Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pinahahalagahan Mo ba ang Ginawa ni Jehova Para Tubusin Ka?

Pinahahalagahan Mo ba ang Ginawa ni Jehova Para Tubusin Ka?

Pinahahalagahan Mo ba ang Ginawa ni Jehova Para Tubusin Ka?

“Pagpalain nawa si Jehova na Diyos ng Israel, sapagkat siya ay nagbaling ng kaniyang pansin at nagsagawa ng katubusan sa kaniyang bayan.”​—LUC. 1:68.

1, 2. Paano natin mailalarawan ang ating kalagayan sa ngayon? Anu-anong tanong ang ating tatalakayin?

SABIHIN nating nakaratay ka sa ospital. Kasama mo roon ang iba pa na may nakamamatay na sakit na gaya ng sa iyo. Wala pang natutuklasang lunas sa sakit mo. Nagkaroon ka ng pag-asa nang malaman mong may isang doktor na nagsisikap na makahanap ng lunas. Sabik na sabik kang malaman kung ano na ang nagawa ng doktor. Isang araw, nabalitaan mong may lunas na! Napakalaki ng isinakripisyo ng doktor para mahanap ito. Ano ang madarama mo? Tiyak na labis mong igagalang at pahahalagahan ang taong nagligtas sa iyo at sa marami pang iba mula sa kamatayan.

2 Waring sa pelikula mo lamang makikita ang tagpong ito, pero ang totoo, mas malala ang nararanasan natin sa ngayon. Kailangang-kailangan natin ng isa na sasagip sa atin mula sa sitwasyong ito. (Basahin ang Roma 7:24.) Napakalaki ng isinakripisyo ni Jehova upang mailigtas o matubos tayo. Malaki rin ang isinakripisyo ng kaniyang Anak. Kung gayon, isaalang-alang natin ang apat na mahahalagang tanong. Bakit kailangan tayong tubusin? Ano ang isinakripisyo ni Jesus? Ano ang isinakripisyo ni Jehova? At paano natin maipakikita na pinahahalagahan natin ang pagtubos sa atin ng Diyos?

Kung Bakit Tayo Kailangang Tubusin

3. Paano maihahambing ang kasalanan sa isang epidemya?

3 Ayon sa isang pagtantiya, ang isa sa pinakamalalang epidemya sa kasaysayan ng tao ay ang trangkaso Espanyola noong 1918, na pumatay ng sampu-sampung milyong tao. Ang ibang mga sakit ay mas nakamamatay. Maaaring iilang tao lamang ang mahawahan nito, pero mas malaki ang posibilidad na mamatay ang mga nahawahan. * Pero maihahambing ba natin ang kasalanan sa gayong epidemya? Alalahanin ang sinabi sa Roma 5:12: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” Walang makaliligtas sa kasalanan, dahil lahat ng di-sakdal na tao ay nagkakasala. (Basahin ang Roma 3:23.) Gaano karami ang namamatay dahil sa kasalanan? Sinabi ni Pablo na ang kasalanan ay nagdulot ng kamatayan “sa lahat ng tao.”

4. Ano ang pananaw ni Jehova sa haba ng buhay natin? Paano ito naiiba sa pananaw ng marami sa ngayon?

4 Hindi ganiyan ang tingin ng marami sa kasalanan at kamatayan. Ikinababahala nila ang maagang pagkamatay, pero “normal” lamang sa kanila na mamatay dahil sa katandaan. Napakadaling malimutan ng tao ang pananaw ng Maylalang. Di-hamak na napakaikli ng buhay natin ngayon kung ihahambing sa nilayon niya. Sa katunayan, walang tao ang nabuhay man lang ng “isang araw” sa paningin ni Jehova. (2 Ped. 3:8) Kaya sinasabi ng Salita ng Diyos na ang ating buhay ay parang damo o singaw na madaling maglaho. (Awit 39:5; 1 Ped. 1:24) Dapat nating tandaan ito. Bakit? Kasi kung nauunawaan natin kung gaano kalubha ang “sakit” na dumapo sa atin, mas mapahahalagahan natin ang “lunas”​—ang ating katubusan.

5. Ano ang nawala sa atin dahil sa kasalanan?

5 Upang maintindihan kung gaano kalubha ang kasalanan at ang epekto nito, dapat nating maunawaan kung ano ang nawala sa atin dahil sa kasalanan. Waring mahirap itong maunawaan dahil noon pa ma’y hindi na natin ito taglay. Sina Adan at Eva ay may sakdal na buhay. Dahil sakdal ang isip at katawan, kaya nilang kontrolin ang kanilang pag-iisip, damdamin, at pagkilos. Kaya madali nilang malilinang ang magagandang katangian bilang lingkod ng Diyos na Jehova. Pero winalang-halaga nila ang kaloob na sakdal na buhay. Dahil pinili nilang magkasala, naiwala nila ang buhay na nilayon ni Jehova para sa kanila at sa kanilang mga inapo. (Gen. 3:16-19) Dahil din dito, nagkaroon sila, pati na tayo, ng malalang “sakit” na tinatalakay natin. Kaya naman, hinatulan sila ni Jehova. Pero gumawa siya ng paraan para matubos tayo.​—Awit 103:10.

Ano ang Isinakripisyo ni Jesus?

6, 7. (a) Paano unang ipinakita ni Jehova na malaki ang kailangang isakripisyo para matubos tayo? (b) Ano ang matututuhan natin sa mga handog na hayop ni Abel at ng mga patriyarka?

6 Alam ni Jehova na malaki ang kailangang isakripisyo para matubos ang mga inapo nina Adan at Eva. May matututuhan tayo sa hulang nakaulat sa Genesis 3:15 tungkol dito. Maglalaan si Jehova ng “binhi,” isang tagapagligtas, na balang-araw ay lilipol kay Satanas. Pero ang tagapagligtas na iyon ay magdurusa, anupat masusugatan ito sa sakong sa makasagisag na paraan. Ano ang kahulugan nito? Ano ang kailangang batahin ng Isa na Pinili ni Jehova?

7 Upang mailigtas ang tao mula sa kasalanan, dapat maglaan ng katubusan ang tagapagligtas. Sa gayon, maipagkakasundo ang tao sa Diyos at mawawala ang mga epekto ng kasalanan. Paano mailalaan ang katubusan? Noon pa man ay may mga pahiwatig nang kailangan ng isang handog. Nang maghandog ng mga haing hayop ang unang tapat na taong si Abel, nalugod si Jehova rito. Nang maglaon, ang may-takot sa Diyos na mga patriyarkang sina Noe, Abraham, Jacob, at Job ay naghandog din ng gayong mga hain, na kinalugdan ng Diyos. (Gen. 4:4; 8:20, 21; 22:13; 31:54; Job 1:5) Pagkalipas ng maraming siglo, mas nilinaw sa Kautusang Mosaiko ang tungkol sa paghahandog.

8. Ano ang ginagawa ng mataas na saserdote sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala?

8 Isa sa mahahalagang hain sa Kautusan ay ang handog sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala. Sa araw na ito, maraming ginagawa ang mataas na saserdote na may makasagisag na kahulugan. Naghahandog sila kay Jehova para pambayad-sala​—una para sa uring saserdote at pagkatapos ay sa mga tribong hindi kabilang sa uring ito. Pumapasok ang mataas na saserdote sa Kabanal-banalang silid sa tabernakulo o templo, kung saan siya lamang ang makapapasok at sa araw na iyon lang din ng taon. Iwiniwisik niya ang dugo ng hain sa harap ng kaban ng tipan. Sa ibabaw ng sagradong kaban, may lumilitaw minsan na nagniningning na ulap na kumakatawan sa presensiya ng Diyos na Jehova.​—Ex. 25:22; Lev. 16:1-30.

9. (a) Sa Araw ng Pagbabayad-Sala, sino ang inilalarawan ng mataas na saserdote? Ano ang isinasagisag ng mga hain? (b) Ano ang inilalarawan ng pagpasok ng mataas na saserdote sa Kabanal-banalan?

9 Kinasihan si apostol Pablo na isiwalat ang makasagisag na kahulugan ng ginagawa ng mataas na saserdote. Ipinakita niyang ang mataas na saserdote ay lumalarawan sa Mesiyas, si Jesu-Kristo, at ang paghahandog ay kumakatawan sa kaniyang sakripisyong kamatayan. (Heb. 9:11-14) Ang sakdal na haing iyon ay maglalaan ng tunay na pambayad-sala sa dalawang grupo ng mga tao​—ang 144,000 na uring saserdote na pinahiran-ng-espiritung mga kapatid ni Kristo at ang “ibang mga tupa.” (Juan 10:16) Inilalarawan ng pagpasok ng mataas na saserdote sa Kabanal-banalan ang pag-akyat ni Jesus sa langit upang iharap sa Diyos na Jehova ang halaga ng kaniyang haing pantubos.​—Heb. 9:24, 25.

10. Ano ang daranasin ng Mesiyas ayon sa mga hula sa Bibliya?

10 Maliwanag, malaki ang kailangang isakripisyo para iligtas ang mga supling nina Adan at Eva. Kailangang isakripisyo ng Mesiyas ang kaniyang buhay! Iniharap nang detalyado ng mga propeta sa Hebreong Kasulatan ang katotohanang ito. Halimbawa, tuwirang sinabi ni propeta Daniel na ang “Mesiyas na Lider” ay “kikitlin,” o papatayin, “upang magbayad-sala para sa kamalian.” (Dan. 9:24-26) Inihula ni Isaias na ang Mesiyas ay itatakwil, uusigin, at papatayin, o uulusin, para dalhin ang mga kasalanan ng di-sakdal na mga tao.​—Isa. 53:4, 5, 7.

11. Paano ipinakita ng Anak ni Jehova na handa niyang isakripisyo ang kaniyang buhay para matubos tayo?

11 Bago siya bumaba sa lupa, alam na ng bugtong na Anak ng Diyos kung ano ang kailangan niyang isakripisyo. Matinding pagdurusa ang daranasin niya at siya ay papatayin. Nang sabihin ito sa kaniya ng kaniyang Ama, umurong ba siya o naghimagsik? Hindi. Kusang-loob niyang sinunod ang mga utos ng kaniyang Ama. (Isa. 50:4-6) Gayundin, nang siya ay nasa lupa, sinunod ni Jesus ang kalooban ng kaniyang Ama. Bakit? Ganito ang sinabi niya: “Iniibig ko ang Ama.” Sinabi pa niya: “Walang sinuman ang may pag-ibig na mas dakila kaysa rito, na ibigay ng isa ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.” (Juan 14:31; 15:13) Kaya ang ating kaligtasan ay nakasalalay nang malaki sa pag-ibig ng Anak ni Jehova. Bagaman kailangan niyang isakripisyo ang kaniyang sakdal na buhay bilang tao, nagagalak siyang gawin ito para matubos tayo.

Ano ang Isinakripisyo ni Jehova?

12. Kaninong kalooban ang pantubos? Bakit niya ito inilaan?

12 Hindi si Jesus ang nagpasiya kung kailangan ng haing pantubos o kung paano ito ilalaan. Sa halip, ang pantubos ay napakahalagang bahagi ng kalooban ni Jehova. Ipinahiwatig ni apostol Pablo na ang altar sa templo, kung saan inihahandog ang mga hain, ay lumalarawan sa kalooban ni Jehova. (Heb. 10:10) Kaya ang pantubos sa pamamagitan ng hain ni Kristo ay utang natin, una sa lahat, kay Jehova. (Luc. 1:68) Ito ay kapahayagan ng kaniyang sakdal na kalooban at dakilang pag-ibig sa mga tao.​—Basahin ang Juan 3:16.

13, 14. Paano makatutulong sa atin ang halimbawa ni Abraham upang pahalagahan ang ginawa ni Jehova para sa atin?

13 Bakit kailangang magsakripisyo si Jehova sa ganitong paraan para maipakita ang kaniyang pag-ibig? Mahirap itong unawain. Pero may ulat sa Bibliya na makatutulong sa atin na maunawaan ito. Hiniling ni Jehova sa tapat na si Abraham ang isang bagay na napakahirap gawin​—ang ihandog ang kaniyang anak na si Isaac. Si Abraham ay isang maibiging ama. Tinukoy ni Jehova na si Isaac ang “kaisa-isang anak na pinakaiibig” ni Abraham. (Gen. 22:2) Gayunman, mas mahalaga kay Abraham ang paggawa ng kalooban ni Jehova kaysa sa pag-ibig niya kay Isaac. Sinunod ni Abraham ang Diyos. Pero hindi hinayaan ni Jehova na gawin ni Abraham ang gagawin Niya balang-araw. Nagsugo ang Diyos ng isang anghel upang pigilan si Abraham na ihandog ang kaniyang anak. Determinado si Abraham na sundin ang Diyos anupat iniisip niyang makikita na lamang niya ang kaniyang anak kapag ito’y binuhay-muli. Lubos siyang nanampalataya na bubuhaying muli ng Diyos si Isaac. Sa katunayan, sinabi ni Pablo na muling nakapiling ni Abraham si Isaac sa pagbuhay-muli rito sa “makatalinghagang paraan.”​—Heb. 11:19.

14 Naiisip mo ba ang kirot na nadama ni Abraham habang inihahanda niya ang kaniyang anak para ihandog? Makatutulong sa atin ang karanasan ni Abraham na malaman ang nadama ni Jehova nang ihandog niya ang kaniyang “Anak, ang [kaniyang] minamahal.” (Mat. 3:17) Pero tandaan na mas matindi ang kirot na nadama ni Jehova. Milyun-milyon, marahil ay bilyun-bilyong taon pa nga silang magkasama ng kaniyang Anak. Masayang gumawa ang Anak kasama ng Ama bilang Kaniyang minamahal na “dalubhasang manggagawa” at Tagapagsalita. (Kaw. 8:22, 30, 31; Juan 1:1) Hindi kayang abutin ng ating isip ang sakit na tiniis ni Jehova nang makita niyang pinahirapan, tinuya, at pinatay bilang kriminal ang kaniyang Anak. Talagang napakalaki ng isinakripisyo ni Jehova para tubusin tayo! Kung gayon, paano natin maipakikita na pinahahalagahan natin ang pagtubos niya sa atin?

Paano Mo Maipakikita ang Pagpapahalaga sa Pagtubos sa Atin ng Diyos?

15. Paano iniharap ni Jesus ang kaniyang hain bilang pambayad-sala? Ano ang idinulot nito?

15 Nang binuhay-muli si Jesus sa langit, iniharap niya sa kaniyang minamahal na Ama ang halaga ng kaniyang hain bilang pambayad-sala. Maraming pagpapala ang idinulot nito. Naging posible ang lubos na kapatawaran, una para sa mga kasalanan ng pinahirang mga kapatid ni Kristo, at pagkatapos ay sa “buong sanlibutan.” Dahil sa haing iyon, maaaring magkaroon ng malinis na katayuan sa harap ni Jehova ang lahat ng tunay na nagsisisi at naging mga tagasunod ni Kristo. (1 Juan 2:2) Paano ito naging kapit sa iyo?

16. Gaya ng ipinakikita sa ilustrasyon, bakit natin dapat pahalagahan ang pagliligtas ni Jehova sa atin?

16 Isaalang-alang ang ilustrasyon sa simula. Ipagpalagay na ang doktor na nakatuklas ng lunas sa sakit ay nagsabi sa mga pasyente na para gumaling sila, kailangan nilang tanggapin ang kaniyang paraan ng paggamot at sundin ang kaniyang tagubilin. Paano kung marami sa mga pasyente ang ayaw sumunod sa doktor anupat sinasabing mahirap ang kaniyang ipinagagawa? Gagayahin mo ba sila kahit na may katibayan na talagang gagaling ka? Siyempre hindi! Siguradong magpapasalamat ka na may lunas na sa iyong sakit at maingat na susundin ang mga tagubilin ng doktor. Marahil ay ipamamalita mo pa ito sa iba. Sa gayunding paraan, dapat nating ipakita kay Jehova kung gaano kalaki ang pagpapahalaga natin sa pagliligtas niya sa atin sa pamamagitan ng haing pantubos ng kaniyang Anak.​—Basahin ang Roma 6:17, 18.

17. Paano natin maipakikita ang ating pagpapahalaga sa ginawa ni Jehova para tubusin tayo?

17 Kung pinahahalagahan natin ang sakripisyo ni Jehova at ng kaniyang Anak para tubusin tayo sa kasalanan at kamatayan, makikita ito sa ating pamumuhay. (1 Juan 5:3) Lalabanan natin ang tendensiyang magkasala. Hindi natin hahayaan ang ating sarili na mamihasa sa paggawa ng kasalanan na kadalasan nang aakay sa pagkakaroon ng dobleng paraan ng pamumuhay. Ang gayong mga gawain ay nagpapakitang hindi natin pinahahalagahan ang pantubos. Sa halip, maipakikita natin ang ating pagpapahalaga sa pamamagitan ng pagsisikap na manatiling malinis sa paningin ng Diyos. (2 Ped. 3:14) Ibabahagi natin sa iba ang ating magandang pag-asa, upang sila rin ay maging malinis sa harap ni Jehova at magkaroon ng pag-asa na mabuhay magpakailanman. (1 Tim. 4:16) Tiyak na sulit gugulin ang ating buong panahon at lakas para purihin si Jehova at ang kaniyang Anak! (Mar. 12:28-30) Isip-isipin ito! Makaaasa tayo na darating ang panahon, lubusan nang mawawala ang kasalanan. Mabubuhay tayo sa paraang nilayon ng Diyos, sa kasakdalan, magpakailanman. Ang lahat ng ito ay dahil sa ginawa ni Jehova para tubusin tayo!​—Roma 8:21.

[Talababa]

^ par. 3 Sinasabing mga 20 hanggang 50 porsiyento ng populasyon ng daigdig ang nagkaroon ng trangkaso Espanyola noon. Maaaring mga 1 hanggang 10 porsiyento ng mga taong nagkaroon ng ganitong sakit ang namatay. Sa kabilang dako, hindi gayon karami ang nagkasakit ng Ebola. Pero sa ilang kaso ng pagkalat ng epidemyang ito, halos 90 porsiyento naman ng nahawahan nito ang namatay.

Paano Mo Sasagutin?

• Bakit kailangang-kailangan tayong tubusin?

• Ano ang epekto sa iyo ng pagsasakripisyo ni Jesus?

• Ano ang nadarama mo sa kaloob ni Jehova na pantubos?

• Napakikilos kang gawin ang ano dahil sa mga paglalaan ni Jehova para tubusin ka?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 27]

Sa Araw ng Pagbabayad-Sala, ang mataas na saserdote ng Israel ay lumalarawan sa Mesiyas

[Larawan sa pahina 28]

Marami tayong matututuhan sa paghahandog ni Abraham kay Isaac tungkol sa napakalaking sakripisyong ginawa ni Jehova