Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Kayo ay mga Kaibigan Ko”

“Kayo ay mga Kaibigan Ko”

“Kayo ay mga Kaibigan Ko”

“Kayo ay mga kaibigan ko kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo.”​—JUAN 15:14.

1, 2. (a) Anu-ano ang pinagmulan ng mga kaibigan ni Jesus? (b) Bakit mahalagang maging kaibigan natin si Jesus?

ANG mga lalaking kasama ni Jesus sa silid ay may iba’t ibang pinagmulan. Ang magkapatid na sina Pedro at Andres ay dating mangingisda. Si Mateo ay dating maniningil ng buwis​—isang hanapbuhay na hinahamak ng mga Judio. Ang ilan naman, gaya nina Santiago at Juan, ay malamang na mga kababata ni Jesus. May ilan, gaya ni Natanael, na baka ilang taon pa lang siyang kakilala. (Juan 1:43-50) Pero lahat ng kasama ni Jesus sa napakahalagang gabing iyon ng Paskuwa sa Jerusalem ay kumbinsido na siya ang ipinangakong Mesiyas, ang Anak ng buháy na Diyos. (Juan 6:68, 69) Tiyak na naantig sila nang sabihin ni Jesus: ‘Tinatawag ko kayong mga kaibigan, sapagkat ang lahat ng bagay na narinig ko sa aking Ama ay ipinaalam ko na sa inyo.’​—Juan 15:15.

2 Ang mga salitang iyan ni Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol ay kapit sa lahat ng pinahirang Kristiyano sa ngayon. Kapit din ito sa kasama nilang “ibang mga tupa.” (Juan 10:16) Anuman ang ating pinagmulan o kalagayan sa buhay, may pribilehiyo tayong maging kaibigan ni Jesus. Napakahalaga nito dahil kung magiging kaibigan tayo ni Jesus, magiging kaibigan din tayo ni Jehova. Sa katunayan, imposibleng maging malapít kay Jehova kung hindi tayo malapít kay Kristo. (Basahin ang Juan 14:6, 21.) Kaya ano ang dapat nating gawin para maging kaibigan ni Jesus at manatiling kaibigan niya? Pero bago ito, tingnan muna natin ang halimbawa ni Jesus bilang mabuting kaibigan at ang matututuhan natin sa naging tugon ng kaniyang mga alagad sa pakikipagkaibigan niya sa kanila.

Halimbawa ni Jesus Bilang Mabuting Kaibigan

3. Sa ano kilala si Jesus?

3 “Marami ang mga kaibigan ng taong mayaman,” ang isinulat ng matalinong haring si Solomon. (Kaw. 14:20) May ganiyang tendensiya ang mga taong di-sakdal​—ang makipagkaibigan sa isa dahil sa makukuha niya rito. Pero hindi ganiyan si Jesus. Hindi siya tumingin sa kayamanan o estado ng isa. Totoo, nakadama si Jesus ng pag-ibig sa isang mayamang tagapamahala at inanyayahan itong maging tagasunod niya. Pero inutusan ni Jesus ang lalaking iyon na ipagbili ang lahat ng bagay na taglay niya at ibigay sa mga dukha. (Mar. 10:17-22; Luc. 18:18, 23) Kilala si Jesus sa pakikipagkaibigan, hindi sa mayayaman at prominente, kundi sa maralita at hamak na mga tao.​—Mat. 11:19.

4. Bakit masasabing may kapintasan ang mga kaibigan ni Jesus?

4 Sabihin pa, may mga kapintasan ang mga kaibigan ni Jesus. Isang halimbawa si Pedro. Nagkaroon siya minsan ng pangmalas na hindi kaayon ng kaisipan ng Diyos. (Mat. 16:21-23) Sina Santiago at Juan naman ay nagpakita ng pagiging ambisyoso nang hilingin nila kay Jesus na bigyan sila ng mataas na posisyon sa Kaharian. Dahil dito, nagalit ang ibang mga apostol, at paulit-ulit nilang pinagtalunan kung sino sa kanila ang pinakadakila. Pero pinagpasensiyahan pa rin sila ni Jesus at itinuwid ang kanilang kaisipan.​—Mat. 20:20-28.

5, 6. (a) Bakit itinuring pa rin ni Jesus na kaibigan ang karamihan sa kaniyang mga apostol? (b) Bakit pinutol ni Jesus ang pakikipagkaibigan kay Hudas?

5 Itinuring pa rin sila ni Jesus na mga kaibigan hindi dahil sa kinukunsinti niya sila o nagbubulag-bulagan siya sa kanilang mga kahinaan. Sa halip, ang tiningnan niya ay ang kanilang magagandang katangian at motibo. Halimbawa, nang mga sandaling kailangang-kailangan ni Jesus ng suporta, saka naman siya tinulugan nina Pedro, Santiago, at Juan. Kaya hindi nakapagtataka kung madismaya man sa kanila si Jesus. Pero nakita niyang hindi naman nila sinasadya iyon. Sinabi niya: “Ang espiritu ay sabik, ngunit ang laman ay mahina.”​—Mat. 26:41.

6 Sa kabilang banda, pinutol niya ang kaniyang pakikipagkaibigan kay Hudas Iscariote. Kahit anong pagpapanggap ang gawin ni Hudas, nakita pa rin ni Jesus na naging masama ang puso ng dati niyang malapít na kaibigan. Dahil nakipagkaibigan si Hudas sa sanlibutan, naging kaaway siya ng Diyos. (Sant. 4:4) Kaya pinaalis muna ni Jesus si Hudas bago Niya pinagtibay ang Kaniyang pakikipagkaibigan sa 11 tapat na apostol.​—Juan 13:21-35.

7, 8. Paano ipinakita ni Jesus ang pag-ibig niya sa kaniyang mga kaibigan?

7 Hindi tumingin si Jesus sa kapintasan ng kaniyang tapat na mga kaibigan. Ginawa pa nga niya ang pinakamabuti para sa kanila. Halimbawa, nanalangin siya sa kaniyang Ama na tulungan ang mga kaibigan niya sa panahon ng pag-uusig. (Basahin ang Juan 17:11.) Nagpakita siya ng konsiderasyon sa kanilang pisikal na pangangailangan. (Mar. 6:30-32) At mahalaga sa kaniya hindi lamang ang iniisip niya, kundi maging ang iniisip at nadarama nila.​Mat. 16:13-16; 17:24-26.

8 Buong buhay ni Jesus ay ibinigay niya sa kaniyang mga kaibigan, maging hanggang kamatayan. Totoo, alam niya na kailangan niyang mamatay para matugunan ang pamantayan ng katarungan ng kaniyang Ama. (Mat. 26:27, 28; Heb. 9:22, 28) Gayunman, ibinuwis niya ang kaniyang buhay udyok ng pag-ibig. Sinabi ni Jesus: “Walang sinuman ang may pag-ibig na mas dakila kaysa rito, na ibigay ng isa ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.”​—Juan 15:13.

Paano Tumugon ang mga Alagad sa Pakikipagkaibigan ni Jesus?

9, 10. Ano ang naging tugon ng mga tao sa kabaitan ni Jesus?

9 Ibinigay ni Jesus ang lahat ng maibibigay niya​—panahon, pagmamahal, at materyal na mga bagay. Bunga nito, napalapít sa kaniya ang mga tao at masaya rin silang naglaan para sa kaniya. (Luc. 8:1-3) Mula sa kaniyang naranasan, sinabi ni Jesus: “Ugaliin ang pagbibigay, at ang mga tao ay magbibigay sa inyo. Ibubuhos nila sa inyong kandungan ang sukat na mainam, pinikpik, niliglig at umaapaw. Sapagkat ang panukat na inyong ipinanunukat ay ipanunukat nila sa inyo bilang ganti.”​—Luc. 6:38.

10 Siyempre, may mga nakipagkaibigan din kay Jesus na ang habol lang ay ang makukuha nila sa kaniya. Kaya noong may sabihin si Jesus na hindi nila naintindihan, iniwan na nila siya kaagad. Sa halip na magtiwala, pinag-isipan nila ng masama si Jesus. Pero ang mga apostol ay nanatiling tapat kay Kristo kahit na sa mahihirap na sitwasyon. Ginawa nila ang kanilang makakaya para suportahan siya sa hirap at ginhawa. (Basahin ang Juan 6:26, 56, 60, 66-68.) Noong gabi bago mamatay si Jesus, sinabi niya kung gaano niya kamahal ang kaniyang mga kaibigan: “Kayo ang mga nanatiling kasama ko sa aking mga pagsubok.”​—Luc. 22:28.

11, 12. Paano ipinakita ni Jesus na hindi nagbago ang pagtingin niya sa kaniyang mga alagad? Ano ang naging tugon ng mga alagad?

11 Di-nagtagal matapos papurihan ni Jesus ang kaniyang mga apostol sa kanilang katapatan, iniwan siya ng mga ito. Nang pagkakataong iyon, nagpadaig sila sa takot sa tao. Pero muli silang pinatawad ni Jesus. Matapos siyang buhaying muli, nagpakita siya sa kanila at nagbigay ng katiyakan na magkakaibigan pa rin sila. Bukod diyan, pinagkatiwalaan niya sila ng isang atas mula sa Diyos​—gumawa ng mga alagad “sa mga tao ng lahat ng mga bansa” at maging saksi niya “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Mat. 28:19; Gawa 1:8) Ano ang naging tugon ng mga alagad?

12 Puspusang ipinangaral ng mga alagad ang mensahe ng Kaharian. Sa tulong ng banal na espiritu ni Jehova, mabilis na lumaganap sa Jerusalem ang kanilang turo. (Gawa 5:27-29) Patuloy nilang sinunod ang utos ni Jesus na gumawa ng mga alagad kahit manganib pa ang kanilang buhay. Kaya ilang dekada pa lang mula nang tanggapin nila ang utos ni Jesus, isinulat ni apostol Pablo na ang mabuting balita ay naipangaral na “sa lahat ng nilalang na nasa silong ng langit.” (Col. 1:23) Talagang napatunayan ng mga alagad kung gaano kahalaga sa kanila ang pakikipagkaibigan kay Jesus!

13. Ano ang naging epekto ng mga turo ni Jesus sa mga naging alagad niya?

13 Nakaapekto rin ang mga turo ni Jesus sa buhay ng mga tao na naging mga alagad niya. Para sa marami, kinailangan nilang gumawa ng malaking pagbabago sa kanilang paggawi at personalidad. Ilan sa mga naging alagad ay dating homoseksuwal, mangangalunya, lasenggo, o magnanakaw. (1 Cor. 6:9-11) Ang iba naman ay dating nagtatangi ng lahi. (Gawa 10:25-28) Pero sinunod nila si Jesus. Nagsuot sila ng bagong personalidad. (Efe. 4:20-24) Naunawaan nila ang “pag-iisip ni Kristo” anupat tinularan ang kaniyang paraan ng pag-iisip at pagkilos.​—1 Cor. 2:16.

Pakikipagkaibigan Ngayon kay Kristo

14. Ano ang ipinangako ni Jesus na gagawin niya sa panahon ng “katapusan ng sistema ng mga bagay”?

14 Marami sa mga unang-siglong Kristiyano ang aktuwal na nakakilala kay Jesus o nakakita sa kaniya matapos siyang buhaying muli. Siyempre hindi na natin inabot iyon. Kaya paano tayo ngayon magiging kaibigan ni Kristo? Ang isang paraan ay ang pagsunod sa tagubiling ibinibigay ng uring tapat at maingat na alipin, na binubuo ng mga nalabing pinahiran-ng-espiritung kapatid ni Jesus. Nangako si Jesus na sa panahon ng “katapusan ng sistema ng mga bagay,” aatasan niya ang aliping ito “sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.” (Mat. 24:3, 45-47) Sa ngayon, ang karamihan sa mga nagsisikap na maging kaibigan ni Kristo ay hindi kabilang sa uring tapat na aliping ito. Pero ano ang kaugnayan ng pagsunod sa tagubilin ng uring alipin at ng pakikipagkaibigan kay Kristo?

15. Paano makikilala kung ang isa ay tupa o kambing?

15 Basahin ang Mateo 25:31-40. Tinawag ni Jesus na kapatid ang mga kabilang sa uring tapat na alipin. Sa ilustrasyon tungkol sa pagbubukod sa mga tupa at mga kambing, tuwirang sinabi ni Jesus na anuman ang ginagawa natin sa kaniyang mga kapatid ay parang sa kaniya na rin natin ginagawa. Sa katunayan, sinabi niya na makikilala kung tupa o kambing ang isa depende sa pakikitungo niya sa “pinakamababa sa mga ito na [kaniyang] mga kapatid.” Kaya upang maging kaibigan ni Kristo ang mga umaasang mabuhay sa lupa, kailangan nilang suportahan ang uring tapat na alipin.

16, 17. Paano natin maipapakita na kaibigan natin ang mga kapatid ni Kristo?

16 Kung umaasa kang mabuhay sa lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, paano mo maipapakita na kaibigan mo ang mga kapatid ni Kristo? Kumuha lang tayo ng tatlong paraan. Una, sa buong-pusong pakikibahagi sa pangangaral. Inutusan ni Kristo ang kaniyang mga kapatid na ipangaral ang mabuting balita sa buong lupa. (Mat. 24:14) Pero ang mga nalabi ng kapatid ni Kristo sa lupa ay mabibigatan sa atas na ito kung wala ang tulong ng ibang mga tupa. Kaya sa tuwing nangangaral ang mga miyembro ng ibang mga tupa, natutulungan nila ang mga kapatid ni Kristo sa pagtupad sa atas na ito. Lubos na pinahahalagahan ni Kristo at ng uring tapat at maingat na alipin ang suportang ito.

17 Ang ikalawang paraan ay sa pamamagitan ng pinansiyal na pagsuporta sa gawaing pangangaral. Pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na makipagkaibigan sa pamamagitan ng “di-matuwid na kayamanan.” (Luc. 16:9) Hindi ibig sabihin nito na puwede nating bilhin ang pakikipagkaibigan kay Jesus o kay Jehova. Sa halip, kapag ginagamit natin ang ating materyal na mga pag-aari para itaguyod ang Kaharian, pinapatunayan natin ang ating pakikipagkaibigan at pag-ibig, hindi lamang sa salita, kundi “sa gawa at katotohanan.” (1 Juan 3:16-18) Nakapagbibigay tayo ng gayong pinansiyal na suporta kapag lumalabas tayo sa larangan, nagbibigay ng donasyon para sa pagtatayo at pagmamantini ng ating mga dako ng pagsamba, at kapag nag-aabuloy sa pambuong-daigdig na gawaing pangangaral. Maliit man o malaki ang ating ibinibigay, tiyak na pinahahalagahan ni Jehova at ni Jesus ang ating masayang pagbibigay.​—2 Cor. 9:7.

18. Bakit dapat nating sundin ang tagubilin mula sa Bibliya na ibinibigay ng mga elder?

18 Ang ikatlong paraan na maipapakita nating kaibigan natin si Kristo ay sa pamamagitan ng pagsunod sa tagubilin ng mga elder sa kongregasyon. Ang mga lalaking ito ay hinirang ng banal na espiritu sa ilalim ng patnubay ni Kristo. (Efe. 5:23) Sumulat si apostol Pablo: “Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop.” (Heb. 13:17) Kung minsan, isang hamon para sa atin na sumunod sa mga tagubilin mula sa Bibliya na ibinibigay ng mga elder. Baka mga kahinaan nila ang nakikita natin kaya hiráp tayong tanggapin ang kanilang payo. Pero bilang Ulo ng kongregasyon, pinagkakatiwalaan pa rin ni Kristo ang mga di-sakdal na lalaking ito. Kaya ang pagpapasakop natin sa kanilang awtoridad ay nakakaapekto sa pakikipagkaibigan natin kay Kristo. Kapag pinalalampas natin ang mga kahinaan ng mga elder at masayang sinusunod ang kanilang tagubilin, pinapatunayan natin ang ating pag-ibig kay Kristo.

Kung Saan Tayo Makakakita ng Mabubuting Kaibigan

19, 20. Saan tayo makakakita ng mabubuting kaibigan? Ano ang pag-aaralan natin sa susunod na artikulo?

19 Patuloy tayong pinangangalagaan ni Jesus hindi lamang sa pamamagitan ng pangangasiwa ng maibiging mga pastol, kundi gayundin sa paglalaan ng may-gulang na mga Kristiyano sa kongregasyon na maituturing mong nanay at mga kapatid. (Basahin ang Marcos 10:29, 30.) Ano ang naging reaksiyon ng pamilya mo nang una kang makisama sa organisasyon ni Jehova? Nakakatuwa naman kung sinuportahan ka nila. Pero nagbabala si Jesus na kung minsan, “ang magiging mga kaaway ng isang tao ay mga tao sa kaniyang sariling sambahayan.” (Mat. 10:36) Nakakagaan ng loob na sa kongregasyon, may mga indibiduwal na higit pa sa tunay na kapatid ang turing sa atin!​—Kaw. 18:24.

20 Ipinapahiwatig ng pagbati ni Pablo sa pagtatapos ng kaniyang liham sa kongregasyon sa Roma na nagkaroon siya ng maraming malalapít na kaibigan. (Roma 16:8-16) Ganito naman ang pagtatapos ni apostol Juan sa kaniyang ikatlong liham: “Ipaabot mo ang aking mga pagbati sa mga kaibigan ayon sa pangalan.” (3 Juan 14) Maliwanag na marami rin siyang naging tunay na kaibigan. Paano natin matutularan ang halimbawa ni Jesus at ng mga alagad sa pakikipagkaibigan sa ating espirituwal na mga kapatid? Pag-aaralan natin ito sa susunod na artikulo.

Paano Mo Sasagutin?

• Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus bilang isang mabuting kaibigan?

• Paano tumugon ang mga alagad sa pakikipagkaibigan ni Jesus?

• Paano natin mapapatunayan na kaibigan tayo ni Kristo?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 14]

Mahalaga kay Jesus ang iniisip at nadarama ng kaniyang mga kaibigan

[Mga larawan sa pahina 16]

Paano natin maipapakita na gusto nating maging kaibigan ni Kristo?