Pagkilala kay Jesus Bilang Lalong Dakilang David at Solomon
Pagkilala kay Jesus Bilang Lalong Dakilang David at Solomon
“Narito! isang higit pa kaysa kay Solomon ang narito.”—MAT. 12:42.
1, 2. Sa mata ng tao, bakit kataka-takang si David ang pinahiran ni Samuel na maging hari?
HINDI siya mukhang hari. Para kay Samuel, isa lamang siyang batang pastol. Bukod diyan, nagmula siya sa Betlehem, isang “napakaliit [na bayan] upang mapabilang sa libu-libo ng Juda.” (Mik. 5:2) Gayunpaman, ang waring ordinaryong kabataang ito na si David ay papahiran ni propeta Samuel para maging hari ng Israel.
2 Si David ang bunsong anak na lalaki ni Jesse, isang tapat na lingkod ng Diyos. Inutusan ng Diyos si Samuel na pahiran ang isa sa mga anak ni Jesse upang maging hari. Hindi sukat akalain ni Samuel na si David ang mapipiling hari. Wala nga siya sa kanilang bahay nang dumating si Samuel. 1 Sam. 16:1-10.
Pero si David ang pinili ni Jehova, at iyon ang mahalaga.—3. (a) Ano ang pinakamahalaga kay Jehova kapag sinusuri niya ang isang tao? (b) Ano ang nangyari kay David pagkatapos siyang pahiran ni Samuel?
3 Hindi gaya ni Samuel, nakita ni Jehova ang laman ng puso ni David, at nalugod siya rito. Para sa Diyos, hindi mahalaga ang panlabas na hitsura ng isang tao kundi kung ano ang nasa puso nito. (Basahin ang 1 Samuel 16:7.) Kaya nang malaman ni Samuel na walang napili si Jehova sa pitong nakatatandang anak ni Jesse, ipinasundo niya ang bunsong anak nito mula sa pastulan. Sinabi ng ulat: “Sa gayon ay nagsugo [si Jesse] at pinapunta [si David]. At siya ay may mapulang kutis, isang kabataang lalaki na may magagandang mata at makisig ang anyo. Nang magkagayon ay sinabi ni Jehova: ‘Tumindig ka, pahiran mo siya, sapagkat siya na nga!’ Sa gayon ay kinuha ni Samuel ang sungay ng langis at pinahiran siya sa gitna ng kaniyang mga kapatid. At ang espiritu ni Jehova ay nagsimulang kumilos kay David magmula nang araw na iyon.”—1 Sam. 16:12, 13.
Si David ay Lumalarawan kay Kristo
4, 5. (a) Banggitin ang ilang pagkakatulad ni David at ni Jesus. (b) Bakit si Jesus ang Lalong Dakilang David?
4 Sa Betlehem isinilang si David. Pagkalipas ng mga 1,100 taon, sa lugar ding ito isinilang si Jesus. Para sa marami, hindi rin mukhang hari si Jesus sa diwa na hindi siya ang uri ng hari na inaasahan ng Israel. Pero gaya ni David, siya ang pinili at minamahal ni Jehova. * (Luc. 3:22) Sa kaso rin ni Jesus, ‘ang espiritu ni Jehova ay nagsimulang kumilos sa kaniya.’
5 May pagkakatulad pa si Jesus kay David. Halimbawa, ipinagkanulo si David ng kaniyang tagapayo, si Ahitopel. Si Jesus naman ay ipinagkanulo ng kaniyang apostol na si Hudas Iscariote. (Awit 41:9; Juan 13:18) Pareho nilang ipinakita ang kanilang sigasig para sa dako ng pagsamba kay Jehova. (Awit 27:4; 69:9; Juan 2:17) Si Jesus ay tagapagmana rin ni David. Bago isilang si Jesus, sinabi ng anghel sa kaniyang ina: “Ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama.” (Luc. 1:32; Mat. 1:1) Subalit yamang ang lahat ng Mesiyanikong pangako ay matutupad kay Jesus, siya ang Lalong Dakilang David, ang inaasam-asam na Mesiyanikong Hari.—Juan 7:42.
Sundan ang Pastol na Hari
6. Bakit isang mabuting pastol si David?
6 Si Jesus ay isa ring pastol. Ano ang mga katangian ng isang mabuting pastol? Palagi niyang inaalagaan at pinakakain ang kaniyang kawan. Lakas-loob din niyang ipinagsasanggalang ito. (Awit 23:2-4) Noong kabataan si David, isa siyang pastol. Inalagaan niyang mabuti ang mga tupa ng kaniyang ama. Lakas-loob niyang ipinagsanggalang ang kawan mula sa isang leon at isang oso kahit nanganib ang kaniyang buhay.—1 Sam. 17:34, 35.
7. (a) Ano ang nakatulong kay David para magampanan ang kaniyang tungkulin bilang hari? (b) Bakit si Jesus ang Mabuting Pastol?
7 Maraming taon ang ginugol ni David sa pag-aalaga ng mga tupa sa mga parang at burol. Ito ang naghanda sa kaniya para magampanan ang mahirap na tungkulin at pananagutang pastulan ang bansang Israel. * (Awit 78:70, 71) Ipinakita ni Jesus na isa rin siyang mahusay na pastol. Si Jehova ang nagbibigay ng lakas at patnubay sa kaniya habang pinapastulan niya ang kaniyang “munting kawan” at “ibang mga tupa.” (Luc. 12:32; Juan 10:16) Bilang Mabuting Pastol, kilalang-kilala ni Jesus ang kaniyang mga tupa anupat tinatawag sila sa kanilang pangalan. Mahal na mahal niya sila at handa siyang ibigay ang kaniyang buhay alang-alang sa kanila. (Juan 10:3, 11, 14, 15) Pero nakahihigit si Jesus kay David. Ang kaniyang haing pantubos ang nagbukas ng daan para maligtas ang sangkatauhan sa kamatayan. Papastulan niya ang kaniyang “munting kawan” para makamit ang imortal na buhay sa langit. Aakayin din niya ang kaniyang “ibang mga tupa” upang makamit ang buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan kung saan wala nang mga tulad-lobong maninila. Walang makahahadlang sa kaniya na gawin ang mga ito.—Basahin ang Juan 10:27-29.
Sundan ang Manlulupig na Hari
8. Bakit masasabing isang manlulupig na hari si David?
8 Si Haring David ay matapang na mandirigma na handang ipagsanggalang ang lupain ng bayan ng Diyos. Sa kaniyang pamamahala, lumawak ang mga hangganan ng bansa mula sa ilog ng Ehipto hanggang sa ilog ng Eufrates. “Laging inililigtas ni Jehova si David saanman siya pumaroon.” (2 Sam. 8:1-14) Dahil sa lakas na ibinigay ni Jehova, naging makapangyarihang tagapamahala siya. Sinasabi ng Bibliya: “Ang kabantugan ni David ay nagsimulang lumaganap sa lahat ng lupain, at pinasapitan ni Jehova ng panghihilakbot sa kaniya ang lahat ng bansa.”—1 Cro. 14:17.
9. Paano naging isang manlulupig si Jesus bilang Haring Itinalaga?
9 Tulad ni Haring David, matapang na tao rin si Jesus. Bilang Haring Itinalaga, ipinakita niyang may awtoridad siya sa mga demonyo anupat pinalaya ang mga biktima nito. (Mar. 5:2, 6-13; Luc. 4:36) Maging ang pangunahing kaaway na si Satanas na Diyablo ay walang kapangyarihan sa kaniya. Sa tulong ni Jehova, nadaig ni Jesus ang sanlibutang nasa kapangyarihan ni Satanas.—Juan 14:30; 16:33; 1 Juan 5:19.
10, 11. Ano ang papel ni Jesus bilang Mandirigmang-Hari sa langit?
10 Mga 60 taon pagkamatay ni Jesus at pagkabuhay niyang muli, tumanggap si apostol Juan ng pangitain hinggil sa magiging papel ni Jesus bilang Mandirigmang-Hari sa langit. Sumulat si Juan: “Narito! isang kabayong puti; at ang isa na nakaupo sa ibabaw nito ay may isang busog; at isang korona ang ibinigay sa kaniya, at humayo siyang nananaig at upang lubusin ang kaniyang pananaig.” (Apoc. 6:2) Si Jesus ang nakasakay sa kabayong puti. “Isang korona ang ibinigay sa kaniya” noong 1914 nang siya’y iluklok bilang Hari sa langit. Di-nagtagal, “humayo siyang nananaig.” Nilupig niya si Satanas at inihagis ito at ang mga demonyo nito sa lupa. (Apoc. 12:7-9) Oo, tulad ni David, si Jesus ay isang manlulupig na hari. Magiging ‘lubos ang kaniyang pananaig’ kapag lubusan na niyang nilipol ang masamang sistema ni Satanas.—Basahin ang Apocalipsis 19:11, 19-21.
11 Gaya ni David, si Jesus ay isa ring mahabaging hari, at iingatan niya ang “malaking pulutong” upang makatawid sa Armagedon. (Apoc. 7:9, 14) Bukod diyan, sa ilalim ng pamamahala ni Jesus at ng binuhay-muling 144,000, magkakaroon ng “pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Ang mga bubuhaying muli sa lupa ay magkakaroon ng pag-asang mabuhay magpakailanman. Napakaganda ng kanilang kinabukasan! Maging determinado nawa tayong patuloy na ‘gumawa ng mabuti’ upang maging isa sa mga matuwid at maligayang sakop ng Lalong Dakilang David.—Awit 37:27-29.
Sinagot ang Panalangin ni Solomon Para sa Karunungan
12. Ano ang hiniling ni Solomon kay Jehova?
12 Ang anak ni David na si Solomon ay lumalarawan din kay Jesus. * Nang maging hari si Solomon, nagpakita si Jehova sa kaniya sa panaginip at sinabi na ibibigay Niya ang anumang hingin nito. Maaari sanang humiling si Solomon ng kayamanan, kapangyarihan, o mahabang buhay. Pero hindi siya naging makasarili. Sinabi niya kay Jehova: “Bigyan mo ako ngayon ng karunungan at kaalaman upang ako ay makalabas sa harap ng bayang ito at upang ako ay makapasok, sapagkat sino ang makahahatol sa malaking bayan mong ito?” (2 Cro. 1:7-10) Sinagot ni Jehova ang panalangin ni Solomon. —Basahin ang 2 Cronica 1:11, 12.
13. Ano ang nagpapakitang walang katumbas ang karunungan ni Solomon? Kanino nagmula ang kaniyang karunungan?
13 Hangga’t nananatiling tapat si Solomon kay Jehova, walang makatutumbas sa kaniyang karunungan. Nakabigkas siya ng “tatlong libong kawikaan.” (1 Hari 4:30, 32, 34) Naisulat ang marami sa mga ito, at binabasa pa rin ng mga naghahanap ng karunungan. Naglakbay ang reyna ng Sheba nang mga 2,400 kilometro upang masubok ang karunungan ni Solomon. Nagbangon siya ng “mga palaisipang tanong.” Humanga siya sa mga sagot ni Solomon at sa kasaganaan ng kaharian nito. (1 Hari 10:1-9) Isiniwalat ng Bibliya kung kanino nagmula ang karunungan ni Solomon: “Hinahanap ng lahat ng tao sa lupa ang mukha ni Solomon upang marinig ang kaniyang karunungan na inilagay ng Diyos sa kaniyang puso.”—1 Hari 10:24.
Sundan ang Matalinong Hari
14. Paano ‘nakahihigit kay Solomon’ si Jesus?
14 Si Jesu-Kristo lamang ang taong nabuhay na nakahigit sa karunungan ni Solomon. Inilarawan niya ang kaniyang sarili bilang ‘isa na nakahihigit kay Solomon.’ (Mat. 12:42) Bumigkas si Jesus ng “mga pananalita ng buhay na walang hanggan.” (Juan 6:68) Halimbawa, pinalawak ng Sermon sa Bundok ang ilan sa mga kawikaan ni Solomon. Binanggit ni Solomon ang ilang bagay na magdudulot ng kaligayahan sa isang mananamba ni Jehova. (Kaw. 3:13; 8:32, 33; 14:21; 16:20) Idiniin naman ni Jesus na ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa mga bagay na may kaugnayan sa pagsamba kay Jehova at sa katuparan ng mga pangako ng Diyos. Sinabi niya: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, yamang ang kaharian ng langit ay sa kanila.” (Mat. 5:3) Ang mga nagkakapit ng mga simulaing itinuro ni Jesus ay nagiging mas malapít kay Jehova, ang “bukal ng buhay.” (Awit 36:9; Kaw. 22:11; Mat. 5:8) Si Kristo ang lumalarawan sa “karunungan ng Diyos.” (1 Cor. 1:24, 30) Bilang Mesiyanikong Hari, taglay ni Jesu-Kristo ang “espiritu ng karunungan.”—Isa. 11:2.
15. Paano tayo makikinabang sa karunungan ng Diyos?
15 Bilang mga tagasunod ng Lalong Dakilang Solomon, paano tayo makikinabang sa karunungan ng Diyos? Yamang makikita ang karunungan ni Jehova sa Bibliya, dapat tayong magsikap na pag-aralan at bulay-bulayin itong mabuti, partikular na ang mga turo ni Jesus. (Kaw. 2:1-5) Bukod diyan, dapat tayong patuloy na humingi ng karunungan sa Diyos. Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos na sasagutin ang ating taimtim na panalangin ukol sa tulong. (Sant. 1:5) Sa tulong ng banal na espiritu, masusumpungan natin sa Salita ng Diyos ang karunungang makatutulong sa atin na harapin ang mga problema at gumawa ng tamang mga pasiya. (Luc. 11:13) Tinukoy rin si Solomon bilang “tagapagtipon” na ‘patuloy na nagtuturo ng kaalaman sa mga tao.’ (Ecles. 12:9, 10) Bilang Ulo ng kongregasyong Kristiyano, si Jesus ay tagapagtipon din ng kaniyang bayan. (Juan 10:16; Col. 1:18) Kung gayon, makabubuting daluhan natin ang mga Kristiyanong pagtitipon, kung saan ‘patuloy tayong tinuturuan.’
16. Ano ang pagkakatulad ni Solomon at ni Jesus?
16 Maraming nagawa si Solomon bilang hari. Nagpagawa siya ng mga kalsada at sistema ng patubig. Pinangasiwaan din niya ang proyekto ng pagtatayo ng mga palasyo, imbakang lunsod, lunsod ng karo, at mga lunsod para sa mga mangangabayo. (1 Hari 9:17-19) Nakinabang dito ang buong kaharian. Nagtayo rin si Jesus. Itinayo niya ang kaniyang kongregasyon sa “batong-limpak.” (Mat. 16:18) Siya rin ang mangangasiwa sa mga proyekto ng pagtatayo sa bagong sanlibutan.—Isa. 65:21, 22.
Sundan ang Hari ng Kapayapaan
17. (a) Ano ang kapansin-pansin sa pamamahala ni Solomon? (b) Ano ang hindi nagawa ni Solomon?
17 Ang pangalan ni Solomon ay nagmula sa salita na nangangahulugang “kapayapaan.” Siya ay namahala mula sa Jerusalem. Ang pangalang Jerusalem ay nangangahulugang “Pagtataglay ng Dobleng Kapayapaan.” Sa kaniyang 40 taóng paghahari, naranasan ng buong Israel ang walang-katulad na kapayapaan. Ganito ang sinabi ng Bibliya: “Ang Juda at ang Israel ay patuloy na nanahanan nang tiwasay, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang sariling punong ubas at sa ilalim ng kaniyang sariling puno ng igos, mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba, sa lahat ng mga araw ni Solomon.” (1 Hari 4:25) Gayunpaman, sa kabila ng karunungan ni Solomon, hindi pa rin niya napalaya ang kaniyang mga sakop mula sa kasalanan at sa mga epekto nito, ang sakit at kamatayan. Pero palalayain ng Lalong Dakilang Solomon ang kaniyang mga sakop mula sa lahat ng ito.—Basahin ang Roma 8:19-21.
18. Ano ang natatamasa natin sa loob ng kongregasyong Kristiyano?
18 Sa ngayon, may kapayapaan sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Oo, natatamasa natin ang espirituwal na paraiso. Mapayapa rin ang ating kaugnayan sa Diyos at sa ating kapuwa. Pansinin ang inihula ni Isaias tungkol sa nararanasan natin sa ngayon: “Pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.” (Isa. 2:3, 4) Kapag kumikilos tayo kasuwato ng espiritu ng Diyos, itinataguyod natin ang kapayapaang ito.
19, 20. Bakit tayo dapat magsaya?
19 Subalit sa hinaharap, magiging mas maganda ang kalagayan. Habang natatamasa ng masunuring mga tao ang walang-katulad na kapayapaan sa ilalim ng pamamahala ni Jesus, unti-unti silang “palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan” hanggang sa maging sakdal sila. (Roma 8:21) Kapag nakapasa ang “maaamo” sa huling pagsubok pagkatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, “magmamay-ari [sila] ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:11; Apoc. 20:7-10) Talaga ngang nakahihigit ang pamamahala ni Kristo Jesus sa pamamahala ni Solomon!
20 Kung paanong nagsaya ang Israel sa pangangasiwa nina Moises, David, at Solomon, higit tayong magsasaya sa ilalim ng pamamahala ni Kristo. (1 Hari 8:66) Salamat kay Jehova at ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak—ang Lalong Dakilang Moises, David, at Solomon!
[Mga talababa]
^ par. 4 Malamang na ang pangalan ni David ay nangangahulugang “Minamahal.” Noong bautismuhan si Jesus at noong magbagong-anyo siya, nagsalita si Jehova mula sa langit at tinawag siyang “aking Anak, ang minamahal.”—Mat. 3:17; 17:5.
^ par. 7 Si David ay isa ring kordero. Nagtitiwala siyang ipagsasanggalang at papatnubayan siya ng Dakilang Pastol, si Jehova. Sinabi niya: “Si Jehova ang aking Pastol. Hindi ako kukulangin ng anuman.” (Awit 23:1) Tinukoy naman ni Juan na Tagapagbautismo si Jesus bilang “Kordero ng Diyos.”—Juan 1:29.
^ par. 12 Kapansin-pansin na ang ikalawang pangalan ni Solomon ay Jedidias, na nangangahulugang “Minamahal ni Jah.”—2 Sam. 12:24, 25.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Paano naging Lalong Dakilang David si Jesus?
• Paano naging Lalong Dakilang Solomon si Jesus?
• Bakit mo pinahahalagahan si Jesus bilang Lalong Dakilang David? bilang Lalong Dakilang Solomon?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 31]
Ang bigay-Diyos na karunungan ni Solomon ay lumalarawan sa karunungan ng Lalong Dakilang Solomon
[Larawan sa pahina 32]
Ang pamamahala ni Jesus ay talaga ngang nakahihigit sa pamamahala nina David at Solomon!