Nakaayon ba sa mga Turo ni Jesus ang Iyong mga Panalangin?
Nakaayon ba sa mga Turo ni Jesus ang Iyong mga Panalangin?
“Nang matapos na ni Jesus ang mga pananalitang ito, bilang resulta ay lubhang namangha ang mga pulutong sa kaniyang paraan ng pagtuturo.”—MAT. 7:28.
1, 2. Bakit namangha ang pulutong sa paraan ng pagtuturo ni Jesus?
ANG mga turo ng bugtong na Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay dapat nating tanggapin at ikapit sa ating buhay. Walang sinumang tao ang nakapagsalitang gaya niya. Aba, manghang-mangha ang mga tao sa paraan ng kaniyang pagtuturo sa Sermon sa Bundok!—Basahin ang Mateo 7:28, 29.
2 Ibang-iba ang paraan ng pagtuturo ng Anak ni Jehova sa mga eskriba, yamang ang kanilang mga talumpati ay maligoy at nakasalig sa mga turo ng di-sakdal na mga tao. Nagturo si Kristo “gaya ng isang taong may awtoridad” dahil nagmumula sa Diyos ang kaniyang sinasabi. (Juan 12:50) Kaya talakayin natin kung paano natin maiaayon ang ating mga panalangin sa iba pang mga turo ni Jesus sa Sermon sa Bundok.
Huwag Manalanging Gaya ng mga Mapagpaimbabaw
3. Ilahad sa maikli ang sinabi ni Jesus sa Mateo 6:5.
3 Mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba ang panalangin, at dapat na regular tayong manalangin kay Jehova. Pero dapat na nakaayon sa mga turo ni Jesus sa Sermon sa Bundok ang ating mga panalangin. Sinabi niya: “Kapag mananalangin kayo, huwag kayong maging gaya ng mga mapagpaimbabaw; sapagkat nais nilang manalangin nang nakatayo sa mga sinagoga at sa mga panulukan ng malalapad na daan upang makita ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Taglay na nilang lubos ang kanilang gantimpala.”—Mat. 6:5.
4-6. (a) Bakit gusto ng mga Pariseo na manalangin nang “nakatayo sa mga sinagoga at sa mga panulukan ng malalapad na daan”? (b) Sa anong paraan ‘taglay nang lubos ng gayong mga mapagpaimbabaw ang kanilang gantimpala’?
4 Kapag nananalangin, hindi dapat tularan ng mga alagad ni Jesus ang “mga mapagpaimbabaw” gaya ng mapagmatuwid na mga Pariseo, na nagkukunwaring relihiyoso. (Mat. 23:13-32) Gusto ng mga mapagpaimbabaw na iyon na manalangin nang “nakatayo sa mga sinagoga at sa mga panulukan ng malalapad na daan.” Bakit? “Upang makita [sila] ng mga tao.” Karaniwan nang nananalangin bilang isang grupo ang unang-siglong mga Judio sa panahon ng paghahandog ng mga haing sinusunog sa templo (mga alas nuwebe ng umaga at alas tres ng hapon). Maraming naninirahan sa Jerusalem ang nananalanging kasama ng ibang mga mananamba sa bakuran ng templo. Sa labas naman ng lunsod na iyan, madalas na manalangin nang dalawang beses ang mga debotong Judio habang “nakatayo sa mga sinagoga.”—Ihambing ang Lucas 18:11, 13.
5 Dahil malayo sa templo o sinagoga ang karamihan sa mga tao para sa mga panalanging nabanggit, maaari naman silang manalangin saanman sila naroroon sa panahong iyon. Gayunman, tinitiyak ng ilan na sa mga oras na iyon ng Luc. 20:47) Hindi dapat maging ganiyan ang ating saloobin.
panalangin, naroroon sila “sa mga panulukan ng malalapad na daan.” Gusto nilang “makita [sila] ng mga tao” na dumaraan sa mga lansangang iyon. Ang nagbabanal-banalang mga mapagpaimbabaw na iyon ay ‘nagpapanggap at nananalangin nang mahaba’ para pahangain ang mga nagmamasid. (6 Sinabi ni Jesus na ‘taglay nang lubos ng gayong mga mapagpaimbabaw ang kanilang gantimpala.’ Gustung-gusto nilang hangaan sila at purihin ng kanilang kapuwa tao—at iyan lamang ang matatanggap nila. Iyan ang lubos nilang gantimpala, yamang hindi sasagutin ni Jehova ang kanilang mapagpaimbabaw na mga panalangin. Sa kabilang panig naman, sasagutin ng Diyos ang mga panalangin ng mga tunay na tagasunod ni Kristo, gaya ng ipinakikita ng sumunod na sinabi ni Jesus tungkol sa paksang ito.
7. Ano ang ipinahihiwatig ng payong manalangin sa ating “pribadong silid”?
7 “Gayunman, ikaw, kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong pribadong silid at, pagkasara ng iyong pinto, manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim; sa gayon ang iyong Ama na tumitingin sa lihim ang gaganti sa iyo.” (Mat. 6:6) Ang payo ni Jesus na manalangin sa isang pribadong silid pagkatapos isara ang pinto ay hindi nangangahulugan na hindi puwedeng katawanin ng isang indibiduwal ang kongregasyon sa panalangin. Ipinahihiwatig ng payong ito na hindi tayo dapat manalangin sa madla sa layuning makuha ang atensiyon at papuri ng iba. Dapat natin itong tandaan kung magkapribilehiyo tayong kumatawan sa bayan ng Diyos sa pangmadlang panalangin. Makabubuti ring sundin natin ang sinabi pa ni Jesus hinggil sa panalangin.
8. Ayon sa Mateo 6:7, anong maling paraan ng pananalangin ang dapat nating iwasan?
8 “Kapag nananalangin, huwag ninyong sabihin ang gayunding mga bagay nang paulit-ulit, gaya ng ginagawa ng mga tao ng mga bansa, sapagkat inaakala nila na pakikinggan sila dahil sa kanilang paggamit ng maraming salita.” (Mat. 6:7) Binanggit ni Jesus ang isa pang maling paraan ng pananalangin—ang paulit-ulit na paggamit ng iyon at iyon ding mga salita. Hindi ito nangangahulugan na hindi natin dapat ulitin ang taos-pusong mga pagsusumamo at pasasalamat sa panalangin. Sa hardin ng Getsemani noong gabi bago mamatay si Jesus, paulit-ulit niyang ginamit “ang gayunding salita” sa pananalangin.—Mar. 14:32-39.
9, 10. Sa anong diwa hindi dapat paulit-ulit ang ating mga panalangin?
9 Hindi tama na gayahin natin ang mga panalangin ng “mga tao ng mga bansa.” “Paulit-ulit” nilang inuusal ang kinabisadong mga parirala, pati na ang maraming salita na hindi naman mahalaga. Hindi ito nakatulong sa mga mananamba ni Baal nang magsumamo sila sa huwad na diyos na iyon “mula umaga hanggang tanghali, na sinasabi: ‘O Baal, sagutin mo kami!’” (1 Hari 18:26) Milyun-milyon sa ngayon ang maligoy manalangin at inuulit-ulit ang kanilang mga panalangin, anupat inaakalang sila’y “pakikinggan.” Pero tinutulungan tayo ni Jesus na matanto na ang “paggamit ng maraming salita” sa mahahaba at paulit-ulit na mga panalangin ay walang halaga kay Jehova. Sinabi pa ni Jesus:
10 “Kaya, huwag kayong maging tulad nila, sapagkat nalalaman ng Diyos na inyong Ama kung anong mga bagay ang kinakailangan ninyo bago pa man ninyo hingin sa kaniya.” (Mat. 6:8) Yamang masyadong maligoy at mabulaklak ang mga salitang ginagamit ng maraming Judiong lider ng relihiyon sa kanilang mga panalangin, sila ay naging gaya ng mga Gentil kapag nananalangin. Sabihin pa, mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba ang taos-pusong pananalangin na may kasamang papuri, pasasalamat, at pagsusumamo. (Fil. 4:6) Pero hindi tama na ulit-ulitin natin ang ating sinasabi anupat iniisip na kailangan nating gawin ito upang paalalahanan ang Diyos hinggil sa ating mga pangangailangan. Kapag nananalangin tayo, dapat nating tandaan na ang kausap natin ay ang Isa na ‘nakaaalam kung ano ang kinakailangan natin bago pa man natin hingin ito sa kaniya.’
11. Ano ang dapat nating tandaan kung magkapribilehiyo tayong manalangin sa madla?
11 Ayon sa mga turo ni Jesus hinggil sa di-kaayaayang mga panalangin, dapat nating tandaan na hindi natutuwa ang Diyos sa matayog at mabulaklak na mga pananalita. Dapat din nating isipin na ang pananalangin sa madla ay hindi panahon para pahangain ang mga tagapakinig o manalangin nang mahaba anupat naiinip ang mga tagapakinig. Ang paggamit sa panalangin para magpatalastas o magpayo sa mga tagapakinig ay hindi
rin kasuwato ng diwa ng mga turo ni Jesus sa Sermon sa Bundok.Tinuruan Tayo ni Jesus Kung Paano Manalangin
12. Paano mo ipaliliwanag ang kahulugan ng kahilingang “pakabanalin nawa ang iyong pangalan”?
12 Yamang isang natatanging pribilehiyo ang panalangin, nagbabala si Jesus laban sa maling paraan ng pananalangin. Pero itinuro din naman niya sa kaniyang mga alagad ang tamang paraan kung paano manalangin. (Basahin ang Mateo 6:9-13.) Ang modelong panalangin na itinuro niya ay hindi dapat kabisaduhin para ulit-ulitin. Sa halip, nagsisilbi itong parisan para sa ating mga panalangin. Halimbawa, inuna ni Jesus ang tungkol sa Diyos sa panalanging ito sa pagsasabing: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” (Mat. 6:9) Wasto lamang na sabihin nating si Jehova ang ating “Ama” dahil siya ang ating Maylalang, na nananahan sa “langit” na napakalayo sa lupa. (Deut. 32:6; 2 Cro. 6:21; Gawa 17:24, 28) Ipinaaalaala sa atin ng terminong “namin” na ang ating mga kapananampalataya ay may malapít ding kaugnayan sa ating Diyos. Ang pananalitang “pakabanalin nawa ang iyong pangalan” ay nagpapahiwatig na hinihiling natin kay Jehova na kumilos siya para pabanalin at linisin ang kaniyang pangalan mula sa lahat ng upasalang naidulot dito mula pa noong paghihimagsik sa Eden. Sasagutin ni Jehova ang panalanging iyan kapag inalis na niya ang lahat ng kasamaan sa lupa.—Ezek. 36:23.
13. (a) Paano matutupad ang kahilingang “dumating nawa ang iyong kaharian”? (b) Ano ang mangyayari kapag naganap na ang kalooban ng Diyos dito sa lupa?
13 “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mat. 6:10) May kinalaman sa kahilingang ito sa modelong panalangin, dapat nating tandaan na ang “kaharian” ay ang makalangit na Mesiyanikong pamahalaan sa ilalim ng paghahari ni Kristo at ng binuhay-muling “mga banal” na kasama niya. (Dan. 7:13, 14, 18; Isa. 9:6, 7) Kapag idinadalangin natin na “dumating” ito, hinihiling natin na dumating na sana ang Kaharian ng Diyos para lipulin ang lahat ng taong sumasalansang sa pamamahala ng Diyos. Malapit nang maganap iyan, anupat magbibigay-daan para maging paraiso ang buong lupa kung saan iiral ang katuwiran, kapayapaan, at kasaganaan. (Awit 72:1-15; Dan. 2:44; 2 Ped. 3:13) Ang kalooban ni Jehova ay nagaganap sa langit, at ang paghiling na maganap ito sa lupa ay isang pagsusumamo na tuparin ng Diyos ang kaniyang mga layunin para dito sa lupa, pati na ang paglipol sa mga sumasalansang sa kaniya sa ngayon gaya ng ginawa niya noong sinaunang panahon.—Basahin ang Awit 83:1, 2, 13-18.
14. Bakit angkop na hilingin natin sa Diyos ang ‘ating tinapay para sa araw na ito’?
14 “Ibigay mo sa amin ngayon ang aming tinapay para sa araw na ito.” (Mat. 6:11; Luc. 11:3) Kapag idinadalangin natin ito, hinihiling natin sa Diyos na ilaan niya ang kailangan nating pagkain “para sa araw na ito.” Ipinakikita nito na nananampalataya tayo sa kakayahan ni Jehova na sapatan ang ating mga pangangailangan sa araw-araw. Hindi ito paghiling ng sobra sa ating pangangailangan. Maaaring maalaala natin sa kahilingang ito para sa ating pang-araw-araw na pangangailangan ang utos ng Diyos sa mga Israelita na kumuha ng manna ayon sa “kani-kaniyang bahagi sa bawat araw.”—Ex. 16:4.
15. Ipaliwanag kung ano ang kahulugan ng kahilingang “patawarin mo kami sa aming mga pagkakautang, kung paanong pinatawad din namin ang mga may utang sa amin.”
15 Ang sumunod na kahilingan sa modelong panalangin ay tungkol naman sa isang bagay na dapat nating gawin. Sinabi ni Jesus: “Patawarin mo kami sa aming mga pagkakautang, kung paanong pinatawad din namin ang mga may utang sa amin.” (Mat. 6:12) Ipinakikita ng Ebanghelyo ni Lucas na ang “mga pagkakautang” na ito ay tumutukoy sa “mga kasalanan.” (Luc. 11:4) Maaari lamang tayong umasa sa kapatawaran ni Jehova kung “pinatawad din” natin ang mga nagkasala sa atin. (Basahin ang Mateo 6:14, 15.) Dapat na lubusan nating patawarin ang iba.—Efe. 4:32; Col. 3:13.
16. Paano natin dapat unawain ang mga kahilingan na huwag tayong dalhin sa tukso at iligtas tayo mula sa isa na balakyot?
16 “Huwag mo kaming dalhin sa tukso, kundi iligtas mo kami mula sa isa na balakyot.” (Mat. 6:13) Paano natin dapat unawain ang dalawang kahilingang ito sa modelong panalangin ni Jesus? Isang bagay ang tiyak: Hindi tayo tinutukso ni Jehova na magkasala. (Basahin ang Santiago 1:13.) Si Satanas—ang “isa na balakyot”—ang tunay na “Manunukso.” (Mat. 4:3) Subalit binabanggit ng Bibliya na may mga bagay na pinahihintulutan ng Diyos na maganap. (Ruth 1:20, 21; Ecles. 11:5) Kaya ang pagsusumamo na “huwag mo kaming dalhin sa tukso” ay nangangahulugan na hinihiling natin kay Jehova na huwag niyang pahintulutan na madala tayo ng tukso na sumuway sa kaniya. Ang kahilingan naman na “iligtas mo kami mula sa isa na balakyot” ay pagsusumamo kay Jehova na huwag niyang hayaan si Satanas na magtagumpay na tuksuhin tayong magkasala. At makapagtitiwala tayo na ‘hindi hahayaan ng Diyos na tuksuhin tayo nang higit sa matitiis natin.’—Basahin ang 1 Corinto 10:13.
‘Patuloy na Humingi, Maghanap, at Kumatok’
17, 18. Ano ang ibig sabihin ng ‘patuloy na humingi, maghanap, at kumatok’?
17 Hinimok ni apostol Pablo ang kaniyang mga kapananampalataya: “Magmatiyaga kayo sa pananalangin.” (Roma 12:12) Nagbigay si Jesus ng isang nakakatulad na utos nang sabihin niya: “Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo; patuloy na maghanap, at kayo ay makasusumpong; patuloy na kumatok, at bubuksan ito sa inyo. Sapagkat bawat isa na humihingi ay tumatanggap, at bawat isa na naghahanap ay nakasusumpong, at sa bawat isa na kumakatok ay bubuksan ito.” (Mat. 7:7, 8) Angkop naman na “patuloy na humingi” ng anumang bagay na kasuwato ng kalooban ng Diyos. Bilang pagsunod sa mga salita ni Jesus, sumulat si apostol Juan: “Ito ang pagtitiwala na taglay natin sa [Diyos], na, anumang bagay ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay pinakikinggan niya.”—1 Juan 5:14.
18 Ang payo ni Jesus na ‘patuloy na humingi at maghanap’ ay nangangahulugan na dapat tayong marubdob na manalangin at huwag manghimagod sa pananalangin. Kailangan din nating “patuloy na kumatok” upang makapasok sa Kaharian at makamit ang mga pagpapala, kapakinabangan, at gantimpalang dulot nito. Pero makapagtitiwala ba tayong sasagutin ng Diyos ang ating mga panalangin? Oo, kung mananatili tayong tapat kay Jehova, dahil sinabi ni Kristo: “Bawat isa na humihingi ay tumatanggap, at bawat isa na naghahanap ay nakasusumpong, at sa bawat isa na kumakatok ay bubuksan ito.” Maraming karanasan ang mga lingkod ni Jehova na nagpapatunay na siya talaga ay isang Diyos na “Dumirinig ng panalangin.”—Awit 65:2.
19, 20. Ayon sa mga salita ni Jesus na nakaulat sa Mateo 7:9-11, bakit natin masasabing isang maibiging ama si Jehova?
19 Inihambing ni Jesus ang Diyos sa isang maibiging ama na naglalaan ng mabubuting bagay sa Mat. 7:9-11.
kaniyang anak. Gunigunihin na naroroon ka nang bigkasin ang Sermon sa Bundok at narinig mong sinabi ni Jesus: “Sinong tao sa gitna ninyo ang hinihingan ng kaniyang anak ng tinapay—hindi niya siya bibigyan ng bato, hindi ba? O, kaya, hihingi siya ng isda—hindi niya siya bibigyan ng serpiyente, hindi ba? Samakatuwid, kung kayo, bagaman balakyot, ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang inyong Ama na nasa langit ay magbibigay ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kaniya!”—20 Bagaman ang isang amang tao ay masasabing “balakyot” dahil sa minana niyang kasalanan, mayroon siyang likas na pagmamahal sa kaniyang anak. Hindi niya lilinlangin ang kaniyang anak kundi sa halip ay magsisikap na paglaanan ito ng “mabubuting kaloob.” Bilang mabuting Ama, ang ating maibiging Diyos ay naglaan ng “mabubuting kaloob,” gaya ng kaniyang banal na espiritu. (Luc. 11:13) Mapapatibay tayo nito na maglingkod kay Jehova, ang Tagapaglaan ng ‘bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na regalo,’ sa paraang nakalulugod sa kaniya.—Sant. 1:17.
Patuloy na Makinabang Mula sa mga Turo ni Jesus
21, 22. Bakit kahanga-hanga ang Sermon sa Bundok, at ano ang masasabi mo sa mga turong ito ni Jesus?
21 Oo, ang Sermon sa Bundok ang pinakamagandang pahayag sa buong lupa. Kahanga-hanga ito dahil napakalinaw nito at napakarami nating matututuhan dito tungkol sa Diyos. Gaya ng ipinakikita ng mga puntong natutuhan natin sa serye ng mga artikulong ito, makikinabang tayong mabuti kung ikakapit natin ang mga payong masusumpungan sa sermong ito. Ang mga turong ito ni Jesus ay makakatulong sa atin na magkaroon ng mas maligayang buhay sa ngayon at isang magandang pag-asa sa hinaharap.
22 Sa mga artikulong ito, sinuri natin ang ilan lamang sa espirituwal na mga hiyas sa Sermon sa Bundok ni Jesus. Hindi kataka-taka na ‘lubhang namangha sa kaniyang paraan ng pagtuturo’ ang mga nakarinig ng kaniyang pahayag. (Mat. 7:28) Tiyak na iyan din ang magiging reaksiyon natin kapag pinuno natin ang ating puso’t isip ng mga bagay na ito at ng iba pang napakahalagang mga turo ng Dakilang Guro, si Jesu-Kristo.
Anu-ano ang Iyong Sagot?
• Ano ang sinabi ni Jesus hinggil sa mapagpaimbabaw na mga panalangin?
• Bakit hindi dapat paulit-ulit ang mga salitang binibigkas natin kapag tayo’y nananalangin?
• Anu-anong kahilingan ang binanggit sa modelong panalangin ni Jesus?
• Paano tayo ‘patuloy na hihingi, maghahanap, at kakatok’?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 15]
Hinatulan ni Jesus ang mga mapagpaimbabaw na nananalangin para lamang makita at marinig ng iba
[Larawan sa pahina 17]
Alam mo ba kung bakit angkop na manalangin para sa ating pang-araw-araw na tinapay?