Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magpakita ng Kagandahang-Asal Bilang mga Ministro ng Diyos

Magpakita ng Kagandahang-Asal Bilang mga Ministro ng Diyos

Magpakita ng Kagandahang-Asal Bilang mga Ministro ng Diyos

“Maging mga tagatulad kayo sa Diyos.”​—EFE. 5:1.

1, 2. (a) Bakit mahalaga ang kagandahang-asal? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

TUNGKOL sa pagiging magalang, sumulat ang awtor na si Sue Fox: “Hindi puwedeng kalimutan ang kagandahang-asal. Ito’y dapat ipakita saanmang lugar, anumang oras.” Kapag nakaugalian na nating maging magalang, nababawasan at kadalasan nang naiiwasan ang di-pagkakaunawaan. Pero kung hindi tayo magandang makitungo sa iba, mauuwi ito sa di-pagkakaunawaan, hinanakit, at kalungkutan.

2 Sa pangkalahatan, ang mga tunay na Kristiyano ay nagpapakita ng kagandahang-asal. Pero dapat pa rin tayong mag-ingat na huwag maimpluwensiyahan ng masasamang asal na laganap sa ngayon. Tingnan natin kung paano tayo mapoprotektahan ng pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya tungkol sa pagiging magalang at kung paano nito maaakit ang mga tao sa tunay na pagsamba. Para maunawaan kung ano ang nasasangkot sa pagpapakita ng kagandahang-asal, isaalang-alang natin ang halimbawa ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak.

Si Jehova at ang Kaniyang Anak​—Huwaran sa Kagandahang-Asal

3. Bakit isang huwaran ang Diyos na Jehova sa pagpapakita ng paggalang?

3 Ang Diyos na Jehova ay isang sakdal na huwaran sa pagpapakita ng paggalang. Bagaman siya ang Soberano ng buong uniberso, nagpapakita siya ng lubos na kabaitan at paggalang sa mga tao. Sa pakikipag-usap kina Abraham at Moises, ginamit ni Jehova ang Hebreong termino na madalas isaling “pakisuyo.” (Gen. 13:14; Ex. 4:6) Kapag nagkakamali ang mga lingkod niya, si Jehova ay “maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katapatan.” (Awit 86:15) Hindi siya gaya ng ilang tao na nag-iinit sa galit kapag hindi nasunod ang gusto.

4. Paano natin matutularan si Jehova kapag nakikipag-usap sa atin ang iba?

4 Makikita rin ang kabaitan ng Diyos sa pakikinig niya sa mga tao. Nang magbangon ng mga tanong si Abraham tungkol sa mga taga-Sodoma, matiyagang sinagot ni Jehova ang bawat tanong. (Gen. 18:23-32) Hindi Niya inisip na inaaksaya lang ni Abraham ang panahon Niya. Nakikinig si Jehova sa panalangin ng kaniyang mga lingkod at sa daing ng mga nagsisising makasalanan. (Basahin ang Awit 51:11, 17.) Gaya ni Jehova, dapat din tayong makinig kapag nakikipag-usap sa atin ang iba.

5. Kung tutularan natin ang kabaitan ni Jesus, ano ang magiging epekto nito sa kaugnayan natin sa iba?

5 Natutuhan ni Jesu-Kristo sa kaniyang Ama ang kabaitan. Kahit kung minsan ay abalang-abala si Jesus sa kaniyang ministeryo, mapagpasensiya pa rin siya at mabait. Handang tumulong si Jesus sa mga ketongin, pulubing bulag, at iba pang nangangailangan. Hindi niya sila binabale-wala kahit na pumupunta sila nang wala man lang pasabi. Kadalasan, itinitigil niya ang kaniyang ginagawa para tulungan ang mga taong halos wala nang pag-asa. Napakabait ni Jesus lalo na sa mga nananampalataya sa kaniya. (Mar. 5:30-34; Luc. 18:35-41) Bilang mga Kristiyano, sinisikap din nating maging mabait at matulunging gaya ni Jesus. Napapansin ito ng ating mga kamag-anak, kapitbahay, at ng iba pa. Lumuluwalhati rin ito kay Jehova at nagdudulot sa atin ng kagalakan.

6. Paano naging huwaran si Jesus sa pagiging palakaibigan?

6 Tinawag ni Jesus ang mga tao sa kanilang pangalan bilang paggalang sa kanila. Ganiyan din ba ang mga Judiong lider ng relihiyon? Hindi. “Mga taong isinumpa” ang turing nila sa mga walang alam sa Kautusan. (Juan 7:49) Hindi gayon ang Anak ng Diyos. Narinig nina Marta, Maria, Zaqueo, at ng marami pang iba na tinawag sila ni Jesus sa kanilang pangalan. (Luc. 10:41, 42; 19:5) Bagaman iba-iba ang paraan ng pagtawag natin sa mga tao depende sa kultura at kalagayan, sinisikap ng mga lingkod ni Jehova na manatiling palakaibigan. * Iginagalang nila ang kanilang mga kapatid at ang iba pa anuman ang katayuan ng mga ito sa lipunan.​—Basahin ang Santiago 2:1-4.

7. Paano makakatulong sa atin ang mga simulain ng Bibliya para makapagpakita ng paggalang sa ating kapuwa saanmang lugar?

7 Ang Diyos at ang kaniyang Anak ay magandang makitungo sa mga tao anuman ang kanilang lahi o etnikong grupo. Ipinakikita nito na may paggalang sila sa gayong mga indibiduwal. Umaakit din ito sa mga taong umiibig sa katotohanan. Siyempre pa, sa bawat lugar, iba-iba ang kaugalian ng mga tao sa pagpapakita ng kagandahang-asal. Kaya wala tayong mahihigpit na patakaran pagdating sa bagay na ito. Sa halip, ginagabayan tayo ng mga simulain ng Bibliya sa pagpapakita ng paggalang sa ating kapuwa saanmang lugar. Tingnan natin kung paano makakatulong ang kagandahang-asal para maging mas mabisa tayo sa ministeryong Kristiyano.

Batiin at Kausapin ang mga Tao

8, 9. (a) Anong ugali ang maituturing na di-magandang asal? (b) Bakit dapat makaimpluwensiya sa ating pakikitungo sa iba ang sinabi ni Jesus sa Mateo 5:47?

8 Dahil gahol na gahol sa panahon ang mga tao sa maraming lugar, kadalasan nang hindi man lang sila makapagbatian ng “hello” o “kumusta?” Siyempre pa, hindi naman kailangang kausapin ang lahat ng nakakasalubong natin sa daan. Pero maraming ibang angkop na pagkakataon para batiin ang iba. Palabati ka ba o isnabero? Baka hindi natin namamalayan, hindi na pala maganda ang ating inaasal.

9 Pinaalalahanan tayo ni Jesus: “Kung ang inyong mga kapatid lamang ang binabati ninyo, anong pambihirang bagay ang inyong ginagawa? Hindi ba ginagawa rin ng mga tao ng mga bansa ang gayunding bagay?” (Mat. 5:47) Kaugnay nito, isinulat ng konsultant na si Donald Weiss: “Sumasamâ ang loob ng mga tao kapag hindi sila pinapansin. Wala talagang dahilan para hindi batiin ang iba. Simple lang ang remedyo: Batiin ang mga tao. Kausapin sila.” Maganda ang resulta kung lalabanan natin ang tendensiya na maging malayô sa mga tao.

10. Paano makakatulong ang kagandahang-asal para maging mabisa tayo sa ministeryo? (Tingnan ang kahong  “Simulan sa Isang Ngiti.”)

10 Tingnan natin ang karanasan ng mag-asawang Tom at Carol na nakatira sa isang malaking lunsod sa Hilagang Amerika. Bahagi na ng kanilang ministeryo ang pakikipagkuwentuhan sa mga tao sa kanilang lugar. Paano nila ito ginagawa? Kaugnay ng Santiago 3:18, sinabi ni Tom: “Sinisikap naming maging palakaibigan at mapagpayapa. Nilalapitan namin ang mga nasa labas ng kanilang bahay at mga nagtatrabaho sa aming lugar. Nginingitian namin sila at binabati. Ipinakikipag-usap namin ang mga paksang gusto nila​—ang kanilang mga anak, alagang aso, bahay, at trabaho. Sa kalaunan, kaibigan na ang turing nila sa amin.” Sinabi pa ni Carol: “Kapag nakausap namin sila ulit, nagpapakilala kami at tinatanong ang kanilang pangalan. Sinasabi namin ang aming sadya pero hindi kami nagtatagal. Sa bandang huli, nakakapagpatotoo na kami sa kanila.” Marami sa kanila ang nakapalagayang-loob nina Tom at Carol. Marami rin ang tumanggap ng ating mga publikasyon at gustung-gusto ng ilan na matuto ng katotohanan.

Maging Magalang Kahit sa Mahihirap na Sitwasyon

11, 12. Bakit inaasahan na natin ang di-magandang pakikitungo ng mga tao sa ating pangangaral ng mabuting balita? Paano natin ito dapat harapin?

11 Kung minsan, hindi maganda ang pakikitungo sa atin ng iba kapag ipinangangaral natin ang mabuting balita. Inaasahan na natin ito, dahil binabalaan ni Kristo Jesus ang kaniyang mga alagad: “Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo.” (Juan 15:20) Pero kung ang masasakit na salita ng iba ay gagantihan natin ng masasakit ding salita, wala itong magandang patutunguhan. Ano ang dapat nating gawin? Sumulat si apostol Pedro: “Pabanalin ang Kristo bilang Panginoon sa inyong mga puso, na laging handang gumawa ng pagtatanggol sa harap ng bawat isa na humihingi sa inyo ng katuwiran para sa pag-asa na nasa inyo, ngunit ginagawa iyon taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.” (1 Ped. 3:15) Kung mahinahon tayo at magalang sa pagsagot, baka magbago ang saloobin ng mga umiinsulto sa atin.​—Tito 2:7, 8.

12 Paano natin haharapin ang pang-iinsulto ng mga tao sa paraang nakalulugod sa Diyos? Mapaghahandaan ba natin ito? Oo. Nagpayo si Pablo: “Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin, upang malaman kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.” (Col. 4:6) Kung uugaliin nating maging magalang sa ating mga kapamilya, kaeskuwela, katrabaho, kakongregasyon, at kapitbahay, mas magiging handa tayong harapin ang panunuya at pang-iinsulto ng mga tao sa paraang angkop sa isang Kristiyano.​—Basahin ang Roma 12:17-21.

13. Magbigay ng halimbawa na nagpapakitang maaari pang magbago ang saloobin ng mga mananalansang.

13 Maganda ang ibubunga kung magpapakita tayo ng kagandahang-asal kahit sa mahihirap na sitwasyon. Halimbawa, isang Saksi sa Hapon ang tinuya ng may-bahay at ng bisita nito. Magalang na umalis ang brother. Habang nagpapatuloy sa pangangaral, napansin niya sa di-kalayuan na pinagmamasdan siya ng bisitang uminsulto sa kaniya. Nang lapitan ng brother ang lalaki, sinabi nito: “Pasensiya ka na kanina. Ininsulto ka namin pero nakangiti ka pa rin. Paano ko kaya magagawa ’yon?” Nawalan pala ng trabaho ang lalaking ito at kamamatay lang ng kaniyang nanay, kaya naisip niyang hindi na siya magiging masaya. Tinanggap niya ang alok ng Saksi na pag-aaral sa Bibliya. Di-nagtagal, dalawang beses sa isang linggo na siyang nag-aaral.

Ang Pinakamainam na Paraan Para Matuto ng Kagandahang-Asal

14, 15. Paano sinanay ng mga lingkod ni Jehova noong panahon ng Bibliya ang kanilang mga anak?

14 Tinitiyak ng makadiyos na mga magulang noong panahon ng Bibliya na natuturuan nila ng kagandahang-asal ang kanilang mga anak sa tahanan. Isaalang-alang ang magalang na pag-uusap ng mag-amang Abraham at Isaac sa Genesis 22:7. Mahusay rin ang pagsasanay kay Jose ng kaniyang mga magulang. Sa bilangguan, naging magalang siya sa kaniyang mga kapuwa bilanggo. (Gen. 40:8, 14) At alam din niya kung paano dapat makipag-usap sa isang mataas na opisyal na gaya ni Paraon.​—Gen. 41:16, 33, 34.

15 Kasali sa Sampung Utos na ibinigay sa mga anak ni Israel ang utos na ito: “Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos.” (Ex. 20:12) Ang pagpapakita ng kagandahang-asal sa tahanan ay isang paraan para maparangalan ng mga anak ang kanilang mga magulang. Naipakita ng anak ni Jepte ang matinding paggalang sa kaniyang ama nang tuparin niya ang panata nito kahit mahirap itong gawin.​—Huk. 11:35-40.

16-18. (a) Paano matuturuan ng kagandahang-asal ang mga anak? (b) Ano ang ilang pakinabang sa pagtuturo ng kagandahang-asal sa mga anak?

16 Napakahalagang maituro sa ating mga anak ang kagandahang-asal. Para hindi sila kainisan ng mga adulto, kailangang turuan sila kung paano dapat batiin ang mga bisita, sagutin ang telepono, at kumaing kasama ng iba. Ipaunawa rin sa kanila kung bakit dapat magpakita ng kabaitan sa mga may-edad o maysakit, kung bakit dapat pagbuksan ng pinto ang iba, at kung bakit dapat tulungan ang mga may mabibigat na dala. Kailangan nilang makita ang kahalagahan ng bukal-sa-pusong pagsasabi ng “pakisuyo po,” “salamat po,” “wala pong anuman,” “may maitutulong po ba ako?,” at “pasensiya na po.”

17 Hindi naman mahirap turuan ang mga bata. Ang pinakamainam na paraan ay ang magpakita ng mabuting halimbawa. Ipinaliwanag ng 25-anyos na si Kurt kung paanong silang apat na magkakapatid ay natutong maging magalang: “Nakikita namin at naririnig ang mabait na pag-uusap nina Inay at Itay. Mapagpasensiya rin sila at makonsiderasyon sa iba. Bago at pagkatapos ng pulong sa Kingdom Hall, isinasama ako ni Itay kapag nakikipag-usap siya sa may-edad nang mga kapatid. Naririnig ko kung paano niya sila batiin at nakikita ko ang paggalang niya sa kanila.” Sinabi pa ni Kurt: “Nang bandang huli, namana ko na ang ugali niya. Naging natural na sa akin na maging magalang, hindi dahil kailangan ko itong gawin, kundi dahil gusto ko itong gawin.”

18 Ano ang malamang na maging resulta kung tuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak ng kagandahang-asal? Ang mga bata ay madaling makakakuha ng mga kaibigan at makakasundo sila ng iba. Kapag nagtatrabaho na sila, hindi sila mahihirapang makisama sa kanilang amo at mga katrabaho. Bukod diyan, ang mga batang magalang at mabait ay magdudulot sa kanilang mga magulang ng kagalakan.​—Basahin ang Kawikaan 23:24, 25.

Naiiba Dahil sa Kagandahang-Asal

19, 20. Bakit dapat tayong maging determinado na tularan ang ating magandang-loob na Diyos at ang kaniyang Anak?

19 Sumulat si Pablo: “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, bilang mga anak na minamahal.” (Efe. 5:1) Matutularan natin ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak kung ikakapit natin ang mga simulain ng Bibliya, gaya ng mga tinalakay natin sa artikulong ito. Sa paggawa nito, hindi tayo magkukunwaring magalang para lang magpalapad ng papel sa isang nakatataas o makinabang sa materyal.​—Jud. 16.

20 Ngayong malapit nang magwakas ang masamang pamamahala ni Satanas, pursigido siyang burahin ang mga pamantayan ni Jehova sa kagandahang-asal. Pero mabibigo ang Diyablo na sirain ang magandang asal ng tunay na mga Kristiyano. Maging determinado sana ang bawat isa sa atin na tularan ang halimbawa ng ating magandang-loob na Diyos at ng kaniyang Anak. Sa gayon, ang ating pananalita at paggawi ay laging magiging ibang-iba sa paggawi ng mga taong may masasamang ugali. Magdudulot tayo ng kapurihan sa pangalan ng ating Diyos, si Jehova, at maaakit sa tunay na pagsamba ang taimtim na mga tao.

[Talababa]

^ par. 6 Sa ilang kultura, kawalang-galang na basta tawagin ang isang nakatatanda sa kaniyang pangalan malibang ipahintulot niya. Dapat igalang ng mga Kristiyano ang gayong kaugalian.

Naaalaala Mo Ba?

• Ano ang matututuhan natin kay Jehova at sa kaniyang Anak tungkol sa kagandahang-asal?

• Bakit nakakatulong sa atin bilang mga Kristiyano ang pagiging palakaibigan at palabati?

• Bakit nakakatulong ang pagiging magalang para maging mabisa tayo sa ministeryo?

• Paano matuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak ng kagandahang-asal?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon sa pahina 27]

 Simulan sa Isang Ngiti

Maraming tao ang nag-aalangang makipag-usap sa mga hindi nila kilala. Pero dahil sa pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa, sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na matutuhan kung paano pasisimulan ang pag-uusap para masabi nila ang mga katotohanan sa Bibliya. Paano ka magiging mas mahusay sa bagay na ito?

May mahalagang simulain sa Filipos 2:4: “[Ituon] ang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng inyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.” Halimbawa, kung ngayon lang kayo nagkita ng isang tao, hindi pa palagay ang loob niya sa iyo. Ano ang puwede mong gawin? Makakatulong ang matamis na ngiti at palakaibigang pagbati. Pero hindi lang ’yan.

Kapag sinimulan mong makipag-usap sa isang tao, baka naputol mo ang iniisip niya. Kung hindi mo isasaalang-alang ang nasa isip niya at basta mo na lang ipakikipag-usap ang nasa isip mo, malamang na hindi siya makinig. Kaya kung may ideya ka sa iniisip niya, puwedeng iyon ang ipakipag-usap mo. Ganiyan ang ginawa ni Jesus nang kausapin niya ang isang Samaritana sa tabi ng balon. (Juan 4:7-26) Pag-igib ng tubig ang nasa isip ng babae. Iyan ang ipinakipag-usap ni Jesus sa kaniya, at umakay ito sa masiglang pag-uusap sa espirituwal.

[Mga larawan sa pahina 26]

Kung palakaibigan ka, mas madali kang makapagpapatotoo

[Larawan sa pahina 28]

Huwag kalimutang magpakita ng kagandahang-asal