Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nasaan Ka Kapag Dumating Na ang Wakas?

Nasaan Ka Kapag Dumating Na ang Wakas?

Nasaan Ka Kapag Dumating Na ang Wakas?

KAPAG nilipol ni Jehova ang masamang sistemang ito ng mga bagay sa Armagedon, ano ang mangyayari sa mga matuwid? Ganito ang sinasabi sa Kawikaan 2:21, 22: “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito. Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa; at kung tungkol sa mga mapandaya, bubunutin sila mula rito.”

Pero paano ililigtas ang mga walang kapintasan? Mayroon ba silang partikular na lugar na dapat puntahan kapag dumating na ang wakas? Upang masagot ang mga tanong na ito, isaalang-alang natin ang apat na ulat sa Kasulatan hinggil sa pagliligtas ng Diyos.

Mahalaga Noon Kung Nasaan Sila

Ganito ang mababasa natin sa 2 Pedro 2:5-7 hinggil sa pagliligtas sa mga patriyarkang si Noe at si Lot: “Hindi . . . nagpigil [ang Diyos] sa pagpaparusa sa sinaunang sanlibutan, kundi iningatang ligtas si Noe, isang mangangaral ng katuwiran, kasama ng pitong iba pa nang magpasapit siya ng delubyo sa isang sanlibutan ng mga taong di-makadiyos; at sa pagpapaging-abo sa mga lunsod ng Sodoma at Gomorra ay hinatulan niya sila, na naglalagay ng isang parisan para sa mga taong di-makadiyos tungkol sa mga bagay na darating; at iniligtas niya ang matuwid na si Lot, na lubhang nabagabag sa pagpapakasasa sa mahalay na paggawi ng mga taong sumasalansang sa batas.”

Paano nakaligtas si Noe sa Baha? Sinabi ng Diyos kay Noe: “Ang wakas ng lahat ng laman ay dumating sa harap ko, sapagkat ang lupa ay punô ng karahasan dahilan sa kanila; at narito, lilipulin ko sila kasama ng lupa. Gumawa ka para sa iyo ng isang arka mula sa kahoy ng isang madagtang punungkahoy.” (Gen. 6:13, 14) Gumawa si Noe ng arka gaya ng iniutos ni Jehova. Pitong araw bago dumating ang baha, inutusan siya ni Jehova na tipunin ang mga hayop sa arka at pumasok dito kasama ang kaniyang pamilya. Noong ikapitong araw, isinara ang pinto ng arka, “at ang ulan sa ibabaw ng lupa ay nagpatuloy nang apatnapung araw at apatnapung gabi.” (Gen. 7:1-4, 11, 12, 16) Si Noe at ang kaniyang pamilya ay “dinalang ligtas sa tubig.” (1 Ped. 3:20) Nakadepende ang kanilang kaligtasan sa pananatili nila sa loob ng arka. Tutal, wala namang ibang ligtas na lugar bukod sa arka.​—Gen. 7:19, 20.

Iba naman ang tagubilin noong panahon ni Lot. Sinabi sa kaniya ng dalawang anghel na dapat siyang lumabas sa lunsod. “Ang lahat ng sa iyo sa lunsod [ng Sodoma], ilabas mo mula sa dakong ito!” ang sabi ng mga anghel. “Sapagkat wawasakin namin ang dakong ito.” Kinailangang ‘tumakas si Lot at ang kaniyang pamilya patungo sa bulubunduking pook.’​—Gen. 19:12, 13, 17.

Ipinakikita ng karanasan ni Noe at ni Lot na “alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok, at magtaan naman ng mga taong di-matuwid upang lipulin sa araw ng paghuhukom.” (2 Ped. 2:9) Mahalaga noon kung nasaan sila. Kinailangan ni Noe na pumasok sa arka; kinailangan naman ni Lot na lumabas sa Sodoma. Pero lagi bang mahalaga kung nasaan ang mga matuwid? Maililigtas kaya sila ni Jehova saanman sila naroroon anupat hindi na sila kailangang pumunta sa isang partikular na lugar? Upang masagot iyan, isaalang-alang natin ang dalawa pang ulat ng pagliligtas ni Jehova.

Lagi Bang Mahalaga Kung Nasaan ang Matuwid?

Bago pasapitin ni Jehova sa Ehipto ang ikasampung salot noong panahon ni Moises, inutusan niya ang mga Israelita na magwisik ng dugo ng hayop ng Paskuwa sa mga hamba ng kanilang bahay. Bakit? Para ‘kapag dumaan si Jehova upang salutin ang mga Ehipsiyo at makita ang dugo sa itaas na bahagi ng pintuan at sa dalawang poste ng pinto, lalampasan niya ang pasukang iyon at hindi niya pahihintulutang pumasok ang paglipol sa kanilang mga bahay upang salutin sila.’ Nang gabi ring iyon, “sinaktan ni Jehova ang lahat ng panganay sa lupain ng Ehipto, mula sa panganay ni Paraon na nakaupo sa kaniyang trono hanggang sa panganay ng bihag na nasa bilangguang lungaw, at lahat ng panganay ng hayop.” Nakaligtas ang mga panganay ng mga Israelita. Hindi na nila kinailangang pumunta sa ibang lugar.​—Ex. 12:22, 23, 29.

Isaalang-alang din ang nangyari kay Rahab, isang patutot na naninirahan sa lunsod ng Jerico. Magsisimula na noon ang mga Israelita sa pananakop sa Lupang Pangako. Nang malaman ni Rahab na wawasakin ang Jerico, sinabi niya sa dalawang espiyang Israelita na takot na takot ang buong lunsod sa mga Israelita. Itinago niya ang mga espiya. Pinasumpa niya sila na iligtas siya at ang kaniyang buong pamilya kapag nilupig na ang Jerico. Inutusan ng mga espiya si Rahab na tipunin ang kaniyang pamilya sa loob ng kaniyang bahay na nasa pader ng lunsod. Kapag lumabas sila ng bahay, mamamatay sila kasama ng buong lunsod. (Jos. 2:8-13, 15, 18, 19) Pero nang maglaon, sinabi ni Jehova kay Josue na “ang pader ng lunsod ay babagsak nang latág.” (Jos. 6:5) Waring nanganganib na ang ligtas na lugar na sinabi ng mga espiya. Paano na kaya makaliligtas si Rahab at ang kaniyang pamilya?

Nang sasakupin na ang Jerico, sumigaw ang mga Israelita at pinasimulang hipan ang kanilang mga tambuli. “At nangyari nga, nang marinig ng bayan [ng Israel] ang tunog ng tambuli at ang bayan ay magsimulang sumigaw ng isang malakas na hiyaw ng digmaan, ang pader ay nagsimulang bumagsak nang latág,” ang sabi ng Josue 6:20. Walang makapigil sa pagguho ng pader. Pero isang himala, huminto ang pagguho ng pader ng lunsod sa bahay ni Rahab. Inutusan ni Josue ang dalawang espiya: “Pumasok kayo sa bahay ng babae, ang patutot, at ilabas ninyo mula roon ang babae at lahat niyaong sa kaniya, gaya ng ipinanumpa ninyo sa kaniya.” (Jos. 6:22) Nakaligtas ang lahat ng nasa loob ng bahay ni Rahab.

Ano Talaga ang Pinakamahalaga?

Ano ang matututuhan natin sa pagliligtas kay Noe, kay Lot, sa mga Israelita noong panahon ni Moises, at kay Rahab? Paano makatutulong ang mga ulat na ito para malaman natin kung nasaan ba tayo dapat kapag dumating na ang wakas ng masamang sanlibutan ng mga bagay?

Totoo, nakaligtas si Noe dahil sa arka. Pero bakit siya naroroon sa arka? Hindi ba’t dahil iyon sa kaniyang pananampalataya at pagiging masunurin? Sinasabi ng Bibliya: “Ginawa ni Noe ang ayon sa lahat ng iniutos ng Diyos sa kaniya. Gayung-gayon ang ginawa niya.” (Gen. 6:22; Heb. 11:7) Kumusta naman tayo? Ginagawa rin ba natin ang lahat ng iniuutos ng Diyos sa atin? Si Noe ay isa ring “mangangaral ng katuwiran.” (2 Ped. 2:5) Masigasig din ba tayo sa pangangaral, gaya ni Noe, kahit na ayaw makinig ng mga tao sa atin?

Dahil lumabas si Lot sa Sodoma, hindi siya napuksa. Nakaligtas siya dahil itinuring siya ng Diyos na matuwid at dahil labis siyang nabagabag sa mahalay na paggawi ng mga taong sumasalansang sa batas sa Sodoma at Gomorra. Nababagabag din ba tayo sa mahalay na paggawi na laganap sa ngayon? O manhid na tayo kung kaya’t bale-wala na ito sa atin? Ginagawa ba natin ang ating buong makakaya para masumpungan tayong “walang batik at walang dungis at nasa kapayapaan”?​—2 Ped. 3:14.

Ang pagliligtas sa mga Israelita sa Ehipto at kay Rahab sa Jerico ay nakadepende sa pananatili nila sa loob ng kanilang bahay. Nangangailangan ito ng pananampalataya at pagiging masunurin. (Heb. 11:28, 30, 31) Isip-isipin na lamang ang mga magulang na Israelita habang binabantayang mabuti ang kanilang mga panganay nang ‘magsimulang magkaroon ng malakas na paghiyaw’ sa bahay ng mga Ehipsiyo. (Ex. 12:30) Isipin din kung gaano kahigpit ang yakap ni Rahab sa kaniyang pamilya habang nararamdaman niya ang pagyanig ng gumuguhong pader ng Jerico. Talagang kailangan ni Rahab ng pananampalataya para masunod ang tagubiling manatili sa loob ng kaniyang bahay.

Malapit na ang wakas ng masamang sanlibutan ni Satanas. Hindi natin alam kung paano ipagsasanggalang ni Jehova ang kaniyang bayan sa kakila-kilabot na ‘araw ng kaniyang galit.’ (Zef. 2:3) Gayunman, makatitiyak tayo na mahalaga ang pananampalataya at pagsunod kay Jehova para maligtas, nasaan man tayo o anuman ang ating kalagayan sa panahong iyon. Samantala, dapat na magkaroon tayo ng tamang saloobin sa tinutukoy sa hula ni Isaias na mga “loobang silid.”

“Pumasok Ka sa Iyong mga Loobang Silid”

“Yumaon ka, bayan ko, pumasok ka sa iyong mga loobang silid, at isara mo ang iyong mga pinto sa likuran mo,” ang sabi ng Isaias 26:20. “Magtago ka nang sandali hanggang sa makaraan ang pagtuligsa.” Malamang na nagkaroon ng unang katuparan ang hulang ito noong 539 B.C.E. nang sakupin ng mga Medo at Persiano ang Babilonya. Lumilitaw na iniutos ni Ciro ng Persia na manatili ang lahat sa kanilang mga loobang silid yamang inutusan niya ang kaniyang mga sundalo na patayin ang sinumang masumpungan sa labas.

Sa ngayon, ang mga “loobang silid” na tinutukoy sa hulang ito ay maaaring iugnay sa mahigit 100,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. May mahalagang papel sa ating buhay ang mga kongregasyong ito. At mahalaga ang mga ito sa ating kaligtasan sa “malaking kapighatian.” (Apoc. 7:14) Inutusan ang bayan ng Diyos na pumasok sa kanilang “loobang silid” at magtago roon “hanggang sa makaraan ang pagtuligsa.” Dapat na patuloy nating pahalagahan ang kongregasyon at maging determinadong manatili rito. Isapuso natin ang payo ni Pablo: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang [ating] nakikita na papalapit na ang araw.”​—Heb. 10:24, 25.

[Mga larawan sa pahina 7]

Ano ang matututuhan natin sa mga ginawang pagliligtas ng Diyos?

[Larawan sa pahina 8]

Sa ano maaaring tumukoy ang mga “loobang silid” sa ating panahon?