Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Abala at Maligayang Naglilingkod sa Diyos

Abala at Maligayang Naglilingkod sa Diyos

Abala at Maligayang Naglilingkod sa Diyos

GUSTO ni Jehova na maging maligaya ka. (Awit 100:2) Bilang lingkod niya, marahil ay abala ka rin. Hindi ka siguro ganito kaabala nang ialay mo ang iyong buhay sa Diyos. Pero ngayong bautisado ka na, baka nabibigatan ka dahil sa karagdagang pananagutan. Baka nakokonsiyensiya ka pa nga dahil hindi lahat ng plano mong gawin ay nagagawa mo. Paano ka kaya magiging balanse para mapanatili ang iyong “kagalakan kay Jehova”?​—Neh. 8:10.

Nabubuhay tayo sa mga panahong mapanganib at apektado ng maraming panggigipit, kaya mahalagang maging organisado. Makatutulong ang matalinong payo ni apostol Pablo: “Manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng marurunong, na binibili ang naaangkop na panahon para sa inyong sarili, sapagkat ang mga araw ay balakyot.”​—Efe. 5:15, 16.

Kaya paano ka makapagtatakda ng makatotohanang mga tunguhin para mabalanse ang personal na pag-aaral, pangangalaga sa pamilya, pangangaral, trabaho, at iba pang mahahalagang gawain?

Naaalala mo pa ba ang nadama mo nang mag-alay ka ng iyong sarili sa Diyos at magpabautismo? Nakadama ka ng kagalakan dahil natuto ka tungkol kay Jehova at sa kaniyang mga layunin. Baka ilang buwan kang masikap na nag-aral para magkaroon ng ganitong kaunawaan at kagalakan. Pero sulit naman iyon dahil nabago nito ang buhay mo.

Para mapanatili ang iyong kagalakan, kailangan mong patuloy na mag-aral. Kung wala ka nang panahon sa pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya, suriin ang iyong iskedyul. Kung mag-aaral ka at magbubulay-bulay kahit ilang minuto sa isang araw, mas mápapalapít ka kay Jehova, at tiyak na magiging maligaya ka.

Ang karamihan sa mga lingkod ng Diyos ay nakabibili ng panahon mula sa di-gaanong mahahalagang bagay para magamit sa mas mahahalagang gawain. Tanungin ang sarili, ‘Gaano karaming panahon ang ginugugol ko sa pagbabasa ng sekular na mga magasin o diyaryo, panonood ng TV, pakikinig sa musika, o paglilibang?’ Magiging kasiya-siya lamang ang mga ito kung balanse ka. (1 Tim. 4:8) Kung lagi kang nagagahol sa panahon, ayusin mo ang iyong iskedyul.

Sinabi ni Adam, isang elder na may asawa at tatlong anak, kung ano ang nakatulong sa kaniya: “Sinikap kong pasimplehin ang buhay ko. Iniwasan ko ang mga libangang umuubos ng panahon at hindi ako bumibili ng mga pag-aaring mahirap mantinihin. Hindi naman sa pinagkakaitan ko ang sarili ko​—sapat na sa akin ang simpleng libangan.”

Kapag binulay-bulay mo ang magagandang resulta ng iyong mga desisyon, manunumbalik ang kagalakan mo at mananatili kang positibo. Halimbawa, sinabi ni Mariusz, isang elder na may tatlong anak: “Nang mag-aral ako ng Bibliya, lagi na akong positibo. May mga problema pa rin paminsan-minsan, na ang karamihan ay si Jehova lang ang nakakaalam. Pero sa tulong niya, hindi ako nawalan ng pag-asa.”

Gaya ni Mariusz, hindi dahil positibo ka ay hindi ka na mababalisa. Pero mapagagaan nito ang pakiramdam mo at mas makakayanan mo ang mga hamon sa buhay. Mababasa natin: “Ang lahat ng mga araw ng isang napipighati ay masama; ngunit ang may mabuting puso ay laging may piging.” (Kaw. 15:15) Isip-isipin din ang pag-ibig na naipakita na sa iyo ng Diyos. Mapasisidhi nito ang iyong kagalakan at pag-ibig sa kaniya.​—Mat. 22:37.

Kung uunahin mo si Jehova sa iyong buhay, lalong magiging masaya ang inyong pamilya. Kung magpapakita kayo ng mga katangiang Kristiyano, maiiwasan ang alitan at magiging malapít kayo sa isa’t isa. Sa gayon, iiral ang kapayapaan at pagkakaisa sa inyong tahanan.​—Awit 133:1.

Ang pagiging abala sa espirituwal na mga gawain bilang pamilya ay nagdaragdag ng kagalakan. Sinabi ni Mariusz: “Masayang-masaya ako kapag kasama ko ang pamilya ko. Malaking tulong sa akin ang asawa ko. Hangga’t maaari, lagi kaming magkasama sa ministeryo o sa paglilinis ng istadyum bago ang kombensiyon. Sinasamahan din niya ako kapag nagpapahayag sa ibang kongregasyon. Talagang napapatibay ako.”

Ang Kasulatan ay nag-uutos sa mga Kristiyano na paglaanan ng materyal na pangangailangan ang kanilang pamilya. (1 Tim. 5:8) Pero kung nauubos ang iyong panahon at lakas dahil sa trabaho, mawawalan ka ng kagalakan sa paglilingkod sa Diyos. Ipanalangin mo ito kay Jehova. (Awit 55:22) Napag-isip-isip ng ilan na para maging pangunahin sa kanila ang Kaharian ng Diyos, kailangan nilang humanap ng ibang trabaho. Mas mahalaga ang espirituwal na mga bagay, kaya hindi ito dapat ipagpalit ng sinumang Kristiyano sa malaking suweldo.​—Kaw. 22:3.

Makakatulong kung ililista mo ang mga bentaha at disbentaha ng iyong papasukang trabaho o kasalukuyang trabaho. Siyempre pa, masarap magkaroon ng malaking suweldo at magandang trabaho. Pero nakakatulong ba sa espirituwalidad ng iyong pamilya ang iyong kasalukuyang trabaho? Mag-isip kang mabuti, at gawin mong priyoridad ang kaugnayan mo kay Jehova sa paggawa ng desisyon.

Kung nakakahadlang ang trabaho mo sa iyong espirituwal na pagsulong, kailangan mong gumawa ng mga pagbabago. Maraming Kristiyano ang gumawa ng malalaking pagbabago para maasikaso ang espirituwal na mga bagay. Ikinuwento ng isang kapatid sa Poland: “Kinailangan kong umalis sa trabaho dahil palagi na lang akong pinagbibiyahe. Wala akong sapat na panahon para sa espirituwal na mga bagay at sa aking pamilya.” Sa trabaho niya ngayon, mas maluwag na ang panahon niya at hindi pa siya masyadong pagód.

Magalak sa Pagtulong sa Iba

Sinabi ni Jesus na “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Maraming pagkakataon ang mga Kristiyano para magbigay. Kung minsan, nakapagdudulot na ng kagalakan ang isang matamis na ngiti, pakikipagkamay, o taos-pusong pasasalamat sa isa na gumanap ng kaniyang teokratikong atas.

Hinimok ni apostol Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano: “Magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo, alalayan ang mahihina.” (1 Tes. 5:14) Baka nadarama ng mga nanlulumo na hindi nila kayang haraping mag-isa ang mga problema. Matutulungan mo ba sila? Kung may mapansin kang kapatid na nawawalan na ng kagalakan sa paglilingkod kay Jehova, patibayin mo siya. Mapapatibay ka rin sa paggawa nito. May mga problemang hindi kayang lutasin ng tao. Pero puwede mo siyang damayan at payuhang umasa sa tulong ni Jehova. Hinding-hindi mabibigo ang mga umaasa sa Kaniya.​—Awit 27:10; Isa. 59:1.

Puwede mo ring isama sa ministeryo ang isa na parang nawawalan na ng kagalakan. Nang atasan ni Jesus na mangaral ang 70 alagad, isinugo niya sila “nang dala-dalawa.” (Luc. 10:1) Hindi ba’t ito’y para makapagpatibayan sila sa isa’t isa? Puwede ka ring gumawang kasama ng iba sa ministeryo para mapanumbalik ang kanilang kagalakan.

Ang buhay ay punung-puno ng álalahanín. Pero pinapayuhan pa rin tayo ni Pablo: “Magsaya kayong lagi sa Panginoon. Minsan pa ay sasabihin ko, Magsaya kayo!” (Fil. 4:4) Dahil sa pag-ibig mo sa Diyos, pagsunod sa kaniya, at pagsisikap na gawin ang gawaing ibinigay niya sa iyo, nagkaroon ng layunin ang buhay mo. At kagalakan ang dulot niyan. Hindi lang iyan, tinutulungan ka rin ni Jehova na makayanan ang mga panggigipit at problema.​—Roma 2:6, 7.

Naniniwala tayong napakalapit na ng bagong sanlibutang ipinangako ni Jehova. Magdudulot iyan ng kagalakan at maraming pagpapala! (Awit 37:34) Kaya nagagalak tayo anupat hindi kinalilimutan ang napakaraming pagpapalang ibinibigay ni Jehova ngayon pa lamang. Sa gayon, ‘makapaglilingkod tayo kay Jehova nang may pagsasaya.’​—Awit 100:2.

[Dayagram sa pahina 8]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Para makapanatiling masaya, baka kailangan mong ayusin ang iyong iskedyul

PAGLILIBANG

TAHANAN at PAMILYA

TRABAHO

KRISTIYANONG PAGPUPULONG

PERSONAL NA PAG-AARAL

MINISTERYO

[Mga larawan sa pahina 10]

Makakatulong ka ba sa iba na mapanumbalik ang kanilang kagalakan?