Ang Mesiyas! Tagapagligtas Mula sa Diyos
Ang Mesiyas! Tagapagligtas Mula sa Diyos
“Sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin naman kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.”—1 COR. 15:22.
1, 2. (a) Ano ang naging reaksiyon nina Andres at Felipe nang makilala nila si Jesus? (b) Bakit masasabing mas marami tayo ngayong katibayan ng pagiging Mesiyas ni Jesus kaysa sa mga Kristiyano noong unang siglo?
“NASUMPUNGAN na namin ang Mesiyas,” ang sabi ni Andres sa kapatid niyang si Pedro, palibhasa’y kumbinsido siyang si Jesus ng Nazaret ang Pinahiran ng Diyos. Nakumbinsi rin si Felipe kung kaya hinanap niya ang kaibigan niyang si Natanael para sabihin: “Nasumpungan na namin ang isa na isinulat ni Moises, sa Kautusan, at ng mga Propeta, si Jesus, na anak ni Jose, na mula sa Nazaret.”—Juan 1:40, 41, 45.
2 Ikaw, kumbinsido ka ba talaga na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas, ang ‘Punong Ahente ng kaligtasan’ mula kay Jehova? (Heb. 2:10) Mas marami tayo ngayong katibayan ng pagiging Mesiyas ni Jesus kaysa sa mga tagasunod niya noong unang siglo. Mula sa kapanganakan ni Jesus hanggang sa kaniyang pagkabuhay-muli, ang Salita ng Diyos ay nagbibigay ng matibay na patotoo na siya nga ang Kristo. (Basahin ang Juan 20:30, 31.) Ipinakikita rin ng Bibliya na patuloy na tutuparin ni Jesus mula sa langit ang kaniyang papel bilang Mesiyas. (Juan 6:40; basahin ang 1 Corinto 15:22.) Batay sa natutuhan mo sa Bibliya, masasabi mo rin sa ngayon na ‘nasumpungan mo na ang Mesiyas.’ Pero tingnan muna natin kung paano natiyak ng unang mga alagad na iyon na nasumpungan na nga nila ang Mesiyas.
Unti-unting Isiniwalat ang “Sagradong Lihim” Tungkol sa Mesiyas
3, 4. (a) Paano natiyak ng mga alagad noong unang siglo na ‘nasumpungan na nila ang Mesiyas’? (b) Bakit mo masasabing hindi basta nagkataon lang na natupad kay Jesus ang lahat ng Mesiyanikong hula?
3 Paano matitiyak ng mga tagasunod ni Jesus noong unang siglo na siya nga ang Mesiyas? Sa pamamagitan ng mga propeta, unti-unting isiniwalat ni Jehova ang pagkakakilanlan ng darating na Mesiyas. Inihalintulad ito ng isang iskolar ng Bibliya sa pagbuo ng isang estatuwa na gawa sa mga piraso ng marmol. Ipagpalagay nang nagdala ng tig-iisang piraso ng marmol sa isang kuwarto ang maraming lalaking hindi man lang nagkakausap-usap. Kung mabubuo ang isang magandang estatuwa mula sa mga pirasong iyon, tiyak na hindi mo iisiping nagkataon lang ito, kundi may sumukat at tumabas sa mga iyon at ipinadala sa mga lalaki. Gaya ng bawat piraso ng estatuwa, ang bawat Mesiyanikong hula ay nagbibigay ng mahalagang impormasyon tungkol sa Mesiyas.
4 Posible kayang nagkataon lang na matupad sa isang tao ang lahat ng hula tungkol sa Mesiyas? Isang mananaliksik ang nagsabi na pagkaliit-liit ng tsansa na mangyari ito, anupat masasabing napakaimposible. “Si Jesus—at tanging si Jesus lamang sa buong kasaysayan—ang nakagawa nito.”
5, 6. (a) Paano ilalapat ang hatol kay Satanas? (b) Paano unti-unting isiniwalat ng Diyos ang pagmumulan ng ipinangakong “binhi”?
5 Ang Mesiyanikong mga hula ay nakasentro sa isang “sagradong lihim” na binubuo ng maraming bahagi at nagsasangkot sa buong uniberso. (Col. 1:26, 27; Gen. 3:15) Kasama rito ang hatol kay Satanas na Diyablo, “ang orihinal na serpiyente,” na nagsadlak sa mga tao sa kasalanan at kamatayan. (Apoc. 12:9) Paano ilalapat ang hatol na iyon? Inihula ni Jehova na isang “babae” ang magsisilang ng isang “binhi” na susugat sa ulo ni Satanas. Dudurugin ng inihulang “binhi” ang ulo ng serpiyente, anupat aalisin ang sanhi ng rebelyon, sakit, at kamatayan. Pero pahihintulutan muna ng Diyos na sugatan ni Satanas ang sakong ng “binhi” ng babae.
6 Unti-unting isiniwalat ni Jehova kung sino ang ipinangakong “binhi.” Nangako ang Diyos kay Abraham: “Sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.” (Gen. 22:18) Inihula ni Moises na ang isang ito ay magiging “propeta,” at siya’y magiging mas dakila kay Moises. (Deut. 18:18, 19) Tiniyak kay David, at nang maglaon ay pinagtibay ng mga propeta, na ang Mesiyas ay magmumula sa kaniya at magmamana ng kaniyang trono magpakailanman.—2 Sam. 7:12, 16; Jer. 23:5, 6.
Mga Katibayan na si Jesus ang Mesiyas
7. Bakit masasabing nagmula si Jesus sa “babae” ng Diyos?
7 Mula sa kaniyang tulad-asawang organisasyon ng espiritung mga nilalang sa langit, isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak—ang una niyang nilalang—para maging ang ipinangakong “binhi.” Kinailangan ng bugtong na Anak ng Diyos na ‘hubarin ang kaniyang sarili,’ o iwan ang kaniyang makalangit na buhay, at isilang bilang sakdal na tao. (Fil. 2:5-7; Juan 1:14) Ang ‘paglilim’ ng banal na espiritu kay Maria ay garantiya na ang ipanganganak niya ay “tatawaging banal, Anak ng Diyos.”—Luc. 1:35.
8. Paano naging katuparan ng Mesiyanikong hula ang panahon ng pagpapabautismo ni Jesus?
8 Ipinahiwatig ng Mesiyanikong mga hula kung saan ipapanganak at kung kailan darating si Jesus. Gaya ng inihula, ipinanganak siya sa Betlehem. (Mik. 5:2) Noong unang siglo, sabik na sabik ang mga Judio sa pagdating ng Mesiyas kung kaya naisip ng ilan tungkol kay Juan na Tagapagbautismo: “Siya kaya ang Kristo?” Pero sinabi ni Juan: “Ang isa na mas malakas kaysa sa akin ay dumarating.” (Luc. 3:15, 16) Lumapit si Jesus kay Juan para magpabautismo sa edad na 30 noong taglagas ng 29 C.E.—ang eksaktong panahong inihula na ihaharap niya ang kaniyang sarili bilang Mesiyas. (Dan. 9:25) Pagkatapos ay sinimulan na niya ang kaniyang napakahalagang ministeryo, na sinasabi: “Ang takdang panahon ay natupad na, at ang kaharian ng Diyos ay malapit na.”—Mar. 1:14, 15.
9. Kahit na hindi alam ng mga alagad ni Jesus ang lahat ng detalye, ano ang matibay nilang paniniwala?
9 Bagaman tamang ibunyi ng mga tao si Jesus bilang Hari, hindi pa nila lubusang nauunawaan noon na ang kaniyang pamamahala ay sa langit at sa hinaharap pa. (Juan 12:12-16; 16:12, 13; Gawa 2:32-36) Pero nang magtanong si Jesus, “Sino ako ayon sa sinasabi ninyo?” Agad na sumagot si Pedro: “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy.” (Mat. 16:13-16) Ganiyan din ang sagot ni Pedro nang humiwalay ang marami dahil natisod sila sa isang turo.—Basahin ang Juan 6:68, 69.
Makinig sa Mesiyas
10. Bakit idiniin ni Jehova na kailangan nating makinig sa kaniyang Anak?
10 Sa langit, ang bugtong na Anak ng Diyos Juan 16:27, 28) Sinabi niya: “Ang itinuturo ko ay hindi sa akin, kundi sa kaniya na nagsugo sa akin.” (Juan 7:16) Bilang patunay na si Jesus ang Mesiyas, ganito ang iniutos ni Jehova noong magbagong-anyo si Jesus: “Makinig kayo sa kaniya.” (Luc. 9:35) Oo, makinig, o sumunod, sa Pinili ni Jehova. Nangangailangan ito ng pananampalataya at mabubuting gawa—na parehong napakahalaga para mapalugdan ang Diyos at matamo ang buhay na walang hanggan.—Juan 3:16, 35, 36.
ay isang makapangyarihang espiritu. Sa lupa naman, si Jesus ang “kinatawan ng Ama.” (11, 12. (a) Bakit hindi kinilala ng mga Judio noong unang siglo na si Jesus ang Mesiyas? (b) Sino ang nanampalataya kay Jesus?
11 Bagaman napakaraming katibayan na si Jesus nga ang Mesiyas, hindi pa rin siya kinilala ng karamihan sa mga Judio noong unang siglo. Bakit? Dahil mayroon na silang sariling ideya tungkol sa Mesiyas. Halimbawa, inaasahan nilang siya ay magiging pulitikal na lider na magpapalaya sa kanila mula sa paniniil ng mga Romano. (Basahin ang Juan 12:34.) Kaya naman hindi nila matanggap ang Mesiyas na tumupad sa mga hulang siya’y hahamakin, iiwasan ng mga tao, mauukol sa kirot, magkakaroon ng kabatiran sa sakit, at sa dakong huli ay papatayin. (Isa. 53:3, 5) Maging ang ilan sa kaniyang tapat na mga alagad ay umasang ililigtas sila ni Jesus mula sa pananakop ng Roma. Pero kahit hindi niya ito ginawa, nanatili pa rin silang tapat, at nang maglaon, ipinagkaloob sa kanila ang wastong kaunawaan.—Luc. 24:21.
12 Ang isa pang dahilan kung bakit hindi kinilala ng mga tao si Jesus ay ang kaniyang mga turo, na hindi matanggap ng marami. Para makapasok sa Kaharian, kailangan nilang ‘itatwa ang kanilang sarili,’ “kainin” ang laman at dugo ni Jesus, “maipanganak muli,” at ‘hindi maging bahagi ng sanlibutan.’ (Mar. 8:34; Juan 3:3; 6:53; 17:14, 16) Para sa mga mapagmapuri, mayaman, at mapagpaimbabaw, ang mga kahilingang ito ay napakahirap sundin. Pero tinanggap ng mapagpakumbabang mga Judio na si Jesus ang Mesiyas, gaya rin ng ilang Samaritano na nagsabi: “Ang taong ito sa katunayan ang tagapagligtas ng sanlibutan.”—Juan 4:25, 26, 41, 42; 7:31.
13. Paano makasagisag na sinugatan ang sakong ni Jesus?
13 Inihula ni Jesus na siya’y hahatulan ng mga punong saserdote at ibabayubay ng mga Gentil, pero sa ikatlong araw ay bubuhaying muli. (Mat. 20:17-19) Ang hindi niya pagtanggi sa harap ng Sanedrin na siya “ang Kristo na Anak ng Diyos” ay itinuring na pamumusong. (Mat. 26:63-66) Nakita ni Pilato na si Jesus ay ‘walang anumang nagawa na karapat-dapat sa kamatayan,’ pero dahil sa may paratang din ang mga Judio na si Jesus ay nagkasala ng sedisyon, ‘ibinigay siya ni Pilato sa kanilang kalooban.’ (Luc. 23:13-15, 25) Sa gayon ay “itinatwa” nila at pinatay ang “Punong Ahente ng buhay,” sa kabila ng napakaraming katibayan na isinugo siya ng Diyos. (Gawa 3:13-15) Ang Mesiyas ay ‘kinitil’ gaya ng inihula, ibinayubay sa tulos noong Araw ng Paskuwa ng 33 C.E. (Dan. 9:26, 27; Gawa 2:22, 23) Sa malupit na kamatayang ito, sinugatan ang kaniyang “sakong” gaya ng inihula sa Genesis 3:15.
Kung Bakit Kailangang Mamatay ang Mesiyas
14, 15. (a) Ano ang dalawang dahilan kung bakit pinahintulutan ni Jehova na mamatay si Jesus? (b) Ano ang ginawa ni Jesus matapos siyang buhaying muli?
14 May dalawang mahalagang dahilan kung bakit pinahintulutan ni Jehova na mamatay si Jesus. Una, nalutas ang isang mahalagang bahagi ng “sagradong lihim” dahil sa katapatan ni Jesus hanggang kamatayan. Lubusan niyang pinatunayan na kaya ng isang sakdal na tao na panatilihin ang ‘makadiyos na debosyon’ at itaguyod ang soberanya ng Diyos sa kabila ng napakatitinding pagsubok ni Satanas. (1 Tim. 3:16) Ikalawa, gaya ng sinabi ni Jesus, ‘ang Anak ng tao ay dumating upang ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.’ (Mat. 20:28) Ang “katumbas na pantubos” na ito ang naging pambayad sa kasalanan na minana ng mga supling ni Adan at nagbigay ng pag-asang buhay na walang hanggan sa lahat ng tatanggap kay Jesus bilang tagapagligtas mula sa Diyos.—1 Tim. 2:5, 6.
Gawa 1:3-5) Pagkatapos ay umakyat siya sa langit para iharap kay Jehova ang halaga ng kaniyang hain at hintayin ang takdang panahon ng kaniyang pagkanaririto bilang Mesiyanikong Hari. Samantala, marami pa siyang kailangang gawin.
15 Makalipas ang tatlong araw, binuhay-muli si Kristo, at sa loob ng 40 araw ay nagpakita sa kaniyang mga alagad para patunayang buháy siya at para bigyan sila ng karagdagang mga tagubilin. (Pagtupad sa Papel Bilang Mesiyas
16, 17. Isa-isahin ang gagawin ni Jesus bilang Mesiyas pag-akyat niya sa langit.
16 Sa paglipas ng mga siglo mula nang buhaying muli si Jesus, patuloy niyang pinangangasiwaan ang mga gawain ng kongregasyong Kristiyano na pinamamahalaan niya bilang Hari. (Col. 1:13) Pagsapit ng takdang panahon, gagamitin niya ang kaniyang kapangyarihan bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. Pinatutunayan ng mga hula sa Bibliya at ng mga pangyayari sa daigdig na nagsimula noong 1914 ang kaniyang pagkanaririto bilang Hari, gayundin ang “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mat. 24:3; Apoc. 11:15) Di-nagtagal pagkaraan nito, pinangunahan niya ang banal na mga anghel sa pagpapalayas kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo mula sa langit.—Apoc. 12:7-10.
17 Malapit nang sumapit sa kasukdulan ang pangangaral at pagtuturo na pinasimulan ni Jesus noong 29 C.E. Malapit na niyang hatulan ang lahat ng nabubuhay. Pagkatapos ay sasabihin niya sa mga tulad-tupa na tumatanggap sa kaniya bilang tagapagligtas mula kay Jehova: “Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkakatatag ng sanlibutan.” (Mat. 25:31-34, 41) Ang mga hindi kumikilala kay Jesus bilang Hari ay pupuksain kapag pinangunahan na niya ang mga hukbo sa langit laban sa lahat ng masasama. Pagkatapos ay igagapos ni Jesus si Satanas at ihahagis siya at ang kaniyang mga demonyo sa “kalaliman.”—Apoc. 19:11-14; 20:1-3.
18, 19. Ano pa ang gagawin ni Jesus bilang Mesiyas? Ano ang magiging epekto nito sa masunuring sangkatauhan?
18 Sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesus, lubusan niyang gagampanan ang lahat ng kaniyang papel, gaya ng pagiging “Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.” (Isa. 9:6, 7) Sa kaniyang paghahari, magiging sakdal ang mga tao pati na ang mga bubuhaying muli. (Juan 5:26-29) Aakayin ng Mesiyas ang masunuring sangkatauhan sa “mga bukal ng mga tubig ng buhay,” anupat magkakaroon sila ng mapayapang kaugnayan kay Jehova. (Basahin ang Apocalipsis 7:16, 17.) Pagkatapos ng panghuling pagsubok, ang mga rebelde, kasama na si Satanas at ang kaniyang mga demonyo, ay ‘ihahagis sa lawa ng apoy’—ang lubusang pagdurog sa ulo ng “serpiyente.”—Apoc. 20:10.
19 Talagang ganap na tutuparin ni Jesus ang kaniyang papel bilang Mesiyas! Ang paraisong lupa ay mapupuno ng tinubos na sangkatauhan, na mabubuhay magpakailanman taglay ang sakdal na kalusugan at kaligayahan. Mapapawi ang lahat ng upasala sa banal na pangalan ni Jehova, at lubusang maipagbabangong-puri ang kaniyang pagkasoberano. Napakagandang pagpapala ang naghihintay sa lahat ng sumusunod sa Pinahiran ng Diyos!
Nasumpungan Mo Na ba ang Mesiyas?
20, 21. Bakit dapat mong sabihin sa iba ang tungkol sa Mesiyas?
20 Mula 1914, nabubuhay na tayo sa panahon ng pa·rou·siʹa, o pagkanaririto, ni Kristo. Bagaman hindi nakikita ang kaniyang pagkanaririto bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, natutupad naman ang mga hula na nagpapatunay rito. (Apoc. 6:2-8) Pero gaya ng mga Judio noong unang siglo, ipinagwawalang-bahala ng karamihan sa ngayon ang katibayan ng pagkanaririto ng Mesiyas. Gusto rin nila ng isang pulitikal na lider o isa na magmamaniobra sa pulitikal na mga tagapamahala sa lupa. Pero natutuhan mong namamahala na ngayon si Jesus bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. Hindi ka ba natutuwa rito? Gaya ng mga alagad noong unang siglo, naudyukan kang magsabi: “Nasumpungan na namin ang Mesiyas.”
21 Sa ngayon, kapag ipinakikipag-usap mo ang katotohanan, idiniriin mo ba ang papel ni Jesus bilang Mesiyas? Sa paggawa nito, lalo mong mapahahalagahan ang nagawa na niya para sa iyo, ang ginagawa niya ngayon, at ang gagawin pa niya sa hinaharap. Gaya nina Andres at Felipe, tiyak na nasabi mo na sa iyong mga kamag-anak at kaibigan ang tungkol sa Mesiyas. Bakit hindi mo ito gawin ulit nang may pananabik at ipakitang si Jesu-Kristo nga ang ipinangakong Mesiyas, ang tagapagligtas mula sa Diyos?
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Paano natiyak ng mga alagad noong unang siglo na nasumpungan na nila ang Mesiyas?
• Ano ang dalawang mahalagang dahilan kung bakit namatay si Jesus?
• Ano pa ang gagawin ni Jesus bilang Mesiyas?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 21]
Paano matitiyak ng mga tao noong unang siglo na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas?
[Larawan sa pahina 23]
Kapag ipinakikipag-usap ang katotohanan, idiniriin mo ba ang papel ni Jesus bilang Mesiyas?