Tatlong Kombensiyong Bumago sa Buhay Ko
Tatlong Kombensiyong Bumago sa Buhay Ko
Ayon sa salaysay ni George Warienchuck
MAY napakinggan ka na bang pahayag sa kombensiyon na bumago sa buhay mo? Ako, mayroon. Naaalala ko pa, tatlong kombensiyon ang nagpaganda sa takbo ng buhay ko. Ang unang kombensiyon ay nakatulong sa akin na mabawasan ang pagkamahiyain; ang ikalawa, maging kontento; ang ikatlo, gumawa nang higit sa ministeryo. Pero bago ko ito ikuwento, gusto ko munang ipaliwanag sa iyo ang ilang pangyayari maraming taon bago ang mga kombensiyong iyon—mga pangyayaring may kaugnayan sa aking kabataan.
Isinilang ako noong 1928, bunso sa tatlong magkakapatid. Kami ng mga ate kong sina Margie at Olga ay lumaki sa South Bound Brook, New Jersey, E.U.A., na mga 2,000 noon ang populasyon. Mahirap lang kami, pero bukas-palad si Inay. Kapag may pera siya, nagluluto siya ng masarap na pagkain at binibigyan ang mga kapitbahay namin. Noong siyam na taóng gulang ako, isang Saksing nagsasalita ng Hungaryo ang dumalaw sa nanay ko. Palibhasa’y Hungaryo ang katutubong wika ni Inay, naakit siyang makinig sa mensahe ng Bibliya. Nang maglaon, si Ate Bertha, isang Saksing mahigit 20 anyos lang noon, ang nagpatuloy sa pakikipag-aral ng Bibliya kay Inay hanggang sa maging lingkod siya ni Jehova.
Di-gaya ni Inay, mahiyain ako at walang tiwala sa sarili. Ang masama pa nito, lagi akong minamata ni Inay. Mangiyak-ngiyak akong lumapit sa kaniya at nagtanong, “Bakit po lagi na lang kayong may pintas sa akin?” Sinabi niyang mahal niya ako, kaya lang, ayaw niyang lumaki ang ulo ko. Maganda naman ang intensiyon ni Inay, pero dahil hindi man lang ako makatikim ng papuri mula sa kaniya, lalong bumaba ang tingin ko sa aking sarili.
Isang araw, pinasamahan sa akin ng isa naming mabait na kapitbahay ang mga anak niyang lalaki sa Sunday school ng kanilang simbahan. Alam kong hindi matutuwa rito si Jehova, pero ayaw ko namang sumamâ ang loob ng kapitbahay namin. Kaya ilang buwan din akong pumasok sa simbahan nila kahit nakokonsiyensiya ako. Sa paaralan, nakompromiso rin ako dahil sa takot sa tao. Tiniyak ng aming napakaistriktong prinsipal na napapasaludo ng mga titser sa bandila ang lahat ng estudyante. Sumaludo rin ako. Halos isang taon kong ginawa ito hanggang sa dumating ang isang pagbabago.
Natutuhan Kong Magkaroon ng Lakas ng Loob
Noong 1939, nagsimula ang isang panggrupong pag-aaral sa aklat sa bahay namin. Ang nangangasiwa nito ay si Ben Mieszkalski, isang kabataang payunir noon. Big Ben ang tawag namin sa kaniya, na tamang-tama naman. Parang sintaas at sinlapad siya ng aming pinto. Pero sa laki niyang iyon, malambot naman ang puso niya, at nakuha niya agad ang loob ko dahil sa kaniyang palakaibigang mga ngiti. Kaya
nang yayain niya akong samahan siya sa paglilingkod sa larangan, pumayag agad ako. Naging magkaibigan kami. Kapag may problema ako, para siyang isang mapagmahal na kuya na nakikipag-usap sa akin. Napakalaking bagay nito, kaya naman napamahal siya sa akin.Noong 1941, isinabay ni Kuya Ben ang aming pamilya sa kaniyang sasakyan patungong kombensiyon sa St. Louis, Missouri. Tuwang-tuwa ako! Hanggang 80 kilometro lang ang pinakamalayong nalakbay ko, at ngayon ay pupunta kami sa isang lugar na mahigit 1,500 kilometro ang layo mula sa amin! Pero may problema sa St. Louis. Inutusan ng mga klerigo ang mga miyembro nila na bawiin ang anumang kasunduan na patuluyin sa kanilang bahay ang mga Saksi. Marami ang sumunod. Binalaan din ang pamilyang magpapatulóy sa amin. Pero pinatulóy pa rin nila kami. Sinabi nilang hindi sila sisira sa kanilang pangako. Hanga ako sa lakas ng kanilang loob.
Nabautismuhan ang dalawang ate ko sa kombensiyong iyon. Nang araw ding iyon, nagbigay ng nakapagpapatibay na pahayag si Brother Rutherford ng Brooklyn Bethel. Hiniling niyang tumayo ang lahat ng batang gustong maglingkod sa Diyos. Mga 15,000 ang tumayo, kasama ako. Pagkatapos, hiniling niyang magsabi ng “Oo” ang lahat ng gustong mangaral sa abot ng kanilang makakaya. Kasabay ng ibang mga bata, sumigaw ako ng “Oo!” Sinundan ito ng masigabong palakpakan. Nag-apoy ang sigasig ko.
Matapos ang kombensiyon, dumalaw kami sa isang brother sa West Virginia. Ikinuwento niya na minsa’y sinugod siya ng galít na mga tao habang nangangaral siya. Binugbog siya, binuhusan ng alkitran, at nilagyan ng balahibo ang buong katawan. Halos hindi ako humihinga habang nakikinig sa kaniya. “Pero mangangaral pa rin ako,” ang sabi ng brother. Nang magpaalam kami sa kaniya, pakiramdam ko’y para akong si David. Handa na akong humarap kay Goliat—ang prinsipal namin.
Pagbalik sa paaralan, nilapitan ko ang prinsipal. Pinandilatan niya ako. Nanalangin muna ako kay Jehova, saka ko sinabi: “Dumalo po ako sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Hindi na po ako sasaludo sa bandila!” Natigilan ang prinsipal. Dahan-dahan siyang tumayo at lumapit sa akin. Pulang-pula ang mukha niya sa galit. Sinigawan niya ako: “Sasaludo ka, o patatalsikin kita?” Pero hindi na ako nakipagkompromiso, at nakadama ako ng kakaibang kagalakan.
Gustung-gusto ko nang makita si Kuya Ben para ikuwento ang nangyari. Nang makita ko siya sa Kingdom Hall, isinigaw ko sa kaniya: “Pinatalsik po ako sa paaralan! Hindi ako sumaludo sa bandila!” Inakbayan ako ni Kuya Ben, nginitian, at sinabi: “Siguradong mahal ka ni Jehova.” (Deut. 31:6) Napatibay ako nang husto sa sinabi niya! Nabautismuhan ako noong Hunyo 15, 1942.
Natutuhan Kong Maging Kontento
Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, biglang umangat ang ekonomiya, at naging materyalistiko ang mga tao. Nagkaroon ako ng magandang trabaho at nabibili ko na ang lahat ng gusto ko. Nakabili ng motorsiklo ang ilang kaibigan ko; ang iba naman ay nakapagpaganda ng bahay. Nakabili ako ng bagong kotse. Unti-unti nang naging mas mahalaga sa akin ang materyal na mga bagay kaysa sa paglilingkod kay Jehova. Alam kong nalilihis ako ng landas. Mabuti na lang, natulungan ako ng kombensiyon sa New York City noong 1950.
Sa kombensiyong iyon, ang mga dumalo ay paulit-ulit na pinasigla ng mga tagapagsalita na pag-ibayuhin ang
pangangaral. “Pasimplehin ang buhay at sumama sa takbuhan,” ang paghimok ng isang tagapagsalita. Para bang sa akin niya mismo sinasabi iyon. Napanood ko rin ang gradwasyon ng isang klase sa Gilead. Napag-isip-isip ko, ‘Mas pinili ng mga kaedad kong ito na iwan ang maalwang buhay para makapaglingkod sa ibang bansa. Dapat ko ring gawin iyon kahit sa lugar namin.’ Sa pagtatapos ng kombensiyon, desidido na akong magpayunir.Samantala, nagkakamabutihan na kami ni Evelyn Mondak, isang masigasig na sister sa aming kongregasyon. Malakas ang loob ng kaniyang nanay, na nakapagpalaki ng anim na anak. Gustung-gusto nitong mangaral sa harapan ng malaking Simbahang Romano Katoliko. Kahit palayasin siya nang palayasin ng galít na pari, hindi siya natitinag. Manang-mana si Evelyn sa nanay niya. Wala rin siyang takot sa tao.—Kaw. 29:25.
Noong 1951, nagpakasal kami ni Evelyn, nagbitiw sa trabaho, at nagpayunir. Pinasigla kami ng isang tagapangasiwa ng sirkito na lumipat sa Amagansett, isang nayon sa may dalampasigan ng Atlantiko na mga 160 kilometro ang layo mula sa New York City. Sinabi sa amin ng mga kapatid doon na wala silang makuhang tuluyan para sa amin, kaya humanap kami ng treyler pero hindi namin kaya ang mga presyo. Nakakita naman kami ng isang lumang treyler. Siyam na raang dolyar ang benta ng may-ari—ang eksaktong halagang natanggap namin bilang regalo sa kasal. Binili namin ito, inayos, at dinala sa bago naming teritoryo. Pero dumating kami roon nang wala kahit isang kusing. Paano kaya kami makakaraos sa pagpapayunir?
Nagtrabaho si Evelyn bilang tagalinis ng bahay, at ako naman ay tagalinis ng restawran sa gabi. “Kung may matirang pagkain, iuwi mo sa asawa mo,” ang sabi ng may-ari. Kaya kapag umuuwi ako nang alas-dos nang umaga, amoy pizza at pasta ang treyler namin. Tamang-tama ang ininit na mga pagkaing iyon, lalo na kapag taglamig at halos magyelo ang treyler. Kung minsan naman, nag-iiwan ang mga kakongregasyon namin ng malaking isda sa may pinto ng treyler. Sa mga taóng iyon na kasama namin ang mahal na mga kapatid sa Amagansett, natutuhan namin na masaya ang buhay basta kontento na sa mga pangunahing pangangailangan. Napakasaya ng mga taóng iyon.
Napakilos na Gumawa Nang Higit sa Ministeryo
Noong Hulyo 1953, nakasama namin sa internasyonal na kombensiyon sa New York City ang daan-daang misyonerong naglilingkod sa ibang bansa. Nagkuwento sila ng magagandang karanasan. Nakakahawa ang sigasig nila. Kaya nang idiin ng tagapagsalita na maraming bansa ang hindi pa napapaabutan ng mensahe ng Kaharian, alam na namin ang dapat gawin—gumawa nang higit sa ministeryo. Sa mismong kombensiyong iyon, nag-aplay kami para sa pagsasanay bilang misyonero. Nang taon ding iyon, naanyayahan kaming mag-aral sa ika-23 klase ng Paaralang Gilead, na nagsimula noong Pebrero 1954. Napakalaki ngang pribilehiyo!
Tuwang-tuwa kami nang atasan kaming maglingkod sa Brazil. Bago kami magbiyahe nang 14 na araw sakay ng barko, isang tagapangasiwa sa Bethel ang nagsabi sa akin: “Siyam na dalagang misyonera ang makakasama ninyong mag-asawa papuntang Brazil. Bahala na kayo sa kanila!” Nanlaki ang mata ng mga tripulante nang makita akong umaakyat ng barko
kasunod ang sampung babae. Pero hindi naasiwa ang mga sister. Nakahinga lang ako nang maluwag nang makarating kami sa Brazil.Matapos mag-aral ng wikang Portuges, inatasan akong maging tagapangasiwa ng sirkito sa Rio Grande do Sul, isang estado sa timugang Brazil. Ganito ang sinabi sa aming mag-asawa ng binatang tagapangasiwa ng sirkito na papalitan namin: “Hindi ko inaasahan na mag-asawa ang ipapadala rito. Napakahirap ng teritoryong ito.” Magkakalayo ang mga kongregasyon sa napakalawak na lugar na ito, at ang ilan ay mararating lang ng trak. Kung may pagkain ka para sa drayber, papayagan ka niyang umakyat sa trak. Nakaupo kami sa ibabaw ng kargada at nakahawak nang mahigpit sa panali nito na parang nangangabayo. Kapag biglang lumiko ang trak, tumatagilid ang patung-patong na kargada at nakikita namin ang malalalim na bangin, kaya kapit-tuko kami sa mga panali. Pero nang makita namin ang masasayang mukha ng mga kapatid na sabik na naghihintay sa aming pagdating, nawalang lahat ang pagod namin.
Nakitira kami sa bahay ng mga kapatid. Mahirap lang sila, pero bukas-palad pa rin. Sa isang liblib na lugar, ang lahat ng kapatid ay nagtatrabaho sa isang planta na nagpapakete ng karne. Sa liit ng suweldo, isang beses lang sila kung kumain sa isang araw. Kapag hindi sila nagtrabaho sa maghapon, walang suweldo. Pero kung dalaw namin, dalawang araw silang hindi pumapasok sa trabaho para suportahan ang kongregasyon. Nagtitiwala sila kay Jehova. Hindi namin malilimutan ang aral na natutuhan namin sa mapagpakumbabang mga kapatid na iyon—ang pagsasakripisyo para sa Kaharian ng Diyos. Dahil sa paninirahang kasama nila, natuto kami ng mga bagay na hindi namin matututuhan saanmang paaralan. Naiiyak pa rin ako sa tuwing maaalala sila.
Noong 1976, umuwi kami sa Estados Unidos dahil sa aking may-sakit na ina. Mahirap iwan ang Brazil, pero natutuwa na rin kami na nasaksihan namin ang pagsulong ng gawaing pang-Kaharian sa bansang iyon. Sa tuwing makakatanggap kami ng sulat mula sa Brazil, nagbabalik ang masasayang alaala namin.
Masasayang Pagkikita
Samantalang inaalagaan si Inay, nagpayunir kami at nagtrabaho bilang tagalinis. Noong 1980, namatay si Inay nang tapat kay Jehova. Pagkaraan, inatasan akong maging tagapangasiwa ng sirkito sa Estados Unidos. Noong 1990, nang dalawin namin ang isang kongregasyon sa Connecticut, nakita namin ang taong napakaespesyal sa amin—si Kuya Ben, na tumulong sa akin na manindigan para kay Jehova mga 50 taon na ang nakararaan. Elder pala siya sa kongregasyong iyon. Sabik na sabik kaming nagyakapan!
Mula 1996, naglilingkod kami ni Evelyn bilang mga infirm special pioneer sa isang kongregasyon sa wikang Portuges sa Elizabeth, New Jersey. Mahina na ako, pero sa tulong ng mahal kong asawa, nakakapangaral pa rin ako hangga’t kaya ng katawan ko. May isa pang tinutulungan si Evelyn. Isang may-edad nang kapitbahay. Alam mo ba kung sino? Si Ate Bertha—oo, si Ate Bertha na tumulong kay Inay na maging lingkod ni Jehova mahigit 70 taon na ang nakalilipas! Natutuwa kami dahil nasusuklian namin ang ginawa niyang pagtulong sa aming pamilya.
Mabuti na lang at natulungan ako ng tatlong kombensiyong iyon. Nakapanindigan ako sa tunay na pagsamba, napasimple ang buhay ko, at nakagawa nang higit sa ministeryo. Oo, binago ng mga kombensiyong iyon ang buhay ko.
[Larawan sa pahina 23]
Ang nanay ni Evelyn (kaliwa) at ang nanay ko
[Larawan sa pahina 23]
Ang kaibigan kong si Kuya Ben
[Larawan sa pahina 24]
Sa Brazil
[Larawan sa pahina 25]
Kasama si Evelyn sa ngayon