Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isa Ka Bang “Katiwala ng Di-sana-nararapat na Kabaitan ng Diyos”?

Isa Ka Bang “Katiwala ng Di-sana-nararapat na Kabaitan ng Diyos”?

Isa Ka Bang “Katiwala ng Di-sana-nararapat na Kabaitan ng Diyos”?

“Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon kayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.”​—ROMA 12:10.

1. Anong mga katiyakan ang masusumpungan natin sa Salita ng Diyos?

PAULIT-ULIT na tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos na tutulungan tayo ni Jehova kapag dumaranas tayo ng panghihina ng loob o pamimighati. Halimbawa, pansinin natin ang nakaaaliw na mga salitang ito: “Si Jehova ay umaalalay sa lahat ng nabubuwal, at nagbabangon sa lahat ng nakayukod.” “Pinagagaling niya ang mga may pusong wasak, at tinatalian niya ang kanilang makikirot na bahagi.” (Awit 145:14; 147:3) Bukod diyan, sinasabi mismo ng ating makalangit na Ama: “Ako, si Jehova na iyong Diyos, ay nakahawak sa iyong kanang kamay, ang Isa na nagsasabi sa iyo, ‘Huwag kang matakot. Ako ang tutulong sa iyo.’”​—Isa. 41:13.

2. Paano inaalalayan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod?

2 Pero yamang si Jehova ay nasa di-nakikitang langit, paano niya ‘mahahawakan ang ating kamay’? Paano niya tayo ‘maibabangon kapag napayukod’ tayo dahil sa matinding kalungkutan? Iba’t iba ang paraan ng Diyos na Jehova sa pag-alalay. Halimbawa, binibigyan niya ang kaniyang bayan ng “lakas na higit sa karaniwan” sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. (2 Cor. 4:7; Juan 14:16, 17) Nakadarama rin ang mga lingkod ng Diyos ng lakas mula sa mensaheng masusumpungan sa kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya. (Heb. 4:12) May iba pa bang paraan si Jehova para tayo mapatibay? May makikita tayong sagot sa aklat ng Unang Pedro.

Ang “Di-sana-nararapat na Kabaitan ng Diyos na Ipinamamalas sa Iba’t Ibang Paraan”

3. (a) Ano ang sinabi ni apostol Pedro tungkol sa mga pagsubok? (b) Ano ang tinatalakay sa huling bahagi ng unang liham ni Pedro?

3 Sa liham ni apostol Pedro sa pinahiran-ng-espiritung mga mánanampalatayá, isinulat niya na may magandang dahilan sila para magalak sapagkat may mayamang pagpapalang naghihintay sa kanila. At saka niya idinagdag: “Bagaman sa loob ng kaunting panahon sa kasalukuyan, kung mangyari man, ay pinipighati kayo ng iba’t ibang pagsubok.” (1 Ped. 1:1-6) Pansinin ang pananalitang ‘iba’t iba.’ Ipinahihiwatig nito na iba’t iba ang darating na mga pagsubok. Pero hindi naman basta pinabayaan na lamang ni Pedro ang kaniyang mga kapatid na mag-isip kung kakayanin nila ang gayong iba’t ibang pagsubok. Sa halip, ipinaliwanag ni Pedro na makatitiyak ang mga Kristiyano na tutulungan sila ni Jehova para makayanan ang bawat pagsubok na mapapaharap sa kanila, anumang uri iyon. Ang katiyakang iyan ay makikita sa huling bahagi ng liham ni Pedro, kung saan tinalakay ng apostol ang mga bagay na may kinalaman sa “wakas ng lahat ng mga bagay.”​—1 Ped. 4:7.

4. Bakit nakaaaliw sa atin ang mga salita sa 1 Pedro 4:10?

4 Sinabi ni Pedro: “Ayon sa kaloob na tinanggap ng bawat isa, gamitin ito sa paglilingkod sa isa’t isa bilang mabubuting katiwala ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na ipinamamalas sa iba’t ibang paraan.” (1 Ped. 4:10) Muli, ginamit ni Pedro ang pananalitang ‘iba’t iba.’ Sa diwa, sinasabi niya, ‘Iba’t iba ang darating na mga pagsubok, pero iba’t iba rin ang paraan ng Diyos para ipamalas ang kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan.’ Bakit nakaaaliw ang pangungusap na ito? Ipinahihiwatig nito na anumang uri ng pagsubok ang mapaharap sa atin, palaging may katapat na paraan ang Diyos para ipamalas ang kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan. Pero napansin mo ba sa pangungusap ni Pedro kung paano ipinakikita sa atin ni Jehova ang kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan? Ito’y sa pamamagitan ng ating mga kapuwa Kristiyano.

“Paglilingkod sa Isa’t Isa”

5. (a) Ano ang dapat gawin ng bawat Kristiyano? (b) Anong mga tanong ang bumabangon?

5 Sinabi ni Pedro sa lahat ng miyembro ng kongregasyong Kristiyano: “Higit sa lahat, magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa.” Saka niya idinagdag: “Ayon sa kaloob na tinanggap ng bawat isa, gamitin ito sa paglilingkod sa isa’t isa.” (1 Ped. 4:8, 10) Samakatuwid, ang bawat isa sa kongregasyon ay dapat makibahagi sa pagpapatibay sa mga kapuwa Kristiyano. Isang mahalagang pag-aari ni Jehova ang ipinagkatiwala sa atin, at pananagutan nating ibahagi ito sa iba. Ano ba ang ipinagkatiwala sa atin? Sinabi ni Pedro na ito’y “isang kaloob.” Ano ang kaloob na ito? Paano natin ito ‘gagamitin sa paglilingkod sa isa’t isa’?

6. Anu-ano ang ilan sa mga kaloob na ipinagkatiwala sa mga Kristiyano?

6 Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na regalo ay mula sa itaas.” (Sant. 1:17) Oo, ang lahat ng kaloob na ipinagkatiwala ni Jehova sa kaniyang bayan ay mga paraan niya para ipamalas ang kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan. Ang isang natatanging kaloob na ibinibigay ni Jehova sa atin ay ang banal na espiritu. Ang kaloob na iyan ay tumutulong sa atin para malinang ang makadiyos na mga katangiang gaya ng pag-ibig, kabutihan, at kahinahunan. Ang mga katangiang ito naman ang nag-uudyok sa atin na mahalin at tulungan ang ating mga kapananampalataya. Kabilang din ang karunungan at kaalaman sa mabubuting kaloob na natatanggap natin sa tulong ng banal na espiritu. (1 Cor. 2:10-16; Gal. 5:22, 23) Sa katunayan, ang lahat ng taglay nating lakas, katangian, at angking talino ay maituturing na mga kaloob na magagamit sa pagpuri at pagpaparangal sa ating makalangit na Ama. Binigyan tayo ng Diyos ng pananagutang gamitin ang ating mga kakayahan at katangian bilang isang paraan para ipamalas ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa ating mga kapananampalataya.

“Gamitin Ito sa Paglilingkod”​—Paano?

7. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng pananalitang “ayon sa”? (b) Ano ang mga dapat nating itanong sa ating sarili, at bakit?

7 May kinalaman sa mga kaloob na tinanggap natin, sinabi rin ni Pedro: “Ayon sa kaloob na tinanggap ng bawat isa, gamitin ito.” Ang pananalitang “ayon sa” ay nagpapahiwatig na maaaring iba-iba ang mga katangian at kakayahan ng tao, hindi lamang sa uri kundi maging sa antas. Anumang kaloob ito, hinihimok ang bawat isa na “gamitin ito [samakatuwid nga, anumang partikular na kaloob na tinanggap niya] sa paglilingkod sa isa’t isa.” Isa pa, ang pananalitang “gamitin ito . . . bilang mabubuting katiwala” ay isang utos. Kaya dapat nating tanungin ang ating sarili: ‘Talaga nga bang ginagamit ko ang mga kaloob na ipinagkatiwala sa akin para patibayin ang aking mga kapananampalataya?’ (Ihambing ang 1 Timoteo 5:9, 10.) ‘O ginagamit ko ang mga kakayahang ibinigay ni Jehova para lamang sa sarili kong kapakinabangan​—marahil para magpayaman o magkaroon ng mataas na katayuan sa lipunan?’ (1 Cor. 4:7) Kapag ginagamit natin ang ating mga kaloob sa “paglilingkod sa isa’t isa,” napaluluguran natin si Jehova.​—Kaw. 19:17; basahin ang Hebreo 13:16.

8, 9. (a) Sa anu-anong paraan pinaglilingkuran ng mga Kristiyano sa buong daigdig ang kanilang mga kapananampalataya? (b) Paano nagtutulungan ang mga kapatid sa inyong kongregasyon?

8 Binabanggit sa Salita ng Diyos ang iba’t ibang paraan ng unang-siglong mga Kristiyano sa paglilingkod sa isa’t isa. (Basahin ang Roma 15:25, 26; 2 Timoteo 1:16-18.) Gayundin naman sa ngayon, ang utos na gamitin ng isa ang kaniyang kaloob alang-alang sa mga kapananampalataya ay buong-pusong sinusunod ng mga tunay na Kristiyano. Pag-usapan natin ang ilang paraan sa paggawa nito.

9 Maraming brother ang gumugugol ng maraming oras sa paghahanda ng mga bahagi nila sa pulong. Sa panahon ng pulong, kapag itinatawid nila ang ilan sa mahahalagang impormasyong natutuhan nila sa kanilang pag-aaral ng Bibliya, napatitibay nilang magbata ang lahat ng kabilang sa kongregasyon sa pamamagitan ng kanilang pananalitang punô ng karunungan. (1 Tim. 5:17) Maraming kapatid ang kilala sa pagiging mabait at madamayin sa mga kapananampalataya. (Roma 12:15) Ang ilan ay palaging dumadalaw sa mga nanlulumo at magkasama silang nananalangin. (1 Tes. 5:14) Ang iba ay nagpapadala ng mga nakapagpapatibay na liham sa mga kapuwa Kristiyanong dumaranas ng pagsubok. May iba naman na buong-kabaitang tumutulong sa mga may kapansanan para makadalo sa mga pulong. Libu-libong Saksi ang nakikibahagi sa gawaing pagtulong sa kanilang mga kapananampalataya sa panahon ng kasakunaan, gaya ng pagtatayong-muli sa mga bahay na sinira ng kalamidad. Ang magiliw na pagmamahal at praktikal na pagtulong na ipinakikita ng gayong mapagmalasakit na mga kapatid ay pawang mga kapahayagan ng “di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na ipinamamalas sa iba’t ibang paraan.”​—Basahin ang 1 Pedro 4:11.

Alin ang Mas Mahalaga?

10. (a) Anong dalawang pitak ng paglilingkod sa Diyos ang nasa isip ni Pablo? (b) Paano natin matutularan si Pablo sa ngayon?

10 Ang mga lingkod ng Diyos ay hindi lamang pinagkatiwalaan ng kaloob na dapat gamitin alang-alang sa kanilang kapananampalataya, kundi pinagkatiwalaan din sila ng isang mensaheng dapat nilang ibahagi sa kanilang kapuwa. Alam ni apostol Pablo na mahalaga ang dalawang pitak na ito ng paglilingkod kay Jehova. Sumulat siya sa kongregasyon ng Efeso tungkol sa “pagiging katiwala ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos” na ibinigay sa kaniya alang-alang sa kanila. (Efe. 3:2) Pero sinabi rin niya: “Kami ay napatunayan na ng Diyos bilang karapat-dapat na pagkatiwalaan ng mabuting balita.” (1 Tes. 2:4) Gaya ni Pablo, alam din natin na ipinagkatiwala sa atin ang atas na maglingkod bilang mga mángangarál ng Kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng masigasig na pakikibahagi sa pangangaral, sinisikap nating tularan ang halimbawa ni Pablo bilang isang walang-sawang tagapaghayag ng mabuting balita. (Gawa 20:20, 21; 1 Cor. 11:1) Alam nating nakapagliligtas ng buhay ang pangangaral ng mensahe ng Kaharian. Pero kasabay nito, nagsisikap din tayong tularan si Pablo sa pamamagitan ng paghanap ng mga pagkakataong “maibahagi . . . ang ilang espirituwal na kaloob” sa ating mga kapananampalataya.​—Basahin ang Roma 1:11, 12; 10:13-15.

11. Paano natin dapat ituring ang atas na mangaral at magpatibay sa ating mga kapatid?

11 Alin sa dalawang gawaing ito ng mga Kristiyano ang mas mahalaga? Ang tanong na ito ay walang ipinagkaiba sa tanong na, Alin sa dalawang pakpak ng ibon ang mas mahalaga? Alam na alam natin ang sagot. Kailangang ikampay ng ibon ang dalawang pakpak nito para makalipad nang maayos. Sa katulad na paraan, kailangan nating isagawa ang dalawang pitak na ito ng paglilingkod sa Diyos upang maging ganap tayong mga Kristiyano. Kaya sa halip na ituring na magkahiwalay ang atas na ipangaral ang mabuting balita at ang atas na patibayin ang ating mga kapuwa mananamba, itinuturing natin ang dalawang ito gaya ng pagturing ng mga apostol na sina Pedro at Pablo​—bilang magkatambal na pananagutan. Sa anong paraan?

12. Paano tayo ginagamit ni Jehova?

12 Bilang mga ebanghelisador, ginagamit natin ang anumang kakayahan natin sa pagtuturo para tumagos sa puso ng ating mga kapuwa tao ang nakapagpapasiglang mensahe tungkol sa Kaharian ng Diyos. Sa ganiyang paraan, umaasa tayong matutulungan natin silang maging mga alagad ni Kristo. Pero ginagamit din natin ang anumang kakayahan at iba pang mga kaloob na taglay natin para pasiglahin ang ating mga kapuwa mananamba sa pamamagitan ng nakapagpapatibay na mga salita at pagtulong​—mga paraan para ipamalas ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos. (Kaw. 3:27; 12:25) Sa ganiyang paraan, umaasa tayong matutulungan natin silang manatiling mga alagad ni Kristo. Sa dalawang gawaing ito​—pangangaral sa mga tao at “paglilingkod sa isa’t isa”​—taglay natin ang dakilang pribilehiyo na magamit ni Jehova.​—Gal. 6:10.

“Magkaroon Kayo ng Magiliw na Pagmamahal sa Isa’t Isa”

13. Ano ang mangyayari kapag napigilan tayo sa “paglilingkod sa isa’t isa”?

13 Hinimok ni Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya: “Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon kayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Oo, kung mahal natin ang ating mga kapatid, buong-puso natin silang paglilingkuran bilang mga katiwala ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos. Alam natin na kapag napigilan tayo ni Satanas sa “paglilingkod sa isa’t isa,” mapahihina niya ang ating pagkakaisa. (Col. 3:14) At kapag nawala ang ating pagkakaisa, mawawala na rin ang ating sigasig sa pangangaral. Alam na alam ni Satanas na kahit isang pakpak lang, wika nga, ang mapinsala niya, hindi na tayo makalilipad.

14. Sino ang nakikinabang sa ating “paglilingkod sa isa’t isa”? Magbigay ng halimbawa.

14 Sa “paglilingkod sa isa’t isa,” hindi lamang ang mga tumatanggap ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos ang nakikinabang kundi maging ang mga nagbibigay nito. (Kaw. 11:25) Kunin nating halimbawa ang mag-asawang Ryan at Roni na taga-Illinois, E.U.A. Nang mabalitaan nilang daan-daang bahay ng mga kapuwa nila Saksi ang winasak ng Bagyong Katrina, pinakilos sila ng pag-ibig sa mga kapatid para magbitiw sa kanilang trabaho, iwan ang kanilang apartment, bumili ng segunda-manong treyler, ayusin ito para matirhan nila, at maglakbay nang 1,400 kilometro patungong Louisiana. Mahigit isang taon silang namalagi roon habang ginugugol ang kanilang panahon, lakas, at tinatangkilik sa pagtulong sa mga kapatid. “Lalo akong nápalapít sa Diyos nang makibahagi ako sa pagtulong sa mga kapatid,” ang sabi ni Ryan, edad 29. “Nakita ko kung paano pinangangalagaan ni Jehova ang kaniyang bayan.” Dagdag pa ni Ryan: “Sa pagtatrabahong kasama ng nakatatandang mga brother, marami akong natutuhan sa kanila kung paano dapat pangalagaan ang mga kapatid. Natutuhan ko rin na napakaraming magagawa sa organisasyon ni Jehova ang mga nakababatang tulad ko.” Ganito naman ang sabi ni Roni, edad 25: “Masaya ako dahil nakatulong ako sa iba. Sa tanang buhay ko, ngayon ko lang nadama ang ganitong kaligayahan. Alam kong sa susunod na mga taon, marami pang pagpapalang darating sa akin mula sa napakagandang karanasang ito.”

15. Ano ang ating magagandang dahilan para patuloy na maging mga katiwala ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos?

15 Oo, nagdudulot ng pagpapala para sa lahat ang pagsunod sa utos ng Diyos na ipangaral ang mabuting balita at patibayin ang mga kapananampalataya. Napalalakas sa espirituwal ang mga natutulungan natin, at nakadarama naman tayo ng tunay na kagalakang nanggagaling lamang sa pagbibigay. (Gawa 20:35) Tumitibay ang samahan ng buong kongregasyon kapag may malasakit sila sa isa’t isa. Bukod diyan, ang pag-ibig at pagmamahal na ipinakikita natin sa isa’t isa ay maliwanag na nagpapakilala sa atin bilang mga tunay na Kristiyano. Sinabi ni Jesus: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Higit sa lahat, napararangalan natin ang ating mapagmalasakit na Ama, si Jehova, habang nakikita sa kaniyang mga lingkod sa lupa ang Kaniyang pagnanais na mapatibay ang mga nangangailangan. Napakarami nga nating magagandang dahilan para gamitin ang ating kaloob sa “paglilingkod sa isa’t isa bilang mabubuting katiwala ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos”! Ikaw, patuloy mo ba itong gagawin?​—Basahin ang Hebreo 6:10.

Natatandaan Mo Ba?

• Paano pinalalakas ni Jehova ang kaniyang mga lingkod?

• Ano ang ipinagkatiwala sa atin?

• Paano natin mapaglilingkuran ang ating mga kapananampalataya?

• Ano ang mag-uudyok sa atin na patuloy na gamitin ang ating kaloob sa “paglilingkod sa isa’t isa”?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 13]

Ginagamit mo ba ang iyong “kaloob” para maglingkod sa iba o para paluguran ang iyong sarili?

[Mga larawan sa pahina 15]

Ipinangangaral natin ang mabuting balita sa iba at inaalalayan ang ating mga kapuwa Kristiyano

[Larawan sa pahina 16]

Nararapat papurihan ang pagsasakripisyo ng mga nakikibahagi sa pagtulong sa iba