Ang Tapat na Katiwala at ang Lupong Tagapamahala Nito
Ang Tapat na Katiwala at ang Lupong Tagapamahala Nito
“Sino ba talaga ang tapat na katiwala, yaong maingat, na aatasan ng kaniyang panginoon sa kaniyang lupon ng mga tagapaglingkod upang patuloy na magbigay sa kanila ng kanilang takdang pagkain sa tamang panahon?”—LUC. 12:42.
1, 2. Anong mahalagang tanong ang ibinangon ni Jesus hinggil sa mga huling araw?
HABANG ibinibigay ni Jesus ang tanda ng mga huling araw, itinanong niya sa mga alagad niya: “Sino talaga ang tapat at maingat na alipin na inatasan ng kaniyang panginoon sa kaniyang mga lingkod ng sambahayan, upang magbigay sa kanila ng kanilang pagkain sa tamang panahon?” Sinabi pa ni Jesus na ang aliping ito ay gagantimpalaan dahil sa kaniyang katapatan sa pamamagitan ng pag-aatas sa kaniya na mangasiwa sa lahat ng pag-aari ng kaniyang Panginoon.—Mat. 24:45-47.
2 Binanggit na rin ni Jesus ang nakakatulad na tanong mga ilang buwan na ang nakararaan. (Basahin ang Lucas 12:42-44.) Tinawag niya ang alipin na “katiwala” at tinukoy ang “mga lingkod ng sambahayan” bilang “kaniyang lupon ng mga tagapaglingkod.” Ang katiwala ay isang tagapamahala ng mga lingkod sa isang sambahayan, o administrador. Gayunman, isa rin siyang lingkod. Sino ang alipin, o katiwalang ito, at paano siya naglalaan ng “pagkain sa tamang panahon”? Napakahalaga nga para sa ating lahat na matukoy ang alulod na ginagamit sa paglalaan ng espirituwal na pagkain.
3. (a) Ano ang paliwanag ng mga komentarista ng Sangkakristiyanuhan hinggil sa sinabi ni Jesus tungkol sa “alipin”? (b) Sino ang “katiwala,” o “alipin”? Sino ang “mga tagapaglingkod,” o “mga lingkod ng sambahayan”?
3 Madalas na ipaliwanag ng mga komentarista ng Sangkakristiyanuhan na ang mga salitang ito ni Jesus ay tumutukoy sa mga may katungkulan sa mga relihiyong nagsasabing Kristiyano. Pero hindi sinabi ni Jesus, ang “panginoon” sa ilustrasyon, na magkakaroon ng maraming alipin sa iba’t ibang sekta ng Sangkakristiyanuhan. Sa halip, malinaw niyang sinabi na magkakaroon lamang ng isang “katiwala,” o “alipin,” na aatasan niya sa lahat ng kaniyang mga pag-aari. Gaya nang madalas ipaliwanag sa magasing ito, kumakatawan ang katiwalang ito sa “munting kawan” bilang isang kalipunan, o grupo, ng mga pinahirang alagad. Ganiyan ang pagkakatukoy sa kanila ni Jesus sa konteksto ng ulat ni Lucas. (Luc. 12:32) Ang “lupon ng mga tagapaglingkod,” o “mga lingkod ng sambahayan,” ay tumutukoy sa grupo ring ito pero itinatampok ang kanilang papel bilang indibiduwal. Kaya isang mahalagang tanong ang bumabangon, Ang bawat miyembro ba ng uring aliping ito ay may bahagi sa paglalaan ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon? Malalaman natin ang sagot kung susuriin nating mabuti ang sinasabi ng Kasulatan.
Mga Lingkod ni Jehova Noon
4. Paano tinukoy ni Jehova ang sinaunang bansang Israel? Ano ang kapansin-pansin tungkol sa bansang ito?
4 Tinukoy ni Jehova ang kaniyang bayan, ang sinaunang bansang Israel, bilang isang kalipunan ng mga lingkod. “‘Kayo [pangmaramihan] ang aking mga saksi [pangmaramihan],’ ang sabi ni Jehova, ‘ang akin ngang lingkod [pang-isahan] na aking pinili.’” (Isa. 43:10) Ang lahat ng miyembro ng bansa ay kabilang sa uring lingkod na iyon. Gayunman, kapansin-pansin na mga saserdote at di-saserdoteng Levita lamang ang may pananagutang magturo sa bansa.—2 Cro. 35:3; Mal. 2:7.
5. Ayon kay Jesus, anong malaking pagbabago ang magaganap?
5 Ang bansang Israel ba ang aliping tinutukoy ni Jesus? Hindi. Nalaman natin iyan dahil sa sinabi ni Jesus sa mga Judio noong panahon niya: “Ang kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa isang bansang nagluluwal ng mga bunga nito.” (Mat. 21:43) Maliwanag, may pagbabagong magaganap. Gagamit si Jehova ng isang bagong bansa. Gayunpaman, pagdating sa pagtuturo ng espirituwal na mga bagay, may makikita tayong pagkakatulad sa gawain ng alipin sa ilustrasyon ni Jesus at ang “lingkod” ng Diyos sa bansang Israel.
Ang Paglitaw ng Tapat na Alipin
6. Anong bagong bansa ang umiral noong Pentecostes 33 C.E.? Sino ang kabilang dito?
6 Ang bagong bansa, ang “Israel ng Diyos,” ay binubuo ng espirituwal na mga Israelita. (Gal. 6:16; Roma 2:28, 29; 9:6) Ito ay nagsimulang umiral nang ibuhos ang banal na espiritu sa mga alagad noong Pentecostes 33 C.E. Mula noon, lahat ng pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano ay naging bahagi ng bansa na naglilingkod ngayon bilang uring alipin na inatasan ng Panginoon, si Jesu-Kristo. Ang bawat miyembro ng bansang iyan ay inatasang mangaral ng mabuting balita at gumawa ng alagad. (Mat. 28:19, 20) Pero ang bawat isa kaya sa kanila ay makikibahagi sa paglalaan ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon? Talakayin natin ang sagot ng Kasulatan sa tanong na ito.
7. Noong una, ano ang pangunahing gawain ng mga apostol? Nang maglaon, anong karagdagang gawain ang kanilang tinanggap?
7 Nang piliin ni Jesus ang kaniyang 12 apostol, ang kanilang pangunahing gawain ay ang mangaral ng mabuting balita. (Basahin ang Marcos 3:13-15.) Angkop naman iyan, dahil ang kahulugan ng Griegong salita na apostolos ay nanggaling sa isang pandiwa na nangangahulugang “isugo.” Gayunman, sa paglipas ng panahon at bago maitatag ang Kristiyanong kongregasyon, ang papel ng isang apostol ay naging “katungkulan ng pangangasiwa.”—Gawa 1:20-26.
8, 9. (a) Ano ang naging pangunahin sa 12 apostol? (b) Sino pa ang mga binigyan ng karagdagang pananagutan na kinilala ng lupong tagapamahala?
8 Ano ang naging pangunahin sa 12 apostol? Malalaman ang sagot sa nangyari kinabukasan ng araw ng Pentecostes. Nang magkaroon ng pagtatalo tungkol sa araw-araw na pamamahagi ng pagkain sa mga balo, tinipon ng 12 apostol ang mga alagad, at sinabi: “Hindi kalugud-lugod na iwanan namin ang salita ng Diyos upang mamahagi ng pagkain sa mga mesa.” (Basahin ang Gawa 6:1-6.) Kaya inatasan ng mga apostol ang ibang kapatid na kuwalipikadong mag-asikaso sa “mahalagang gawaing” ito para maiukol nila ang kanilang panahon sa “ministeryo ng salita.” Pinagpala ni Jehova ang kaayusang ito yamang “ang salita ng Diyos ay patuloy na lumago, at ang bilang ng mga alagad ay patuloy na lubhang dumami sa Jerusalem.” (Gawa 6:7) Kaya ang pangunahing pananagutang maglaan ng espirituwal na pagkain ay nakasalalay sa mga apostol.—Gawa 2:42.
9 Nang maglaon, pinagkatiwalaan din ang iba ng mabibigat na atas. Sa tulong ng banal na espiritu, isinugo ng kongregasyon sa Antioquia sina Pablo at Bernabe para maging misyonero. Tinanggap sila bilang mga apostol kahit na hindi sila kabilang sa 12. (Gawa 13:1-3; 14:14; Gal. 1:19) Ang kanilang pagiging apostol ay kinilala ng lupong tagapamahala sa Jerusalem. (Gal. 2:7-10) Di-nagtagal, nagkaroon din ng bahagi si Pablo sa paglalaan ng espirituwal na pagkain nang isinulat niya ang kaniyang unang kinasihang liham.
10. Noong unang siglo, nakibahagi ba sa paghahanda ng espirituwal na pagkain ang lahat ng pinahirang Kristiyano? Ipaliwanag.
10 Gayunman, lahat ba ng pinahirang Kristiyano ay mangangasiwa sa gawaing pangangaral at sa paghahanda ng espirituwal na pagkain? Hindi. Sinasabi ni apostol Pablo sa atin: “Hindi lahat ay mga apostol, hindi ba? Hindi lahat ay mga propeta, hindi ba? Hindi lahat ay mga guro, hindi ba? Hindi lahat ay nagsasagawa ng makapangyarihang mga gawa, hindi ba?” (1 Cor. 12:29) Bagaman lahat ng Kristiyanong inianak sa espiritu ay nangangaral, iilan lamang—walong lalaki—ang sumulat ng 27 aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan.
Ang Tapat na Alipin sa Makabagong Panahon
11. Sa anong mga “pag-aari” inatasang mangasiwa ang alipin?
11 Malinaw na ipinahihiwatig ng mga salita ni Jesus sa Mateo 24:45 na may tapat at maingat na alipin na mabubuhay sa lupa hanggang sa panahon ng kawakasan. Tinukoy ang mga ito sa Apocalipsis 12:17 na “mga nalalabi” sa binhi ng babae. Bilang isang grupo, ang nalabing ito ng tapat na katiwala ang inatasang mangasiwa sa lahat ng pag-aari ni Kristo sa lupa. Ang mga ‘pag-aaring’ ito ay ang mga bagay na nauugnay sa Kaharian kabilang na ang makalupang sakop nito at ang ginagamit na mga pasilidad sa pangangaral ng mabuting balita.
12, 13. Paano nalalaman ng isang Kristiyano na ang pag-asa niya ay sa langit?
12 Paano nalalaman ng isang Kristiyano na ang pag-asa niya ay sa langit at sa gayo’y kabilang siya sa nalabing ito ng espirituwal na Israel? Pansinin ang sinabi ni apostol Pablo sa mga kabahagi niya ng pag-asa ring iyon sa langit: “Ang lahat ng inaakay ng espiritu ng Diyos, ito ang mga anak ng Diyos. Sapagkat hindi kayo muling tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin na sanhi ng pagkatakot, kundi tumanggap kayo ng espiritu ng pag-aampon bilang mga anak, na sa pamamagitan ng espiritung iyon ay sumisigaw tayo: ‘Abba, Ama!’ Ang espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos. Kaya nga, kung tayo ay mga anak, tayo ay mga tagapagmana rin: mga tagapagmana nga ng Diyos, ngunit mga kasamang tagapagmana ni Kristo, kung magdurusa tayong magkakasama upang luwalhatiin din tayong magkakasama.”—Roma 8:14-17.
13 Sa madaling salita, sila ay pinahiran ng banal Heb. 3:1) Ang personal na paanyayang ito ay mula sa Diyos. Walang-pag-aalinlangan nilang tinanggap ang paanyaya na maging mga anak ng Diyos. (Basahin ang 1 Juan 2:20, 21.) Kaya hindi sila ang pumili ng pag-asang ito para sa kanilang sarili. Si Jehova ang naglagay ng kaniyang tatak, o banal na espiritu, sa kanila.—2 Cor. 1:21, 22; 1 Ped. 1:3, 4.
na espiritu ng Diyos at tatanggap ng makalangit na “pagtawag,” o paanyaya. (Ang Tamang Pangmalas
14. Ano ang pangmalas ng mga pinahiran sa pagtawag sa kanila?
14 Ano ang dapat maging pangmalas ng mga pinahirang ito sa kanilang sarili habang naghihintay sa kanilang makalangit na gantimpala? Alam nila na ang kanilang tinanggap ay isang kamangha-manghang paanyaya. Pero isa pa lamang itong paanyaya. Kailangan nilang manatiling tapat hanggang kamatayan para makamit ang gantimpalang ito. May-pagpapakumbaba nilang nadama ang nadama ni Pablo, na nagsabi: “Mga kapatid, hindi ko pa itinuturing ang aking sarili na nakahawak na roon; ngunit may isang bagay tungkol dito: Nililimot ang mga bagay na nasa likuran at inaabot ang mga bagay na nasa unahan, ako ay nagsusumikap patungo sa tunguhin ukol sa gantimpala ng paitaas na pagtawag ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Fil. 3:13, 14) Dapat na puspusang magsikap ang pinahirang nalabi na “lumakad nang karapat-dapat sa pagtawag na itinawag sa [kanila], na may buong kababaan ng pag-iisip,” at nang “may takot at panginginig.”—Efe. 4:1, 2; Fil. 2:12; 1 Tes. 2:12.
15. Ano ang dapat maging pangmalas ng mga Kristiyano sa mga nakikibahagi sa emblema ng Memoryal? Ano ang dapat maging pangmalas ng mga pinahiran sa kanilang sarili?
15 Sa kabilang banda, ano ang dapat maging pangmalas ng ibang Kristiyano sa isang taong nagsimulang makibahagi sa mga emblema ng Memoryal anupat ipinahihiwatig na may makalangit siyang pag-asa? Hindi siya dapat hatulan. Ang bagay na ito ay sa pagitan ng taong iyon at ni Jehova. (Roma 14:12) Gayunman, ang mga Kristiyano na talagang pinahiran ay hindi humihingi ng pantanging atensiyon. Hindi nila iniisip na dahil pinahiran sila, mas malalim ang kanilang unawa kaysa sa ilang makaranasang miyembro ng “malaking pulutong.” (Apoc. 7:9) Hindi nila iniisip na mas napupuspos sila ng banal na espiritu kaysa sa kanilang mga kasamahang “ibang mga tupa.” (Juan 10:16) Hindi sila naghahangad ng pantanging atensiyon. Hindi rin nila inaangkin na dahil nakikibahagi sila sa mga emblema ay nakahihigit na sila sa hinirang na mga elder sa kongregasyon.
16-18. (a) Lahat ba ng pinahiran ay nakikibahagi sa pagsisiwalat ng mga bagong unawa sa turo ng Bibliya? Ilarawan. (b) Bakit hindi na kailangan ng Lupong Tagapamahala na sumangguni sa lahat ng nakikibahagi sa mga emblema ng Memoryal?
16 Lahat ba ng pinahirang ito sa buong lupa ay nakikibahagi sa paanuman sa pagsisiwalat ng mga bagong unawa sa turo ng Bibliya? Hindi. Bagaman ang uring alipin ay isang kalipunan na may pananagutang maglaan ng espirituwal na pagkain sa sambahayan ng mga pinahirang tagasunod ni Kristo, hindi pare-pareho ang pananagutan o atas ng bawat indibiduwal na miyembro ng uring alipin. (Basahin ang 1 Corinto 12:14-18.) Gaya ng nabanggit na, noong unang siglo, lahat ng pinahiran ay nakibahagi sa napakahalagang gawain ng pangangaral. Pero iilan lamang ang ginamit para isulat ang mga aklat ng Bibliya at para pangasiwaan ang kongregasyong Kristiyano.
17 Para ilarawan: Binabanggit kung minsan sa Kasulatan na ang “kongregasyon” ay gumagawa ng hudisyal na mga aksiyon. (Mat. 18:17) Gayunman, ang totoo, mga elder lamang ang gumagawa ng hudisyal na aksiyon bilang mga kinatawan ng kongregasyon. Hindi na hinihingi ng mga elder ang opinyon ng lahat ng miyembro ng kongregasyon bago sila magpasiya. Ginagawa nila ang kanilang atas ayon sa kaayusan ng Diyos. Kinakatawanan nila ang buong kongregasyon.
18 Sa katulad na paraan, ilang pinahirang lalaki lamang ang may pananagutang kumatawan ngayon sa uring alipin. Sila ang bumubuo sa Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Ang mga pinahirang lalaking ito ang nangangasiwa sa programa ng espirituwal na pagpapakain at sa gawaing pang-Kaharian. Gayunman, gaya noong unang siglo, hindi sumasangguni ang Lupong Tagapamahala sa lahat ng indibiduwal na miyembro ng uring alipin bago sila gumawa ng mga pasiya. (Basahin ang Gawa 16:4, 5.) Pero ang lahat ng pinahirang Saksi ay lubusang nakikibahagi sa napakahalagang gawaing pag-aani na ginagawa ngayon. Bilang isang grupo, ang “tapat at maingat na alipin” ay maituturing na isang katawan, pero bilang mga indibiduwal, o sangkap, iba-iba ang kanilang gawain.—1 Cor. 12:19-26.
19, 20. Ano ang timbang na pangmalas ng malaking pulutong sa “tapat at maingat na alipin” at sa Lupong Tagapamahala nito?
19 Ano ang dapat maging epekto ng mga katotohanang ito sa dumaraming miyembro ng malaking pulutong na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa? Bilang bahagi ng pag-aari ng Hari, maligaya silang nakikipagtulungan sa mga kaayusang ginagawa ng Lupong Tagapamahala, na kumakatawan sa “tapat at maingat na alipin.” Pinahahalagahan nila ang espirituwal na pagkain na inilalaan sa ilalim ng pangangasiwa ng Lupong Tagapamahala. Bagaman iginagalang nila ang uring alipin, hindi binibigyan ng mga miyembro ng malaking pulutong ng pantanging atensiyon ang sinumang indibiduwal na nag-aangking kabilang siya sa uring alipin. Walang Kristiyano na talagang pinahiran ng espiritu ng Diyos ang maghahangad ng gayong atensiyon.—Gawa 10:25, 26; 14:14, 15.
20 Tayo man ay “mga lingkod ng sambahayan,” na bahagi ng pinahirang nalabi, o miyembro ng malaking pulutong, maging determinado nawa tayong lubusang makipagtulungan sa tapat na katiwala at sa Lupong Tagapamahala nito. ‘Patuloy nawa tayong magbantay’ at patunayang tapat tayo hanggang wakas.—Mat. 24:13, 42.
Natatandaan Mo Ba?
• Sino ang “tapat at maingat na alipin,” at sino ang mga lingkod ng sambahayan?
• Paano nalalaman ng isang tao na ang pag-asa niya ay sa langit?
• Sino ang may pangunahing pananagutan sa paghahanda ng bagong espirituwal na pagkain?
• Ano ang dapat maging pangmalas ng mga pinahiran sa kanilang sarili?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 23]
Sa ngayon, ang Lupong Tagapamahala ang kumakatawan sa uring tapat at maingat na alipin. Ganiyan din ang kaayusan noong unang siglo