Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-aatas—Bakit at Paano?

Pag-aatas—Bakit at Paano?

Pag-aatas​—Bakit at Paano?

BAGO pa likhain ang planetang Lupa, nagbibigay na ng atas si Jehova. Nang lalangin niya ang kaniyang bugtong na Anak, inatasan niya siya na maging “dalubhasang manggagawa” ng uniberso. (Kaw. 8:22, 23, 30; Juan 1:3) Nang lalangin ng Diyos ang unang mag-asawa, sinabi niya sa kanila na ‘punuin nila ang lupa at supilin ito.’ (Gen. 1:28) Inatasan ng Maylalang ang mga tao na palawakin ang Hardin ng Eden sa buong lupa. Oo, mula pa sa simula, ginagawa na sa loob ng organisasyon ni Jehova ang pag-aatas.

Ano ang nasasangkot sa pag-aatas? Bakit dapat matutuhan ng mga Kristiyanong elder ang pag-aatas sa iba ng mga gawain sa kongregasyon? At paano nila ito magagawa?

Ano ang Pag-aatas?

Ang pag-aatas ay nangangahulugang ipagkatiwala ang gawain sa iba; humirang ng kinatawan; ipagkaloob ang awtoridad sa iba. Kaya ang pag-aatas ay paggawang kasama ng iba para maabot ang mga tunguhin at pagbabahagi ng awtoridad sa iba.

Ang mga binigyan ng atas sa Kristiyanong kongregasyon ay inaasahang tutupad sa kanilang atas, mag-uulat ng mga nagawa na nila, at karaniwan nang sasangguni sa taong nag-atas sa kanila. Pero ang pangunahing pananagutan ay nakaatang pa rin sa mga hinirang na kapatid na nag-atas ng gawain. Dapat nitong tiyakin na nagagawa ang atas at nagbibigay ng payo kung kinakailangan. Gayunman, baka maitanong ng ilan, ‘Bakit ko pa iaatas ang isang bagay kung kaya ko namang gawin?’

Bakit Kailangang Mag-atas?

Nilalang ni Jehova ang kaniyang bugtong na Anak at binigyan ng pagkakataon ang Anak na tumulong sa paglalang sa iba pang bagay. Oo, “sa pamamagitan niya ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang sa langit at sa ibabaw ng lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di-nakikita.” (Col. 1:16) Kaya namang gawin ng Maylalang ang lahat ng bagay, pero gusto niyang maranasan din ng kaniyang Anak ang kagalakan sa mabungang paggawa. (Kaw. 8:31) Ito ang tumulong sa Anak para matuto pa nang higit tungkol sa mga katangian ng Diyos. Oo, ginamit ng Ama ang pagkakataong ito para sanayin ang kaniyang bugtong na Anak.

Noong nasa lupa si Jesu-Kristo, tinularan niya ang kaniyang Ama sa pagbibigay ng atas sa iba. Unti-unti niyang sinanay ang kaniyang mga alagad. Isinugo niya ang 12 apostol at nang maglaon ay ang 70 iba pang mga alagad para pangunahan ang gawaing pangangaral sa ilang lugar. (Luc. 9:1-6; 10:1-7) Kaya nang dumating siya sa mga lugar na iyon, nakalatag na ang pundasyon para sa gawaing pangangaral. Bago umakyat si Jesus sa langit, inatasan niya ang kaniyang sinanay na mga alagad ng mas mabibigat na pananagutan, kasama na ang pandaigdig na gawaing pangangaral.​—Mat. 24:45-47; Gawa 1:8.

Ginagawa rin sa loob ng kongregasyong Kristiyano ang pag-aatas at pagsasanay. Sinabi ni apostol Pablo kay Timoteo: “Ang mga bagay na ito ay ipagkatiwala mo sa mga taong tapat, na magiging lubusang kuwalipikado na magturo naman sa iba.” (2 Tim. 2:2) Oo, dapat sanayin ng mga makaranasan ang iba na maaari ding sumanay sa iba pa.

Kapag iniatas ng isang elder ang ilan niyang gawain sa iba, maaari niyang maibahagi ang kagalakang naidudulot ng pagtuturo at pagpapastol. Yamang alam natin na may mga limitasyon tayo, mas maraming dahilan ang mga elder na humingi ng tulong para magampanan ang mga pananagutan sa kongregasyon. Sinasabi ng Bibliya: “Ang karunungan ay nasa mga mahinhin.” (Kaw. 11:2) Ang pag-amin sa limitasyon ay tanda ng kahinhinan o kapakumbabaan. Kung pipilitin mong gawin ang lahat, masyado mong mapabibigatan ang iyong sarili at mapagkakaitan mo ng panahon ang iyong pamilya. Kaya nga katalinuhan na magpatulong sa iba. Halimbawa, maaaring iatas ng koordineytor ng lupon ng matatanda sa ibang elder ang pag-audit sa account ng kongregasyon. Sa gayon, magiging pamilyar din ang ibang elder sa pinansiyal na kalagayan ng kongregasyon.

Ang pag-aatas ay isang pagkakataon na masanay at maging makaranasan ang iba. Pagkakataon din ito na makita ang kakayahan ng mga naatasan. Sa gayon, sa pag-aatas ng ilang gawain sa kongregasyon, masusubok ng matatanda ang mga may potensiyal na maging ministeryal na lingkod “kung sila ay karapat-dapat.”​—1 Tim. 3:10.

Maipapakita rin ng mga elder ang kanilang pagtitiwala sa iba sa pamamagitan ng pag-aatas. Sinanay ni Pablo si Timoteo sa paggawang kasama niya bilang misyonero. Naging malapít sila sa isa’t isa. Tinawag ni Pablo si Timoteo na “isang tunay na anak sa pananampalataya.” (1 Tim. 1:2) Sa katulad na paraan, naging matibay rin ang ugnayan ni Jehova at ni Jesus dahil sa paggawa nilang magkasama nang lalangin ang lahat ng iba pang bagay. Maaari ding magkaroon ng malapit na kaugnayan ang elder at ang brother na inatasan niya ng isang gawain.

Kung Bakit Atubiling Mag-atas ang Ilan

Nag-aatubili ang ilang elder na mag-atas ng gawain sa iba, kahit pa alam nilang makatutulong ito sa kanila. Naiisip nila marahil na mababawasan ang kanilang awtoridad. Baka iniisip nilang sila dapat ang laging may hawak sa manibela, wika nga. Gayunman, tandaan na bago umakyat si Jesus sa langit, inatasan niya ang kaniyang mga alagad ng isang mabigat na pananagutan. Alam niyang mas marami silang magagawa kaysa sa kaniya.​—Mat. 28:19, 20; Juan 14:12.

Maaaring may inatasan noon ang ibang elder, pero hindi maganda ang naging resulta. Kaya baka naiisip nila na mas mabuti pang sila na mismo ang gumawa. Pero isaalang-alang ang halimbawa ni Pablo. Alam niya ang kahalagahan ng pag-aatas pero batid din niya na hindi laging makaaabot sa kaniyang inaasahan ang mga sinasanay niya. Sa kaniyang unang paglalakbay bilang misyonero, sinanay ni Pablo ang kabataang si Marcos. Nang umuwi si Marcos at iwan ang kaniyang atas, nadismaya si Pablo. (Gawa 13:13; 15:37, 38) Gayunman, hindi pa rin tumigil si Pablo sa pagsasanay sa iba. Gaya ng nabanggit na, inanyayahan niya ang kabataang Kristiyanong si Timoteo na sumama sa kaniyang paglalakbay. Nang handa na si Timoteo para sa mas mabigat na pananagutan, iniwan siya ni Pablo sa Efeso anupat ipinagkatiwala sa kaniya ang paghirang ng mga tagapangasiwa at ministeryal na lingkod sa kongregasyon.​—1 Tim. 1:3; 3:1-10, 12, 13; 5:22.

Sa katulad na paraan, hindi dapat sumuko ang mga elder sa ngayon sa pagsasanay ng mga brother dahil lamang hindi naging maganda ang resulta ng pagsasanay sa isa sa kanila. Mahalagang magtiwala sa iba at sanayin sila. Kung gayon, anong mga bagay ang dapat tandaan ng mga elder kapag nag-aatas ng gawain?

Kung Paano Mag-aatas

Kapag nag-aatas, isaalang-alang ang kuwalipikasyon ng mga brother na gusto ninyong atasan. Nang mangailangan ng mangangasiwa sa araw-araw na pamamahagi ng pagkain sa Jerusalem, pumili ang mga apostol ng “pitong lalaking may patotoo . . . , puspos ng espiritu at karunungan.” (Gawa 6:3) Kung iaatas mo ang gawain sa isa na hindi maaasahan, baka hindi niya magawa ang atas. Kaya makabubuting atasan muna siya ng mga simpleng gawain. Kapag napatunayan niyang karapat-dapat siya, maaari na siyang bigyan ng mas mabigat na responsibilidad.

Pero higit pa riyan ang kailangang isaalang-alang. Iba-iba ang personalidad, kakayahan, at karanasan ng mga tao. Baka puwedeng gawing attendant ang isang brother na palakaibigan at kaayaaya ang personalidad, samantalang baka puwede namang makatulong sa kalihim ng kongregasyon ang isang brother na mahusay mag-organisa. Maaaring atasan ang isang sister na mahusay magdekorasyon para mag-ayos ng mga bulaklak sa Memoryal.

Kapag nag-aatas, sabihin nang detalyado ang iyong inaasahan. Bago magsugo si Juan Bautista ng mga mensahero kay Jesus, ipinaalam niya sa kanila kung ano ang gusto niyang malaman pati mismo ang mga salitang gagamitin sa pagtatanong kay Jesus. (Luc. 7:18-20) Sa kabilang banda, hindi dinetalye ni Jesus sa kaniyang mga alagad kung ano ang gagawin nang tagubilinan niya sila na tipunin ang mga natirang pagkain nang siya’y maghimala. (Juan 6:12, 13) Mahalaga talagang isaalang-alang ang kakayahan ng aatasan at kung anong atas ang ibibigay sa kaniya. Dapat maging malinaw kapuwa sa nag-atas at inatasan ang inaasahang resulta at kung gaano kadalas dapat magreport ang inatasan hinggil sa nagawa niya. Dapat ding maging malinaw sa kaniya kung hanggang saan ang saklaw ng kaniyang atas. Kung may deadline, mas maganda kung napagkasunduan ito sa halip na basta na lamang itakda ng nag-atas.

Dapat ding ilaan sa inatasan ng gawain ang lahat ng kaniyang kakailanganin. Maaari ding ipabatid sa iba ang tungkol sa pag-aatas. Nang ipagkatiwala ni Jesus kay Pedro “ang mga susi ng kaharian ng langit,” ginawa niya ito sa harap ng ibang mga alagad. (Mat. 16:13-19) Gayundin naman sa ilang kalagayan, baka mabuting ipaalam sa kongregasyon kung sino ang may pananagutan sa isang partikular na gawain.

Kailangan ding maging maingat. Kung makikialam ka pa rin sa paraan ng pagtupad ng inatasan sa kaniyang gawain, baka maisip niyang wala kang tiwala sa kaniya. Totoo, baka hindi katulad ng iyong inaasahan ang maging resulta kung minsan. Gayunman, kung hahayaan mo ang isang brother na gawin sa sarili niyang paraan ang iniatas sa kaniya, malamang na magkaroon siya ng karanasan at tiwala sa sarili. Hindi naman ibig sabihin nito na pababayaan mo na lamang siya sa lahat. Bagaman ipinagkatiwala ni Jehova sa kaniyang Anak ang isang partikular na papel sa paglalang, tinulungan niya siya. Sinabi niya sa Dalubhasang Manggagawa: “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan.” (Gen. 1:26) Kaya sa pamamagitan ng iyong salita at gawa, suportahan mo siya at bigyan ng komendasyon sa kaniyang pagsisikap. Makatutulong kung ipapakipag-usap mo sa kaniya ang resulta ng kaniyang mga nagawa. Kung hindi natapos ang atas nang tama, huwag mag-atubiling magbigay ng karagdagang payo o tulong sa kaniya. Tandaan na ikaw na nag-atas ang talagang may pananagutan sa gawain.​—Luc. 12:48.

Maraming brother ang nakinabang sa pagtanggap ng atas mula sa mga elder na talagang nagpakita ng maibiging interes sa kanila. Kailangang matutuhan ng lahat ng elder kung bakit at paano mag-aatas. Sa gayon, matutularan nila si Jehova.

[Kahon sa pahina 29]

ANG PAG-AATAS AY

• isang paraan para maibahagi sa iba ang kagalakan sa paggawa

• isang paraan para mas maraming maisakatuparan

• pagpapakita ng karunungan at kahinhinan

• isang paraan para sanayin ang iba

• pagpapakita ng tiwala sa iba

[Kahon sa pahina 30]

KUNG PAANO MAG-AATAS

• Pumili ng angkop na tao para sa gawain

• Linawin ang mga bagay-bagay

• Ipaliwanag kung ano ang inaasahan

• Ilaan ang mga kakailanganin niya sa pagtupad sa atas

• Ipakita ang iyong malasakit at tiwala sa kaniya

• Isiping ikaw ang talagang may pananagutan

[Mga larawan sa pahina 31]

Kasama sa pag-aatas ang pagbibigay ng gawain sa iba at pagsubaybay sa mga nagawa na ng inatasan