Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Natagpuan Ko ang Tunay na Kahulugan ng Buhay

Natagpuan Ko ang Tunay na Kahulugan ng Buhay

Natagpuan Ko ang Tunay na Kahulugan ng Buhay

Ayon sa salaysay ni Gaspar Martínez

Simple lang ang kuwento ng buhay ko. Isa akong batang probinsiyano na naging mayaman sa lunsod. Pero baka magulat kayo dahil hindi ang yaman na iniisip ninyo ang natamo ko.

LUMAKI ako sa isang nayon sa Rioja sa hilaga ng Espanya noong dekada ng 1930. Sa edad na sampu, kinailangan kong huminto sa pag-aaral. Pero marunong na akong magbasa at sumulat. Kaming pitong magkakapatid ay nagtutulung-tulong sa pag-aalaga ng mga tupa at pagsasaka sa aming maliit na bukid.

Dahil sa hirap ng buhay, pangarap naming lahat na yumaman. Naiinggit kami sa mga nakaaangat sa buhay. Pero sinabi minsan ng obispo na ang nayon namin ang pinakarelihiyoso sa kaniyang nasasakupan. Hindi niya inakalang darating ang araw, iiwan ng marami ang Katolisismo.

Naghanap ng Mas Magandang Buhay

Pinakasalan ko si Mercedes na isang kababayan ko. Di-nagtagal, nagkaanak kami. Noong 1957, lumipat kami sa kalapit na lunsod, ang Logroño. Nang dakong huli, lumipat din dito ang buong pamilya ko. Dahil wala akong gaanong kasanayan, nahirapan akong maghanap ng trabahong may sahod na makasasapat sa aming pamilya. Hindi ko alam kung saan ako hihingi ng payo. Nagsaliksik ako sa pampublikong aklatan sa lugar namin, bagaman hindi ko talaga alam kung ano ang hinahanap ko.

Nang maglaon, nabalitaan kong may programa sa radyo na nag-aalok ng kurso sa Bibliya sa pamamagitan ng sulat. Nang matapos ko ito, nakipag-ugnayan sa akin ang ilang Protestanteng Evangelical. Mga dalawang beses akong sumama sa kanilang pagsamba. Pero nang mapansin kong may iringan sa pagitan ng mga prominenteng miyembro ng kanilang grupo, hindi na ako muling sumama sa kanila. Naisip kong gayon ang lahat ng relihiyon.

Nabuksan ang Aking mga Mata

Noong 1964, dumalaw sa bahay namin si Eugenio, isang Saksi ni Jehova. Hindi ko pa naririnig ang tungkol sa relihiyong iyon. Pero gustung-gusto kong makipag-usap tungkol sa Bibliya. Akala ko’y marami na akong alam. Ginamit ko sa pagsagot sa kaniya ang mga tekstong natutuhan ko sa aking kurso. Bagaman ipinagtatanggol ko ang ilang doktrina ng mga Protestante, hindi ko naman talaga iyon pinaniniwalaan.

Pagkatapos ng dalawang mahabang pag-uusap, inaamin kong bihasa si Eugenio sa Salita ng Diyos. Kahit mas mababa ang pinag-aralan niya kaysa sa akin, nakikita niya agad ang mga teksto at kayang-kaya niyang ipaliwanag ang mga ito. Ipinakita sa akin ni Eugenio mula sa Bibliya na nabubuhay na tayo sa mga huling araw at malapit nang gawing paraiso ng Kaharian ng Diyos ang lupa. Lalo akong naging interesado.​—Awit 37:11, 29; Isa. 9:6, 7; Mat. 6:9, 10.

Tinanggap ko ang alok niyang pag-aaral sa Bibliya. Bago sa pandinig ko ang halos lahat ng natutuhan ko. Naantig ang puso ko. Nagkaroon ako ng bagong pag-asa at layunin sa buhay. Sa wakas, nasumpungan ko na ang hinahanap ko. Wala nang halaga sa akin ang pagyaman, at hindi na pangunahin sa akin ang paghahanap ng trabahong may magandang suweldo. Natutuhan kong mawawala na maging ang sakit at kamatayan.​—Isa. 33:24; 35:5, 6; Apoc. 21:4.

Ibinahagi ko agad sa aking mga kamag-anak ang aking natutuhan. Tuwang-tuwa akong ipaliwanag sa kanila ang pangako ng Diyos na gagawin niyang paraiso ang lupa at mabubuhay roon magpakailanman ang mga tapat.

Tinanggap ng Pamilya Ko ang Katotohanan

Di-nagtagal, mga labindalawa sa amin ang nagtitipun-tipon sa bahay ng aking tiyuhin tuwing Linggo ng hapon upang pag-usapan ang mga pangako ng Bibliya. Inaabot kami ng dalawa o tatlong oras bawat linggo. Nang makita ni Eugenio na marami sa aking mga kamag-anak ang naging interesado sa Bibliya, isinaayos niyang mapuntahan ang bawat pamilya.

May iba pa akong mga kamag-anak sa Durango, isang maliit na bayan na walang nakatirang Saksi at mga 120 kilometro ang layo. Pagkalipas ng tatlong buwan, nagbakasyon ako ng dalawang araw upang puntahan sila roon at ipaliwanag ang aking bagong natutuhan. Sa pagkakataong iyon, mga sampu kaming nagtitipun-tipon sa gabi, at inaabot kami hanggang madaling araw. Sabik na sabik silang makinig. Nang pauwi na ako, nag-iwan ako sa kanila ng mga Bibliya at literatura. Sa pana-panahon ay kinukumusta ko sila.

Nang dumating ang mga Saksi sa Durango, wala pang ibang nakapangaral doon. Nasumpungan nila ang 18 katao na gustung-gustong mag-aral ng Bibliya. Nalugod ang mga Saksi na magdaos ng pag-aaral ng Bibliya sa bawat pamilya.

Hindi pa rin tinatanggap noon ni Mercedes ang katotohanan. Hindi dahil sa ayaw niyang tanggapin ang mga turo ng Bibliya kundi dahil sa takot sa tao. Ipinagbabawal pa noon ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Espanya kaya iniisip niya na baka patalsikin sa paaralan ang aming dalawang anak at itakwil kami ng lipunan. Pero nang makita niyang tinatanggap ng mga kapamilya ko ang katotohanan, gusto na rin niyang mag-aral ng Bibliya.

Sa loob ng dalawang taon, 40 sa aking mga kamag-anak ang naging Saksi at nabautismuhan bilang sagisag ng kanilang pag-aalay sa Diyos. Oo, iisa na ang naging tunguhin at layunin sa buhay ng aming pamilya. Nadama kong may nagawa akong tunay na makabuluhan sa aking buhay. Pinagpala kami ng saganang espirituwal na kayamanan.

Lalong Naging Kasiya-siya ang Buhay sa Paglipas ng Panahon

Sa sumunod na 20 taon, itinuon ko ang aking pansin sa pagpapalaki sa dalawa kong anak at sa pagtulong sa kongregasyon. Nang lumipat kami ni Mercedes sa Logroño, mga 20 lamang ang Saksi sa lunsod na iyon na ang populasyon ay mga 100,000. Di-nagtagal, nagkaroon ako ng maraming pananagutan sa kongregasyon.

Pagkatapos, noong ako ay 56 na taóng gulang, biglang nagsara ang pabrikang pinapasukan ko kaya nawalan ako ng trabaho. Matagal ko nang gustong pumasok sa buong-panahong ministeryo, kaya sinamantala ko ang pagkakataong ito para magpayunir. Mahirap pagkasiyahin ang maliit na pensiyong natatanggap ko. Pero nakatulong ang kinikita ni Mercedes sa paglilinis. Nairaraos namin ang aming pangangailangan sa araw-araw. Ako ay payunir hanggang ngayon at naglilingkod naman si Mercedes bilang auxiliary pioneer sa pana-panahon. Talagang nasisiyahan siya sa pangangaral.

Ilang taon lang ang nakararaan, regular na nag-iiwan ng magasin si Mercedes sa isang babaing nagngangalang Merche, na nag-aral na rin ng Bibliya noong siya’y bata pa. Gustung-gusto ni Merche ang ating mga publikasyon. Napansin ni Mercedes na nasa puso pa rin nito ang katotohanan. Nang bandang huli, nakipag-aral ng Bibliya si Merche at mabilis na sumulong. Pero malakas uminom ng alak ang kaniyang asawang si Vicente at wala itong permanenteng trabaho. Dahil dito, hindi masuportahan ni Vicente ang kaniyang pamilya. Nanganib na masira ang kanilang pagsasama.

Iminungkahi ng asawa ko kay Merche na makipag-usap sa akin si Vicente. Nang bandang huli, nakipag-usap siya sa akin. Pagkatapos ko siyang dalawin nang ilang beses, pumayag siyang makipag-aral ng Bibliya. Unti-unting inihinto ni Vicente ang kaniyang pag-inom sa loob ng ilang araw. Nang maglaon, nakakaya na niyang hindi uminom sa loob ng isang linggo o higit pa. Sa wakas, tuluyan na niyang naihinto ang kaniyang pag-inom. Kapansin-pansin na gumanda ang kaniyang pangangatawan, at tumibay ang buklod ng kanilang pamilya. Siya, ang kaniyang asawa, at anak na babae ay tumutulong sa isang maliit na kongregasyon sa Canary Islands, kung saan sila ngayon nakatira.

Pagbabalik-Tanaw sa Aking Makabuluhang Buhay

Ang ilan sa mga kamag-anak ko na nakaalam ng mga turo ng Bibliya noon ay patay na ngayon. Pero patuloy na dumarami ang mga kamag-anak ko na nakaaalam ng katotohanan at sagana kaming pinagpala ng Diyos. (Kaw. 10:22) Talaga ngang kasiya-siyang makita na halos lahat ng nag-aral ng Bibliya 40 taon na ang nakalipas​—pati na ang kanilang mga anak at apo​—ay patuloy pa ring tapat na naglilingkod kay Jehova!

Napakarami ko nang kamag-anak na Saksi. Marami sa kanila ngayon ay elder, ministeryal na lingkod, at payunir. Ang panganay kong anak at ang kaniyang asawa ay naglilingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Madrid, Espanya. Nang maging Saksi ako, 3,000 lamang ang mga Saksi sa Espanya. Pero ngayon, mahigit 100,000 na kami. Masayang-masaya ako sa buong-panahong ministeryo, at lubos akong nagpapasalamat sa Diyos na naging makabuluhan ang aking buhay sa paglilingkod sa kaniya. Bagaman hindi mataas ang aking pinag-aralan, nakapaglilingkod ako sa pana-panahon bilang kahaliling tagapangasiwa ng sirkito.

Mga ilang taon na ang nakalipas, nabalitaan ko na halos wala nang nakatira sa nayong kinalakhan ko. Dahil sa hirap ng buhay, iniwan na ng mga tagaroon ang kanilang mga bukid para maghanap ng mas maalwang buhay. Nakatutuwa na marami sa mga ito, kasama na ako, ang nakasumpong ng espirituwal na kayamanan. Natutuhan namin na may layunin ang buhay at ang paglilingkod kay Jehova ang nagdudulot ng tunay na kaligayahan.

[Larawan sa pahina 32]

Mga kamag-anak ni Brother Martínez na naging Saksi