Hayaang Hubugin ng mga Turo ni Jesus ang Iyong Saloobin
Hayaang Hubugin ng mga Turo ni Jesus ang Iyong Saloobin
“Ang isinugo ng Diyos ay nagsasalita ng mga pananalita ng Diyos.”—JUAN 3:34.
1, 2. Sa ano maaaring ihambing ang mga salita ni Jesus sa Sermon sa Bundok, at bakit natin masasabi na nakasalig ito sa “mga pananalita ng Diyos”?
ANG isa sa pinakamalaking diamante na kilala sa ngayon ay ang Star of Africa na 530 karat. Tunay na isa itong mahalagang hiyas! Pero di-hamak na mas mahalaga ang espirituwal na mga hiyas sa Sermon sa Bundok ni Jesus. Hindi ito kataka-taka yamang si Jehova ang Pinagmulan ng mga turo ni Kristo! Ganito inilarawan ng Bibliya si Jesus: “Ang isinugo ng Diyos ay nagsasalita ng mga pananalita ng Diyos.”—Juan 3:34-36.
2 Bagaman ang Sermon sa Bundok ay maaaring ipinahayag nang wala pang kalahating oras, mayroon itong 21 pagsipi mula sa walong aklat ng Hebreong Kasulatan. Kaya matatag itong nakasalig sa “mga pananalita ng Diyos.” Tingnan natin ngayon kung paano natin maikakapit ang ilan sa maraming napakahalagang turo na masusumpungan sa napakahusay na sermon ng minamahal na Anak ng Diyos.
“Makipagpayapaan Ka Muna sa Iyong Kapatid”
3. Pagkatapos babalaan ni Jesus ang kaniyang mga alagad tungkol sa mga resulta ng poot, anong payo ang ibinigay niya?
3 Bilang mga Kristiyano, maligaya tayo at mapagpayapa dahil taglay natin ang banal na espiritu ng Diyos, at kasama sa mga bunga nito ang kagalakan at kapayapaan. (Gal. 5:22, 23) Hindi nais ni Jesus na maiwala ng kaniyang mga alagad ang kanilang kapayapaan at kaligayahan, kaya binabalaan niya sila hinggil sa nakamamatay na mga resulta ng nagtatagal na poot. (Basahin ang Mateo 5:21, 22.) Pagkatapos ay sinabi niya: “Kung gayon, kapag dinadala mo sa altar ang iyong kaloob at doon ay naalaala mo na ang iyong kapatid ay may isang bagay na laban sa iyo, iwan mo roon sa harap ng altar ang iyong kaloob, at umalis ka; makipagpayapaan ka muna sa iyong kapatid, at kung magkagayon, sa pagbalik mo, ihandog mo ang iyong kaloob.”—Mat. 5:23, 24.
4, 5. (a) Ano ang “kaloob” na tinutukoy ni Jesus sa Mateo 5:23, 24? (b) Bakit mahalaga ang makipagpayapaan sa isang kapatid na nasaktan natin?
4 Ang “kaloob” na binanggit ni Jesus ay tumutukoy sa anumang handog na inihaharap sa templo sa Jerusalem. Halimbawa, mahalaga ang mga haing hayop dahil bahagi ito noon ng pagsamba kay Jehova ng kaniyang bayan. Pero idiniin ni Jesus ang isang bagay na mas mahalaga rito—ang pakikipagpayapaan sa isang nasaktang kapatid bago maghandog ng isang kaloob sa Diyos.
5 Ang ‘pakikipagpayapaan’ ay nangangahulugan ng ‘pakikipagkasundo.’ Kaya anong aral ang matututuhan natin sa turong ito ni Jesus? Ang pakikitungo natin sa iba ay maliwanag na tuwirang nakaaapekto sa ating kaugnayan kay Jehova. (1 Juan 4:20) Sa katunayan, walang saysay ang mga paghahandog sa Diyos noong sinaunang panahon kung ang naghahandog ng mga ito ay hindi nakikitungo nang wasto sa kaniyang kapuwa.—Basahin ang Mikas 6:6-8.
Mahalaga ang Kapakumbabaan
6, 7. Bakit kailangan ang kapakumbabaan kapag nagsisikap tayong makipagpayapaan sa isang kapatid na nasaktan natin?
6 Ang pakikipagpayapaan sa isang kapatid na nasaktan natin ay malamang na sumubok sa ating kapakumbabaan. Ang mapagpakumbabang mga tao ay hindi nakikipagtalo sa kanilang mga kapananampalataya para ipaglaban ang di-umano’y mga karapatan nila dahil lalo lamang nitong palalalain ang situwasyon—gaya ng nangyari sa mga Kristiyano sa sinaunang Corinto. Hinggil sa pangyayaring iyan, may sinabi si apostol Pablo na nakapupukaw ng kaisipan. Sinabi niya: “Nangangahulugan ng lubusan ninyong pagkatalo ang pagkakaroon ninyo ng mga hablahan sa isa’t isa. Bakit hindi na lamang ninyo hayaang gawan kayo ng mali? Bakit hindi na lamang ninyo hayaang dayain kayo?”—1 Cor. 6:7.
7 Hindi sinabi ni Jesus na kailangan nating lapitan ang ating kapatid upang kumbinsihin siya na tama tayo at mali siya. Ang ating tunguhin ay makipagpayapaan sa ating kapatid. Para magawa ito, dapat nating sabihin kung ano talaga ang nadarama natin. Kailangan din nating aminin na nasaktan natin ang kaniyang damdamin. At kung tayo ang nagkamali, tiyak na gusto nating magpakumbaba at humingi ng tawad.
‘Kung ang Kanang Mata Mo ang Nagpapatisod sa Iyo’
8. Ilahad sa maikli ang mga pananalita ni Jesus na nakaulat sa Mateo 5:29, 30.
8 Sa kaniyang Sermon sa Bundok, nagbigay si Jesus ng mainam na payo hinggil sa moralidad. Alam niya na ang di-sakdal na mga bahagi ng ating katawan ay maaaring magdulot ng mapanganib na impluwensiya sa atin. Kaya sinabi ni Jesus: “Kung ang kanang mata mong iyan ay nagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon mula sa iyo. Sapagkat higit na kapaki-pakinabang sa iyo na isa sa Mat. 5:29, 30.
iyong mga sangkap ang mawala sa iyo kaysa ang buong katawan mo ang ihagis sa Gehenna. Gayundin, kung ang kanang kamay mo ay nagpapatisod sa iyo, putulin mo ito at itapon mula sa iyo. Sapagkat higit na kapaki-pakinabang sa iyo na isa sa iyong mga sangkap ang mawala kaysa ang buong katawan mo ang mapunta sa Gehenna.”—9. Paano tayo maaaring ‘matisod’ ng ating “mata” o “kamay”?
9 Ang “mata” na binanggit ni Jesus ay kumakatawan sa kakayahan nating magtuon ng pansin sa isang bagay, at ang “kamay” naman ay may kaugnayan sa mga bagay na ginagawa natin gamit ang ating mga kamay. Kung hindi tayo maingat, ang mga bahaging ito ng katawan ay maaaring maging sanhi ng ating ‘pagkatisod’ at paghinto sa ‘paglakad na kasama ng Diyos.’ (Gen. 5:22; 6:9) Kung gayon, kapag natutukso tayong sumuway kay Jehova, kailangan tayong gumawa ng seryosong hakbang, ang pagdukit sa ating mata o pagputol sa ating kamay sa makasagisag na paraan.
10, 11. Ano ang makatutulong sa atin na iwasan ang seksuwal na imoralidad?
10 Paano natin mapipigilan ang ating mga mata sa pagtutuon ng pansin sa imoral na mga bagay? “Nakipagtipan ako sa aking mga mata,” ang sabi ng may takot sa Diyos na si Job. “Kaya paano ako makapagbibigay-pansin sa isang dalaga?” (Job 31:1) Si Job ay isang lalaking may asawa, at determinado siyang sundin ang mga batas ng Diyos may kaugnayan sa moral. Iyan din ang dapat nating maging saloobin, may asawa man tayo o wala. Upang maiwasan ang seksuwal na imoralidad, dapat tayong magpaakay sa banal na espiritu ng Diyos, na nagluluwal ng pagpipigil sa sarili sa mga umiibig sa Diyos.—Gal. 5:22-25.
11 Upang maiwasan ang seksuwal na imoralidad, makabubuting tanungin natin ang ating sarili, ‘Hinahayaan ko ba ang aking mga mata na pukawin ang aking pagnanasa sa pamamagitan ng pagtingin sa imoral na mga bagay sa mga aklat, TV, o Internet?’ Tandaan din ang mga salitang ito ng alagad na si Santiago: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Pagkatapos ang pagnanasa, kapag naglihi na ito, ay nagsisilang ng kasalanan; ang kasalanan naman, kapag naisagawa na ito, ay nagluluwal ng kamatayan.” (Sant. 1:14, 15) Sa katunayan, kapag ang isang nakaalay sa Diyos ay “patuloy na tumitingin” nang may pagnanasa sa hindi niya kasekso, kailangan siyang gumawa ng matinding mga hakbang na maihahambing sa pagdukit at pagtatapon ng mata.—Basahin ang Mateo 5:27, 28.
12. Anong payo ni Pablo ang makatutulong sa atin na labanan ang imoral na mga pagnanasa?
12 Dahil ang maling paggamit sa ating mga kamay ay maaaring magbunga ng malubhang paglabag sa mga moral na pamantayan ni Jehova, dapat tayong maging determinado na manatiling malinis sa moral. Kung gayon, dapat nating sundin ang payo ni Pablo: “Patayin ninyo . . . ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso, nakasasakit na pagnanasa, at kaimbutan, na siyang idolatriya.” (Col. 3:5) Ang salitang “patayin” ay nagdiriin sa seryosong mga hakbang na dapat gawin upang mapaglabanan ang imoral at makalamang mga pagnanasa.
13, 14. Bakit napakahalaga na iwasan ang imoral na mga kaisipan at paggawi?
13 Karaniwan nang papayag ang isang tao na putulin ng doktor ang isa sa kaniyang mga bisig o binti upang mailigtas ang kaniyang buhay. Napakahalaga para sa atin na makasagisag na ‘itapon’ ang mata at kamay upang maiwasan ang pag-iisip at paggawa ng imoral na mga bagay na maaaring humantong sa espirituwal na kamatayan. Dapat na manatili tayong malinis sa mental, moral, at espirituwal dahil ito lamang ang tanging paraan upang makaligtas tayo sa walang-hanggang pagkapuksa, na isinasagisag ng Gehenna.
14 Dahil sa minana nating kasalanan at di-kasakdalan, kailangan tayong magsikap para mapanatili ang kalinisan sa moral. Sinabi ni Pablo: “Binubugbog ko ang aking katawan at ginagawa itong alipin, upang, pagkatapos kong mangaral sa iba, ako naman ay hindi itakwil sa paanuman.” (1 Cor. 9:27) Kaya maging determinado nawa tayo na ikapit ang payo ni Jesus hinggil sa moralidad, anupat iniiwasang kumilos sa paraang nagpapakita ng kawalan ng pagpapahalaga sa kaniyang haing pantubos.—Mat. 20:28; Heb. 6:4-6.
“Ugaliin ang Pagbibigay”
15, 16. (a) Paano nagpakita si Jesus ng halimbawa sa pagbibigay? (b) Ano ang kahulugan ng mga salita ni Jesus na nakaulat sa Lucas 6:38?
15 Pinasisigla tayo ng mga turo ni Jesus at 2 Corinto 8:9.) Handang iwan ni Jesus ang makalangit na kaluwalhatian upang maging tao at ibigay ang kaniyang buhay para sa makasalanang mga tao, na ang ilan ay magkakamit ng kayamanan sa langit bilang mga kasamang tagapagmana niya sa Kaharian. (Roma 8:16, 17) At tiyak na hinihimok ni Jesus ang iba na maging bukas-palad nang sabihin niya:
ng kaniyang napakahusay na halimbawa na maging mapagbigay. Nagpakita siya ng mahusay na halimbawa ng pagkabukas-palad nang pumarito siya sa lupa para sa kapakinabangan ng di-sakdal na sangkatauhan. (Basahin ang16 “Ugaliin ang pagbibigay, at ang mga tao ay magbibigay sa inyo. Ibubuhos nila sa inyong kandungan ang sukat na mainam, pinikpik, niliglig at umaapaw. Sapagkat ang panukat na inyong ipinanunukat ay ipanunukat nila sa inyo bilang ganti.” (Luc. 6:38) Ang ‘pagbubuhos sa kandungan’ ay tumutukoy sa isang kaugaliang ginagawa ng mga nagtitinda noon. Pinupuno nila ang may-pamigkis na lupi ng pang-itaas na kasuutan ng mamimili na nagsisilbing lalagyan ng mga pinamili nito. Kung lagi tayong bukas-palad, maaaring saganang gantihan ang ating kabutihan, marahil sa panahong gipit pa nga tayo.—Ecles. 11:2.
17. Paano nagpakita si Jehova ng pangunahing halimbawa sa pagbibigay, at anong uri ng pagbibigay ang makapagdudulot sa atin ng kagalakan?
17 Iniibig at ginagantimpalaan ni Jehova ang mga masayang nagbibigay. Siya mismo ang nagpakita ng pangunahing halimbawa sa pagbibigay, anupat ibinigay ang kaniyang bugtong na Anak “upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Sumulat si Pablo: “Siya na naghahasik nang sagana ay mag-aani rin nang sagana. Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso, hindi mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.” (2 Cor. 9:6, 7) Ang pagbibigay natin ng panahon, lakas, at materyal na mga bagay upang itaguyod ang tunay na pagsamba ay tiyak na magdudulot sa atin ng kagalakan at saganang pagpapala.—Basahin ang Kawikaan 19:17; Lucas 16:9.
“Huwag Kang Hihihip ng Trumpeta sa Unahan Mo”
18. Sa anong paraan tayo ‘walang magiging gantimpala’ mula sa ating makalangit na Ama?
18 “Pakaingatan ninyo na huwag isagawa ang inyong katuwiran sa harap ng mga tao upang mamasdan nila; kung hindi ay wala kayong magiging gantimpala sa inyong Ama na nasa langit.” (Mat. 6:1) Nang banggitin ni Jesus ang salitang “katuwiran,” tinutukoy niya ang paggawing kaayon ng kalooban ng Diyos. Hindi niya gustong sabihin na hindi dapat makita ng ibang tao ang ating makadiyos na mga gawa, yamang sinabi niya sa kaniyang mga alagad na ‘pasikatin nila ang kanilang liwanag sa harap ng mga tao.’ (Mat. 5:14-16) Pero ‘wala tayong magiging gantimpala’ mula sa ating makalangit na Ama kung gumagawa tayo ng mabuti “upang mamasdan” at hangaan ng iba, gaya ng mga nagtatanghal sa entablado ng isang teatro. Kung ganito ang ating motibo, hindi tayo magkakaroon ng malapít na kaugnayan sa Diyos ni makakamit man natin ang walang-hanggang mga pagpapala ng pamamahala ng Kaharian.
19, 20. (a) Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niyang hindi tayo dapat ‘humihip ng trumpeta’ kapag nagbibigay tayo ng “mga kaloob ng awa”? (b) Paano natin hindi ipaaalam sa kaliwang kamay kung ano ang ginagawa ng kanan?
19 Kung wasto ang ating saloobin, susundin natin ang paalaala ni Jesus: “Kaya kapag nagbibigay ka ng mga kaloob ng awa, huwag kang hihihip ng trumpeta sa unahan mo, gaya ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw sa mga sinagoga at sa mga lansangan, upang luwalhatiin sila ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Taglay na nilang lubos ang kanilang gantimpala.” (Mat. 6:2) Ang “mga kaloob ng awa” ay tumutukoy sa mga abuloy para sa mga nagdarahop. (Basahin ang Isaias 58:6, 7.) Si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay may inilalaang pondo para sa pagtulong sa mahihirap. (Juan 12:5-8; 13:29) Malinaw na gumamit si Jesus ng pagpapalabis o hyperbole nang sabihin niyang hindi tayo dapat ‘humihip ng trumpeta’ sa unahan natin kapag nagbibigay ng “mga kaloob ng awa” yamang hindi naman maaaring literal na mangyari ito. Samakatuwid, ang ibig sabihin ni Jesus ay hindi natin dapat ianunsiyo ang gayong pagbibigay gaya ng ginagawa ng mga Judiong Pariseo noon. Tinawag sila ni Jesus na mga mapagpaimbabaw yamang iniaanunsiyo nila “sa mga sinagoga at sa mga lansangan” ang kanilang pagkakawanggawa at pag-aabuloy. “Taglay na [ng mga mapagpaimbabaw na iyon nang] lubos ang kanilang gantimpala.” Ang paghanga ng mga tao at marahil ay ang pagkakaroon ng puwesto sa tabi ng mga rabbi sa harap ng sinagoga ang tanging gantimpalang makakamit nila, dahil wala silang matatanggap kay Jehova. (Mat. 23:6) Pero paano naman dapat kumilos ang mga alagad ni Kristo? Ganito ang sinabi ni Jesus sa kanila—at sa atin:
20 “Ngunit ikaw, kapag nagbibigay ng mga kaloob ng awa, huwag mong ipaalam sa iyong kaliwang kamay kung ano ang ginagawa ng iyong kanan, upang ang iyong mga kaloob ng awa ay maging lihim; sa gayon ang iyong Ama na tumitingin sa lihim ang gaganti sa iyo.” (Mat. 6:3, 4) Karaniwan nang gumagawang magkasama ang ating mga kamay. Kaya ang ibig sabihin ng hindi ipinaaalam sa kaliwang kamay kung ano ang ginagawa ng kanan ay na hindi natin iniaanunsiyo sa madla ang ating pagtulong sa iba. Hindi natin ito sinasabi maging sa mga taong malapít sa atin, kung paanong may malapit na kaugnayan ang ating kaliwang kamay sa ating kanan.
21. Ano ang kabilang sa kagantihan ng Isa na “tumitingin sa lihim”?
21 Kung hindi natin ipagmamalaki ang ating pagbibigay sa iba, ang ating “mga kaloob ng awa” ay magiging lihim. Sa gayon, ang ating Ama, “na tumitingin sa lihim,” ang gaganti sa atin. Yamang nasa langit at hindi nakikita ng tao, ang ating Ama ay nananatiling nasa “lihim” sa harap ng sangkatauhan. (Juan 1:18) Kabilang sa kagantihan ng isa na “tumitingin sa lihim” ang pagbibigay sa atin ni Jehova ng pagkakataon na maging malapít sa kaniya, ang pagpapatawad sa ating mga kasalanan, at ang pagbibigay sa atin ng buhay na walang hanggan. (Kaw. 3:32; Juan 17:3; Efe. 1:7) Di-hamak na mas magagandang gantimpala iyan kaysa sa papuri ng mga tao!
Mga Turong Dapat Nating Pahalagahan
22, 23. Bakit natin dapat pahalagahan ang mga turo ni Jesus?
22 Tiyak na ang Sermon sa Bundok ay punung-puno ng espirituwal na mga hiyas at kapupulutan ng maraming aral. Walang alinlangan, masusumpungan dito ang napakahalagang mga pananalita na maaaring magdulot sa atin ng kagalakan kahit sa magulong sanlibutang ito. Oo, magiging maligaya tayo kung pahahalagahan natin ang mga turo ni Jesus at kung iaayon natin dito ang ating saloobin at paraan ng pamumuhay.
23 Ang lahat ng “dumirinig” at “nagsasagawa” ng itinuro ni Jesus ay pagpapalain. (Basahin ang Mateo 7:24, 25.) Kaya maging determinado nawa tayo na sundin ang payo ni Jesus. Tatalakayin pa natin ang iba pang mga turo niya sa kaniyang Sermon sa Bundok sa huling artikulo ng seryeng ito.
Paano Mo Sasagutin?
• Bakit mahalagang makipagpayapaan sa isang kapatid na nasaktan natin?
• Paano natin maiiwasang matisod ng ating “kanang mata”?
• Ano ang dapat nating maging saloobin pagdating sa pagbibigay?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 11]
Napakabuti ngang “makipagpayapaan” tayo sa kapananampalatayang nasaktan natin!
[Mga larawan sa pahina 12, 13]
Pinagpapala ni Jehova ang mga masayang nagbibigay