Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Makakristiyanong Burol at Libing—Marangal, Simple, at Nakalulugod sa Diyos

Makakristiyanong Burol at Libing—Marangal, Simple, at Nakalulugod sa Diyos

Makakristiyanong Burol at Libing​—Marangal, Simple, at Nakalulugod sa Diyos

DINIG na dinig ang pagtangis ng mga tao. Nakasuot ng damit na itim ang mga nagdadalamhating halos mahimatay sa paghihinagpis. Umiindak ang mga mananayaw sa saliw ng musika. Gayunman, ang iba ay kumakain, nagsasaya, at nagtatawanan nang malakas. Nakahandusay sa lupa ang ilan dahil sa kalasingan sa dami ng nainom na alak at serbesa. Ano ang okasyon? Sa ilang panig ng daigdig, ito ang karaniwang makikita sa mga burol at libing kung saan daan-daang tao ang nagtitipun-tipon para magpaalam sa namatay.

Maraming Saksi ni Jehova ang naninirahan sa mga komunidad kung saan ang kanilang mga kamag-anak at kapitbahay ay masyadong mapamahiin at takót sa patay. Milyun-milyong tao ang naniniwala na kapag namatay ang isang tao, ito ay nagiging espiritu na may kakayahang tulungan o pinsalain ang mga buháy. Nakasalig sa paniniwalang ito ang maraming kaugalian sa burol at libing. Sabihin pa, normal lamang na magdalamhati kapag namatayan ng mahal sa buhay. May mga pagkakataong nagdalamhati si Jesus at ang kaniyang mga alagad sa pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay. (Juan 11:33-35, 38; Gawa 8:2; 9:39) Gayunman, hindi sila kailanman nagpakita ng labis-labis na pagdadalamhati na karaniwan noong panahon nila. (Luc. 23:27, 28; 1 Tes. 4:13) Bakit? Ang isang dahilan ay alam nila ang katotohanan tungkol sa kalagayan ng patay.

Maliwanag ang sinasabi ng Bibliya: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran . . . Ang kanilang pag-ibig at ang kanilang poot at ang kanilang paninibugho ay naglaho na . . . Walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol [karaniwang libingan ng mga tao], ang dako na iyong paroroonan.” (Ecles. 9:5, 6, 10) Malinaw mula sa mga kinasihang talatang ito sa Bibliya na kapag namatay ang isang tao, wala na siyang nalalaman. Hindi na siya nakapag-iisip, nakadarama, nakapagsasalita, o nakauunawa ng anumang bagay. Paano dapat makaapekto sa mga kaayusan sa makakristiyanong burol at libing ang pagkaunawa sa mahalagang katotohanang ito sa Bibliya?

“Tigilan na Ninyo ang Paghipo sa Maruming Bagay”

Anuman ang kultura o lahing pinagmulan ng mga Saksi ni Jehova, talagang iniiwasan nila ang anumang kaugalian na may kinalaman sa paniniwalang may nalalaman pa ang mga patay at nakaiimpluwensiya sa mga buháy. Ang gayong mga kaugaliang gaya ng mga pagdiriwang pagkatapos ng libing, anibersaryo ng kamatayan, paghahandog sa mga patay, at mga ritwal para sa nabalo ay marurumi at di-nakalulugod sa Diyos. Bakit? Dahil nauugnay ang mga ito sa di-makakasulatang turo ng mga demonyo na ang kaluluwa o espiritu ay hindi namamatay. (Ezek. 18:4) Ang mga tunay na Kristiyano ay ‘hindi maaaring makibahagi sa “mesa ni Jehova” at sa mesa ng mga demonyo.’ Kaya naman, hindi sila nakikisali sa mga kaugaliang ito. (1 Cor. 10:21) Sinusunod nila ang utos na ito: “Humiwalay kayo, . . . at tigilan na ninyo ang paghipo sa maruming bagay.” (2 Cor. 6:17) Gayunman, hindi laging madaling sundin ang utos na ito.

Sa Aprika at sa iba pang lugar, naniniwala ang marami na magagalit ang mga espiritu kapag hindi sinunod ang ilang kaugalian. Ang hindi pagsunod sa mga kaugaliang ito ay itinuturing na malaking kasalanan anupat maaaring magdala ng sumpa at kamalasan sa pamayanan. Dahil sa pagtangging makibahagi sa di-makakasulatang mga ritwal sa burol at libing, marami sa bayan ni Jehova ang hinamak, ininsulto, at itinakwil ng kanilang mga kamag-anak o pamayanan. Ang ilan ay inakusahan na walang pakialam at walang galang sa mga patay. Kung minsan, iginigiit ng mga di-sumasampalataya na sila ang mag-asikaso at magpasiya para sa burol at libing ng isang Kristiyano. Kung gayon, paano natin maiiwasang makipagtalo sa mga taong iginigiit ang mga kaugalian sa burol at libing na hindi nakalulugod sa Diyos? Ang mas mahalaga pa rito, ano ang maaari nating gawin para manatili tayong hindi bahagi ng maruruming ritwal at gawain na makasisira sa ating kaugnayan kay Jehova?

Gawing Malinaw ang Iyong Pasiya

Sa ilang bahagi ng daigdig, isang kaugalian na makisangkot sa pagpapasiya may kinalaman sa libing ang matatanda sa angkan at mga kamag-anak. Dapat tiyakin ng isang tapat na Kristiyano na mga Saksi ni Jehova ang siyang magsasaayos ng burol at libing ayon sa mga simulain sa Bibliya. (2 Cor. 6:14-16) Ang mga kaganapan sa makakristiyanong burol at libing ay hindi dapat makabagabag sa budhi ng mga kapananampalataya o makatisod sa iba na nakababatid ng kung ano ang ating paniniwala at itinuturo tungkol sa mga patay.

Kapag hinilingan ang isang kinatawan ng kongregasyong Kristiyano na tumulong sa kaayusan ng burol at libing, maaaring magbigay ang mga hinirang na elder ng praktikal na mga mungkahi at maglaan ng espirituwal na tulong para maging kasuwato ng mga tagubilin sa Kasulatan ang lahat ng gagawing kaayusan. Kung ang ilang di-Saksi ay nagnanais na magmungkahi ng maruruming gawain, napakahalaga na maging matatag at ipaliwanag nang may lakas ng loob ang ating Kristiyanong paninindigan sa mabait at magalang na paraan. (1 Ped. 3:15) Pero paano kung ipilit pa rin ng di-sumasampalatayang mga kamag-anak ang maruruming gawain sa mga kaayusan sa burol at libing? Kung gayon, maaaring umalis muna sa burol ang sumasampalatayang pamilya. (1 Cor. 10:20) Kapag ganito ang situwasyon, isang simpleng pahayag sa libing ang maaaring gawin sa lokal na Kingdom Hall o sa ibang angkop na lugar para magbigay ng “kaaliwan mula sa Kasulatan” sa mga talagang namimighati sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay. (Roma 15:4) Bagaman wala ang labí roon, ang gayong kaayusan ay marangal at katanggap-tanggap. (Deut. 34:5, 6, 8) Ang panghihimasok ng mga di-sumasampalataya ay maaaring lalong magpaigting at makadagdag sa pamimighati ng mga namatayan. Pero makasusumpong tayo ng kaaliwan sa pagkaalam na ang ating determinasyong gawin ang tama ay nakikita ng Diyos, na makapagbibigay sa atin ng “lakas na higit sa karaniwan.”​—2 Cor. 4:7.

Isulat ang Iyong mga Habilin

Kung isusulat ng isang tao ang kaniyang mga habilin tungkol sa mga kaayusan sa kaniyang burol at libing, magiging mas madaling mangatuwiran sa mga miyembro ng pamilya na hindi Saksi yamang malamang na igagalang nila ang mga kahilingan ng namatay. Ang mahahalagang detalyeng gaya ng kung paano isasagawa ang burol at libing, kung saan ito dapat gawin, at kung sino ang may karapatang mag-asikaso ng burol at libing ay kailangang isulat bilang habilin. (Gen. 50:5) Mas mabisa ang dokumentong pinirmahan at ginawa sa harap ng mga saksi. Alam ng mga taong nagpaplano nang may unawa at karunungang nakasalig sa mga simulain sa Bibliya na hindi nila kailangang hintayin na sila’y tumanda o magkasakit nang malubha bago nila gawin ang bagay na ito.​—Kaw. 22:3; Ecles. 9:12.

Nag-aatubili ang ilan na gumawa ng dokumentong naglalaman ng mga habilin. Gayunman, ang paggawa ng gayon ay katibayan ng Kristiyanong pagkamaygulang at maibiging pagmamalasakit sa iba. (Fil. 2:4) Mas mabuting gawin ito hangga’t buhay ang isa kaysa sa ipaubaya niya ito sa kaniyang mga mauulilang miyembro ng pamilya, na maaaring gipitin na tanggapin ang maruruming gawain na hindi niya mismo pinaniniwalaan o sinasang-ayunan.

Panatilihing Simple ang Burol at Libing

Sa maraming bahagi ng Aprika, laganap ang paniniwala na kailangang magarbo ang burol at libing para hindi magalit ang mga espiritu. Ginagamit ng iba ang burol at libing na pagkakataon para sa “pagpaparangya” ng kanilang kalagayan sa buhay at sa lipunan. (1 Juan 2:16) Malaking panahon, pagsisikap, at salapi ang ginugugol sa diumano’y disenteng libing. Para makuha ang pansin ng maraming tao hangga’t maaari, naglalagay sila ng mga poster na may larawan ng namatay sa iba’t ibang lugar upang ianunsiyo ang burol at libing. Nagpapagawa sila at namimigay ng mga t-shirt na may larawan ng namatay para maisuot ng mga namimighati. Magagarbo at mamahaling kabaong ang binibili para pahangain ang mga nagmamasid. Sa isang lupain sa Aprika, gumagawa pa nga ang ilan ng kabaong na mukhang kotse, eroplano, bangka, at ibang bagay na nagpapakita ng kayamanan at karangyaan. Mula sa kabaong ay maaaring ilipat ang bangkay sa isang espesyal na kama na may mga dekorasyon. Maaaring bihisan ang isang babaing namatay ng puting damit pangkasal, suotan ng maraming alahas at bead, at lagyan ng kolorete. Angkop bang makibahagi sa gayong mga gawain ang bayan ng Diyos?

Alam ng mga may-gulang na Kristiyano na isang karunungang iwasan ang pagpapalabis na ginagawa ng mga taong walang alam o nagwawalang-halaga sa makadiyos na mga simulain. Batid natin na ang magarbo at di-makakasulatang mga kaugalian at gawain ay ‘hindi nagmumula sa Diyos, kundi nagmumula sa sanlibutan na lumilipas.’ (1 Juan 2:15-17) Dapat tayong mag-ingat nang husto para hindi tayo maimpluwensiyahan ng di-makakristiyanong espiritu ng kompetisyon anupat nagsisikap na higitan ang iba. (Gal. 5:26) Makikita sa mga karanasan na kapag ang pagkatakot sa patay ay bahagi na ng lokal na kultura at pang-araw-araw na buhay, kadalasan nang dumaragsa ang mga tao sa burol at libing anupat mahirap na itong pangasiwaan at kontrolin. Ang pagsamba sa patay ay madaling umudyok sa mga di-sumasampalataya na magsagawa ng maruming gawain. Sa gayong burol at libing, maaaring magkaroon ng walang-patumanggang pagpapalahaw, pagyakap sa patay, pakikipag-usap dito na parang buháy pa, at paglalagay ng pera at ibang bagay sa bangkay. Kung mangyayari ito sa isang Kristiyanong burol at libing, malaking upasala ang idudulot nito sa pangalan ni Jehova at sa kaniyang bayan.​—1 Ped. 1:14-16.

Ang pagkaalam sa tunay na kalagayan ng mga patay ay dapat magpalakas ng ating loob na gumawi nang walang anumang bakas ng makasanlibutang kaugalian sa mga burol at libing. (Efe. 4:17-19) Bagaman si Jesus ang pinakadakila at pinakamahalagang taong nabuhay kailanman, inilibing siya sa maayos at simpleng paraan. (Juan 19:40-42) Para sa mga taong ‘taglay ang pag-iisip ni Kristo,’ hindi kahiya-hiya ang gayong libing. (1 Cor. 2:16) Tiyak na ang pagpapanatiling simple ng mga Kristiyanong burol at libing ang pinakamainam na paraan para maiwasan ang paggawing itinuturing na marumi sa Kasulatan at para manatili itong maayos, marangal, at angkop sa mga taong umiibig sa Diyos.

Dapat Bang May Kasamang Pagsasaya?

Pagkatapos ng libing, maaaring kaugalian ng mga kamag-anak, kapitbahay, at ng iba na magtipun-tipon para magsaya at magsayawan na may malakas na musika. Kadalasan nang may paglalasing at imoral na mga gawain sa mga pagsasayang ito. Ikinakatuwiran ng ilang tao na nakatutulong ang ganitong pagsasaya para maibsan ang kalungkutang dulot ng kamatayan. Iniisip naman ng iba na bahagi lamang ito ng kanilang kultura. Gayunman, naniniwala ang marami na ang gayong pagsasaya ay isang ritwal na kailangang gawin para parangalan at papurihan ang namatay at para makasama ng kaluluwa nito ang kaniyang mga ninuno.

Alam ng mga tunay na Kristiyano ang karunungan sa pagsunod sa payong ito ng Kasulatan: “Mas mabuti ang kaligaligan kaysa sa pagtawa, sapagkat sa pagsimangot ng mukha ay bumubuti ang puso.” (Ecles. 7:3) Karagdagan pa, alam nila ang mga pakinabang ng taimtim na pagbubulay-bulay tungkol sa kaiklian ng buhay at pag-asa ng pagkabuhay-muli. Sa katunayan, para sa mga may malalim na kaugnayan kay Jehova, mas mabuti “ang araw ng kamatayan kaysa sa araw ng kapanganakan.” (Ecles. 7:1) Kung gayon, dahil kaugnay ng espiritistikong paniniwala at imoral na mga gawain ang pagsasaya sa burol at libing, hindi talaga angkop sa mga tunay na Kristiyano na magsaayos o dumalo pa nga sa gayong mga pagsasaya. Ang pakikisama sa mga mahilig magsaya sa panahon ng burol at libing ay pagpapakita ng kawalang-galang sa Diyos at sa budhi ng mga kapuwa sumasamba kay Jehova.

Hayaang Makita ng Iba ang Pagkakaiba Natin sa Kanila

Napakalaki ng ating pasasalamat na malaya na tayo sa pagkatakot sa patay na karaniwan sa mga taong nasa espirituwal na kadiliman! (Juan 8:32) Bilang “mga anak ng liwanag,” ipinahahayag natin ang ating kalungkutan at pamimighati sa paraang simple, kagalang-galang, nagpapaaninag ng espirituwal na kaunawaan, at nanghahawakan sa tiyak na pag-asa ng pagkabuhay-muli. (Efe. 5:8; Juan 5:28, 29) Ang gayong pag-asa ay tutulong sa atin na huwag magpadala sa labis-labis na pamimighati na kadalasang makikita sa mga taong “walang pag-asa.” (1 Tes. 4:13) Mapalalakas din tayo nito na manindigan sa dalisay na pagsamba at hindi matakot sa tao.​—1 Ped. 3:13, 14.

Ang ating tapat na pagsunod sa maka-Kasulatang mga simulain ay magbibigay sa mga tao ng pagkakataong ‘makita ang pagkakaiba ng naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kaniya.’ (Mal. 3:18) Darating ang araw na hindi na magkakaroon ng kamatayan. (Apoc. 21:4) Habang hinihintay natin ang katuparan ng mga pangakong ito, nawa’y masumpungan tayo ni Jehova na walang batik, walang dungis, at lubusang hiwalay sa balakyot na sanlibutang ito at sa mga gawaing lumalapastangan sa Diyos.​—2 Ped. 3:14.

[Larawan sa pahina 30]

Isang katalinuhan na isulat ang ating mga habilin may kinalaman sa mga kaayusan sa burol at libing

[Larawan sa pahina 31]

Dapat maging marangal at simple ang mga Kristiyanong burol at libing