Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagkilala sa Lalong Dakilang Moises

Pagkilala sa Lalong Dakilang Moises

Pagkilala sa Lalong Dakilang Moises

“Ibabangon ng Diyos na Jehova para sa inyo mula sa inyong mga kapatid ang isang propeta na tulad ko. Dapat ninyo siyang pakinggan.”​—GAWA 3:22.

1. Gaano kalaki ang naging impluwensiya ni Jesu-Kristo sa kasaysayan?

DALAWANG libong taon na ang nakalilipas, pinuri ng mga anghel ang Diyos nang isilang si Jesus. Narinig ng ilang pastol ang pagpuring ito. (Luc. 2:8-14) Nang 30 taóng gulang na siya, sinimulan niya ang kaniyang ministeryo na tumagal lamang ng tatlo at kalahating taon. Subalit binago nito ang buhay ng sangkatauhan. Ganito ang sinabi tungkol kay Jesu-Kristo ni Philip Schaff, isang kilalang istoryador noong ika-19 na siglo: “Bagaman wala siyang isinulat, nagsilbi siyang inspirasyon sa mas maraming manunulat, at naging paksa siya ng mas maraming sermon, talumpati, talakayan, reperensiyang aklat, gawang-sining, at mga awit ng papuri kung ihahambing sa kaninumang bantog na tao na nabuhay kailanman.”

2. Ano ang sinabi ni apostol Juan tungkol kay Jesus at sa ministeryo nito?

2 Ganito ang sinabi ni apostol Juan sa pagtatapos ng kaniyang ulat tungkol sa ministeryo ni Jesus: “Sa katunayan, marami pa ring ibang bagay ang ginawa ni Jesus, na, kung sakaling ang mga iyon ay naisulat nang lubhang detalyado, sa palagay ko, sa sanlibutan mismo ay hindi magkakasiya ang mga balumbong isinulat.” (Juan 21:25) Alam ni Juan na sa tatlo at kalahating taon ng ministeryo ni Jesus, bahagi lamang ng mga sinabi at ginawa nito ang maiuulat niya. Gayunman, ang ulat na iyon sa Ebanghelyo ni Juan ay napakahalaga.

3. Paano natin lubusang mauunawaan ang papel ni Jesus sa layunin ng Diyos?

3 Bukod sa apat na Ebanghelyo, may iba pa tayong mababasa sa Bibliya tungkol sa buhay ni Jesus na nakapagpapatibay ng pananampalataya. Halimbawa, lubusan nating mauunawaan ang papel ni Jesus sa layunin ng Diyos kapag isinaalang-alang natin ang mga detalye sa buhay ng ilang tapat na lalaking nabuhay bago si Jesus. Talakayin natin ang ilan sa mga ito.

Mga Tapat na Lalaking Lumalarawan kay Kristo

4, 5. Sinu-sino ang lumalarawan kay Jesus? Ano ang pagkakatulad nila kay Jesus?

4 Ipinakikita ng apat na Ebanghelyo na sina Moises, David, at Solomon ay lumalarawan kay Jesus bilang Pinahiran ng Diyos at itinalagang Hari. Paano lumalarawan ang mga lingkod na ito ng Diyos kay Jesus? At ano ang matututuhan natin sa mga ulat ng Ebanghelyo tungkol dito?

5 Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na si Moises ay isang propeta, tagapamagitan, at tagapagligtas. Totoo rin ito kay Jesus. Si David ay isang pastol at bilang hari, nilupig niya ang mga kaaway ng Israel. Si Jesus ay isa ring pastol at manlulupig na hari. (Ezek. 37:24, 25) Noong tapat pa si Solomon sa Diyos, siya ay marunong na tagapamahala. May kapayapaan sa buong Israel noong siya ang namamahala. (1 Hari 4:25, 29) Napakarunong din ni Jesus at tinawag siyang “Prinsipe ng Kapayapaan.” (Isa. 9:6) Maliwanag, may pagkakatulad si Kristo Jesus sa mga lalaking iyon. Pero nakahihigit siya sa kanila. Isaalang-alang muna natin ang pagkakatulad nina Jesus at Moises. Tingnan din natin kung paano tayo matutulungan nito na mas pahalagahan ang papel ni Jesus sa layunin ng Diyos.

Moises​—Tagapagpauna kay Jesus

6. Paano ipinaliwanag ni apostol Pedro ang pangangailangang makinig kay Jesus?

6 Di-nagtagal pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., sinipi ni apostol Pedro ang hula ni Moises na natupad kay Jesu-Kristo. Nakatayo si Pedro sa templo sa harap ng mga Judio. Ang mga tao ay “lubhang namangha” nang pagalingin nina Pedro at Juan ang isang lalaking pilay mula pa nang isilang. Gustong malaman ng lahat kung paano nila ito nagawa. Ipinaliwanag ni Pedro na dahil ito sa banal na espiritu ni Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Sinipi niya ang Hebreong Kasulatan at sinabi: “Sa katunayan, sinabi ni Moises, ‘Ibabangon ng Diyos na Jehova para sa inyo mula sa inyong mga kapatid ang isang propeta na tulad ko. Dapat ninyo siyang pakinggan ayon sa lahat ng mga bagay na sasalitain niya sa inyo.’”​—Gawa 3:11, 22, 23; basahin ang Deuteronomio 18:15, 18, 19.

7. Bakit naunawaan ng mga tagapakinig ni Pedro ang kaniyang sinabi hinggil sa isang propetang nakahihigit kay Moises?

7 Malamang na pamilyar sa hulang iyon ang mga tagapakinig ni Pedro. Bilang mga Judio, matindi ang paggalang nila kay Moises, at inaasam-asam nila ang pagdating ng isang propetang nakahihigit sa kaniya. (Deut. 34:10) Ang propetang iyon ay hindi lamang basta isang pinahiran ng Diyos gaya ni Moises, kundi siya mismo ang Mesiyas, “ang Kristo ng Diyos, ang Pinili” ni Jehova.​—Luc. 23:35; Heb. 11:26.

Mga Pagkakatulad ni Jesus at ni Moises

8. Ano ang ilang pagkakatulad sa buhay nina Jesus at Moises?

8 May ilang pagkakatulad sa buhay nina Jesus at Moises. Halimbawa, noong sila’y sanggol, pareho silang nakaligtas mula sa kamay ng malupit na hari. (Ex. 1:22–2:10; Mat. 2:7-14) Pareho rin silang ‘tinawag mula sa Ehipto.’ Sinabi ni propeta Oseas: “Noong bata pa ang Israel ay inibig ko siya, at mula sa Ehipto ay tinawag ko ang aking anak.” (Os. 11:1) Tinukoy ni Oseas ang panahon noong umalis ang bansang Israel mula sa Ehipto. Si Moises ang inatasan ng Diyos na manguna sa kanila. (Ex. 4:22, 23; 12:29-37) Pero ang mga salita ni Oseas ay hindi lamang tumukoy sa nangyari kay Moises kundi sa paglisan din nina Jose at Maria mula sa Ehipto kasama si Jesus pagkamatay ni Haring Herodes.​—Mat. 2:15, 19-23.

9. (a) Anong mga himala ang ginawa nina Moises at Jesus? (b) Magbigay ng iba pang pagkakatulad nina Jesus at Moises. (Tingnan ang kahong  “Iba Pang Pagkakatulad ni Jesus at ni Moises,” sa pahina 26.)

9 Sina Moises at Jesus ay parehong gumawa ng mga himalang nagpapatunay na si Jehova ang nagsugo sa kanila. Sa katunayan, si Moises ang unang taong naiulat na gumawa ng mga himala. (Ex. 4:1-9) Halimbawa, ang ilan sa mga himala ni Moises ay may kaugnayan sa tubig. Naging dugo ang tubig sa Ilog Nilo, nahati ang Dagat na Pula, at lumabas ang tubig mula sa isang bato sa disyerto. (Ex. 7:19-21; 14:21; 17:5-7) Ang ilan sa mga himala ni Jesus ay may kaugnayan din sa tubig. Ang kauna-unahan niyang himala ay nang gawin niyang alak ang tubig sa isang piging ng kasalan. (Juan 2:1-11) Napatahimik niya ang maunos na Dagat ng Galilea. May pagkakataon pa ngang nakalakad siya sa ibabaw ng tubig! (Mat. 8:23-27; 14:23-25) Ang iba pang mga pagkakatulad nina Moises at Jesus, ang Lalong Dakilang Moises, ay makikita sa  kahon sa pahina 26.

Pagkilala kay Kristo Bilang Propeta

10. Ano ang ginagawa ng isang tunay na propeta? Bakit masasabing tunay na propeta si Moises?

10 Para sa marami, ang isang propeta ay humuhula lamang ng mangyayari sa hinaharap. Pero higit pa riyan ang ginagawa ng isang tunay na propeta. Siya ay tagapagsalita ni Jehova ng “mariringal na mga bagay.” (Gawa 2:11, 16, 17) Inihahayag niya ang mga hula, layunin, at hatol ni Jehova. Ganiyan ang ginagawa noon ng propetang si Moises. Inihula niya ang Sampung Salot na sasapit sa Ehipto. Iniharap niya sa bansang Israel sa Sinai ang tipang Kautusan. At itinuro niya sa bansa ang kalooban ng Diyos. Gayunman, isang propetang nakahihigit kay Moises ang darating.

11. Paano nakahihigit si Jesus kay Moises bilang propeta?

11 Noong unang siglo B.C.E., nagsilbing propeta si Zacarias nang isiwalat niya ang layunin ng Diyos tungkol sa kaniyang anak, si Juan na Tagapagbautismo. (Luc. 1:76) Si Juan ang naghayag sa pagdating ng inaasam-asam na propetang nakahihigit kay Moises​—si Jesu-Kristo. (Juan 1:23-36) Bilang propeta, maraming inihula si Jesus. Halimbawa, inihula niya kung paano at saan siya mamamatay, at kung sino ang magpapapatay sa kaniya. (Mat. 20:17-19) Inihula rin ni Jesus ang pagkawasak ng Jerusalem at ng templo nito, na ikinagulat naman ng kaniyang mga tagapakinig. (Mar. 13:1, 2) Ang kaniyang mga inihula ay may katuparan din sa ating panahon.​—Mat. 24:3-41.

12. (a) Paano pinasimulan ni Jesus ang gawaing pangangaral sa buong daigdig? (b) Paano natin tinutularan sa ngayon ang sigasig ni Jesus?

12 Mangangaral at guro din si Jesus. Buong-tapang niyang ipinangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Luc. 4:16-21, 43) Siya rin ang dakilang guro. “Walang sinumang tao ang nakapagsalita nang tulad nito,” ang sabi ng ilang nakapakinig sa kaniya. (Juan 7:46) Masigasig si Jesus sa kaniyang pangangaral, at ito ang nagpasigla sa kaniyang mga tagasunod na tularan ang kaniyang halimbawa. Sa gayon, pinasimulan ni Jesus ang gawaing pangangaral at pagtuturo sa buong daigdig na nagpapatuloy hanggang ngayon. (Mat. 28:18-20; Gawa 5:42) Noong nakaraang taon, mahigit pitong milyong tagasunod ni Kristo ang gumugol ng 1,500,000,000 oras sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian at pagtuturo ng katotohanan sa Bibliya. Lubusan ka bang nakikibahagi sa gawaing ito?

13. Ano ang makatutulong sa atin na ‘manatiling gising’?

13 Maliwanag na tiniyak ni Jehova na matutupad ang hula hinggil sa pagbangon ng isang propetang gaya ni Moises. Hindi ba napapatibay nito ang iyong pagtitiwala na matutupad din ang iba pang mga hula sa hinaharap? Oo, kung bubulay-bulayin natin ang halimbawa ng Lalong Dakilang Moises, mapapakilos tayo nito na ‘manatiling gising at panatilihin ang ating katinuan’ hinggil sa malapit nang gawin ng Diyos.​—1 Tes. 5:2, 6.

Pagkilala kay Kristo Bilang Tagapamagitan

14. Paano naging tagapamagitan ng Diyos at ng mga Israelita si Moises?

14 Tulad ni Moises, si Jesus ay tagapamagitan din. Sa tipang Kautusan, si Moises ang naging tagapamagitan ni Jehova at ng mga Israelita. Kung patuloy na susundin ng Israel ang mga batas ng Diyos, sila’y mananatiling kaniyang pantanging pag-aari, ang kaniyang kongregasyon. (Ex. 19:3-8) Nagkabisa ang tipang iyon mula 1513 B.C.E. hanggang noong unang siglo C.E.

15. Bakit nakahihigit na tagapamagitan si Jesus?

15 Noong 33 C.E., nakipagtipan si Jehova sa “Israel ng Diyos.” Ang bagong Israel na ito ang naging pandaigdig na kongregasyon na binubuo ng pinahirang mga Kristiyano. (Gal. 6:16) Ang mga batas sa tipan sa pamamagitan ni Moises ay isinulat ng Diyos sa bato. Ang mga batas naman sa tipan sa pamamagitan ni Jesus ay inukit ng Diyos sa puso ng mga tao. Iyan ang dahilan kung bakit nakahihigit ang tipan sa pamamagitan ni Jesus. (Basahin ang 1 Timoteo 2:5; Hebreo 8:10.) Kaya pantanging pag-aari na ngayon ng Diyos ang “Israel ng Diyos,” na “nagluluwal ng mga bunga” ng Mesiyanikong Kaharian. (Mat. 21:43) Ang mga miyembro ng espirituwal na bansang iyon ang mga kabilang sa bagong tipan. Gayunman, hindi lamang sila ang makikinabang dito. Di-mabilang na mga tao, maging ang mga namatay na, ay tatanggap ng walang-hanggang mga pagpapala dahil sa nakahihigit na tipang iyon.

Pagkilala kay Kristo Bilang Tagapagligtas

16. (a) Paano ginamit ni Jehova si Moises upang iligtas ang Israel? (b) Ayon sa Exodo 14:13, sino ang tunay na tagapagligtas?

16 Noong huling gabi ng mga Israelita sa Ehipto, nanganib ang buhay ng ilan sa kanilang mga anak. Malapit nang patayin ng anghel ng Diyos ang lahat ng panganay sa Ehipto. Sinabi ni Jehova kay Moises na ililigtas niya ang mga panganay ng Israel kung magwiwisik sila ng dugo ng kordero ng Paskuwa sa hamba ng kanilang pinto. (Ex. 12:1-13, 21-23) At gayon nga ang nangyari. Nanganib na naman ang buhay ng mga Israelita nang tugisin sila ng mga karong pandigma ng Ehipto sa Dagat na Pula. Muli silang iniligtas ni Jehova sa pamamagitan ni Moises nang makahimalang mahati ang dagat.​—Ex. 14:13, 21.

17, 18. Bakit nakahihigit na tagapagligtas si Jesus kung ihahambing kay Moises?

17 Bagaman kahanga-hanga ang mga pagliligtas na iyon, nakahihigit ang pagliligtas ni Jehova sa pamamagitan ni Jesus. Si Jesus ang ginamit ni Jehova para iligtas mula sa kasalanan ang mga masunurin. (Roma 5:12, 18) Ang pagliligtas na iyan ay “walang-hanggang katubusan.” (Heb. 9:11, 12) Ang pangalang Jesus ay nangangahulugang “si Jehova ay Kaligtasan.” Bilang ating Tagapagligtas, hindi lamang tayo iniligtas ni Jesus mula sa ating mga kasalanan kundi binuksan din niya ang daan para magkaroon tayo ng magandang kinabukasan. Sa gayon, nailigtas ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod sa poot ng Diyos at inilapit sila kay Jehova.​—Mat. 1:21.

18 Dahil dito, mawawala na rin ang mga epekto ng kasalanan, ang sakit at kamatayan. Para mailarawan ito, isaalang-alang ang ginawa ni Jesus nang mamatay ang 12-taóng-gulang na anak na babae ni Jairo. Tiniyak ni Jesus kay Jairo: “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang, at siya ay maliligtas.” (Luc. 8:41, 42, 49, 50) At gayon nga ang nangyari. Nabuhay-muli ang dalagita! Naiisip mo ba kung gaano kasaya ang mga magulang niya? Ganiyan din ang madarama natin kapag “lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng tinig [ni Jesus] at lalabas” sa pagkabuhay-muli. (Juan 5:28, 29) Oo, si Jesus ang ating Tagapagligtas!​—Basahin ang Gawa 5:31; Tito 1:4; Apoc. 7:10.

19, 20. (a) Ano ang dapat na maging epekto ng pagbubulay-bulay natin sa papel ni Jesus bilang Lalong Dakilang Moises? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

19 Dapat tayong makibahagi sa gawaing pangangaral at pagtuturo yamang sa paraang ito, matutulungan natin ang iba na makinabang sa pagliligtas ni Jesus. (Isa. 61:1-3) Kung bubulay-bulayin natin ang papel ni Jesus bilang Lalong Dakilang Moises, mapapatibay nito ang ating pagtitiwala na ililigtas niya ang kaniyang mga tagasunod kapag hahatulan na ang masama.​—Mat. 25:31-34, 41, 46; Apoc. 7:9, 14.

20 Oo, si Jesus ang Lalong Dakilang Moises. Marami siyang nagawa na hindi kayang gawin ni Moises. Ang mga salita ni Jesus bilang propeta at ang kaniyang mga gawa bilang tagapamagitan ay nakaaapekto sa buong sangkatauhan. Bilang Tagapagligtas, naglaan siya ng walang-hanggang kaligtasan sa mga tao. Pero marami pa tayong matututuhan kay Jesus mula sa tapat na mga lingkod ng Diyos noon. Tatalakayin sa susunod na artikulo kung bakit siya ang Lalong Dakilang David at Solomon.

Maipaliliwanag Mo Ba?

Paano nakahihigit si Jesus kay Moises bilang

• propeta?

• tagapamagitan?

• tagapagligtas?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon/Larawan sa pahina 26]

  Iba pang pagkakatulad ni Jesus at ni Moises

◻ Pareho nilang tinalikuran ang mataas na posisyon alang-alang sa kanilang paglilingkod kay Jehova at sa kaniyang bayan.​—2 Cor. 8:9; Fil. 2:5-8; Heb. 11:24-26.

◻ Pareho silang pinili ni Jehova.​—Mar. 14:61, 62; Juan 4:25, 26; Heb. 11:26.

◻ Pareho silang kumatawan sa pangalan ni Jehova.​—Ex. 3:13-16; Juan 5:43; 17:4, 6, 26.

◻ Pareho silang maamo.​—Bil. 12:3; Mat. 11:28-30.

◻ Pareho silang nagpakain ng maraming tao.​—Ex. 16:12; Juan 6:48-51.

◻ Pareho silang naglingkod bilang hukom at tagapagbigay-batas.​—Ex. 18:13; Mal. 4:4; Juan 5:22, 23; 15:10.

◻ Pareho silang pinagkatiwalaang mangasiwa sa sambahayan ng Diyos.​—Bil. 12:7; Heb. 3:2-6.

◻ Pareho silang tapat na mga saksi ni Jehova.​—Heb. 11:24-29; 12:1; Apoc. 1:5.

◻ Pagkamatay ni Moises at ni Jesus, tiniyak ng Diyos na hindi matatagpuan ang kanilang mga bangkay.​—Deut. 34:5, 6; Luc. 24:1-3; Gawa 2:31; 1 Cor. 15:50; Jud. 9.