahat na suriin ang ating sarili at magtanong: ‘Talaga bang tagasunod ako ni Jesus? Paano ko siya mas maingat na masusundan?’ Makatutulong din ito sa “lahat niyaong mga wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan” na maging mga tagasunod ni Kristo.​—Gawa 13:48.

[Larawan sa pahina 4]

Pumayag si Jesus na bumabâ sa lupa at isilang bilang isang sanggol. Anong katangian ang kinailangan niya para magawa ito?

[Larawan sa pahina 6]

Ano ang mag-uudyok sa atin na maging masigasig sa ministeryo?