Kung Paano Nagdudulot ng Kaligayahan ang mga Turo ni Jesus
Kung Paano Nagdudulot ng Kaligayahan ang mga Turo ni Jesus
“Umahon [si Jesus] sa bundok; at . . . lumapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad; at . . . nagsimulang magturo sa kanila.”—MAT. 5:1, 2.
1, 2. (a) Ano ang tagpo nang bigkasin ni Jesus ang kaniyang Sermon sa Bundok? (b) Paano sinimulan ni Jesus ang kaniyang pahayag?
TAÓNG 31 C.E. noon. Huminto muna si Jesus sa kaniyang pangangaral sa Galilea upang ipagdiwang ang Paskuwa sa Jerusalem. (Juan 5:1) Pagbalik sa Galilea, buong magdamag siyang nanalangin para humingi ng patnubay sa Diyos sa pagpili niya ng 12 apostol. Kinabukasan, lumapit ang mga tao kay Jesus at pinagaling niya ang kanilang mga sakit. Pagkatapos, habang nagkakatipon ang kaniyang mga alagad at ang iba pa, naupo si Jesus sa gilid ng bundok at nagsimulang magturo.—Mat. 4:23–5:2; Luc. 6:12-19.
2 Sinimulan ni Jesus ang kaniyang pahayag—ang Sermon sa Bundok—sa pagsasabing ang kaligayahan ay nagmumula sa pagkakaroon ng mabuting kaugnayan sa Diyos. (Basahin ang Mateo 5:1-12.) Ang kaligayahan ay ‘isang kalagayan ng namamalaging kasiyahan at saklaw nito ang pagkadama ng pagkakontento hanggang sa masidhing kagalakan.’ Itinatampok ng siyam na kaligayahang tinalakay ni Jesus kung bakit maligaya ang mga Kristiyano. At tiyak na kapaki-pakinabang ang mga turong ito ngayon kung paanong naging kapaki-pakinabang ang mga ito halos 2,000 taon na ang nakalilipas. Isaalang-alang natin ngayon ang bawat isa sa mga ito.
“Mga Palaisip sa Kanilang Espirituwal na Pangangailangan”
3. Ano ang ibig sabihin ng pagiging palaisip sa ating espirituwal na pangangailangan?
3 “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, yamang ang kaharian ng langit ay sa kanila.” (Mat. 5:3) Batid ng “mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan” na kailangan nila ang patnubay at awa ng Diyos.
4, 5. (a) Bakit maligaya ang mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan? (b) Paano natin masasapatan ang ating espirituwal na pangangailangan?
4 Maligaya ang mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, “yamang ang kaharian ng langit ay sa kanila.” Ang pagtanggap kay Jesus bilang Mesiyas ay nagbukas ng pagkakataon para sa kaniyang unang mga alagad na mamahala kasama niya sa makalangit na Kaharian ng Diyos. (Luc. 22:28-30) Tayo man ay may pag-asang maging kasamang tagapagmana ni Kristo sa langit o mabuhay magpakailanman sa paraisong lupa sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, maaari tayong maging maligaya kung tunay tayong palaisip sa ating espirituwal na pangangailangan.
5 Hindi lahat ay palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, yamang marami ang walang pananampalataya at hindi nagpapahalaga sa mga bagay na sagrado. (2 Tes. 3:1, 2; Heb. 12:16) Kasama sa mga paraan upang masapatan ang ating espirituwal na pangangailangan ay ang masikap na pag-aaral ng Bibliya, masigasig na pakikibahagi sa paggawa ng alagad, at regular na pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong.—Mat. 28:19, 20; Heb. 10:23-25.
“Maligaya” Bagaman Nagdadalamhati
6. Sino ang “mga nagdadalamhati,” at bakit sila “maligaya”?
6 “Maligaya yaong mga nagdadalamhati, yamang sila ay aaliwin.” (Mat. 5:4) Ang “mga nagdadalamhati” ay yaon ding “mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” Nagdadalamhati sila hindi dahil sa inirereklamo nila ang kanilang kalagayan sa buhay. Sa halip, ikinalulungkot ng mga nagdadalamhating ito ang kanilang pagiging makasalanan at ang mga kalagayang umiiral dulot ng kanilang di-kasakdalan. Bakit “maligaya” ang mga nagdadalamhating ito? Dahil nananampalataya sila sa Diyos at kay Kristo at nakararanas ng kaaliwan dahil sa pagkakaroon nila ng mabuting kaugnayan kay Jehova.—Juan 3:36.
7. Ano ang dapat nating madama tungkol sa sanlibutan ni Satanas?
7 Bilang mga indibiduwal, nagdadalamhati ba tayo dahil sa kasamaang laganap sa sanlibutan ni Satanas? Ano ba talaga ang nadarama natin sa iniaalok ng sanlibutang ito? Sumulat si apostol Juan: “Ang lahat ng bagay na nasa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa—ay hindi nagmumula sa Ama.” (1 Juan 2:16) Pero paano kung nadarama nating unti-unti nang naaapektuhan ng “espiritu ng sanlibutan”—ang puwersang nangingibabaw sa lipunan ng tao na hiwalay sa Diyos—ang ating espirituwalidad? Kung gayon, dapat na marubdob tayong manalangin, mag-aral ng Salita ng Diyos, at humingi ng tulong sa mga elder. Habang nagiging malapít tayo kay Jehova, ‘makasusumpong tayo ng kaaliwan,’ anuman ang nakababagabag sa atin.—1 Cor. 2:12; Awit 119:52; Sant. 5:14, 15.
Maligaya ang mga “Mahinahong-Loob”!
8, 9. Ano ang ibig sabihin ng pagiging mahinahong-loob, at bakit maligaya ang mga mahinahong-loob?
8 “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa.” (Mat. 5:5) Ang “kahinahunan ng kalooban,” o kaamuan, ay hindi nagpapahiwatig ng kahinaan o mapagpaimbabaw na kahinahunan. (1 Tim. 6:11) Kung tayo ay mahinahong-loob, maipapakita natin ang kaamuan sa pamamagitan ng paggawa ng kalooban ni Jehova at pagtanggap sa kaniyang patnubay. Makikita rin ang kahinahunan ng kalooban sa paraan ng ating pakikitungo sa mga kapananampalataya at sa iba. Kasuwato ng gayong kaamuan ang payo ni apostol Pablo.—Basahin ang Roma 12:17-19.
9 Bakit maligaya ang mga mahinahong-loob? Dahil “mamanahin nila ang lupa,” ang sabi ng mahinahong-loob na si Jesus. Siya ang pangunahing Tagapagmana ng lupa. (Awit 2:8; Mat. 11:29; Heb. 2:8, 9) Subalit ang mga mahinahong-loob na “kasamang tagapagmana ni Kristo” ay magmamana rin ng lupa. (Roma 8:16, 17) Sa makalupang bahagi ng Kaharian ni Jesus, maraming iba pang maaamo ang magtatamasa ng buhay na walang hanggan.—Awit 37:10, 11.
10. Kung hindi tayo mahinahon, paano ito maaaring makaapekto sa pag-abot natin ng mga pribilehiyo ng paglilingkod at sa ating kaugnayan sa iba?
10 Gaya ni Jesus, dapat tayong maging mahinahong-loob. Pero paano kung kilala tayong palaaway? Kung tayo ay agresibo at palaban, baka iwasan tayo ng mga tao. Kung tayo ay mga kapatid na lalaki na umaabot ng mga pribilehiyo sa kongregasyon, hindi tayo magiging kuwalipikado sa gayong mga pribilehiyo kung palaaway tayo. (1 Tim. 3:1, 3) Sinabi ni Pablo kay Tito na patuloy na paalalahanan ang mga Kristiyano sa Creta na “huwag maging palaaway, maging makatuwiran, nagpapakita ng buong kahinahunan sa lahat ng tao.” (Tito 3:1, 2) Kaylaking pagpapala nga sa iba ang gayong mahinahong mga tao!
Gutóm Sila sa “Katuwiran”
11-13. (a) Ano ang ibig sabihin ng pagkagutom at pagkauhaw sa katuwiran? (b) Paano “bubusugin” ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran?
11 “Maligaya yaong mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, yamang sila ay bubusugin.” (Mat. 5:6) Ang “katuwiran” na nasa isip ni Jesus ay ang paggawa ng tama sa pamamagitan ng pagkilos kasuwato ng kalooban ng Diyos at ng kaniyang mga utos. Sinabi ng salmista na siya ay “nadudurog sa pananabik” para sa matuwid na mga hudisyal na pasiya ng Diyos. (Awit 119:20) Napakahalaga ba sa atin ng katuwiran anupat nakadarama tayo ng pagkagutom at pagkauhaw para dito?
12 Sinabi ni Jesus na yaong mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran ay magiging maligaya dahil sila ay “bubusugin.” Naging posible ito pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., dahil mula noon, ang banal na espiritu ni Jehova ay nagsimulang ‘magbigay sa sanlibutan ng nakakukumbinsing katibayan may kinalaman sa katuwiran.’ (Juan 16:8) Sa pamamagitan ng banal na espiritu, kinasihan ng Diyos ang mga tao na isulat ang Kristiyanong Griegong Kasulatan, na talagang kapaki-pakinabang “sa pagdidisiplina sa katuwiran.” (2 Tim. 3:16) Tinutulungan din tayo ng espiritu ng Diyos na “magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran.” (Efe. 4:24) Hindi ba nakaaaliw malaman na maaaring magkaroon ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos ang mga nagsisisi at humihingi ng kapatawaran sa kanilang kasalanan salig sa haing pantubos ni Jesus?—Basahin ang Roma 3:23, 24.
13 Kung sa lupa ang ating pag-asa, ang ating pagkagutom at pagkauhaw sa katuwiran ay lubusang masasapatan kapag nakamit na natin ang buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan kung saan iiral ang katuwiran. Samantala, maging determinado nawa tayong mamuhay alinsunod sa mga pamantayan ni Jehova. Sinabi ni Jesus: “Patuloy . . . na hanapin muna ang kaharian at ang . . . katuwiran [ng Diyos].” (Mat. 6:33) Sa paggawa nito, magiging abala tayo sa gawain ng Diyos at magiging tunay na maligaya.—1 Cor. 15:58.
Kung Bakit Maligaya ang mga “Maawain”
14, 15. Paano natin maipapakita ang kaawaan, at bakit maligaya ang mga “maawain”?
14 “Maligaya ang mga maawain, yamang sila ay pagpapakitaan ng awa.” (Mat. 5:7) Ang mga “maawain” ay napapakilos na gumawa ng kabutihan sa iba dahil nais nilang maibsan ang paghihirap ng mga ito. Napakilos si Jesus ng kaniyang habag na gumawa ng mga himala para maibsan ang paghihirap ng maraming nagdurusa. (Mat. 14:14) Nakikita ang kaawaan kapag pinatatawad ng mga tao ang mga nagkasala sa kanila, kung paanong pinagpapakitaan ng awa at pinatatawad ni Jehova ang mga nagsisisi. (Ex. 34:6, 7; Awit 103:10) Maipapakita rin natin ang kaawaan sa gayong paraan at sa pamamagitan ng ating mabubuting salita at gawa na nagdudulot ng kaginhawahan sa mga nagdarahop at nagdurusa. Sabihin pa, ang isang mainam na paraan upang maipakita natin ang kaawaan ay sa pamamagitan ng pagsasabi sa iba ng mga katotohanan sa Bibliya. Dahil nahabag si Jesus sa isang pulutong, “nagsimula siyang magturo sa kanila ng maraming bagay.”—Mar. 6:34.
15 May dahilan tayong sumang-ayon sa sinabi ni Jesus: “Maligaya ang mga maawain, yamang sila ay pagpapakitaan ng awa.” Kung pagpapakitaan natin ng awa ang iba, malamang na gayundin ang gawin nila sa atin. Kapag hinatulan tayo ng Diyos, maaaring pagpakitaan niya tayo ng awa kung paanong nagpakita rin tayo ng awa sa iba. Sant. 2:13) Ang kapatawaran ng mga kasalanan at buhay na walang hanggan ay ipagkakaloob lamang sa mga maawain.—Mat. 6:15.
(Kung Bakit Maligaya ang mga “Dalisay ang Puso”
16. Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng ‘dalisay na puso,’ at paano “makikita” ng mga may dalisay na puso ang Diyos?
16 “Maligaya ang mga dalisay ang puso, yamang makikita nila ang Diyos.” (Mat. 5:8) Kung “dalisay ang puso” natin, makikita ito sa mga bagay na pinahahalagahan natin, sa ating mga hangarin, at sa ating mga motibo. Maipapakita natin ang “pag-ibig mula sa isang malinis na puso.” (1 Tim. 1:5) Dahil malinis ang ating kalooban, ‘makikita natin ang Diyos.’ Hindi ito nangangahulugan na literal nating makikita si Jehova, yamang “walang tao ang makakakita sa [Diyos] at mabubuhay pa.” (Ex. 33:20) Gayunman, dahil sakdal na tinularan ni Jesus ang personalidad ng Diyos, maaari niyang sabihin: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:7-9) Bilang mga mananamba ni Jehova sa lupa, ‘makikita natin ang Diyos’ kapag nakikita nating kumikilos siya para sa ating kapakanan. (Job 42:5) Para sa mga pinahirang Kristiyano, literal nilang makikita ang kanilang makalangit na Ama kapag binuhay silang muli bilang mga espiritu.—1 Juan 3:2.
17. Ano ang magiging epekto sa atin ng pagkakaroon ng dalisay na puso?
17 Dahil ang isang tao na may dalisay na puso ay malinis sa moral at espirituwal, hindi niya binubulay-bulay ang mga bagay na marumi sa paningin ni Jehova. (1 Cro. 28:9; Isa. 52:11) Kung dalisay ang ating puso, magiging dalisay rin ang ating sinasabi at ginagawa, at hindi magiging mapagpaimbabaw ang ating paglilingkod kay Jehova.
Magiging mga Anak ng Diyos ang mga “Mapagpayapa”
18, 19. Paano gumagawi ang mga “mapagpayapa”?
18 “Maligaya ang mga mapagpayapa, yamang sila ay tatawaging ‘mga anak ng Diyos.’” (Mat. 5:9) Nakikilala ang mga “mapagpayapa” sa kung ano ang kanilang gagawin at hindi gagawin. Kung tayo ang uri ng mga taong iniisip ni Jesus, mapagpayapa tayo at ‘hindi gaganti ng pinsala para sa pinsala sa kaninuman.’ Sa halip, ‘lagi nating itataguyod kung ano ang mabuti sa iba.’—1 Tes. 5:15.
19 Ang salitang Griego na isinaling “mapagpayapa” sa Mateo 5:9 ay literal na nangangahulugang “tagapamayapa.” Para mapabilang tayo sa mga mapagpayapa, dapat na lagi nating itaguyod ang kapayapaan. Ang mga tagapamayapa ay hindi gumagawa ng anumang bagay na ‘naghihiwalay sa mga malalapít sa isa’t isa.’ (Kaw. 16:28) Bilang mga mapagpayapa, gumagawa tayo ng mga hakbang upang ‘itaguyod ang pakikipagpayapaan sa lahat ng tao.’—Heb. 12:14.
20. Sino sa ngayon ang “mga anak ng Diyos,” at sino pa ang magiging mga supling ng Diyos sa dakong huli?
20 Maligaya ang mga mapagpayapa dahil “sila ay tatawaging ‘mga anak ng Diyos.’” Ang mga tapat na pinahirang Kristiyano ay inampon ni Jehova at sa gayo’y itinuturing na “mga anak ng Diyos.” Mayroon na silang malapít na kaugnayan kay Jehova bilang kaniyang mga anak dahil nananampalataya sila kay Kristo at buong-pusong sumasamba sa “Diyos ng pag-ibig at ng kapayapaan.” (2 Cor. 13:11; Juan 1:12) Kumusta naman ang mapagpayapang “ibang mga tupa” ni Jesus? Sa kaniyang Milenyong Paghahari, magiging “Walang-hanggang Ama” nila si Jesus, pero sa katapusan nito, ipasasakop niya ang kaniyang sarili kay Jehova at sila ay magiging mga anak ng Diyos sa ganap na diwa.—Juan 10:16; Isa. 9:6; Roma 8:21; 1 Cor. 15:27, 28.
21. Paano tayo kikilos kung tayo ay “nabubuhay ayon sa espiritu”?
21 Kung tayo ay “nabubuhay ayon sa espiritu,” madaling makikita ng iba na tayo ay mapagpayapa. Hindi tayo ‘magsusulsol ng pagpapaligsahan sa isa’t isa’ o hindi natin ‘pupukawin sa galit ang isa’t isa.’ (Gal. 5:22-26; New International Version) Sa halip, sisikapin nating ‘makipagpayapaan sa lahat ng tao.’—Roma 12:18.
Maligaya Kahit Pinag-uusig!
22-24. (a) Bakit maligaya ang mga pinag-uusig dahil sa katuwiran? (b) Ano ang tatalakayin natin sa susunod na dalawang araling artikulo?
22 “Maligaya yaong mga pinag-usig dahil sa katuwiran, yamang ang kaharian ng langit ay sa kanila.” (Mat. 5:10) Bukod diyan, sinabi pa ni Jesus: “Maligaya kayo kapag dinudusta kayo ng mga tao at pinag-uusig kayo at may-kasinungalingang sinasalita ang bawat uri ng balakyot na bagay laban sa inyo dahil sa akin. Magsaya kayo at lumukso sa kagalakan, yamang malaki ang inyong gantimpala sa langit; sapagkat sa gayong paraan nila pinag-usig ang mga propetang nauna sa inyo.”—Mat. 5:11, 12.
23 Gaya ng mga propeta ng Diyos noon, inaasahan ng mga Kristiyano na sila’y makararanas ng pandurusta, pag-uusig, at paninirang-puri “dahil sa katuwiran.” Subalit kung tapat nating babatahin ang mga pagsubok na ito, makadarama tayo ng kasiyahan yamang alam nating napaluluguran at napararangalan natin si Jehova. (1 Ped. 2:19-21) Hindi maaalis ng ating dinaranas na pagdurusa ang ating kagalakan sa paglilingkod kay Jehova sa ngayon o sa hinaharap. Hindi nito mababawasan ang kaligayahang dulot ng pamamahalang kasama ni Kristo sa makalangit na Kaharian ni ang kagalakang nadarama ng mga sakop nito kapag pinagkalooban na sila ng buhay na walang hanggan dito sa lupa. Ang gayong mga pagpapala ay katibayan ng pagsang-ayon, kagandahang-loob, at pagkabukas-palad ng Diyos.
24 Napakarami pa nating matututuhan sa Sermon sa Bundok. Ang iba pang mga aral ay tatalakayin sa susunod na dalawang araling artikulo. Alamin natin kung paano natin maikakapit ang mga turong iyon ni Jesu-Kristo.
Paano Mo Sasagutin?
• Bakit maligaya ang “mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan”?
• Bakit maligaya ang mga “mahinahong-loob”?
• Bakit maligaya ang mga Kristiyano kahit na pinag-uusig sila?
• Alin sa mga kaligayahang sinabi ni Jesus ang gustung-gusto mo?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 7]
Ang siyam na kaligayahang itinampok ni Jesus ay kapaki-pakinabang sa ngayon kung paanong naging kapaki-pakinabang ito noon
[Larawan sa pahina 8]
Ang isang mainam na paraan upang maipakita natin ang kaawaan ay sa pamamagitan ng pagsasabi sa iba ng mga katotohanan sa Bibliya