Pampamilyang Pagsamba—Napakahalaga Para Maligtas!
Pampamilyang Pagsamba—Napakahalaga Para Maligtas!
TIYAK na nakakatakot ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat”! (Apoc. 16:14) Napakalinaw ng paglalarawan ni propeta Mikas: “Ang mga bundok ay matutunaw . . . , at ang mabababang kapatagan ay mabibiyak, gaya ng pagkit dahil sa apoy, gaya ng tubig na ibinubuhos sa isang dakong matarik.” (Mik. 1:4) Ano kaya ang sasapitin ng mga di-naglilingkod kay Jehova? Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga mapapatay ni Jehova sa araw na iyon ay tiyak na mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa.”—Jer. 25:33.
Dahil sa mga babalang ito, makabubuting tanungin ng mga ulo ng pamilya—karamihan ay nagsosolong magulang—ang kanilang sarili tungkol sa kanilang mga anak na may kakayahan nang mangatuwiran, ‘Makakaligtas kaya sila sa Armagedon?’ Tinitiyak ng Bibliya na makakaligtas sila kung sila’y daratnang aktibo at malakas sa espirituwal ayon sa kanilang edad.—Mat. 24:21.
Mahalaga ang Pampamilyang Pagsamba
Bilang magulang, tiyaking pinalalaki mo ang iyong mga anak “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efe. 6:4) Napakahalagang turuan sila tungkol sa Bibliya. Gusto nating maging tulad sila ng mga Kristiyano sa Filipos, na pinuri ni Pablo dahil sa pagiging masunurin kay Jehova. Sumulat siya: “Mga minamahal ko, kung paanong kayo ay laging sumusunod, hindi lamang kapag naririyan ako, kundi lalo pa ngang higit ngayon na wala ako riyan, patuloy kayong gumawa ukol sa inyong sariling kaligtasan nang may takot at panginginig.”—Fil. 2:12.
Sumusunod ba ang iyong mga anak sa mga utos ni Jehova kahit hindi ka nila kasama? Paano kung nasa paaralan sila? Paano mo sila matutulungang makita ang kahalagahan ng mga utos ni Jehova para sundin nila ito kahit hindi ka nila kasama?
Malaki ang papel ng pampamilyang pagsamba sa pagpapatibay ng pananampalataya ng iyong anak. Kaya pag-usapan natin ang tatlong bagay na dapat gawin para maging matagumpay ang inyong pampamilyang pag-aaral sa Bibliya.
Huwag Maging Pabagu-bago
Ipinahihiwatig ng Bibliya na may mga takdang panahon na ang mga anghel na anak ng Diyos ay inaanyayahang humarap sa kaniya. (Job 1:6) Puwede mo rin itong gawin. Magtakda ng araw at oras para sa inyong Gabi ng Pampamilyang Pagsamba, at sundin ito. Dapat na may itinakda ka ring ibang araw at oras na pamalit dito sakaling magkaroon ng di-inaasahang pangyayari.
Sa paglipas ng mga buwan, huwag hayaang maging di-regular ang inyong pampamilyang pag-aaral. Tandaan, ang mga anak mo ang iyong pinakamahalagang estudyante sa Bibliya. Pero gusto ni Satanas na silain sila. (1 Ped. 5:8) Kung ipagpapalit mo ang mahalagang gabing ito ng Pampamilyang Pagsamba sa panonood ng telebisyon o iba pang di-gaanong mahalagang gawain, mananalo si Satanas.—Efe. 5:15, 16; 6:12; Fil. 1:10.
Gawin Itong Praktikal
Ang pagdaraos ng Gabi ng Pampamilyang Pagsamba ay hindi para makakuha lang ng impormasyon. Gawin itong praktikal. Paano? Pumili paminsan-minsan ng mga paksang may kinalaman sa mga bagay na haharapin ng iyong anak sa darating na mga araw o linggo. Halimbawa, bakit hindi kayo magpraktis ng inyong sasabihin sa ministeryo? Natutuwa ang mga bata kapag mahusay nilang nagagawa ang isang bagay. Kapag nagpapraktis sila ng mga presentasyon at nag-iisip ng sagot sa mga pagtutol, mas lalakas ang loob nila sa pakikibahagi sa iba’t 2 Tim. 2:15.
ibang paraan ng pangangaral tungkol sa Kaharian.—Puwede rin kayong magpraktis ng sasabihin para matulungan ang iyong mga anak na harapin ang panggigipit ng mga kasama. Maaaring pag-usapan ng pamilya ang kabanata 15 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2. Ang “Plano Ko Laban sa Panggigipit” sa pahina 132 at 133 ay nagbibigay ng mga mungkahi at tumutulong sa iyong anak na magplano ng isasagot kapag napaharap sa panggigipit. Sa ibaba ng pahina 133, hinihimok ang kabataan: “Ensayuhin ang iyong mga sagot kasama ng magulang mo o ng isang may-gulang na kaibigan.” Bakit hindi mo isama paminsan-minsan sa inyong Gabi ng Pampamilyang Pagsamba ang ganitong pag-eensayo?
Ang pampamilyang pagsamba ay isang magandang pagkakataon para sa mga magulang na idiin ang mga pakinabang ng pagkakaroon ng espirituwal na mga tunguhin. Kaugnay nito, ang Tanong ng mga Kabataan, Tomo 2, ay may napakagandang impormasyon sa kabanata 38, na pinamagatang “Ano ang Gagawin Ko sa Aking Buhay?” Habang pinag-uusapan ang kabanatang ito, tulungan ang iyong anak na makitang mahalagang unahin sa kaniyang buhay ang paglilingkod kay Jehova. Tulungan siyang gawing tunguhin ang pagpapayunir, paglilingkod sa Bethel, pag-aaral sa Ministerial Training School, o pag-abot sa iba pang pribilehiyo ng buong-panahong paglilingkod.
Paalaala: May mga magulang na nakapokus sa gusto nilang mangyari sa kanilang anak, kaya hindi na tuloy nila napapansin ang magagandang bagay na ginagawa niya sa kasalukuyan. Siyempre pa, tama naman na himukin ang mga anak na magkaroon ng magagandang tunguhin gaya ng paglilingkod sa Bethel at pagmimisyonero. Pero huwag mo namang yamutin ang iyong anak dahil sa mga tunguhing gusto mong maabot niya anupat nasisiraan na tuloy siya ng loob. (Col. 3:21) Lagi mong tandaan na ang pag-ibig ng iyong anak kay Jehova ay dapat magmula sa puso niya—hindi sa puso mo. (Mat. 22:37) Kaya purihin mo siya sa mabubuting bagay na ginagawa niya, sa halip na pagtuunan ng pansin ang mga bagay na hindi niya ginagawa. Tulungan siyang magkaroon ng pagpapahalaga sa lahat ng ginagawa ni Jehova. Sa gayon, tutugon siya sa kabutihan ni Jehova mula sa kaniyang puso.
Gawin Itong Kawili-wili
Ang ikatlong mahalagang bagay na dapat gawin para maging matagumpay ang Gabi ng Pampamilyang Pagsamba ay ang gawin itong kawili-wili. Paano? Paminsan-minsan, puwede kayong makinig sa rekording ng drama o manood at pag-usapan ang isang video na ginawa ng mga Saksi ni Jehova. O puwede rin kayong magkakasamang magbasa ng isang bahagi ng Bibliya, na ang bawat isa ay magbabasa ng mga linya ng isang partikular na tauhan.
May magagandang seksiyon sa Ang Bantayan at Gumising! na puwedeng pag-usapan ng pamilya. Halimbawa, puwede mong gamitin ang seksiyong “Ano ang Sagot Mo?” sa pahina 31 ng bawat isyu ng Gumising! Tuwing ikalawang isyu, ang edisyong pampubliko ng Ang Bantayan
ay may proyekto sa pag-aaral na pinamagatang “Para sa mga Kabataan.” Ito ang kasalit ng “Turuan ang Iyong mga Anak,” isang serye para sa mga mas nakababata.Tiyak na magugustuhan ng mga magulang na may mga anak na tin-edyer ang serye sa Gumising! na “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong,” gayundin ang aklat na Tanong ng mga Kabataan, Tomo 2. Sa paggamit ng aklat na ito, huwag kalilimutan ang kahong “Ano sa Palagay Mo?” na nasa dulo ng bawat kabanata. Hindi lang para sa repaso ang kahong iyon. Ang mga tanong doon ay puwede ring gawing paksa ng pag-uusap ng pamilya.
Pero iwasang mauwi sa interogasyon ang pampamilyang pag-aaral. Halimbawa, huwag pilitin ang iyong anak na basahin nang malakas ang isinulat niya sa mga pahina na pinamagatang “Personal Kong Nota” o sa iba pang bahagi ng aklat na pinagsulatan niya ng kaniyang niloloob. Sa “Mensahe sa mga Magulang,” ganito ang sabi ng aklat sa pahina 3: “Para hindi mahiya ang inyong mga anak na isulat ang kanilang niloloob, makabubuting huwag basta-basta basahin ang personal na kopya nila ng aklat. Sa kalaunan, baka sila na mismo ang kusang magsabi sa inyo kung ano ang isinulat nila rito.”
Kung ang inyong pampamilyang pagsamba ay hindi pabagu-bago, praktikal, at kawili-wili, saganang pagpapalain ni Jehova ang inyong pagsisikap. Ang pantanging panahong ito para sa pamilya ay tutulong upang maging aktibo at malakas sa espirituwal ang iyong mga mahal sa buhay.
[Kahon sa pahina 31]
Mag-isip ng Iba’t Ibang Paraan
“Kapag nag-aaral kami bilang pamilya, tinatalakay naming mag-asawa ang mga materyal na gagamitin sa pulong. Pagkatapos, ipinapadrowing namin sa mga bata ang sumaryo ng leksiyon. Kung minsan naman, isinasadula namin ang mga eksena sa Bibliya o nagpapraktis kami ng mga presentasyon sa pangangaral. Ibinabagay namin sa kanilang edad ang pag-aaral. Ginagawa namin itong kawili-wili, nakapagpapatibay, at masaya.”—J.M., Estados Unidos.
“Para maipakita sa anak ng aming estudyante sa Bibliya kung paano ginagamit ang balumbon noong panahon ng Bibliya, nag-print kami ng aklat ng Isaias matapos alisin ang mga kabanata at talata nito. Pinagdugtung-dugtong namin ang mga pahina at kinabitan ng tubo ang magkabilang dulo nito. Saka sinubukan ng bata na gawin ang ginawa ni Jesus noon sa sinagoga sa Nazaret. Ayon sa Lucas 4:16-21, ‘binuksan ni Jesus ang balumbon ni Isaias at nasumpungan’ niya ang bahaging hinahanap niya. (Isa. 61:1, 2) Pero nang subukan itong gawin ng bata, nahirapan siyang makita ang Isaias 61 sa mahabang balumbong iyon na walang mga kabanata at talata. Hangang-hanga ang bata sa husay ni Jesus sa paggamit ng balumbon kung kaya nasabi niya: ‘Ang galíng ni Jesus!’”—Y.T., Hapon.
[Larawan sa pahina 30]
Ang pagpapraktis ng sasabihin ay makatutulong sa iyong mga anak na harapin ang panggigipit ng kasama
[Larawan sa pahina 31]
Gawing kawili-wili ang Gabi ng Pampamilyang Pagsamba