Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Napakikilos Tayo ng Pag-ibig ni Kristo na Magpakita ng Pag-ibig

Napakikilos Tayo ng Pag-ibig ni Kristo na Magpakita ng Pag-ibig

Napakikilos Tayo ng Pag-ibig ni Kristo na Magpakita ng Pag-ibig

“Si Jesus, yamang inibig niya ang mga sariling kaniya na nasa sanlibutan, ay umibig sa kanila hanggang sa wakas.”​—JUAN 13:1.

1, 2. (a) Bakit namumukod-tangi ang pag-ibig ni Jesus? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

SI Jesus ay nagpakita ng sakdal na halimbawa sa pag-ibig. Makikita ang pag-ibig sa kaniyang buong pagkatao​—sa kaniyang pananalita, paggawi, pagtuturo, at sakripisyong kamatayan. Sa buong buhay niya sa lupa, ipinakita ni Jesus ang pag-ibig sa lahat ng nakilala niya, lalo na sa kaniyang mga alagad.

2 Ang namumukod-tanging pag-ibig ni Jesus ang naging pamantayang sinusunod ng kaniyang mga tagasunod. Napakikilos tayo ng pag-ibig na ito na magpakita ng gayunding pag-ibig sa ating mga kapatid sa espirituwal, pati na sa ibang tao. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung ano ang matututuhan ng matatanda sa kongregasyon hinggil sa pagpapakita ni Jesus ng pag-ibig sa mga nakagawa ng maliit o malubha pa ngang kasalanan. Tatalakayin din natin kung paano napakikilos ng pag-ibig ni Jesus ang mga Kristiyano na tulungan ang iba sa panahon ng kagipitan, kasakunaan, at pagkakasakit.

3. Sa kabila ng malubhang pagkakasala ni Pedro, paano siya pinakitunguhan ni Jesus?

3 Noong gabi bago mamatay si Jesus, ikinaila siya ng kaniya mismong apostol, si Pedro, nang tatlong beses. (Mar. 14:66-72) Pero nang magsisi si Pedro, gaya ng inihula ni Jesus, pinatawad siya ni Jesus. Pinagkatiwalaan siya ni Jesus ng mabibigat na pananagutan. (Luc. 22:32; Gawa 2:14; 8:14-17; 10:44, 45) Ano ang matututuhan natin sa saloobin ni Jesus sa mga nagkasala nang malubha?

Tularan ang Saloobin ni Kristo Kapag Nakikitungo sa mga Nagkasala

4. Kailan lalo nang kailangang ipakita ang saloobin ni Kristo?

4 Tunay na nakalulungkot kapag may isang kapamilya o kakongregasyon na malubhang nagkasala. Sa ganitong situwasyon, kailangang tularan ang saloobin ni Kristo. Habang papalapit ang kawakasan ng sistema ni Satanas, lalong tumitindi ang impluwensiya ng espiritu ng sanlibutang ito. Maaari nitong pahinain ang paninindigan ng sinuman, matanda o bata, na patuloy na gawin ang tama. Noong unang siglo, ang ilan ay kinailangang itiwalag o sawayin sa kongregasyong Kristiyano. Totoo rin ito sa ngayon. (1 Cor. 5:11-13; 1 Tim. 5:20) Gayunpaman, kung tutularan ng matatanda ang pag-ibig ni Kristo kapag humahawak ng gayong mga kaso, maaari itong magkaroon ng malaking epekto sa nagkasala.

5. Paano matutularan ng matatanda ang saloobin ni Kristo kapag nakikitungo sa mga nagkasala?

5 Gaya ni Jesus, dapat itaguyod ng matatanda ang matuwid na mga pamantayan ni Jehova sa lahat ng panahon. Sa paggawa nito, tinutularan nila ang kahinahunan, kabaitan, at pag-ibig ni Jehova. Kapag ang isa ay tunay na nagsisisi, “wasak ang puso” at ‘nasisiil ang espiritu’ dahil sa kaniyang kasalanan, maaaring hindi mahirapan ang matatanda na “ibalik sa ayos ang gayong tao sa espiritu ng kahinahunan.” (Awit 34:18; Gal. 6:1) Pero paano nila dapat pakitunguhan ang isang palaban at hindi talaga nagsisisi?

6. Ano ang dapat iwasan ng matatanda kapag nakikitungo sa mga nagkasala, at bakit?

6 Kapag hindi tinatanggap ng nagkasala ang maka-Kasulatang payo o sinisisi ang iba, baka magalit ang matatanda at ang ibang Kristiyano. Yamang alam nila kung anong pinsala ang naidulot ng taong iyon, baka matukso sila na ibulalas ang kanilang nadarama sa ginawa at saloobin ng nagkasala. Pero nakapipinsala ang galit at hindi ito kaayon ng “pag-iisip ni Kristo.” (1 Cor. 2:16; basahin ang Santiago 1:19, 20.) Tuwirang binabalaan ni Jesus ang ilan noong panahon niya, pero hindi siya kailanman nagsalita ng anuman na makasasakit sa kanila. (1 Ped. 2:23) Sa halip, sa salita at gawa, ipinahiwatig niya na maaaring magsisi at bumalik kay Jehova ang mga nagkasala. Sa katunayan, ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit naparito si Jesus sa sanlibutan ay “upang iligtas ang mga makasalanan.”​—1 Tim. 1:15.

7, 8. Anong saloobin ang dapat ipakita ng matatanda kapag humahawak ng mga kaso?

7 Paano dapat maapektuhan ng halimbawang ito ni Jesus ang ating saloobin sa mga dapat disiplinahin ng kongregasyon? Tandaan na ang gayong tagubilin ng Bibliya sa pagdidisiplina ay para protektahan ang kawan. Maaari din nitong pakilusin ang nagkasala na magsisi. (2 Cor. 2:6-8) Totoo, nakalulungkot na ang ilan ay hindi nagsisi at kailangang itiwalag, pero nakatutuwang malaman na sa dakong huli, marami sa kanila ang nanumbalik kay Jehova at sa kongregasyon. Kapag tinularan ng matatanda ang saloobin ni Kristo, nagiging mas madali para sa nagkasala na magbago at sa kalaunan ay manumbalik sa Diyos. Sa hinaharap, baka hindi matandaan ng nagkasalang ito ang lahat ng maka-Kasulatang payo sa kaniya, pero tiyak na matatandaan niya ang ipinakitang pag-ibig at paggalang sa kaniya ng matatanda.

8 Kung gayon, dapat ipakita ng matatanda ang “mga bunga ng espiritu,” pangunahin na ang tulad-Kristong pag-ibig, kahit hindi tanggapin ng nagkasala ang payo nila mula sa Kasulatan. (Gal. 5:22, 23) Hindi sila dapat padalus-dalos sa paghatol sa nagkasala. Dapat nilang ipakitang gusto nila siyang manumbalik kay Jehova. Kaya kapag nagbago sa dakong huli ang isang nagkasala, gaya ng ginagawa ng marami, maaaring lubos siyang magpasalamat kay Jehova at sa “kaloob na mga tao” na nakatulong sa kaniya na makabalik sa kongregasyon.​—Efe. 4:8, 11, 12.

Magpakita ng Tulad-Kristong Pag-ibig sa Panahon ng Kawakasan

9. Magbigay ng halimbawa kung paano nagpakita si Jesus ng pag-ibig sa kaniyang mga alagad.

9 Iniulat ni Lucas ang isang halimbawa kung saan ipinakita ni Jesus ang pag-ibig. Alam ni Jesus na darating ang panahon, kukubkubin ng mga sundalong Romano ang lunsod ng Jerusalem anupat magiging mahirap ang pagtakas. Kaya maibigin niyang binabalaan ang kaniyang mga alagad: “Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napaliligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon ay alamin ninyo na ang pagtitiwangwang sa kaniya ay malapit na.” Ano ang dapat nilang gawin? Nagbigay si Jesus ng espesipikong tagubilin: “Kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magsimula nang tumakas patungo sa mga bundok, at yaong mga nasa loob niya ay umalis, at yaong nasa mga dakong lalawigan ay huwag nang pumasok sa kaniya; sapagkat ito ay mga araw para sa paglalapat ng katarungan, upang matupad ang lahat ng mga bagay na nakasulat.” (Luc. 21:20-22) Nang mapaligiran ng mga hukbong Romano ang Jerusalem noong 66 C.E., sinunod ng mga tapat ang tagubiling ito.

10, 11. Paano tayo matutulungan ng pagbubulay-bulay sa ginawang pagtakas ng mga Kristiyano mula sa Jerusalem na maging handa sa “malaking kapighatian”?

10 Noong tumakas sila mula sa Jerusalem, kinailangang magpakita ng tulad-Kristong pag-ibig ang mga Kristiyano. Tiyak na ibinahagi nila sa isa’t isa ang anumang mayroon sila. Pero may mas malaking katuparan ang hula ni Jesus. Inihula niya: “Magkakaroon ng malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.” (Mat. 24:17, 18, 21) Bago at sa panahon ng “malaking kapighatian” na iyon, maaaring makaranas tayo ng kahirapan sa buhay. Kung taglay natin ang saloobin ni Kristo, mababata natin ito.

11 Sa panahong iyon, mahalagang ipakita ang mapagsakripisyong pag-ibig tulad ng kay Jesus. Ganito ang payo ni Pablo: “Palugdan ng bawat isa sa atin ang kaniyang kapuwa sa anumang mabuti para sa kaniyang ikatitibay. Sapagkat maging ang Kristo ay hindi nagpalugod sa kaniyang sarili . . . Ngayon ay ipagkaloob nawa sa inyo ng Diyos na naglalaan ng pagbabata at kaaliwan na magkaroon sa gitna ninyo ng gayunding pangkaisipang saloobin na tinaglay ni Kristo Jesus.”​—Roma 15:2, 3, 5.

12. Anong uri ng pag-ibig ang kailangan nating linangin ngayon, at bakit?

12 Nadama ni Pedro ang pag-ibig ni Jesus. Kaya naman, hinimok niya ang mga Kristiyano na magpakita ng “walang-pagpapaimbabaw na pagmamahal na pangkapatid” at “pagkamasunurin sa katotohanan.” Dapat “ibigin [nila] ang isa’t isa nang masidhi mula sa puso.” (1 Ped. 1:22) Sa ngayon, lalo nating kailangang linangin ang gayong mga katangian ni Kristo. Tumitindi ang panggigipit sa bayan ng Diyos. Hindi tayo dapat magtiwala sa anumang bahagi ng magulong sanlibutang ito, gaya ng kitang-kita sa kasalukuyang mabuway na ekonomiya nito. (Basahin ang 1 Juan 2:15-17.) Sa halip, habang papalapit ang kawakasan ng sistemang ito, kailangan tayong maging mas malapít kay Jehova. Dapat din tayong magkaroon ng malapít na kaugnayan sa ating mga kapatid sa kongregasyon. Nagpayo si Pablo: “Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon kayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Idiniin din ito ni Pedro: “Higit sa lahat, magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.”​—1 Ped. 4:8.

13-15. Paano ipinakita ng ilang kapatid ang tulad-Kristong pag-ibig sa panahon ng kasakunaan?

13 Sa buong daigdig, kilala ang mga Saksi ni Jehova sa pagpapakita ng tunay na pag-ibig. Isaalang-alang ang mga Saksi na nagboluntaryong tumulong sa nasalanta ng mga bagyo sa timugang Estados Unidos noong 2005. Palibhasa’y napakilos ng halimbawa ni Jesus, mahigit 20,000 ang nagboluntaryo. Iniwan nila ang komportable nilang tahanan at magandang trabaho upang tulungan ang kanilang mga kapatid.

14 Sa isang lugar, ang tubig-dagat ay rumagasa sa layong 80 kilometro at may taas na 10 metro. Nang humupa na ang tubig, sangkatlo ng mga bahay at iba pang gusali ang nawasak. Ang mga Saksing nagboluntaryo mula sa iba’t ibang bansa ay nagdala ng mga kagamitan at materyales sa pagtatayo. Ang ilan sa kanila ay may mga kasanayan. Handa nilang gawin ang anumang kailangang gawin. Inilulan ng dalawang magkapatid na sister, na parehong biyuda, ang kanilang mga gamit sa isang pickup at naglakbay nang 3,000 kilometro upang tumulong. Ang isa sa kanila ay nanatili sa lugar upang patuloy na tumulong sa relief committee at maglingkod bilang regular pioneer.

15 Mahigit 5,600 bahay ng mga Saksi at iba pa ang kinumpuni o muling itinayo. Ano ang nadama ng mga Saksing tagaroon sa mapagsakripisyong pag-ibig na ipinakita sa kanila? Isang sister na nawalan ng bahay ang nanirahan sa isang maliit na treyler na may bubong na tumutulo at sirang kalan. Nagtayo ang mga kapatid ng isang maliit pero komportableng bahay para sa kaniya. Napaiyak siya sa tuwa nang makita niya ang kaniyang bagong bahay. Labis siyang nagpasalamat kay Jehova at sa mga kapatid. Ang iba namang mga kapatid ay nanatili sa kanilang mga pansamantalang tuluyan sa loob ng isang taon o higit pa kahit naitayo na ang kanilang mga bahay. Bakit? Ipinagamit muna nila ito sa mga boluntaryo. Napakagandang halimbawa ng pagtulad sa saloobin ni Kristo!

Tularan ang Saloobin ni Kristo sa mga Maysakit

16, 17. Paano natin matutularan ang saloobin ni Kristo sa mga maysakit?

16 Malamang na iilan lamang sa atin ang naging biktima ng likas na kasakunaan pero halos lahat tayo ay nagkakasakit. Magandang tularan natin ang saloobin ni Jesus sa mga maysakit. Mahal niya sila at nahabag siya sa kanila. Nang dalhin kay Jesus ang mga maysakit, “pinagaling niya ang lahat ng mga nasa masamang kalagayan.”​—Mat. 8:16; 14:14.

17 Sa ngayon, walang kapangyarihan ang mga Kristiyano na magpagaling tulad ni Jesus, pero tinutularan nila ang kaniyang pagkamahabagin. Paano nila ito ipinakikita? Bilang halimbawa, ang matatanda ay gumagawa ng mga kaayusan upang tulungan ang mga maysakit sa kongregasyon. Tinitiyak din nila na nagagawa ang kaayusang ito. Sa gayon, sinusunod nila ang simulaing binabanggit sa Mateo 25:39, 40. * (Basahin.)

18. Paano ipinakita ng dalawang sister ang tunay na pag-ibig? Ano ang resulta?

18 Hindi natin kailangang maging elder para gumawa ng mabuti sa iba. Isaalang-alang ang nangyari sa 44-na-taóng-gulang na si Charlene. Siya ay tinaningan ng sampung araw dahil sa kanser. Nakita ng dalawang sister, sina Sharon at Nicolette, ang kaniyang pangangailangan at ang sakripisyo ng kaniyang tapat na asawa para alagaan siya. Nagboluntaryo sila na alagaan si Charlene hanggang sa huling sandali ng kaniyang buhay. Tumagal nang anim na linggo ang buhay ni Charlene. Sa kabila nito, patuloy nila siyang inalagaan. “Mahirap isiping hindi na gagaling pa ang kaibigan mo,” ang sabi ni Sharon. “Pero pinalakas kami ni Jehova. Naging mas malapít kami sa Kaniya at sa isa’t isa.” Ganito naman ang sinabi ng asawa ni Charlene: “Hindi ko malilimutan ang kabaitan ng dalawang sister na ito. Napakalaki ng naitulong ng kanilang magandang motibo at positibong saloobin sa aking tapat na asawang si Charlene at sa akin sa emosyonal at pisikal na paraan. Habang-buhay ko silang pasasalamatan. Napatibay ng kanilang pagsasakripisyo ang aking pananampalataya kay Jehova at ang aking pag-ibig sa mga kapatid.”

19, 20. (a) Anong limang aspekto ng saloobin ni Kristo ang ating tinalakay? (b) Ano ang determinado mong gawin?

19 Sa tatlong artikulong tinalakay natin, isinaalang-alang natin ang limang aspekto ng saloobin ni Jesus at kung paano natin siya matutularan. Maging “mahinahong-loob at mababa ang puso,” gaya ni Jesus. (Mat. 11:29) Sikapin din nating magpakita ng kabaitan sa iba, sa kabila ng kanilang di-kasakdalan at kahinaan. Magpakita tayo ng lakas ng loob sa pagsunod sa lahat ng kahilingan ni Jehova kahit sa harap ng pagsubok.

20 Magpakita rin tayo ng pag-ibig sa lahat ng ating kapatid “hanggang sa wakas,” tulad ng ginawa ni Kristo. Sa gayon, makikilala tayo bilang mga tunay na tagasunod ni Jesus. (Juan 13:1, 34, 35) Oo, “magpatuloy nawa ang [iyong] pag-ibig na pangkapatid.” (Heb. 13:1) Huwag mag-atubiling gawin iyan! Gamitin mo ang iyong buhay upang purihin si Jehova at tulungan ang iba! Tiyak na pagpapalain ni Jehova ang iyong mga pagsisikap.

[Talababa]

^ par. 17 Tingnan ang artikulong “Higit Pa ang Gawin Kaysa Pagsasabi Lamang: ‘Magpakainit at Magpakabusog Ka’” sa Oktubre 15, 1986, isyu ng Ang Bantayan.

Maipaliliwanag Mo Ba?

• Paano maipakikita ng matatanda ang saloobin ni Kristo kapag nakikitungo sa mga nagkasala?

• Bakit lalong mahalaga sa panahong ito ng kawakasan na tularan ang pag-ibig na ipinakita ni Kristo?

• Paano natin matutularan ang saloobin ni Kristo sa mga maysakit?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 17]

Nais ng matatanda na manumbalik kay Jehova ang mga nagkasala

[Larawan sa pahina 18]

Paano tinularan ng mga Kristiyanong umalis sa Jerusalem ang saloobin ni Kristo?

[Larawan sa pahina 19]

Kilala ang mga Saksi ni Jehova sa pagpapakita ng tulad-Kristong pag-ibig