Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tularan si Jesus—Magturo Nang May Pag-ibig

Tularan si Jesus—Magturo Nang May Pag-ibig

Tularan si Jesus​—Magturo Nang May Pag-ibig

“Walang sinumang tao ang nakapagsalita nang tulad nito.”​—JUAN 7:46.

1. Ano ang reaksiyon ng mga tao sa paraan ng pagtuturo ni Jesus?

SIGURADONG kapana-panabik na marinig si Jesus na nagtuturo! Mababasa natin sa Bibliya ang naging epekto ng kaniyang pagtuturo sa mga nakapakinig sa kaniya. Halimbawa, sinabi ng manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas na ang mga kababayan ni Jesus ay “nagsimulang . . . mamangha sa kaakit-akit na mga salitang lumalabas sa kaniyang bibig.” Iniulat ni Mateo na yaong mga nakapakinig sa Sermon sa Bundok ni Jesus ay ‘lubhang namangha sa kaniyang paraan ng pagtuturo.’ At inilahad ni Juan na lubhang namangha kay Jesus ang mga opisyal na inutusang umaresto sa kaniya anupat hindi nila siya dinakip. Sinabi nila: “Walang sinumang tao ang nakapagsalita nang tulad nito.”​—Luc. 4:22; Mat. 7:28; Juan 7:46.

2. Paano nagturo si Jesus?

2 Hindi nagkamali ang mga opisyal na iyon. Talagang si Jesus ang pinakadakilang Guro na nabuhay kailanman. Bagaman malawak ang saklaw ng kaniyang mga turo, madaling maunawaan at simple ang mga ito. Hindi matututulan ang kaniyang pangangatuwiran. Mahusay siyang gumamit ng mga ilustrasyon at tanong. Ibinagay niya ang kaniyang turo sa mga kausap niya anuman ang kanilang kalagayan sa buhay. Pero hindi lamang iyan ang dahilan kung bakit si Jesus ang dakilang Guro.

Pinakamahalaga ang Pag-ibig

3. Bilang guro, ano ang kaibahan ni Jesus sa mga relihiyosong lider noong panahon niya?

3 Tiyak na may mga eskriba at Pariseo na matatalino at mahuhusay rin namang magturo. Ano ang kaibahan ng pagtuturo ni Jesus sa kanilang pagtuturo? Walang pag-ibig ang mga relihiyosong lider na iyon sa pangkaraniwang mga tao. Sa halip, hinamak nila ang mga ito at itinuring na “mga taong isinumpa.” (Juan 7:49) Sa kabaligtaran, naawa si Jesus sa kanila, dahil sila’y “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mat. 9:36) Magiliw siya, mahabagin, at mabait. Bukod diyan, hindi talaga mahal ng mga relihiyosong lider ang Diyos. (Juan 5:42) Subalit mahal ni Jesus ang kaniyang Ama at nalulugod siyang gawin ang kalooban ng Diyos. Pinilipit ng mga relihiyosong lider ang mga salita ng Diyos para sa kanilang kapakinabangan, pero inibig ni Jesus ang “salita ng Diyos”​—itinuro niya ito, ipinaliwanag, ipinagtanggol, at namuhay siya ayon dito. (Luc. 11:28) Oo, kitang-kita sa mga turo, pakikitungo sa mga tao, at paraan ng pagtuturo ni Kristo ang pag-ibig.

4, 5. (a) Bakit mahalagang magturo nang may pag-ibig? (b) Sa pagtuturo, bakit mahalaga rin ang kaalaman at kakayahan?

4 Kumusta naman tayo? Bilang mga tagasunod ni Kristo, nais nating tularan siya sa ating ministeryo at sa ating buhay. (1 Ped. 2:21) Kaya ang ating tunguhin ay hindi lamang ituro sa iba ang kaalaman sa Bibliya kundi ipakita rin ang mga katangian ni Jehova, lalo na ang pag-ibig. Kaunti man o marami ang ating alam, mahusay man tayong magturo o hindi, makatutulong sa atin ang pag-ibig para maabot ang puso ng mga tao. Upang maging tunay na mabisa sa ating paggawa ng alagad, dapat nating tularan si Jesus sa pamamagitan ng pagtuturo nang may pag-ibig.

5 Siyempre, para maging mahusay na guro, dapat na alam natin ang ating itinuturo at may kakayahan tayo na ibahagi ang ating nalalaman. Tinulungan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na magawa ang mga ito. Sa ngayon, tinutulungan tayo ni Jehova na magawa ito sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon. (Basahin ang Isaias 54:13; Lucas 12:42.) Gayunpaman, hindi lamang ang ating isip ang dapat nating gamitin sa pagtuturo kundi pati ang ating puso. Kapag nilakipan natin ng pag-ibig ang kaalaman at kakayahan, maganda ang magiging resulta. Kung gayon, paano natin maipapakita ang pag-ibig kapag tayo’y nagtuturo? Paano ito ginawa ni Jesus at ng kaniyang mga alagad? Talakayin natin ito.

Dapat Nating Mahalin si Jehova

6. Ano ang ating nadarama kapag pinag-uusapan ang taong mahal natin?

6 Gusto nating pinag-uusapan ang mga bagay na mahalaga sa atin. Kapag ginagawa natin ito, kitang-kita ang saya at sigla sa atin. Totoong-totoo ito kapag ang taong mahal natin ang pinag-uusapan. Karaniwan na, gustung-gusto nating sabihin sa iba kung ano ang alam natin sa taong iyon. Pinupuri, pinararangalan, at ipinagtatanggol natin siya. Ginagawa natin ito dahil nais nating magustuhan din siya ng iba.

7. Anong mga bagay ang ginawa ni Jesus dahil sa pag-ibig niya sa Diyos?

7 Dapat na makilala at mahalin muna natin si Jehova bago natin matulungan ang iba na gawin ito. Tutal, ang tunay na pagsamba ay nakasalig sa pag-ibig sa Diyos. (Mat. 22:36-38) Nagbigay si Jesus ng napakahusay na halimbawa. Inibig niya si Jehova nang kaniyang buong puso, isip, kaluluwa, at lakas. Dahil bilyun-bilyong taóng kasama ni Jesus ang kaniyang Ama sa langit, kilalang-kilala niya siya. Ano ang resulta? “Iniibig ko ang Ama,” ang sabi ni Jesus. (Juan 14:31) Makikita kay Jesus ang pag-ibig na iyan sa lahat ng kaniyang sinabi at ginawa. Inudyukan siya nito na laging gawin ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos. (Juan 8:29) Napakilos siya nito na hatulan ang mga relihiyosong lider na nag-aangking kinatawan ng Diyos. Pinakilos din siya nito na magsalita tungkol kay Jehova at tulungan ang iba na makilala at mahalin ang Diyos.

8. Ano ang ginawa ng mga alagad ni Jesus dahil sa kanilang pag-ibig sa Diyos?

8 Tulad ni Jesus, mahal din ng kaniyang unang-siglong mga alagad si Jehova. Ito ang nagpakilos sa kanila na ipangaral ang mabuting balita nang may tapang at sigasig. Pinunô nila ang Jerusalem ng kanilang turo sa kabila ng pagsalansang ng maimpluwensiyang mga relihiyosong lider. Hindi mapigilan ang mga alagad na magsalita tungkol sa mga bagay na kanilang nakita at narinig. (Gawa 4:20; 5:28) Alam nilang kasama nila si Jehova at pagpapalain Niya sila. At talaga namang pinagpala Niya sila! Sa katunayan, halos 30 taon pagkamatay ni Jesus, isinulat ni apostol Pablo na ang mabuting balita ay naipangaral na “sa lahat ng nilalang na nasa silong ng langit.”​—Col. 1:23.

9. Paano natin mapapatibay ang ating pag-ibig sa Diyos?

9 Kung gusto talaga nating maging mabisang guro, dapat nating tiyakin na ginagawa natin ang lahat para mapatibay ang ating pag-ibig sa Diyos. Paano natin ito magagawa? Sa pamamagitan ng laging pakikipag-usap sa Diyos sa panalangin. Mapapatibay rin natin ang ating pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng kaniyang Salita, pagbabasa ng mga salig-Bibliyang publikasyon, at pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Habang sumusulong tayo sa kaalaman sa Diyos, lalong sisidhi ang ating pag-ibig sa kaniya. Makikita naman ng iba sa ating salita at gawa ang ating pag-ibig sa Diyos. Ito ang maaaring mag-udyok sa kanila na maging malapít din kay Jehova.​—Basahin ang Awit 104:33, 34.

Dapat Nating Mahalin ang Ating Itinuturo

10. Paano masasabing mahusay ang isang guro?

10 Mahal ng isang mahusay na guro ang kaniyang itinuturo. Pinaniniwalaan at pinahahalagahan niya ito. Makikita ito sa sigla niya sa pagtuturo at sa nagiging epekto nito sa kaniyang mga estudyante. Sa kabilang banda, kung hindi pinahahalagahan ng guro ang kaniyang itinuturo, paano ito pahahalagahan ng kaniyang mga estudyante? Oo, napakahalaga ng iyong halimbawa bilang guro ng Salita ng Diyos. Sinabi ni Jesus: “Ang bawat estudyanteng sinanay na mabuti ay magiging tulad ng kaniyang guro.”​—Luc. 6:40, The New Berkeley Version in Modern English.

11. Bakit mahal ni Jesus ang kaniyang itinuturo?

11 Mahal ni Jesus ang kaniyang itinuturo. Alam niyang mahalaga ang kaniyang mensahe​—ang katotohanan tungkol sa kaniyang Ama sa langit, ang mismong “mga pananalita ng Diyos” at ang “mga pananalita ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:34; 6:68) Gaya ng nakasisilaw na liwanag, isiniwalat ng mga katotohanang ito ang masama at itinampok ang mabuti. Nagbigay ito ng pag-asa at kaaliwan sa mga mapagpakumbaba na nilinlang ng huwad na mga lider ng relihiyon at siniil ng Diyablo. (Gawa 10:38) Makikita rin sa ginagawa ni Jesus na mahal niya ang katotohanan.

12. Ano ang nadama ni apostol Pablo tungkol sa paghahayag ng mabuting balita?

12 Gaya ni Jesus, mahal na mahal ng kaniyang mga alagad ang katotohanan tungkol kay Jehova at kay Kristo. Hindi sila mapigilan ng mga mananalansang na sabihin ang katotohanang ito sa iba. Sumulat si Pablo sa mga kapuwa Kristiyano sa Roma: “May pananabik sa ganang akin na ipahayag din ang mabuting balita . . . Sapagkat hindi ko ikinahihiya ang mabuting balita; ito, sa katunayan, ang kapangyarihan ng Diyos ukol sa pagliligtas sa bawat isa na may pananampalataya.” (Roma 1:15, 16) Isang karangalan para kay Pablo na ipahayag ang katotohanan. Sumulat siya: “Sa akin . . . ibinigay ang di-sana-nararapat na kabaitang ito, upang maipahayag ko sa mga bansa ang mabuting balita tungkol sa di-maarok na kayamanan ng Kristo.” (Efe. 3:8) Tiyak na kitang-kita kay Pablo ang kaniyang sigla sa pagtuturo sa iba tungkol kay Jehova at sa Kaniyang mga layunin.

13. Ano ang mga dahilan para mahalin ang mabuting balita?

13 Makikilala natin ang Maylalang at magiging malapít tayo sa kaniya sa pamamagitan ng mabuting balita na nasa Salita ng Diyos. Sinasagot nito ang mahahalagang tanong natin sa buhay. May kakayahan itong baguhin ang ating buhay. Nagbibigay rin ito ng pag-asa sa atin at pinalalakas tayo nito kapag may problema tayo. Bukod diyan, inaakay tayo nito sa walang-hanggang buhay. Walang makapapantay sa kahalagahan ng mabuting balita. Isa itong regalo na nagdudulot ng malaking kagalakan sa atin. At talagang nagagalak din tayong ibahagi ang regalong ito sa iba.​—Gawa 20:35.

14. Paano natin mapasisidhi ang ating pag-ibig sa ating itinuturo?

14 Paano mo mapasisidhi ang iyong pag-ibig sa mabuting balita? Kapag nagbabasa ng Salita ng Diyos, huminto sandali para bulay-bulayin ang iyong nabasa. Halimbawa, isip-isiping kasama ka ni Jesus sa kaniyang ministeryo o naglalakbay ka kasama ni apostol Pablo. Gunigunihin din na nasa bagong sanlibutan ka at tinatamasa ang napakagandang kalagayan doon. Pag-isipan ang mga pagpapalang tinanggap mo dahil sa pagsunod sa mensahe ng mabuting balita. Kung masidhi ang iyong pag-ibig sa mabuting balita, makikita ito ng iyong mga estudyante. Dahil diyan, dapat nating bulay-bulaying mabuti ang ating natututuhan at bigyan ng pansin ang ating itinuturo.​—Basahin ang 1 Timoteo 4:15, 16.

Dapat Nating Mahalin ang mga Tao

15. Bakit dapat mahalin ng guro ang kaniyang mga estudyante?

15 Kapag mahusay ang isang guro, palagay ang loob ng kaniyang mga estudyante sa kaniya. Dahil dito, nananabik silang matuto at sabihin ang kanilang niloloob. Nagtuturo ang isang maibiging guro dahil nagmamalasakit siya sa kaniyang mga estudyante. Isinasaalang-alang niya ang kanilang mga pangangailangan, kakayahan, at kalagayan. Kapag nagtuturo nang may pag-ibig ang mga guro, nadarama ito ng mga estudyante. Sa gayon, nagiging kasiya-siya ang pagtuturo at pag-aaral.

16. Paano ipinakita ni Jesus na mahal niya ang mga tao?

16 Ipinakita ni Jesus ang gayong pag-ibig. Ang pinakadakilang kapahayagan ng kaniyang pag-ibig ay ang pagbibigay ng kaniyang sakdal na buhay bilang tao upang mailigtas ang iba. (Juan 15:13) Sa kaniyang ministeryo, laging handang tumulong si Jesus sa mga tao at magturo tungkol sa kaniyang Ama. Sa halip na hintaying pumunta sa kaniya ang mga tao, naglakad siya nang daan-daang kilometro upang ibahagi ang mabuting balita sa kanila. (Mat. 4:23-25; Luc. 8:1) Matiisin siya at maunawain. Maibigin niyang itinuwid ang kaniyang mga alagad kapag kailangan. (Mar. 9:33-37) Pinasigla niya sila anupat ipinakitang nagtitiwala siya na magiging mahusay silang mga mangangaral ng mabuting balita. Walang sinumang tao ang nakapantay kay Jesus sa pagiging maibiging guro. Dahil sa ipinakita niyang pag-ibig sa kaniyang mga alagad, napakilos sila na ibigin din siya at tuparin ang kaniyang mga utos.​—Basahin ang Juan 14:15.

17. Paano ipinakita ng mga alagad ni Jesus ang pag-ibig sa iba?

17 Gaya ni Jesus, mahal na mahal ng kaniyang mga alagad ang kanilang mga pinangangaralan. Tiniis nila ang pag-uusig at isinapanganib ang kanilang buhay upang makapaglingkod sa iba at maging matagumpay sa pangangaral ng mabuting balita. Talaga ngang inibig nila ang mga natulungan nila sa espirituwal! Nakaaantig ang sinabi ni apostol Pablo: “Kami ay naging banayad sa gitna ninyo, gaya ng isang nagpapasusong ina na nag-aaruga ng kaniyang sariling mga anak. Kaya, taglay ang magiliw na pagmamahal sa inyo, lubos kaming nalugod na ibahagi sa inyo, hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos, kundi gayundin ang aming sariling mga kaluluwa, sapagkat napamahal kayo sa amin.”​—1 Tes. 2:7, 8.

18, 19. (a) Bakit handa tayong magsakripisyo upang maipangaral ang mabuting balita? (b) Magbigay ng halimbawa na ang pag-ibig natin sa kapuwa ay napapansin ng iba.

18 Sa ngayon, hinahanap din ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ang mga nagnanais makilala ang Diyos at maglingkod sa kaniya. Sa katunayan, sa nakalipas na 17 taon, taun-taon tayong gumugugol ng mahigit isang bilyong oras sa pangangaral at paggawa ng alagad​—at patuloy natin itong ginagawa. Kusang-loob tayong nangangaral, bagaman nangangahulugan ito ng pagsasakripisyo ng panahon, lakas, at materyal na mga bagay. Gaya ni Jesus, batid natin na gusto ng ating maibiging Ama sa langit na ang mga tao ay magkaroon ng kaalaman na umaakay sa buhay na walang hanggan. (Juan 17:3; 1 Tim. 2:3, 4) Dahil sa pag-ibig, tinutulungan natin ang tapat-pusong mga tao na makilala rin at ibigin si Jehova.

19 Napapansin ng iba ang pag-ibig na ipinakikita natin sa mga tao. Halimbawa, isang payunir sa Estados Unidos ang nagpapadala ng mga liham upang aliwin ang mga namatayan ng mahal sa buhay. Bilang tugon, sumulat ang isang lalaki: “Nagulat ako noong una dahil hindi ko akalain na may isang tao na susulat sa isang estranghero upang tulungan ito na maharap ang mga pagsubok. Masasabi kong talagang mahal mo ang iyong kapuwa at ang Diyos na gumagabay sa mga tao sa daan ng buhay.”

20. Gaano kahalaga na magturo nang may pag-ibig?

20 Isang manunulat ang nagsabi na kapag pinagsama ang pag-ibig at kahusayan, mabubuo ang isang obra maestra. Kapag nagtuturo tayo, nais nating tulungan ang ating mga estudyante na makilala at ibigin si Jehova. Oo, upang maging mahuhusay na guro, dapat na mahalin natin ang Diyos, ang katotohanan, at ang mga tao. Kapag nilinang natin ang pag-ibig na iyan at ipinakita ito sa ating ministeryo, madarama natin ang kagalakan sa pagbibigay. Magiging maligaya rin tayo dahil alam nating natutularan natin si Jesus at napaluluguran si Jehova.

Paano Mo Sasagutin?

• Kapag itinuturo natin ang mabuting balita sa iba, bakit mahalaga na . . .

mahal natin ang Diyos?

mahal natin ang ating itinuturo?

mahal natin ang ating mga tinuturuan?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 15]

Paano naiiba ang paraan ng pagtuturo ni Jesus sa mga eskriba at Pariseo?

[Larawan sa pahina 18]

Ang mahusay na guro ay may kaalaman, kakayahan, at higit sa lahat, pag-ibig