Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Kailan inihagis si Satanas sa lupa?—Apoc. 12:1-9.
Bagaman walang binabanggit sa aklat ng Apocalipsis na eksaktong panahon, may binabanggit itong mga pangyayari na makatutulong sa atin na malaman kung kailan siya inihagis sa lupa. Una, binanggit na itinatag ang Mesiyanikong Kaharian. Pagkatapos, “sumiklab ang digmaan sa langit.” Natalo si Satanas at inihagis siya sa lupa.
Malinaw na ipinakikita ng Kasulatan na noong 1914, natapos na ang “mga takdang panahon ng mga bansa” at naitatag ang Kaharian. * (Luc. 21:24) Kung gayon, kailan naganap ang digmaan sa langit at ang paghahagis kay Satanas?
Ganito ang sinasabi sa Apocalipsis 12:4: “Ang dragon [si Satanas] ay nanatiling nakatayo sa harap ng babae na malapit nang magsilang, upang kapag nakapagsilang na siya ay malamon nito ang kaniyang anak.” Ipinakikita nito na gustung-gusto ni Satanas na buwagin agad ang Kaharian na katatatag pa lamang. Bagaman hindi ito pinahintulutan ni Jehova, determinado pa rin si Satanas na gawin ang kaniyang napakasamang balak laban sa Kaharian. Kaya makatuwiran lamang na palayasin agad ni ‘Miguel at ng kaniyang mga anghel’ ang “dragon at ang mga anghel nito” mula sa langit upang maprotektahan ang Kaharian. Ipinahihiwatig nito na ang pagkatalo at paghahagis kay Satanas ay naganap di-nagtagal pagkatapos maitatag ang Kaharian noong 1914.
Ang isa pang salik na maaaring isaalang-alang ay ang pagbuhay-muli sa mga pinahirang Kristiyano. Ipinakikita ng ebidensiya mula sa Kasulatan na nagsimula ito di-nagtagal pagkatapos maitatag ang Kaharian. * (Apoc. 20:6) Walang binabanggit na kasama ni Jesus ang kaniyang mga pinahirang kapatid noong makipagdigma siya sa dragon at sa mga anghel nito. Kaya malamang na tapos na ang digmaan sa langit at inihagis na si Satanas at ang kaniyang mga demonyo sa lupa nang magsimula ang pagbuhay-muli sa mga kapatid ni Kristo.
Kaya hindi sinasabi ng Bibliya ang eksaktong panahon kung kailan inihagis sa lupa si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. Gayunpaman, lumilitaw na nangyari ito di-nagtagal pagkatapos mailuklok si Jesu-Kristo sa langit bilang hari noong 1914.
[Mga talababa]