‘Patuloy Silang Sumusunod sa Kordero’
‘Patuloy Silang Sumusunod sa Kordero’
“Ito ang mga patuloy na sumusunod sa Kordero saanman siya pumaroon.”—APOC. 14:4.
1. Ano ang naging saloobin ng tunay na mga alagad ni Jesus hinggil sa pagsunod sa kaniya?
MGA dalawa at kalahating taon na ang nakalilipas mula nang magsimula si Jesus sa kaniyang ministeryo, ‘nagturo siya sa pangmadlang kapulungan sa Capernaum.’ Dahil nagulat at hindi matanggap ang kaniyang sinabi, “marami sa kaniyang mga alagad ang bumalik sa mga bagay na nasa likuran at hindi na lumakad na kasama niya.” Nang tanungin ni Jesus ang kaniyang 12 apostol kung gusto rin nilang umalis, sumagot si Simon Pedro: “Panginoon, kanino kami paroroon? Ikaw ang may mga pananalita ng buhay na walang hanggan; at naniwala kami at nalaman namin na ikaw ang Banal ng Diyos.” (Juan 6:48, 59, 60, 66-69) Hindi iniwan ng kaniyang tunay na mga alagad si Jesus. Pagkatapos silang pahiran ng banal na espiritu, patuloy silang nagpasakop sa patnubay ni Jesus.—Gawa 16:7-10.
2. (a) Sino “ang tapat at maingat na alipin,” o “ang tapat na katiwala”? (b) Paano nagkaroon ng mahusay na rekord sa ‘pagsunod sa Kordero’ ang alipin?
2 Kumusta naman ang mga pinahirang Kristiyano sa modernong panahon? Sa hula ni Jesus tungkol sa “tanda ng [kaniyang] pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay,” tinukoy niya ang kalipunan ng pinahiran-ng-espiritung mga tagasunod niya sa lupa bilang “ang tapat at maingat na alipin,” o “ang tapat na katiwala.” (Mat. 24:3, 45; Luc. 12:42) Bilang isang grupo, ang uring aliping ito ay may mahusay na rekord ng ‘pagsunod sa Kordero saanman siya pumaroon.’ (Basahin ang Apocalipsis 14:4, 5.) Ang mga miyembro nito ay nananatiling birhen sa diwa na hindi nila dinudungisan ang kanilang sarili ng mga paniniwala at gawain ng “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apoc. 17:5) Walang huwad na mga doktrina ang ‘nasusumpungan sa kanilang mga bibig,’ at nananatili silang “walang dungis” mula sa sanlibutan ni Satanas. (Juan 15:19) Sa hinaharap, ang mga nalabing pinahiran ay “susunod” sa Kordero sa langit.—Juan 13:36.
3. Bakit mahalaga para sa atin na magtiwala sa uring alipin?
3 Ang tapat at maingat na alipin ang inatasan ni Jesus na mangasiwa “sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan,” samakatuwid nga, sa indibiduwal na mga miyembro ng uring alipin, “upang magbigay sa kanila ng kanilang pagkain sa tamang panahon.” Inatasan din niya ang alipin na mangasiwa “sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.” (Mat. 24:45-47) Kasama sa ‘mga pag-aaring’ ito ang dumaraming “malaking pulutong” ng “ibang mga tupa.” (Apoc. 7:9; Juan 10:16) Hindi ba dapat lamang na magtiwala ang indibiduwal na mga miyembro ng pinahiran at ang “ibang mga tupa” sa alipin na pinagkatiwalaang mangasiwa sa kanila? Maraming dahilan kung bakit karapat-dapat ang uring alipin sa ating pagtitiwala. Dalawa sa natatanging dahilan ay: (1) Nagtitiwala si Jehova sa uring alipin. (2) Nagtitiwala rin si Jesus sa aliping ito. Isaalang-alang natin ang katibayan na lubusang nagtitiwala sa tapat at maingat na alipin kapuwa ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo.
Nagtitiwala si Jehova sa Alipin
4. Bakit tayo makapagtitiwala sa ibinibigay na espirituwal na pagkain ng tapat at maingat na alipin?
4 Pansinin kung paano nagagawa ng tapat at maingat na alipin na maglaan ng napapanahon at kinakailangang espirituwal na pagkain. “Pagkakalooban kita ng kaunawaan at tuturuan kita hinggil sa daan na dapat mong lakaran,” ang sabi ni Jehova. Idinagdag pa niya: “Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.” (Awit 32:8) Oo, si Jehova ang pumapatnubay sa alipin. Kung gayon, makapagtitiwala tayo sa unawa at patnubay sa Kasulatan na tinatanggap natin mula sa alipin.
5. Ano ang nagpapakita na pinalalakas ng espiritu ng Diyos ang uring alipin?
5 Pinagpapala rin ni Jehova ang uring alipin sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. Bagaman hindi nakikita ang espiritu ni Jehova, nakikita naman ang mga bunga nito sa mga tao. Isipin na lamang kung ano na ang nagawa ng tapat at maingat na alipin sa pagbibigay ng patotoo sa buong daigdig tungkol sa Diyos na Jehova, sa kaniyang Anak, at sa Kaharian. Ang mga mananamba ni Jehova ay aktibo sa paghahayag ng mensahe ng Kaharian sa mahigit na 230 lupain at grupo ng mga isla. Hindi ba iyan isang matibay na patotoo na pinalalakas ng espiritu ng Diyos ang alipin? (Basahin ang Gawa 1:8.) Upang maibigay ang napapanahong espirituwal na pagkain para sa bayan ni Jehova sa buong daigdig, ang uring alipin ay dapat gumawa ng mahahalagang pasiya. Sa paggawa at pagpapatupad ng mga ito, nagpapakita ang alipin ng pag-ibig, kahinahunan, at iba pang aspekto ng mga bunga ng espiritu.—Gal. 5:22, 23.
6, 7. Gaano kalaki ang pagtitiwala ni Jehova sa tapat na alipin?
6 Para maunawaan kung gaano kalaki ang pagtitiwala ni Jehova sa tapat na alipin, isipin kung ano ang ipinangako niya sa mga miyembro nito. “Ang trumpeta ay tutunog,” ang isinulat ni apostol Pablo, “at ang mga patay ay ibabangon na walang kasiraan, at tayo ay babaguhin. Sapagkat ito na nasisira ay kailangang magbihis ng kawalang-kasiraan, at ito na mortal ay kailangang magbihis ng imortalidad.” (1 Cor. 15:52, 53) Ang mga pinahirang tagasunod ni Kristo, na tapat na naglingkod sa Diyos at namatay taglay ang nasisirang katawan ng tao, ay hindi lamang bubuhaying muli bilang mga espiritung nilalang na may walang-hanggang buhay. Sila ay magiging imortal. Higit pa riyan, tatanggap sila ng kawalang-kasiraan, samakatuwid nga, pagkakalooban sila ng katawang hindi nabubulok at malamang ay may kakayahang sustinihan ang sarili. Inilalarawan sa Apocalipsis 4:4 ang mga binuhay-muling ito na nakaupo sa mga trono at may ginintuang mga korona sa kanilang mga ulo. Ang kaluwalhatian ng pagiging hari sa Kaharian ang naghihintay sa mga pinahirang Kristiyanong ito. Pero hindi lamang iyan ang patotoo na nagtitiwala ang Diyos sa mga pinahiran.
7 “Ang kasal ng Kordero ay dumating na at ang kaniyang asawa ay naghanda na ng kaniyang sarili. Oo, ipinagkaloob sa kaniya na magayakan ng maningning, malinis, mainam na lino, sapagkat ang mainam na lino ay kumakatawan sa matuwid na mga gawa ng mga banal,” ang sabi sa Apocalipsis 19:7, 8. Pinili ni Jehova ang mga pinahirang Kristiyano para maging asawang babae ng kaniyang Anak. Kawalang-kasiraan, imortalidad, pagiging hari, at pagiging ‘kasal sa Kordero’—talaga ngang kamangha-manghang mga gantimpala! Matibay na patotoo ang mga ito na nagtitiwala ang Diyos sa mga pinahiran na “patuloy na sumusunod sa Kordero saanman siya pumaroon.”
Pinagkakatiwalaan ni Jesus ang Alipin
8. Paano ipinakita ni Jesus na nagtitiwala siya sa kaniyang pinahiran-ng-espiritung mga tagasunod?
8 Ano ang patotoo na lubusang nagtitiwala si Jesus sa kaniyang pinahiran-ng-espiritung mga tagasunod? Sa huling gabi ng kaniyang buhay sa lupa, nangako si Jesus sa kaniyang 11 tapat na apostol. “Kayo ang mga nanatiling kasama ko sa aking mga pagsubok,” ang sabi niya sa kanila, “at nakikipagtipan ako sa inyo, kung paanong ang aking Ama ay nakipagtipan sa akin, ukol sa isang kaharian, upang kayo ay makakain at makainom sa aking mesa sa kaharian ko, at makaupo sa mga trono upang humatol sa labindalawang tribo ng Israel.” (Luc. 22:28-30) Sa kalaunan, ang lahat ng bumubuo sa 144,000 pinahirang Kristiyano ay magiging bahagi ng pakikipagtipan ni Jesus sa 11 apostol. (Luc. 12:32; Apoc. 5:9, 10; 14:1) Makikipagtipan ba si Jesus sa kanila upang ibahagi ang kaniyang kapangyarihan ng Kaharian kung wala siyang tiwala sa kanila?
9. Anu-ano ang ilan ‘sa pag-aari ni Kristo’?
9 Karagdagan pa, inatasan ni Jesu-Kristo ang tapat at maingat na alipin “sa lahat ng kaniyang mga pag-aari”—sa lahat ng bagay rito sa lupa na may kaugnayan sa Kaharian. (Mat. 24:47) Ang ilan sa mga pag-aaring ito ay ang mga pasilidad sa punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, mga tanggapang pansangay sa iba’t ibang lupain, at mga Assembly Hall at Kingdom Hall sa buong daigdig. Kasama rin dito ang gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng alagad. Ipagkakatiwala ba at ipagagamit sa iba ng isang tao ang lahat ng kaniyang mahahalagang pag-aari kung hindi niya ito pinagkakatiwalaan?
10. Ano ang nagpapakitang pinapatnubayan ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga pinahirang tagasunod?
10 Bago siya umakyat sa langit, nagpakita ang binuhay-muling si Jesus sa kaniyang tapat na mga alagad at nangako sa kanila na sinasabi: “Narito! Ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mat. 28:20) Tinupad ba ni Jesus ang pangakong ito? Sa nakalipas na 15 taon, ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay dumami mula sa mga 70,000 hanggang sa mahigit 100,000—mahigit na 40 porsiyentong pagtaas. At gaano karaming bagong mga alagad ang nadagdag? Halos 4.5 milyong alagad ang nabautismuhan sa nakalipas na 15 taon—mga 800 bawat araw sa katamtaman. Ang kamangha-manghang mga pagdaming ito ay matibay na patotoo na pinapatnubayan at sinusuportahan ni Kristo ang kaniyang mga pinahirang tagasunod sa kanilang mga pagpupulong sa kongregasyon at sa kanilang paggawa ng alagad.
Ang Alipin ay Tapat at Maingat
11, 12. Paano ipinakita ng alipin na siya ay tapat at maingat?
11 Yamang lubusang nagtitiwala ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo sa tapat at maingat na alipin, hindi ba dapat na ganiyan din ang gawin natin? Tutal, pinatunayan ng alipin na tapat siya sa pagganap sa kaniyang atas. Halimbawa, 130 taon nang inilalathala ang magasing Bantayan. Ang mga pagpupulong, asamblea, at kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova ay patuloy na nagpapatibay sa ating pananampalataya.
12 Ang tapat na alipin ay maingat din yamang hinihintay muna nitong magbigay si Jehova ng tagubilin bago kumilos, at kumikilos naman agad kapag may malinaw nang tagubilin ang Diyos sa mga bagay-bagay. Halimbawa, habang tuwirang sinasang-ayunan o tahasang kinukunsinti ng mga lider ng huwad na relihiyon ang sakim at di-makadiyos na paggawi ng mga tao sa sanlibutan anupat itinuturing nila itong normal, ang alipin naman ay naglalaan ng mga babala laban sa mga patibong ng balakyot na sistema ni Satanas. Nakapaglalaan ang alipin ng napapanahong mga babala dahil pinagpapala ito ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo. Kaya naman, nararapat lamang na lubusang tayong magtiwala sa alipin. Kung gayon, paano natin maipapakita na nagtitiwala tayo sa tapat at maingat na alipin?
Sumama sa mga Pinahiran sa Kanilang Pagsunod sa Kordero
13. Ayon sa hula ni Zacarias, paano natin maipapakita ang pagtitiwala sa tapat at maingat na alipin?
13 Binabanggit sa aklat ng Bibliya na Zacarias ang “sampung lalaki” na lumapit sa “lalaki na isang Judio” at nagsabi: “Yayaon kaming kasama ninyo.” (Basahin ang Zacarias 8:23.) Yamang ang salitang “ninyo” ay tumutukoy sa “lalaki na isang Judio,” kumakatawan ito sa isang grupo ng mga tao. Sa ating panahon, kumakatawan siya sa mga nalabi ng pinahiran-ng-espiritung Kristiyano—bahagi ng “Israel ng Diyos.” (Gal. 6:16) Ang “sampung lalaki mula sa lahat ng wika ng mga bansa” ay kumakatawan sa malaking pulutong ng ibang mga tupa. Kung paanong sinusundan ng mga pinahirang Kristiyano si Jesus saanman siya magpunta, ang malaking pulutong ay ‘yumayaong kasama,’ o sumasama, sa tapat at maingat na alipin. Hindi kailanman dapat ikahiya ng mga kabilang sa malaking pulutong na mga kasamahan sila ng “mga kabahagi sa makalangit na pagtawag.” (Heb. 3:1) Hindi nahiya si Jesus na tawagin ang mga pinahiran na kaniyang “mga kapatid.”—Heb. 2:11.
14. Paano natin maipapakita ang tapat na pagsuporta sa mga kapatid ni Kristo?
14 Sinabi ni Jesu-Kristo na kapag tapat nating sinusuportahan ang kaniyang mga kapatid, para na rin natin siyang sinusuportahan. (Basahin ang Mateo 25:40.) Kung gayon, sa anong paraan masusuportahan ng mga may makalupang pag-asa ang pinahiran-ng-espiritung mga kapatid ni Kristo? Pangunahin na sa pagtulong sa kanila sa gawaing pangangaral ng Kaharian. (Mat. 24:14; Juan 14:12) Sa paglipas ng mga dekada, habang umuunti ang mga pinahiran dito sa lupa, dumarami naman ang ibang mga tupa. Kapag nakikibahagi sa gawaing pagpapatotoo ang mga may makalupang pag-asa anupat naglilingkod bilang mga buong-panahong ebanghelisador kung posible, sinusuportahan nila ang mga pinahiran ng espiritu sa pagganap sa kanilang atas na paggawa ng alagad. (Mat. 28:19, 20) Mahalaga rin na suportahan natin sila sa gawaing ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pinansiyal na kontribusyon sa iba’t ibang paraan.
15. Paano dapat tumugon ang indibiduwal na mga Kristiyano sa napapanahong espirituwal na pagkain na ibinibigay ng alipin at sa mga pagpapasiyang ginagawa nila may kinalaman sa kaayusan ng organisasyon?
15 Bilang indibiduwal na mga Kristiyano, ano ang pangmalas natin sa napapanahong espirituwal na pagkain na ibinibigay ng tapat na alipin sa pamamagitan ng salig-Bibliyang mga publikasyon at mga pagtitipong Kristiyano? Pinahahalagahan ba natin ang mga paglalaang ito at kusang-loob na ikinakapit ang ating natututuhan? Ano ang ating tugon sa mga pagpapasiya na ginagawa ng alipin may kinalaman sa kaayusan ng organisasyon? Ang ating pagiging handang sumunod sa mga tagubilin nila ay patotoo na nagtitiwala tayo sa paraan ni Jehova ng paglalaan ng patnubay.—Sant. 3:17.
16. Bakit dapat makinig ang lahat ng Kristiyano sa mga kapatid ni Kristo?
16 “Ang aking mga tupa ay nakikinig sa aking tinig,” ang sabi ni Jesus, “at kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin.” (Juan 10:27) Iyan ay totoo sa mga pinahirang Kristiyano. Kumusta naman ang mga ‘yumayaong kasama’ nila? Dapat silang makinig kay Jesus. Dapat din silang makinig sa kaniyang mga kapatid dahil ang mga ito ang pangunahin nang inatasang mag-asikaso sa espirituwal na kapakanan ng bayan ng Diyos. Ano ang nasasangkot sa pakikinig sa tinig ng mga kapatid ni Kristo?
17. Ano ang nasasangkot sa pakikinig sa uring alipin?
17 Ang tapat at maingat na alipin sa ngayon ay kinakatawanan ng Lupong Tagapamahala, na siyang nangunguna at nag-oorganisa sa gawaing pangangaral ng Kaharian sa buong lupa. Ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ay makaranasan at pinahiran-ng-espiritung matatanda. Sila mismo ay mailalarawan bilang “yaong mga nangunguna” sa atin. (Heb. 13:7) Para mapangalagaan ang mahigit na 7,000,000 tagapaghayag ng Kaharian sa buong daigdig sa mahigit na 100,000 kongregasyon, ang mga pinahirang tagapangasiwang ito ay “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.” (1 Cor. 15:58) Ang pakikinig sa uring alipin ay nangangahulugan ng lubusan nating pakikipagtulungan sa Lupong Tagapamahala.
Pinagpapala Yaong mga Nakikinig sa Alipin
18, 19. (a) Paano pagpapalain ang mga nakikinig sa tapat at maingat na alipin? (b) Ano ang dapat na maging determinado nating gawin?
18 Mula nang atasan ang tapat at maingat na alipin, siya ay “nagdadala ng marami tungo sa katuwiran.” (Dan. 12:3) Kasama sa mga ito ang makaliligtas sa pagkawasak ng kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay. Kaylaki ngang pagpapala ang pagkakaroon ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos!
19 Sa hinaharap, kapag ‘ang banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem [na binubuo ng 144,000] ay bumabang galing sa langit mula sa Diyos at nahahandang gaya ng isang kasintahang babae na nagagayakan para sa kaniyang asawang lalaki,’ ano ang mararanasan ng mga nakinig sa alipin? “Ang Diyos mismo ay sasakanila,” ang sabi ng Bibliya. “At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apoc. 21:2-4) Oo, marami tayong dahilan para makinig kay Kristo at sa kaniyang mapagkakatiwalaang pinahiran-ng-espiritung mga kapatid.
Ano ang Natutuhan Mo?
• Ano ang mga katibayan na pinagkakatiwalaan ni Jehova ang tapat at maingat na alipin?
• Ano ang nagpapakita na lubusang nagtitiwala si Jesu-Kristo sa uring alipin?
• Bakit nararapat na magtiwala tayo sa tapat na katiwala?
• Paano natin maipapakita na nagtitiwala tayo sa alipin?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 25]
Alam mo ba kung sino ang pinili ni Jehova na maging asawang babae ng kaniyang Anak?
[Mga larawan sa pahina 26]
Ipinagkatiwala ni Jesu-Kristo sa tapat at maingat na alipin ang kaniyang “mga pag-aari”
[Larawan sa pahina 27]
Kapag nakikibahagi tayo sa gawaing pagpapatotoo, sinusuportahan natin ang mga pinahiran ng espiritu