Sinusunod Mo ba ang “Nakahihigit na Daan” ng Pag-ibig?
Sinusunod Mo ba ang “Nakahihigit na Daan” ng Pag-ibig?
“ANG Diyos ay pag-ibig.” Tinutukoy rito ni apostol Juan ang pinakapangunahing katangian ng Diyos. (1 Juan 4:8) Dahil sa pag-ibig ng Diyos, naging posible na magkaroon tayo ng malapít na kaugnayan sa kaniya. Ano pa ang nagiging epekto sa atin ng pag-ibig ng Diyos? Isang manunulat ang nagsabi: “Malaki ang impluwensiya sa ating pagkatao ng mga minamahal natin.” Totoo naman iyan. Pero may impluwensiya rin sa atin ang mga nagmamahal sa atin. Dahil nilalang tayo ayon sa larawan ng Diyos, may kakayahan tayong tularan ang pag-ibig ng Diyos. (Gen. 1:27) Kaya sumulat si apostol Juan na iniibig natin ang Diyos “sapagkat siya ang unang umibig sa atin.”—1 Juan 4:19.
Apat na Salitang Naglalarawan sa Pag-ibig
Inilarawan ni apostol Pablo ang pag-ibig bilang “nakahihigit na daan.” (1 Cor. 12:31) Bakit kaya? Anong uri ng pag-ibig ang tinutukoy ni Pablo? Upang malaman natin, suriin natin ang salitang “pag-ibig.”
Sa sinaunang Griego, may apat na pangunahing salita na lumalarawan sa pag-ibig: stor·geʹ, eʹros, phi·liʹa, at a·gaʹpe. Ang a·gaʹpe ang terminong ginamit nang tukuyin ang Diyos bilang “pag-ibig.” * Hinggil sa uring ito ng pag-ibig, ganito ang sinabi ni Propesor William Barclay sa kaniyang New Testament Words: “Ang agapē ay ginagamitan ng isip: hindi ito basta bugso ng damdamin; ito’y prinsipyo sa buhay. Ang agapē ay pangunahin nang may kaugnayan sa paninindigan ng isang tao.” Ayon dito, ang a·gaʹpe ay pag-ibig na ginagabayan ng simulain, pero madalas na nasasangkot dito ang matinding damdamin. Yamang may masama at mabuting mga simulain, dapat na ginagabayan ang mga Kristiyano ng mga simulain ng Diyos na Jehova na nasa Bibliya. Kapag inihambing natin ang a·gaʹpe sa iba pang terminong ginamit sa Bibliya upang ilarawan ang pag-ibig, higit nating mauunawaan ang pag-ibig na dapat nating ipakita.
Pag-ibig sa Loob ng Pamilya
Napakasaya ngang mapabilang sa isang maibigin at nagkakaisang pamilya! Stor·geʹ ang salitang Griego na madalas gamitin upang tukuyin ang likas na pagmamahal ng magkakapamilya. Sinisikap ng mga Kristiyano na ibigin ang kanilang kapamilya. Inihula ni Pablo na sa mga huling araw, *—2 Tim. 3:1, 3.
marami ang “walang likas na pagmamahal.”Nakalulungkot, sa sanlibutang ito, kitang-kita na walang likas na pag-ibig ang magkakapamilya. Bakit napakaraming babae ang nagpapalaglag? Bakit napakaraming pamilya ang walang malasakit sa kanilang matatanda nang magulang? Bakit patuloy na dumarami ang mga nagdidiborsiyo? Dahil wala silang likas na pagmamahal.
Sinasabi rin ng Bibliya na “ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay.” (Jer. 17:9) Nasasangkot sa pag-ibig sa pamilya ang ating puso at damdamin. Subalit, kapansin-pansin, ginamit ni Pablo ang a·gaʹpe upang ilarawan ang pag-ibig na dapat ipakita ng asawang lalaki sa kaniyang kabiyak. Inihambing ni Pablo ang pag-ibig na iyan sa pag-ibig ni Kristo sa kongregasyon. (Efe. 5:28, 29) Ang pag-ibig na ito ay nakasalig sa mga simulaing ibinigay ni Jehova, ang Tagapagpasimula ng pamilya.
Ang tunay na pag-ibig sa pamilya ay nagpapakilos sa atin na magmalasakit sa ating matatanda nang magulang o balikatin ang ating pananagutan sa ating mga anak. Napapakilos din nito ang mga magulang na disiplinahin ang kanilang mga anak nang may pag-ibig kung kinakailangan. Sa gayon, naiiwasan ng mga magulang na madala ng kanilang damdamin, na karaniwan nang nauuwi sa pangungunsinti.—Efe. 6:1-4.
Romantikong Pag-ibig at mga Simulain sa Bibliya
Ang romantikong pag-ibig ng mag-asawa ay kaloob ng Diyos. (Kaw. 5:15-17) Gayunman, ang salitang eʹros, na tumutukoy sa romantikong pag-ibig, ay hindi ginamit ng mga manunulat ng Bibliya. Bakit? Ganito ang sinabi ng Bantayan, mga ilang taon na ang nakalilipas: “Sa ngayon, waring ang pagkakasala ng buong sanlibutan ay gaya niyaong sa sinaunang mga Griego. Sinamba nila ang diyos na si Eros, lumuhod sa kaniyang altar at naghandog ng mga hain sa kaniya. . . . Pero ipinakikita ng kasaysayan na ang gayong pagsamba may kaugnayan sa seksuwal na pag-ibig ay nagdulot lamang ng kahiya-hiya at imoral na paggawi. Iyan marahil ang dahilan kung bakit hindi ginamit ng mga manunulat ng Bibliya ang salitang ito.” Upang maiwasan na magkaroon ng relasyon na nakasalig lamang sa pisikal na atraksiyon, dapat makontrol ng mga simulain sa Bibliya ang romantikong damdamin. Kaya tanungin ang iyong sarili, ‘Ang akin bang romantikong damdamin ay ginagabayan ng tunay na pag-ibig?’
Sa “kasibulan ng kabataan,” kadalasan nang napakatindi ng pagnanasa sa sekso. Kaya ang mga kabataang nanghahawakan sa mga simulain ng Bibliya ay nananatiling malinis sa moral. (1 Cor. 7:36; Col. 3:5) Itinuturing nating sagradong kaloob mula kay Jehova ang pag-aasawa. Ganito ang sinabi ni Jesus tungkol sa mga mag-asawa: “Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mat. 19:6) Sa halip na manatili lamang na magkasama hangga’t may pisikal na atraksiyon sa isa’t isa, itinuturing ng mga mag-asawang Kristiyano ang kanilang pag-aasawa na habang buhay na sumpaan. Kapag may problema, hindi nila iniisip na maghiwalay agad kundi sa halip ay nagsisikap na ipakita ang makadiyos na mga katangian. Sa gayon, magdudulot ito ng walang-hanggang kaligayahan sa pamilya.—Efe. 5:33; Heb. 13:4.
Pag-ibig sa Magkakaibigan
Talaga ngang nakababagot ang buhay kung wala tayong mga kaibigan! Ganito ang sinabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “May kaibigang mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.” (Kaw. 18:24) Nais ni Jehova na magkaroon tayo ng tunay na mga kaibigan. Alam na alam natin ang tungkol sa matalik na pagkakaibigan nina David at Jonatan. (1 Sam. 18:1) At sinabi sa Bibliya na “minamahal” ni Jesus si apostol Juan. (Juan 20:2) Ang salitang Griego para sa “pagmamahal” o “pagkakaibigan” ay phi·liʹa. Angkop lamang na magkaroon ng matalik na kaibigan sa kongregasyon. Pero sa 2 Pedro 1:7, hinihimok tayo na idagdag ang pag-ibig (a·gaʹpe) sa ating “pagmamahal na pangkapatid” (phi·la·del·phiʹa, isang tambalang salita ng phiʹlos, ang salitang Griego para sa “kaibigan,” at a·del·phosʹ, ang salitang Griego para sa “kapatid”). Upang magtagal ang ating mga pagkakaibigan, dapat nating ikapit ang payong ito. Makabubuting itanong natin sa ating sarili, ‘Ang pagmamahal ko ba sa aking mga kaibigan ay ginagabayan ng mga simulain sa Bibliya?’
Makatutulong sa atin ang Salita ng Diyos na iwasang magpakita ng pagtatangi sa ating mga kaibigan. Hindi tayo nagiging mapagparaya sa ating mga kaibigan samantalang mahigpit naman sa mga hindi natin kaibigan. Bukod diyan, hindi tayo nambobola para lamang magkaroon ng mga kaibigan. Higit sa lahat, ang pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya ay magbibigay sa atin ng kaunawaan upang malaman kung sino ang dapat nating maging kaibigan at makaiwas sa ‘masasamang kasama na sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.’—1 Cor. 15:33.
Isang Pambihirang Buklod!
Talagang pambihira ang buklod na nag-uugnay sa mga Kristiyano! Sumulat si apostol Pablo: “Ang inyong pag-ibig ay huwag magkaroon ng pagpapaimbabaw. . . . Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon kayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa.” (Roma 12:9, 10) Oo, ang mga Kristiyano ay may ‘pag-ibig (a·gaʹpe) na walang pagpapaimbabaw.’ Ang pag-ibig na ito ay hindi lamang nakasalig sa damdamin. Sa halip, ito ay matibay na nakasalig sa mga simulain sa Bibliya. Pero binabanggit din ni Pablo ang tungkol sa “pag-ibig na pangkapatid” (phi·la·del·phiʹa) at “magiliw na pagmamahal” (phi·loʹstor·gos, isang tambalang salita ng phiʹlos at stor·geʹ). Ayon sa isang iskolar, ang “pag-ibig na pangkapatid” ay “pagmamahal na may kalakip na kabaitan, simpatiya, at pagkakawanggawa.” Kapag sinamahan ito ng a·gaʹpe, nagkakaroon ng malapít na ugnayan ang mga mananamba ni Jehova. (1 Tes. 4:9, 10) Ang pananalitang isinaling “magiliw na pagmamahal” ay minsan lamang lumitaw sa Bibliya. * Tumutukoy ito sa malapít na kaugnayan gaya ng makikita sa loob ng pamilya.
Ang buklod na nag-uugnay sa mga tunay na Kristiyano ay pinagsamang pag-ibig sa pamilya at sa mga tunay na kaibigan. Ito ay nakasalig sa pag-ibig na ginagabayan ng mga simulain ng Bibliya. Ang kongregasyong Kristiyano ay hindi isang lugar upang humanap ng kaibigan o isang sekular na organisasyon. Sa halip, ito ay nagkakaisang pamilya ng mga mananamba ng Diyos na Jehova. Itinuturing natin ang ating mga kapananampalataya na mga kapatid. Kabilang sila sa ating espirituwal na pamilya, mahal natin sila bilang mga kaibigan, at palagi natin silang pinakikitunguhan ayon sa mga simulain sa Bibliya. Patuloy nawa nating itaguyod ang pag-ibig na nagbubuklod at nagpapakilala sa tunay na kongregasyong Kristiyano.—Juan 13:35.
[Mga talababa]
^ par. 5 Ginagamit din ang a·gaʹpe sa negatibong paraan.—Juan 3:19; 12:43; 2 Tim. 4:10; 1 Juan 2:15-17.
^ par. 7 Ang pananalitang “walang likas na pagmamahal” ay mula sa stor·geʹ na may unlaping a, na nangangahulugang “wala.”—Tingnan din ang Roma 1:31.
^ par. 18 Sa Bagong Sanlibutang Salin, isinalin din ang ibang salitang Griego bilang “magiliw na pagmamahal.” Kaya sa saling ito, hindi lamang sa Roma 12:10 lumitaw ang pananalitang ito kundi pati rin sa Filipos 1:8 at 1 Tesalonica 2:8.
[Blurb sa pahina 12]
Paano mo itinataguyod ang pag-ibig na nagbubuklod sa atin?