Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Asawang Lalaki, Tularan ang Pag-ibig ni Kristo!

Mga Asawang Lalaki, Tularan ang Pag-ibig ni Kristo!

Mga Asawang Lalaki, Tularan ang Pag-ibig ni Kristo!

NOONG huling gabi bago siya mamatay, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tapat na apostol: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo ay ibigin din ninyo ang isa’t isa. Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35) Oo, dapat ibigin ng mga tunay na Kristiyano ang isa’t isa.

Ganito ang isinulat ni apostol Pablo sa mga Kristiyanong asawang lalaki: “Mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito.” (Efe. 5:25) Paano ito magagawa ng isang Kristiyanong asawang lalaki, lalo na kung isang lingkod ni Jehova ang kaniyang asawa?

Minahal ni Kristo ang Kongregasyon

“Dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan,” ang sabi ng Bibliya. “Siya na umiibig sa kaniyang asawang babae ay umiibig sa kaniyang sarili, sapagkat walang taong napoot kailanman sa kaniyang sariling laman; kundi pinakakain at inaaruga niya ito, gaya ng ginagawa rin ng Kristo sa kongregasyon.” (Efe. 5:28, 29) Mahal na mahal ni Jesus ang kaniyang mga alagad. Bagaman hindi sila sakdal, mahinahon at mabait siya sa kanila. Dahil nais ni Jesus na ‘iharap ang kongregasyon sa kaniyang sarili sa karilagan nito,’ itinuon niya ang kaniyang pansin sa magagandang katangian ng kaniyang mga alagad.​—Efe. 5:27.

Kung paanong inibig ni Kristo ang kongregasyon, dapat ding ibigin ng asawang lalaki ang kaniyang asawa sa salita at sa gawa. Masaya ang asawang babae kapag palaging ipinakikita ng kaniyang asawa na mahal niya siya. Pero hindi siya masaya kahit maalwan ang kaniyang buhay kung ipinagwawalang-bahala naman siya ng kaniyang asawa.

Paano maipapakita ng asawang lalaki na mahal niya ang kaniyang asawa? Kapag ipinapakilala niya ang kaniyang asawa sa iba, hindi niya ito ipinapahiya. Sa halip, pinupuri niya ito dahil sa suportang ibinibigay nito sa kaniya. Kung may mahalagang bagay na nagawa ang kaniyang asawa para sa kanilang pamilya, hindi siya dapat mahiyang ipagmalaki ito sa iba. Kapag kayong dalawa lamang, ipadama sa iyong asawa na minamahal mo siya. Maaaring maliliit na bagay ang paghawak sa kamay, pagngiti, pagyakap, at pagpuri, pero napakahalaga nito sa isang babae.

“Hindi Niya Ikinahihiyang Tawagin Silang ‘mga Kapatid’”

‘Hindi ikinahiya ni Kristo Jesus na tawagin ang kaniyang mga pinahirang tagasunod bilang “mga kapatid.”’ (Heb. 2:11, 12, 17) Bilang Kristiyanong asawang lalaki, tandaan mo na ang iyong asawa ay isa ring Kristiyanong kapatid. Mas mahalaga ang kaniyang pag-aalay kay Jehova kaysa sa kaniyang panata sa pag-aasawa, nabautismuhan man siya bago o pagkatapos kayong ikasal. Itinuturing siya ng mga miyembro ng kongregasyon bilang kanilang kapatid. Kapatid mo rin siya, hindi lamang sa Kingdom Hall kundi sa bahay rin naman. Mahalaga na maging mabait at magalang ang iyong pakikitungo sa kaniya sa bahay gaya ng pakikitungo mo sa kaniya sa Kingdom Hall.

Kung may mga pribilehiyo ka sa kongregasyon, baka nahihirapan ka kung minsan na balansehin ang iyong mga pananagutan sa kongregasyon at sa iyong pamilya. Mahalaga ang pagtutulungan ng matatanda at ng mga ministeryal na lingkod upang hindi mapabigatan ang iba sa pagganap ng mga atas. Makatutulong ito upang magkaroon ka ng higit na panahon para sa kapatid na mas nangangailangan sa iyo​—ang iyong asawa. Tandaan, may ibang mga lalaki sa kongregasyon na maaaring gumanap ng iyong mga atas, pero ikaw lamang ang makasasapat sa pangangailangan ng iyong asawa.

Bukod diyan, ikaw ang ulo ng iyong asawa. Ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng babae ay ang lalaki.” (1 Cor. 11:3) Paano mo dapat gampanan ang iyong pagkaulo? Sa maibiging paraan, hindi sa pamamagitan ng pag-uulit-ulit sa tekstong nabanggit at paggiit na igalang ka. Para magampanan mo nang wasto ang iyong pagkaulo, dapat mong tularan si Jesu-Kristo sa pakikitungo mo sa iyong asawa.​—1 Ped. 2:21.

“Kayo ay mga Kaibigan Ko”

Tinawag ni Jesus ang kaniyang mga alagad na mga kaibigan niya. Sinabi niya sa kanila: “Hindi ko na kayo tinatawag na mga alipin, sapagkat hindi alam ng alipin kung ano ang ginagawa ng kaniyang panginoon. Ngunit tinawag ko na kayong mga kaibigan, sapagkat ang lahat ng bagay na narinig ko sa aking Ama ay ipinaalam ko na sa inyo.” (Juan 15:14, 15) Madalas mag-usap si Jesus at ang kaniyang mga alagad. Gumagawa rin silang magkakasama. Minsan pa nga ay naanyayahan “si Jesus at ang kaniyang mga alagad” sa isang kasalan sa Cana. (Juan 2:2) May mga lugar na madalas nilang puntahan, gaya ng hardin ng Getsemani. Sinasabi ng Bibliya na “maraming ulit nang nakipagtagpo roon si Jesus sa kaniyang mga alagad.”​—Juan 18:2.

Dapat madama ng asawang babae na siya ang pinakamatalik na kaibigan ng kaniyang asawa. Kaya napakahalaga nga na laging magkasama ang mag-asawa sa masasayang sandali ng kanilang buhay! Maglingkod sa Diyos at mag-aral ng Bibliya nang magkasama. Maglakad, mag-usap, at kumain nang magkasama. Ituring ang iyong asawa na iyong pinakamatalik na kaibigan.

‘Inibig Niya Sila Hanggang sa Wakas’

‘Inibig ni Jesus ang kaniyang mga alagad hanggang sa wakas.’ (Juan 13:1) Nabibigo ang ilang asawa na tularan si Kristo sa bagay na ito. Baka iniiwan pa nga nila ang ‘asawa ng kanilang kabataan,’ marahil ay para kumuha ng mas batang asawa.​—Mal. 2:14, 15.

Ang iba naman ay tumutulad kay Kristo, gaya ni Willi. Dahil sa humihinang kalusugan ng asawa ni Willi, kinailangan niya itong alagaan nang maraming taon. Ano ang nadama ni Willi? Sinabi niya: “Para sa akin, isang regalo mula sa Diyos ang misis ko at talagang pinahahalagahan ko siya. Isa pa, nangako akong aalagaan ko siya sa hirap at ginhawa 60 taon na ang nakalilipas. Hinding-hindi ko malilimutan ang pangakong iyan.”

Mga Kristiyanong asawang lalaki, tularan ninyo ang pag-ibig ni Kristo. Mahalin ninyo ang inyong Kristiyanong asawa​—ang inyong kapatid at kaibigan.

[Larawan sa pahina 20]

Ang iyo bang asawa ang iyong pinakamatalik na kaibigan?

[Larawan sa pahina 20]

‘Patuloy na ibigin ang iyong asawang babae’