Tunay na Pagkakaibigan sa Daigdig na Salat sa Pag-ibig
Tunay na Pagkakaibigan sa Daigdig na Salat sa Pag-ibig
“Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo, na ibigin ninyo ang isa’t isa.”—JUAN 15:17.
1. Bakit kailangang ingatan ng mga unang-siglong Kristiyano ang kanilang pagkakaibigan?
NOONG huling gabi ni Jesus sa lupa, pinayuhan niya ang kaniyang tapat na mga alagad na ingatan ang kanilang pagkakaibigan. Bago pa nito, sinabi niya na ang pag-ibig nila sa isa’t isa ang magiging palatandaan na sila’y mga tagasunod niya. (Juan 13:35) Kailangan nilang maging malapít sa isa’t isa para makayanan ang darating na mga pagsubok at magampanan ang atas na ibibigay ni Jesus. Kaya naman naging kilala ang mga unang-siglong Kristiyano sa kanilang tunay na pag-ibig sa Diyos at sa isa’t isa.
2. (a) Ano ang determinado nating gawin, at bakit? (b) Anong mga tanong ang ating sasagutin?
2 Napakasaya ngang mapabilang ngayon sa pandaigdig na organisasyon na sumusunod sa halimbawa ng mga unang-siglong Kristiyano! Determinado tayong sundin ang utos ni Jesus na magpakita ng tunay na pag-ibig sa isa’t isa. Gayunman, karamihan sa mga tao sa mga huling araw na ito ay di-tapat at walang likas na pagmamahal. (2 Tim. 3:1-3) Ang pakikipagkaibigan nila ay karaniwan nang mababaw at makasarili. Bilang mga tunay na Kristiyano, hindi tayo dapat magpaimpluwensiya sa gayong pag-uugali. Kaya talakayin natin ang sumusunod: Ano ang pundasyon ng tunay na pagkakaibigan? Paano tayo magkakaroon ng mga tunay na kaibigan? Kailan dapat putulin ang pagkakaibigan? At paano mapananatili ang tunay na pagkakaibigan?
Ano ang Pundasyon ng Tunay na Pagkakaibigan?
3, 4. Ano ang pundasyon ng pinakamatibay na pagkakaibigan, at bakit?
3 Ang pundasyon ng pinakamatibay na pagkakaibigan ay pag-ibig kay Jehova. Sumulat si Haring Solomon: “Kung may makapananaig sa nag-iisa, ang dalawang magkasama ay makapaninindigan laban sa kaniya. At ang panali na tatlong-ikid ay hindi madaling mapatid.” (Ecles. 4:12) Kapag si Jehova ang ikatlong ikid sa pagkakaibigan, magiging matatag ito.
4 Totoo, puwede ring magkaroon ng magandang samahan ang mga hindi umiibig kay Jehova. Pero kung parehong may pag-ibig kay Jehova ang magkaibigan, di-matitinag ang kanilang samahan. Magkaroon man ng di-pagkakaintindihan, pakikitunguhan pa rin ng tunay na magkaibigan ang isa’t isa sa paraang nakalulugod kay Jehova. Sinisikap mang sirain ng mga sumasalansang sa Diyos ang pagkakaibigan ng mga tunay na Kristiyano, hindi sila nagtatagumpay. Sa buong kasaysayan, napatunayan nang handang mamatay ang mga lingkod ni Jehova alang-alang sa kanilang mga kapatid.—Basahin ang 1 Juan 3:16.
5. Bakit gayon na lang katatag ang pagkakaibigan nina Ruth at Noemi?
5 Talaga namang sa bayan ni Jehova ka lang makakahanap ng mga tunay na kaibigan. Tingnan natin ang pagkakaibigan nina Ruth at Noemi—isa sa pinakamagandang halimbawa sa Bibliya. Makikita sa sinabi ni Ruth kay Noemi kung bakit gayon na lang katatag ang kanilang pagkakaibigan: “Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos. . . . Gayon nawa ang gawin sa akin ni Jehova at dagdagan pa iyon kung may anumang bagay maliban sa kamatayan na maghiwalay sa akin at sa iyo.” (Ruth 1:16, 17) Kitang-kita na mahal na mahal nilang dalawa ang Diyos, at ito ang dahilan kung bakit ganoon na lang ang pagmamalasakit nila sa isa’t isa. Bunga nito, pareho silang pinagpala ni Jehova.
Paano Tayo Magkakaroon ng mga Tunay na Kaibigan?
6-8. (a) Paano tumitibay ang pagkakaibigan? (b) Paano mo maipapakitang gusto mong makipagkaibigan?
6 Sina Ruth at Noemi ay hindi awtomatikong naging magkaibigan. Totoo, pareho nilang mahal si Jehova. Pero kailangan pa rin ng pagsisikap at sakripisyo para magtagal ang pagkakaibigan. Kahit nga ang magkakapamilya na sumasamba kay Jehova ay kailangang magsikap para maging malapít sa isa’t isa. Paano ka nga ba magkakaroon ng mga tunay na kaibigan?
7 Ikaw ang mauna. Pinayuhan ni apostol Pablo ang kaniyang mga kaibigan sa kongregasyon sa Roma na ‘sundan ang landasin ng pagkamapagpatuloy.’ (Roma 12:13) Para malakaran ang isang landas, kailangan mong humakbang nang tuluy-tuloy. Sa katulad na paraan, kailangan mong gumawa ng mga hakbang, gaano man ito kasimple, upang masundan ang landasin ng pagkamapagpatuloy. Ikaw mismo ang gagawa ng mga hakbang na iyan. (Basahin ang Kawikaan 3:27.) Halimbawa, puwede kang mag-imbita ng iba’t ibang kakongregasyon mo sa isang simpleng salu-salo. Maaari mo bang ugaliin na maging mapagpatuloy?
8 Puwede mo ring yayain ang iba’t ibang kapatid na sumama sa iyo sa gawaing pangangaral. Hindi ba’t kapag naririnig mo silang nagpapahayag ng kanilang pananampalataya kay Jehova, lalo kang napapalapít sa kanila?
9, 10. Anong halimbawa ang ipinakita ni Pablo? Paano natin siya matutularan?
9 Makipagkaibigan din sa iba. (Basahin ang 2 Corinto 6:12, 13.) Pakiramdam mo ba ay parang wala kang puwedeng maging kaibigan sa inyong kongregasyon? Hindi naman kaya masyado ka lang pihikan? Magandang halimbawa si apostol Pablo sa pakikipagkaibigan. Noong una, wala sa bokabularyo niyang makipagkaibigan sa mga di-Judio. Pero siya ay naging “apostol sa mga bansa.”—Roma 11:13.
10 Bukod diyan, hindi lang sa mga kaedaran niya nakipagkaibigan si Pablo. Halimbawa, naging malapít na magkaibigan sila ni Timoteo kahit magkaiba sila ng kalagayan sa buhay at malaki ang agwat ng edad nila. Sa ngayon, maraming kabataan ang nasisiyahan sa kanilang pakikipagkaibigan sa mga may-edad sa kongregasyon. “May kaibigan ako na mahigit 50 anyos na,” ang sabi ng mahigit 20 anyos lang na si Vanessa. “Hindi ako nahihiyang sabihin sa kaniya ang mga bagay na sinasabi ko rin sa mga kaibigan kong kaedad ko. At talagang mahal na mahal niya ako.” Paano nabubuo ang ganitong pagkakaibigan? Sinabi ni Vanessa: “Sinadya ko talagang makipagkaibigan sa kaniya, hindi ako basta naghintay lang.” Nasubukan mo na bang makipagkaibigan sa hindi mo kaedad? Pagpapalain ni Jehova ang iyong pagsisikap.
11. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa nina Jonatan at David?
11 Maging matapat. “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan,” ang isinulat ni Solomon. (Kaw. 17:17) Nang isulat niya ito, malamang na ang nasa isip niya ay ang pagkakaibigan ni Jonatan at ng kaniyang amang si David. (1 Sam. 18:1) Gusto ni Haring Saul na si Jonatan ang magmana ng trono. Gayunman, tanggap ni Jonatan na si David ang pinili ni Jehova para maging hari. Di-tulad ni Saul, hindi nainggit si Jonatan kay David. Hindi sumamâ ang loob niya kahit si David ang pinapupurihan, ni naniwala man siya sa paninira ni Saul sa kaniyang kaibigan. (1 Sam. 20:24-34) Katulad ba tayo ni Jonatan? Kapag nabigyan ng pribilehiyo ang ating mga kaibigan, natutuwa ba tayo? Kapag may problema sila, nandoon ba tayo para sa kanila? Kapag may tsismis tungkol sa kaibigan natin, agad-agad ba tayong naniniwala o, gaya ni Jonatan, ipinagtatanggol natin sila?
Kailan Dapat Putulin ang Pagkakaibigan?
12-14. Anong hamon ang napapaharap sa ilang estudyante sa Bibliya? Paano natin sila matutulungan?
12 Kapag ang isang estudyante sa Bibliya ay nagkakapit na ng kaniyang natututuhan, baka maging hamon sa kaniya ang kaugnayan niya sa kaniyang mga kaibigan. Baka may mga kaibigan siya na gusto niyang kasama pero hindi namumuhay ayon sa pamantayan ng Bibliya. Marahil, madalas niya silang makasama noon. Pero ngayon, nakikita niyang hindi pala maganda ang ginagawa nila, at kailangan na niyang limitahan ang pagsama sa kanila. (1 Cor. 15:33) Sa kabilang banda, baka naman isipin niyang wala siyang kuwentang kaibigan kung hindi siya makikisama sa kanila.
13 Kung isa kang estudyante sa Bibliya at ganito ang sitwasyon mo, tandaan na ang tunay na kaibigan ay matutuwa sa pagsisikap mong gawin ang tama. Baka nga sumama pa siya sa iyo sa pag-aaral ng Bibliya. Pero ang hindi tunay na kaibigan ay ‘patuloy na magsasalita sa iyo nang may pang-aabuso’ dahil sa hindi mo pagsama sa kaniya sa “pusali ng kabuktutan.” (1 Ped. 4:3, 4) Ang ganitong tao ang hindi tunay na kaibigan, hindi ikaw.
14 Kapag ang mga estudyante sa Bibliya ay iniwan ng mga kaibigang walang pag-ibig sa Diyos, malaki ang magagawa ng mga kapatid sa kongregasyon. (Gal. 6:10) Kilala mo ba ang mga estudyante sa Bibliya na dumadalo sa inyo? Pinapatibay mo ba sila kung minsan?
15, 16. (a) Ano ang gagawin natin kapag huminto na sa paglilingkod kay Jehova ang ating kaibigan? (b) Paano natin mapapatunayan na mahal natin si Jehova?
15 Paano kung ang kaibigan mo ay tumalikod kay Jehova at kailangan siyang itiwalag? Napakahirap ng ganitong sitwasyon. Isang sister na may kaibigang huminto na sa paglilingkod kay Jehova ang nagsabi: “Para akong namatayan. Akala ko, napakatibay ng pananampalataya niya. Naisip ko tuloy na baka pinagbigyan lang niya ang pamilya niya kaya siya naglingkod kay Jehova. Kaya sinuri ko ang sarili ko. Tama kaya ang motibo ko sa paglilingkod kay Jehova?” Ano ang ginawa ng sister na ito? “Humingi ako ng tulong kay Jehova,” ang sabi niya. “Gusto kong ipadama sa Diyos na Jehova na naglilingkod ako sa kaniya dahil talagang mahal ko siya at hindi dahil sa mga kaibigan ko sa organisasyon.”
16 Hindi tayo puwedeng manatiling kaibigan ng Diyos kung kaibigan tayo ng sanlibutan. Sumulat ang alagad na si Santiago: “Hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-alit sa Diyos? Samakatuwid, ang sinumang naghahangad na maging kaibigan ng sanlibutan ay ginagawa ang kaniyang sarili na kaaway ng Diyos.” (Sant. 4:4) Maipapakita nating mahal natin si Jehova kung tapat tayo sa Kaniya at nagtitiwalang tutulungan Niya tayo kapag nawalan tayo ng kaibigan. (Basahin ang Awit 18:25.) Natanto ng sister na binanggit kanina: “Hindi natin mapipilit ang sinuman na mahalin si Jehova o mahalin tayo. Sarili niyang pasiya iyon.” Pero ano ang puwede nating gawin para mapanatili ang matibay na pagkakaibigan sa loob ng kongregasyon?
Paano Mapananatili ang Tunay na Pagkakaibigan?
17. Paano dapat mag-usap ang tunay na magkaibigan?
17 Tumitibay ang pagkakaibigan kapag may mabuting komunikasyon. Mapapansin sa mga ulat ng Bibliya tungkol kina Ruth at Noemi, David at Jonatan, at Pablo at Timoteo na ang tunay na magkaibigan ay nag-uusap nang tapatan at may respeto. Nagpayo si Pablo hinggil sa paraan ng pakikipag-usap sa iba: “Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin.” Ang tinutukoy rito ni Pablo ay kung paano tayo makikipag-usap sa mga “nasa labas,” o sa mga hindi natin Kristiyanong kapatid. (Col. 4:5, 6) Kaya kung ang mga nasa labas ng kongregasyon ay dapat nating kausapin nang may paggalang, gaano pa kaya ang mga nasa loob ng kongregasyon?
18, 19. Ano ang dapat na maging reaksiyon natin kapag pinayuhan tayo ng isang kaibigang Kristiyano? Anong halimbawa ang ipinakita ng mga elder sa Efeso?
18 Mahalaga para sa tunay na magkaibigan ang opinyon ng isa’t isa. Kaya kailangan ang tapatan pero magalang na pag-uusap. Sumulat ang matalinong si Haring Solomon: “Langis at insenso ang nagpapasaya sa puso, gayundin ang tamis ng kasamahan ng isa dahil sa payo ng kaluluwa.” (Kaw. 27:9) Ganiyan ba ang tingin mo sa payo ng kaibigan mo? (Basahin ang Awit 141:5.) Paano kung may napansin sa iyo ang kaibigan mo at pinagsabihan ka niya, ano ang magiging reaksiyon mo? Ituturing mo ba iyon na maibiging-kabaitan o sasamâ ang loob mo?
19 Naging malapít si apostol Pablo sa mga elder sa kongregasyon ng Efeso. Malamang na bago pa lang ang ilan sa kanila sa katotohanan ay kilala na sila ni Pablo. Gayunman, binigyan sila ni Pablo ng matinding payo noong huli nilang pagkikita. Ano ang naging reaksiyon nila? Imbes na sumamâ ang loob ng mga kaibigan ni Pablo, pinahalagahan nila ang pagmamalasakit niya. Tumangis pa nga sila nang malaman nilang baka hindi na sila ulit magkita.—Gawa 20:17, 29, 30, 36-38.
20. Ano ang gagawin ng isang tunay na kaibigan?
20 Ang tunay na kaibigan ay hindi lang nakikinig sa payo kundi nagbibigay rin nito. Siyempre pa, hindi naman tayo dapat makialam sa buhay ng iba. (1 Tes. 4:11) At dapat din nating tandaan na “ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili.” (Roma 14:12) Pero kung kailangan, ipapaalala ng mapagmahal na kaibigan ang pamantayan ni Jehova. (1 Cor. 7:39) Halimbawa, ano ang gagawin mo kung mapansin mong nagkakagusto sa isang di-kapananampalataya ang binata o dalaga mong kaibigan? Hindi mo ba siya papayuhan dahil natatakot kang masira ang inyong samahan? Paano kung hindi siya makinig, ano ang gagawin mo? Ang isang tunay na kaibigan ay lalapit sa mga elder para matulungan ang kaniyang kaibigan bago mahuli ang lahat. Lakasan mo ang iyong loob. Magdamdam man siya sa iyo, lilipas din iyon kung pareho ninyong mahal si Jehova.
21. Ano ang hindi natin maiiwasang gawin kung minsan? Bakit mahalagang panatilihing matibay ang pagkakaibigan sa loob ng kongregasyon?
21 Basahin ang Colosas 3:13, 14. Kung minsan, hindi maiiwasang magkaroon ng “dahilan sa pagrereklamo” ang magkakaibigan. Sumulat si Santiago, “tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit.” (Sant. 3:2) Gayunman, ang tunay na magkakaibigan ay hindi nagbibilangan ng pagkakamali kundi lubusang nagpapatawaran. Napakahalaga ngang patibayin ang ating pagkakaibigan sa pamamagitan ng mabuting komunikasyon at lubos na pagpapatawad! Kung magpapakita tayo ng ganitong pag-ibig, ito ay magiging “isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”
Paano Mo Sasagutin?
• Paano tayo magkakaroon ng mga tunay na kaibigan?
• Kailan dapat putulin ang pagkakaibigan?
• Ano ang kailangan nating gawin para manatiling matibay ang pagkakaibigan?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 18]
Ano ang pundasyon ng matibay na pagkakaibigan nina Ruth at Noemi?
[Larawan sa pahina 19]
Lagi ka bang mapagpatuloy?