“Maging Maningas Kayo sa Espiritu”
“Maging Maningas Kayo sa Espiritu”
“Huwag magmakupad sa inyong gawain. Maging maningas kayo sa espiritu. Magpaalipin kayo para kay Jehova.”—ROMA 12:11.
1. Bakit naghahandog ang mga Israelita ng mga haing hayop at iba pang handog?
PINAHAHALAGAHAN ni Jehova ang kusang-loob na paghahain ng kaniyang mga lingkod para ipakita ang kanilang pag-ibig sa kaniya at pagpapasakop sa kaniyang kalooban. Tinatanggap niya ang iba’t ibang haing hayop at iba pang handog noon ayon sa kahilingan ng Kautusang Mosaiko. Ginagawa ito ng mga Israelita para magpasalamat o humingi ng kapatawaran. Sa kongregasyong Kristiyano, hindi na hinihiling ni Jehova ang gayong pormal at materyal na mga hain. Pero sa kabanata 12 ng kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Roma, ipinakita ni apostol Pablo na kailangan pa rin nating maghandog ng mga hain. Tingnan natin kung paano.
Isang Haing Buháy
2. Paano tayo dapat mamuhay bilang mga Kristiyano? Ano ang nasasangkot dito?
2 Basahin ang Roma 12:1, 2. Sa pasimula ng kaniyang liham, malinaw na ipinakita ni Pablo na ang mga pinahirang Kristiyano, Judio man o Gentil, ay ipinahayag na matuwid sa harap ng Diyos dahil sa kanilang pananampalataya, hindi dahil sa kanilang mga gawa. (Roma 1:16; 3:20-24) Sa kabanata 12, ipinaliwanag niya na dapat magsakripisyo ang mga Kristiyano bilang pasasalamat. Para magawa ito, kailangan nating baguhin ang ating pag-iisip. Dahil sa minanang di-kasakdalan, nasa ilalim tayo ng “kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.” (Roma 8:2) Kaya kailangan nating ‘baguhin ang puwersa na nagpapakilos sa ating pag-iisip,’ anupat lubusang binabago ang ating saloobin. (Efe. 4:23) Magagawa lamang natin ito sa tulong ng Diyos at ng kaniyang espiritu. Kailangan din nating pagsikapang gamitin ang ating “kakayahan sa pangangatuwiran”—gawin ang buong makakaya na huwag “magpahubog ayon sa sistemang ito ng mga bagay” pati na sa mababang moralidad nito, masasamang libangan, at pilipit na kaisipan.—Efe. 2:1-3.
3. Bakit tayo nakikibahagi sa Kristiyanong mga gawain?
3 Hinihimok din tayo ni Pablo na gamitin ang ating “kakayahan sa pangangatuwiran” para mapatunayan sa ating sarili kung ano “ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” Bakit tayo nagbabasa ng Bibliya araw-araw, nagbubulay-bulay sa ating binabasa, nananalangin, dumadalo sa mga pulong, at nangangaral ng mabuting balita? Dahil ba sa ito ang payo ng mga elder? Totoo, nagpapasalamat tayo sa kanilang payo. Pero ginagawa natin ang mga ito dahil napapakilos tayo ng espiritu ng Diyos na ipakita ang ating taos-pusong pag-ibig kay Jehova. Bukod diyan, kumbinsido tayo na ang pakikibahagi sa Kristiyanong mga gawain ay kalooban ng Diyos. (Zac. 4:6; Efe. 5:10) Nakagagalak ngang malaman na kapag namumuhay tayo bilang tunay na mga Kristiyano, magiging kaayaaya tayo sa Diyos.
Iba’t Ibang Kaloob
4, 5. Paano dapat gamitin ng Kristiyanong matatanda ang kanilang mga kaloob?
4 Basahin ang Roma 12:6-8, 11. Ipinaliwanag ni Pablo na “mayroon tayong mga kaloob na nagkakaiba-iba ayon sa di-sana-nararapat na kabaitan na ibinigay sa atin.” Ang ilan sa mga kaloob na binanggit ni Pablo—pagpapayo, pamumuno—ay pangunahin nang para sa Kristiyanong matatanda na pinapayuhang mamuno “nang may tunay na kasigasigan.”
5 Ayon kay Pablo, dapat ding maging masigasig ang mga tagapangasiwa kapag naglilingkod Roma 12:4, 5) Katulad iyon ng ministeryong binabanggit sa Gawa 6:4. Sinabi ng mga apostol: “Iuukol namin ang aming sarili sa pananalangin at sa ministeryo ng salita.” Ano ang nasasangkot sa ministeryong iyon? Ginagamit ng Kristiyanong matatanda ang kanilang mga kaloob para patibayin ang mga miyembro ng kongregasyon. Ipinakikita nilang ‘abala sila sa ministeryong ito’ kapag masigasig silang nagbibigay ng mga tagubilin mula sa Salita ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang pag-aaral, pagsasaliksik, pagtuturo, at pagpapastol na may kasamang panalangin. Dapat sikapin ng mga tagapangasiwa na gamitin ang kanilang mga kaloob at pangalagaan ang mga tupa “nang masaya.”—Roma 12:7, 8; 1 Ped. 5:1-3.
bilang mga guro at gumaganap ng “ministeryo.” Waring ipinakikita ng konteksto na ang tinutukoy ni Pablo ay ang “ministeryo” sa loob ng kongregasyon, o “isang katawan.” (6. Paano natin masusunod ang payo sa Roma 12:11, ang temang teksto ng artikulong ito?
6 Sinabi pa ni Pablo: “Huwag magmakupad sa inyong gawain. Maging maningas kayo sa espiritu. Magpaalipin kayo para kay Jehova.” Kung nawawalan tayo ng gana sa ministeryo, baka kailangan nating baguhin ang ating kaugalian sa pag-aaral at manalangin nang mas marubdob at mas madalas ukol sa espiritu ni Jehova, na tutulong upang maibalik ang ating sigasig at hindi maging malahininga. (Luc. 11:9, 13; Apoc. 2:4; 3:14, 15, 19) Pinalakas ng banal na espiritu ang unang mga Kristiyano kung kaya nakapagsalita sila tungkol sa “mariringal na mga bagay ng Diyos.” (Gawa 2:4, 11) Mauudyukan din tayo nito na maging masigasig sa ministeryo, na ‘maging maningas sa espiritu.’
Kapakumbabaan
7. Bakit tayo dapat maging mapagpakumbaba sa ating paglilingkod?
7 Basahin ang Roma 12:3, 16. Ang mga kaloob na maaaring taglay natin ay dahil sa “di-sana-nararapat na kabaitan” ni Jehova. Sa isa pang liham, sinabi ni Pablo: “Ang aming pagiging lubusang kuwalipikado ay nanggagaling sa Diyos.” (2 Cor. 3:5) Kaya hindi natin dapat purihin ang ating sarili. Dapat nating mapagpakumbabang kilalanin na ang anumang nagagawa natin ay dahil sa pagpapala ng Diyos at hindi dahil sa ating kakayahan. (1 Cor. 3:6, 7) Kaugnay nito, sinabi ni Pablo: “Sinasabi ko sa bawat isa sa inyo riyan na huwag mag-isip nang higit tungkol sa kaniyang sarili kaysa sa nararapat isipin.” Mahalaga naman na magkaroon tayo ng paggalang sa sarili at makadama ng kasiyahan sa paglilingkod kay Jehova. Pero kung alam natin ang ating mga limitasyon, hindi natin isasara ang ating isip sa opinyon ng iba. Sa halip, ‘mag-iisip tayo upang magkaroon ng matinong kaisipan.’
8. Paano natin maiiwasang “magmarunong”?
8 Hindi tamang ipagmalaki ang ating nagagawa. Ang “Diyos [ang] nagpapalago nito.” 1 Cor. 3:7) Sinabi ni Pablo na binigyan ng Diyos ang bawat miyembro ng kongregasyon ng isang “sukat ng pananampalataya.” Sa halip na isiping mas mahusay tayo sa iba, dapat nating pahalagahan ang nagagawa ng iba ayon sa sukat ng kanilang pananampalataya, o kakayahan. Sinabi pa ni Pablo: “Maging palaisip kayo sa iba na gaya ng sa inyong sarili.” Sa isa pa niyang liham, sinabi sa atin ng apostol na huwag gumawa ng “anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas sa inyo.” (Fil. 2:3) Kailangan ang tunay na kapakumbabaan at taimtim na pagsisikap para matanggap na sa paanuman, nakatataas sa atin ang ating mga kapatid. Kung mapagpakumbaba tayo, hindi tayo ‘magmamarunong.’ Bagaman ang ilan ay maaaring maging popular dahil sa mga pantanging pribilehiyo, ang lahat ay magagalak sa pagsasagawa ng “mabababang bagay,” o hamak na mga atas na kadalasa’y hindi napapansin ng iba.—1 Ped. 5:5.
(Kristiyanong Pagkakaisa
9. Bakit inihambing ni Pablo ang inianak-sa-espiritung mga Kristiyano sa mga bahagi ng isang katawan?
9 Basahin ang Roma 12:4, 5, 9, 10. Inihambing ni Pablo ang mga pinahirang Kristiyano sa mga bahagi ng isang katawan na nagkakaisa sa paglilingkod sa ilalim ng kanilang Ulo, si Kristo. (Col. 1:18) Ipinaalaala niya sa inianak-sa-espiritung mga Kristiyano na ang isang katawan ay maraming bahagi na may kani-kaniyang gawain at na ang mga ito, “bagaman marami, ay isang katawan kaisa ni Kristo.” Sa katulad na paraan, pinayuhan ni Pablo ang mga pinahirang Kristiyano sa Efeso: “Lumaki tayo sa lahat ng mga bagay tungo sa kaniya na siyang ulo, si Kristo. Mula sa kaniya ang buong katawan, palibhasa’y magkakasuwatong pinagbubuklod at pinapangyaring magkatulungan sa pamamagitan ng bawat kasukasuan na nagbibigay ng kinakailangan, ayon sa pagkilos ng bawat isang sangkap sa kaukulang sukat, ay gumagawa sa ikalalaki ng katawan sa ikatitibay nito sa pag-ibig.”—Efe. 4:15, 16.
10. Kaninong awtoridad ang dapat kilalanin ng “ibang mga tupa”?
10 Bagaman ang “ibang mga tupa” ay hindi bahagi ng katawan ni Kristo, marami silang matututuhan sa ilustrasyong ito. (Juan 10:16) Sinabi ni Pablo na ‘ipinasakop ni Jehova ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng mga paa ni Kristo, at ginawa siyang ulo sa ibabaw ng lahat ng mga bagay sa kongregasyon.’ (Efe. 1:22) Sa ngayon, ang ibang mga tupa ay kabilang sa “lahat ng mga bagay” na ipinasakop ni Jehova sa kaniyang Anak. Kabilang din sila sa “mga pag-aari” na ipinagkatiwala ni Kristo sa kaniyang “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45-47) Kung gayon, dapat kilalanin ng mga may makalupang pag-asa na si Kristo ang kanilang Ulo. Dapat din silang magpasakop sa tapat at maingat na alipin at sa Lupong Tagapamahala nito at sa mga tagapangasiwa sa kongregasyon. (Heb. 13:7, 17) Tutulong ito para magkaisa ang mga Kristiyano.
11. Saan nakasalig ang ating pagkakaisa? Ano pa ang ipinayo ni Pablo?
11 Ang gayong pagkakaisa ay salig sa pag-ibig, ang “sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Col. 3:14) Sa Roma kabanata 12, idiniin ni Pablo na ang ating pag-ibig ay hindi dapat maging mapagpaimbabaw at na “sa pag-ibig na pangkapatid,” dapat tayong magkaroon ng “magiliw na pagmamahal sa isa’t isa.” Sa paggawa nito, maipakikita natin ang paggalang sa bawat isa. Sinabi ng apostol: “Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” Siyempre pa, ang pag-ibig ay hindi nangungunsinti. Dapat nating gawin ang lahat para mapanatiling malinis ang kongregasyon. Nang magpayo si Pablo tungkol sa pag-ibig, sinabi rin niya: “Kamuhian ninyo ang balakyot, kumapit kayo sa mabuti.”
Ang Landasin ng Pagkamapagpatuloy
12. Ano ang matututuhan natin sa mga Kristiyano sa sinaunang Macedonia tungkol sa pagiging mapagpatuloy?
12 Basahin ang Roma 12:13. Pag-ibig sa mga kapatid ang mag-uudyok sa atin na “mamahagi . . . sa mga banal ayon sa kanilang mga pangangailangan” at ayon sa ating kakayahan. Kahit mahirap lang tayo, makapagbibigay pa rin tayo. Tungkol sa mga Kristiyano sa Macedonia, isinulat ni Pablo: “Sa panahon ng isang malaking pagsubok sa ilalim ng kapighatian ay pinasagana ng kanilang saganang kagalakan at ng kanilang matinding karalitaan ang kayamanan ng kanilang pagkabukas-palad. Sapagkat ayon sa kanilang talagang kakayahan, oo, ako ay nagpapatotoo, higit pa nga sa kanilang talagang kakayahan, habang sila sa sarili nilang kagustuhan ay patuloy na nagsumamo sa amin na may matinding pamamanhik upang magkaroon ng pribilehiyong magbigay nang may kabaitan at ng isang bahagi sa ministeryong itinalaga para sa mga banal [sa Judea].” (2 Cor. 8:2-4) Napakabukas-palad pa rin ng mga Kristiyano sa Macedonia kahit mahirap lang sila. Para sa kanila, isang pribilehiyong makatulong sa mahihirap na kapatid sa Judea.
13. Ano ang ibig sabihin ng ‘sundan ang landasin ng pagkamapagpatuloy’?
13 Ang mga salitang ‘sundan ang landasin ng pagkamapagpatuloy’ ay salin ng pananalitang Griego na nagpapahiwatig ng pagkukusa. Ganito ang pagkakasalin dito ng The New Jerusalem Bible: “Humanap ng mga pagkakataon na maging mapagpatuloy.” Maipakikita natin ito kung aanyayahan natin ang iba na kumain sa ating bahay, at kung ito’y udyok ng pag-ibig, kapuri-puri ito. Pero kung talagang nagkukusa tayo, marami pa tayong maiisip na paraan para maging mapagpatuloy. Halimbawa, kung hindi natin kayang magpakain, puwede naman tayong magpainom man lang ng kape, tsa, o iba pang inumin.
14. (a) Anong dalawang salitang-ugat ang bumubuo sa salitang Griego na isinaling “pagkamapagpatuloy”? (b) Paano natin maipakikita ang pagmamalasakit sa mga banyaga sa ating teritoryo?
14 Kasangkot sa pagkamapagpatuloy ang ating pangmalas. Ang salitang Griego na isinaling “pagkamapagpatuloy” ay binubuo ng dalawang salitang-ugat na nangangahulugang “pag-ibig” at “estranghero.” Ano ang tingin natin sa mga estranghero, o banyaga? Ang mga Kristiyanong nagsisikap matuto ng ibang wika para makapangaral sa mga banyagang nakatira sa kanilang teritoryo ay maituturing na sumusunod sa landasin ng pagkamapagpatuloy. Hindi naman lahat ay makapag-aaral ng ibang wika. Pero makakatulong pa rin tayo sa mga banyaga gamit ang buklet na Good News for People of All Nations, na may salig-Bibliyang mensahe sa iba’t ibang wika. May magagandang karanasan ka ba sa paggamit ng buklet na ito sa ministeryo?
Empatiya
15. Bakit magandang halimbawa si Jesus sa pagpapakita ng empatiya gaya ng payo sa Roma 12:15?
15 Basahin ang Roma 12:15. Sa talatang ito, pinapayuhan tayo ni Pablo na magpakita ng empatiya. Kailangan nating maunawaan at madama ang nadarama ng iba, kung siya ba ay masaya o malungkot. Kung maningas tayo sa espiritu, madarama niya ang ating pakikigalak o pagkahabag. Nang masayang bumalik ang 70 alagad ni Kristo mula sa pangangaral at ikuwento ang magagandang resulta nito, si Jesus ay “nag-umapaw . . . sa kagalakan sa banal na espiritu.” (Luc. 10:17-21) Nakigalak siya sa kanila. Pero ‘nakitangis siya sa mga taong tumatangis’ nang mamatay ang kaibigan niyang si Lazaro.—Juan 11:32-35.
16. Paano tayo makapagpapakita ng empatiya? Sino, lalung-lalo na, ang dapat gumawa nito?
16 Gusto nating tularan ang halimbawa ni Jesus sa pagpapakita ng empatiya. Kapag masaya ang isang kapatid, nakikisaya tayo sa kaniya. Kung malungkot naman siya, dapat na madama natin agad iyon. Karaniwang nababawasan ang hirap ng kalooban ng mga kapatid kapag may panahon tayo para makinig at magpakita ng empatiya sa kanila. Kung minsan, napapaiyak pa nga tayo sa sobrang awa sa kanila. (1 Ped. 1:22) Ang mga elder, lalung-lalo na, ang dapat sumunod sa payo ni Pablo sa pagpapakita ng empatiya.
17. Ano ang natutuhan natin sa Roma kabanata 12? Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?
17 Ang mga talatang tinalakay natin sa Roma kabanata 12 ay nagbigay ng payo na maikakapit natin sa ating buhay bilang mga Kristiyano at sa ating pakikitungo sa mga kapatid. Sa susunod na artikulo, pag-aaralan naman natin ang natitirang mga talata ng kabanatang ito, na tumatalakay sa dapat na maging saloobin at pakikitungo natin sa mga di-kapananampalataya, pati na sa mga mananalansang at mang-uusig.
Bilang Repaso
• Paano natin maipakikitang ‘maningas tayo sa espiritu’?
• Bakit dapat nating paglingkuran ang Diyos nang may kapakumbabaan?
• Paano natin maipakikita ang empatiya at habag sa ating mga kapananampalataya?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 4]
Bakit tayo nakikibahagi sa mga Kristiyanong gawaing ito?
[Larawan sa pahina 6]
Paano natin matutulungan ang mga banyaga na matuto tungkol sa Kaharian?